Ang mga Asukal ng Buhay
Ang mga Asukal ng Buhay
ASUKAL—malamang na ginagamit mo ito para patamisin ang anumang bagay na gaya ng mga keyk at kape. Subalit alam mo ba na ang asukal ay maaaring magpasimula ng isang malaking pagbabago sa biyolohiya, isa na maaaring pumantay sa pagbabagong nagawa ng pagkatuklas sa DNA?
Kamakailan, napag-aralan na ng mga siyentipiko kung paanong ang mga selula ay gumagamit ng mga simpleng asukal na gaya ng glucose upang gumawa ng napakalalaking molekula, “na kapantay ng sukat at pagkamasalimuot ng DNA at mga protina,” ang sabi ng babasahing New Scientist. “Nasasangkot ang mga asukal sa halos bawat aspekto ng biyolohiya, mula sa pagkilala sa mga mikrobyong nagdudulot ng sakit, hanggang sa pamumuo ng dugo, at sa pagpapangyaring maganap ang pertilisasyon.” Kasabay nito, ang mga depekto sa sintesis ng mga asukal ay iniuugnay sa dumaraming sakit na gaya ng muscular dystrophy at rheumatoid arthritis. “Nagsisimula pa lamang maunawaan ng mga biyologo ang sari-saring epekto ng mga asukal na ito sa katawan ng tao,” ang sabi ng ulat, “ngunit bilang resulta, kinakailangan nilang isaalang-alang muli ang dating pinanghahawakang mga ideya hinggil sa kung paano gumagana ang masasalimuot na bagay ng buhay.”
Naimbento ng mga siyentipiko ang salitang “glycome” upang tukuyin ang lahat ng mga asukal na ginagawa ng isang selula o ng isang organismo, kung paanong ang salitang “genome” ay sumasaklaw sa lahat ng kalipunan ng mga gene. Gayunman, ang glycome ng isang selula ay “malamang na mas masalimuot nang maraming libong ulit kaysa sa genome,” ang sabi ni Ajit Varki, direktor ng Glycobiology Research and Training Center sa University of California, sa San Diego, E.U.A. Bakit ba napakasalimuot ng glycome?
Sa loob ng mga selula, ang mga simpleng asukal—mga monosaccharide—ay nagsasama-sama upang bumuo ng mga polysaccharide. Ang mga ito naman ay nagsasama-sama hanggang sa maging pagkalalaking mga molekula, na maaaring maglaman ng mahigit na 200 yunit ng simpleng asukal. Yamang ang mga asukal na ito ay naaayos sa tatluhang-dimensiyon, na mahalaga sa kanilang gawain, “ang isang molekula na binubuo lamang ng anim na yunit ng simpleng asukal ay maaaring magkaroon ng nakagigitlang 12 bilyon na posibleng mga kayarian,” ang sabi ng New Scientist.
Upang ilarawan ang malalaking hamon na napapaharap sa mga mananaliksik sa nabubuong larangang ito na tinatawag na glycobiology, sinabi ni Varki: “Para bang katutuklas pa lamang natin sa kontinente ng Hilagang Amerika. Ngayon ay kailangan nating magpadala ng mga manggagalugad upang malaman kung gaano ito kalaki.”
Maliwanag na ang masasalimuot na mekanismo ng nabubuhay na selula ay nagpapahiwatig ng pinakamataas na uri ng talino. Para sa marami, ang katotohanang ito ay pumupukaw ng mapitagang pagkasindak. Ganiyan ba ang nadarama mo?—Apocalipsis 4:11.