Nakaligtas Sila sa Isang Delubyo!
Nakaligtas Sila sa Isang Delubyo!
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Switzerland
NOONG Oktubre 2000, nakatanggap ng mga ulat ng pagbaha mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nababad sa tubig ang mga gilid ng bundok dahil sa labis-labis na pag-ulan, na naging dahilan ng mga pagguho ng lupa na tangay-tangay ang lahat ng uri ng bagay at maging mga puno!
Naganap ang gayong kasakunaan sa estado ng Valais sa timugang bahagi ng Switzerland. Ang bahaging ito ng lupain ay nahahati mula hilaga patimog dahil sa Rhône, isang ilog na dumadaloy pakanluran mula sa glacier ng Rhône sa Central Alps hanggang sa Lawa ng Geneva—may distansiyang mga 170 kilometro. Ang tubig mula sa kabundukan na nasa magkabilang panig ng ilog ay dumadaloy pababa sa ilog sa pamamagitan ng maraming sapa na iba’t iba ang laki. Karaniwan namang maayos ang pagdaloy nito. Ngunit kapag bumuhos ang labis na ulan sa buong lugar, madalas na kasunod nito ang kalamidad.
Ganiyan ang nangyari sa Gondo, sa hanggahan ng Italya. Ang nayong ito sa bundok na may 150 naninirahan ay natabunan ng pagguho ng putik at bato na sumira sa malaking bahagi ng nayon. Di-nagtagal, ang ibang bahagi ng Valais ay binaha rin ng malalakas na ulan. Naharangan ang mga daan at riles ng tren, at nagsimulang mapunô ng putik at bato ang mga bahay. Sa ilang lugar, umabot ng apat na metro ang taas ng putik. Napanood ng isang babae kung paano tinabunan ng gumuguhong putik na may taas na 30 metro at may kasamang malalaking bato at punungkahoy ang mismong nayon nila!
Ang mag-asawang Markus at Tabitha ay naninirahan sa Mörel nang maganap ang kasakunaan. “Nagising kami pasado alas 6:00 n.u. dahil sa isang dagundong at pagyanig,” ang naaalaala ni Markus. “Lumabas ako dala ang isang flashlight upang tingnan kung ano ang nangyari, at nagitla ako sa aking nakita. Ang mga bahay at tulay ay nasira ng mga bunton ng bato, at sumalpok ang isang kotse sa bahay ng isang kapitbahay. Sa di-kalayuan, isang mag-asawa na kapitbahay namin ang nakulong sa kanilang tahanan. Tinulungan ko silang makalabas sa isang bintana. Nang makauwi ako, kami ni Tabitha ay may sapat na panahon lamang para kunin ang ilang ari-arian.”
Sina Markus at Tabitha ay mga Saksi ni Jehova, at nakasumpong sila ng kanlungan sa mga kapananampalatayang malayo sa lugar ng panganib. “Bagaman nakatakas kami,” ang sabi ni Markus, “maraming araw na nakadama ng trauma si Tabitha dahil sa pangyayaring iyon.” Ano ang nakatulong sa kaniya na mabata ang traumatikong karanasan? “Ang pakikipagsamahan at suporta ng ating mga kapatid sa pananampalataya,” ang sagot ni Tabitha, na sinasabi pa: “Gayundin ang interes na ipinakita ng marami sa aming pamayanan.”
Naalaala nina Markus at Tabitha ang Kawikaan 18:24, na nagsasabing may “kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” Sa panahon ng kasakunaan, tunay ngang napakahalaga ng gayong mga kaibigan!
[Mapa sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Naapektuhang lugar
Gondo
[Larawan sa pahina 20]
Sina Markus at Tabitha
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Mise à disposition par www.crealp.ch