Kasing-abala ng Pukyutan ng Carniola
Kasing-abala ng Pukyutan ng Carniola
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Slovenia
KILALA ang mga pukyutan sa kasipagan. Ngunit may isang uri na nangingibabaw sa lahat—ang pukyutan ng Carniola. * Ang pukyutan na ito ay isinunod sa pangalan ng distrito ng Carniola, na ngayo’y kanlurang Slovenia. Dati-rati, ang pukyutan na ito ay matatagpuan lamang sa buong Balkan Peninsula at sa malayong hilaga sa Kabundukan ng Carpathian. Ngunit sa ngayon, ang katanyagan ng pukyutan ng Carniola sa mga tagapag-alaga ng pukyutan ay lumaganap na—maging ang mga pukyutan mismo ay nagsipangalat na rin—sa buong mundo.
Bakit nga ba naging gayon kapopular ang pukyutan ng Carniola? Bukod sa nakagagawa ito ng napakaraming de-kalidad na pulot-pukyutan at napakatibay nito sa sakit at sa malamig na lagay ng panahon, ang pukyutan ng Carniola ay mabait at hindi nananakit. Bagaman may tendensiya itong magkulupon—isang katangiang nagpapahirap sa maramihang pag-aalaga ng mga pukyutan—ang inklinasyong ito ay nabawasan sa pamamagitan ng mapamiling pagpapalahi. Subalit ano ba ang katangian ng mga pukyutan ng Carniola anupat nakilala ito sa pagiging mas abala kaysa sa pangkaraniwang pukyutan? Ang isang dahilan ay mas maaga silang umaalis sa kanilang bahay-pukyutan sa umaga kaysa sa iba pang mga pukyutan. Kaya may panahon silang makapag-uwi ng mas maraming nektar na ginagawang pulot-pukyutan, at kaya nilang magdala ng nektar mula sa malalayong lugar.
“Isang Bansa ng mga Tagapag-alaga ng Pukyutan”
May mahaba at kawili-wiling kasaysayan ang pag-aalaga ng pukyutan sa Slovenia. Inilarawan pa nga ng biyologong Sloveniano na si Janez Gregori ang kaniyang mga kababayan bilang “isang bansa ng mga tagapag-alaga ng pukyutan.” Sa katunayan, kilala ang mga Sloveniano bilang ekspertong mga tagapag-alaga ng pukyutan maging noon pa mang ikawalong siglo C.E. Mula nang panahong iyon hanggang noong ika-19 na siglo, ang kanilang mga bahay-pukyutan ay yari sa hungkag na katawan ng mga puno. Ang mga bahay-pukyutan na ito ay kilala sa ilang rehiyon sa Slovenia
bilang korita, o labangan. Gayunman, noong mga ika-15 siglo, nang maimbento ang lagarian, ang mga labangan na yari sa matatandang kahoy ay napalitan ng mga bahay-pukyutan na yari sa mga tabla. Nakatatawang binansagan ang mga ito bilang truge, o mga kabaong, dahil sa kanilang biluhabang hugis.Naging napakahalaga sa ekonomiya ang pag-aalaga ng mga pukyutan dahil sa napakalaking pangangailangan para sa pulot-pukyutan at pagkit anupat natawag nito ang pansin ng mga tagapamahala ng lupain, na nagkaloob sa ilang pinaborang indibiduwal ng pantanging mga karapatan para mag-alaga ng mga pukyutan. Mauunawaan naman ang interes ng pamahalaan dahil ang pagkit ay kailangan sa paggawa ng mga kandila, lalo na’t ginagamit ang mga ito sa mga simbahan at monasteryo, at dahil ang pulot-pukyutan ang tanging pampatamis na makukuha noong panahong iyon. Noong ika-16 na siglo, pagkatapos maitanim sa unang pagkakataon ang buckwheat, na nagsilbing bagong pagkain para sa mga pukyutan kung taglagas, lumaki pa ang produksiyon ng pulot-pukyutan. Di-nagtagal, ang Carniola ay nagluluwas na ng pagkarami-raming pulot-pukyutan at pagkit. Iniulat ng ika-17-siglong iskolar na taga-Carniola na si Valvasor na noong kalagitnaan ng ika-17 siglo, ang Carniola ay nagluluwas ng “libu-libong quintal” ng pulot-pukyutan taun-taon sa rehiyon lamang ng Salzburg, Austria. *
Lumaganap ang Kabantugan ng mga Pukyutan ng Carniola
Sa nakalipas na mga taon, maraming mahahalagang kontribusyon ang naiambag ng Carniola sa siyensiya at sining ng pag-aalaga ng pukyutan. Kasing-aga ng 1770, inatasan ni Emperatris Maria Theresa si Anton Janša, isang katutubo sa Upper Carniola, na maging kauna-unahang instruktor sa pag-aalaga ng pukyutan sa katatatag na paaralan para sa pag-aalaga ng pukyutan sa Vienna, Austria. Pagsapit ng mga huling taon ng ika-19 na siglo, natanto ng mga mananaliksik sa pukyutan na ang malalakas na pukyutan ng Carniola ay nakatutugon sa mga pangangailangan ng mga tagapag-alaga ng pukyutan sa maraming lugar. Sa panahon ding ito tinanggap ng pukyutan ng Carniola ang pangalan nito at nagsimula itong lumaganap sa buong daigdig. Sa katunayan, sa pasimula ng ika-20 siglo, ang Carniola ay nagluluwas ng “mga bahay-pukyutan sakay ng mga bagon ng tren na punung-puno nito,” na ang bawat bahay-pukyutan ay naglalaman ng isang pamilya ng mga pukyutan ng Carniola.
Noong panahon ding iyon, pinangalanang kranjič, o “bahay-pukyutan ng Carniola” ang tradisyonal na bahay-pukyutan na yari sa tabla. Ang lalong kawili-wili sa kranjič ay ang kakaibang sining ng pagpipinta rito noon. (Tingnan ang kahong “Mga Ipinintang Larawan sa Bahay-Pukyutan,” sa pahina 24.) Sa Slovenia sa ngayon, mahigit na 7,000 tagapag-alaga ng pukyutan ang nag-aalaga ng mahigit sa 160,000 bahay-pukyutan. Sa bayan ng Radovljica, mayroon pa ngang isang pantanging museo ng maramihang pag-aalaga ng mga pukyutan, na inialay sa kasaysayan ng pag-aalaga ng pukyutan sa Slovenia.
Isang Popular na Sagisag
Matagal nang itinuturing ng mga Sloveniano ang pukyutan bilang isang sagisag ng kasipagan at praktikal na karunungan. Ang kauna-unahang samahan ng mga siyentipiko sa lugar na kilala ngayon bilang Slovenia, na itinatag noong 1693, ay tinawag na Samahan ng Masisipag, at isinama nito ang pukyutan sa kanilang emblema. Tinawag pa nga ng mga miyembro nito ang kanilang mga sarili na apes, na nangangahulugang “mga pukyutan” sa wikang Latin. Palibhasa’y isa rin itong sagisag ng katipiran para sa mga Sloveniano, ginamit pa ngang sagisag sa pananalapi ang pukyutan. Makikita ang larawan ng pukyutan sa pabalat ng mga libreta sa bangko at sa likod ng ilang barya ng Slovenia.
Naiuugnay ng mga Sloveniano ang kanilang mga sarili sa pukyutan dahil kilala sila bilang masisipag na tao. May kasabihan sa Slovenia, “Pagmasdan mo ang mga pukyutan, at tularan mo sila.” Kaya sa tuwing makakakita ka ng abalang mga pukyutan o makatitikim ng pulot-pukyutan—ang matamis na produkto ng kanilang pagpapagal—marahil ay maaalaala mo ang masisipag na pukyutan ng Carniola.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang pukyutan ng Carniola ay kilala rin bilang gray-banded bee dahil sa nakapaikot na maninipis na abuhing balahibo sa tiyan nito.
^ par. 7 Ang katumbas ng isang quintal ay 100 kilo o halos 220 libra.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]
Mga Ipinintang Larawan sa Bahay-Pukyutan
Sa isang tipikal na alagaán ng pukyutan sa Slovenia, ang mga bahay-pukyutan ay magkakadikit na gaya ng mga drower sa isang parihabang kabinet, na ang maiikling dulo nito ay nasa harapan. Ang sining sa pagpipinta ng mga larawang oleo sa harapan ng mga tabla ng bahay-pukyutan ay lumaganap noong unang mga taon ng ika-18 siglo hanggang noong ika-20 siglo. Bagaman naingatan ang mga 3,000 sampol ng kakaibang uri ng sining na ito, maliit na porsiyento lamang ito ng mga bahay-pukyutan na itinayo at pinalamutian sa loob ng maraming taon.
Nangingibabaw ang relihiyosong mga disenyo sa mga tabla, na naglalarawan ng mga “santo” at mga kuwento sa Bibliya. Subalit kasali rin sa ipinintang mga larawan ang mga hayop at mga taong naghahanapbuhay, kasama ng iba’t ibang kathang-isip at nakatatawang mga tagpo. Ipinakikita ng ilang ipinintang mga larawan ang pampamilyang mga ugnayan. Halimbawa, ipinakikita ng ilang larawan ang dalawang demonyo na gumagamit ng mulyihan para hasain ang dila ng mapanirang-puring babae, samantalang ipinakikita naman ng iba ang isang asawang babae na kinakaladkad pauwi ng bahay ang kaniyang asawa na galing sa isang bahay-aliwan.
Ang mga bahay-pukyutan ay pinapurihan bilang “mga perlas ng kulturang pamana ng Slovenia,” bilang “isang sinaunang ensayklopidiya ng karunungan ng mga tao,” at “marahil ang pinakatunay na sining ng Slovenia.” Subalit ginawa rin ang ipinintang mga larawan para sa kapaki-pakinabang na layunin. Dahil sa napakaraming bahay-pukyutan na nasa iisang lugar, maaaring pumasok ang isang pukyutan sa maling bahay-pukyutan, anupat mapapatay lamang ito dahil sa napagkamalang nanghihimasok. Naniniwala ang mga tagapag-alaga ng pukyutan na ang makukulay at magkakaibang disenyo sa bawat dulo ng mga bahay-pukyutan ay nakatutulong para maakay pabalik ang mga pukyutan sa kanilang sariling bahay-pukyutan.
[Mga larawan]
“Adan at Eva”
“Ipinagbili si Jose sa Ehipto”
“Dumating si Jesus sa Jerusalem”
Isang tipikal na alagaán ng pukyutan sa Slovenia na may tradisyonal na pinintahang mga panel
[Credit Line]
Lahat ng larawan ng mga alagaán ng pukyutan: Z dovoljenjem upravitelja rojstne hiše pisatelja Josipa Jurčiča
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRIA
ITALYA
SLOVENIA
Carniola
CROATIA
DAGAT ADRIATICO
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 22]
Barya ng Slovenia na may larawan ng kilalang pukyutan ng Carniola
[Larawan sa pahina 23]
Kilala ang pukyutan ng Carniola sa pagiging mabait at hindi nananakit
[Larawan sa pahina 23]
Mga “larva”
[Larawan sa pahina 23]
Ang reynang pukyutan na pinalilibutan ng bata pang mga manggagawang pukyutan
[Credit Line]
Foto: Janez Gregori