Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkilala sa Malulubhang Sakit sa Pagtulog

Pagkilala sa Malulubhang Sakit sa Pagtulog

Pagkilala sa Malulubhang Sakit sa Pagtulog

KUNG minsan, ang mga sintomas ng isa ay maaaring magpahiwatig ng isang malubhang sakit sa pagtulog. Ang pabalik-balik na insomniya, na tumatagal nang mahigit sa isang buwan, ay kadalasang nauugnay sa mas malulubhang problema, kasali na ang depresyon. Ang pabalik-balik na insomniya ay maaari ring isang sintomas ng malalang sakit sa pisikal.

Sleep Apnea

Si Mario ay nakaranas ng matinding pag-aantok sa araw. Kapag nagmamaneho siya ng sasakyan ng pamilya nila, kailangan siyang bantayang mabuti ng kaniyang asawa, sapagkat sandali siyang nawawalan ng ulirat, na bihira niyang maalaala. Malakas at di-pare-pareho ang paghilik niya gabi-gabi at kung minsan ay napapabalikwas siya, anupat nangangapos ang hininga. *

Si Mario ay may tipikal na mga sintomas ng sleep apnea. Ang apnea ay literal na nangangahulugang “walang hininga.” Ang pasumpung-sumpong na sleep apnea ay maaaring tumagal nang sampung segundo hanggang dalawa o tatlong minuto. Kadalasang pabiling-biling ang biktima na nangangapos ang hininga at pagkatapos ay makakatulog muli, anupat mauulit lamang ang apnea nang daan-daang beses bawat gabi. May tatlong uri ng apnea.

Nangyayari ang central apnea kapag ang sentro ng utak na kumukontrol sa palahingahan ay hindi nag-uutos na huminga nang regular. Sa obstructive sleep apnea, ang nasa bandang itaas na daanan ng hangin sa likod ng lalamunan ay aktuwal na nagsasara, anupat nahaharangan ang pagpasok at paglabas ng hangin. Ang mixed apnea ay ang kombinasyon ng dalawang iyon at pinakakaraniwang nasusuri. Sa dakong huli, ang biktima ng anumang uri ng apnea ay maaaring halos matulad sa kalagayan ng isa na buong magdamag na gising, gabi-gabi!

Maaaring maging mapanganib ang buhay ng mga taong may sleep apnea, sapagkat nawawalan sila ng ulirat habang nasa trabaho o nagmamaneho ng kanilang sasakyan. Maaaring tumaas ang presyon ng kanilang dugo, lumaki ang puso, at mas manganib na maistrok o magkasakit sa puso. Tinataya ni Dr. William Dement ng Standford University na 38,000 Amerikano ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit sa puso bunga ng sleep apnea.

Bagaman mas pangkaraniwan ito sa mga lalaking sobra ang taba na mahigit na 40 taóng gulang, maaari ring mangyari ang sleep apnea sa anumang edad, maging sa maliliit na bata. May ilang paraan ng paggamot​—ang lahat ay dapat subaybayan ng isang medikal na espesyalista sa pagtulog. Ang pinakamabisang paggamot na walang operasyon para sa obstructive sleep apnea ay ang paggamit ng isang aparato na nagpapangyaring maging tuluy-tuloy ang positibong presyon sa daanan ng hangin. Ang maysakit ay nagsusuot ng maskara sa kaniyang ilong kung gabi, at isang pressure regulator (inaayos ng manggagamot alinsunod sa kalagayan ng pasyente) ang naglalabas naman ng tamang dami ng hangin na kailangan para maiwasan ang apnea. Kung hindi nito malunasan ang problema, may ilang paraan sa pag-opera, kasali na ang paggamit ng laser o mga radio-frequency wave para alisin ang sobrang himaymay sa lalamunan.

Narcolepsy

Ang isa pang sakit sa pagtulog na kailangang gamutin ay ang narcolepsy​—isang sakit sa mga nerbiyo na dahilan ng labis na pag-aantok kung araw. Halimbawa, si Buck ay palaging inaantok. Agad siyang nakakatulog, kahit na sa oras ng mahahalagang miting. Sinimulan niyang hawakan ang kaniyang mga susi para kung makatulog man siya, magigising siya ng kalansing ng mga susi kapag bumagsak ito sa sahig. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng cataplexy​—isang sakit na dahilan ng panghihina ng kaniyang mga tuhod at ng pagkahimatay kapag tuwang-tuwa siya. Kasunod nito ay nagkaroon siya ng mga sintomas ng sleep paralysis gayundin ng paminsan-minsang mga halusinasyon bago siya makatulog.

Ang narcolepsy ay karaniwang nagsisimula sa edad na 10 hanggang 30. Kung minsan ang mga nakararanas nito ay nagkakaroon ng tinatawag na automatic behavior (di-sinasadyang paggawi), na para bang sila’y mukhang gumagawi nang normal subalit hindi nila matandaan ang mahahabang oras na lumilipas. Ang kapaha-pahamak sa sakit na ito ay na kadalasang hindi ito nasusuri sa loob ng maraming taon, samantalang itinuturing ang biktima na tamad, mapurol ang ulo, o kakatwa. Sa kasalukuyan, ipinapalagay na hindi ito magagamot, subalit ang mga sintomas ay malulunasan ng mga paggagamot at pagbabago sa istilo ng pamumuhay​—na may iba-ibang antas ng tagumpay. *

Iba Pang mga Sakit sa Pagtulog

Ang dalawang iba pang sakit, na kung minsan ay parehong lumilitaw sa iisang tao, ay tuwirang nakaaapekto sa mga binti at braso, na nagdudulot ng pabalik-balik na insomniya. Ang isa ay ang sakit na pasumpung-sumpong na paggalaw ng biyas, anupat ang mga binti, at kung minsan ang mga braso, ay kumikislot at kumikibot habang natutulog. Isaalang-alang si Michael. Ipinakita ng mga pagsusuri na mga 350 beses siyang nagigising gabi-gabi kapag sumumpong ang paggalaw ng kaniyang binti!

Ang isa pang sakit ay ang restless legs syndrome, * na ang mga pakiramdam sa kaloob-looban ng mga kalamnan ng binti at mga tuhod ang matinding nagtutulak sa isa para igalaw ang mga ito, kaya hindi makatulog ang maysakit. Bagaman ang sakit na ito ay nauugnay kung minsan sa kawalan ng ehersisyo o di-mabuting sirkulasyon ng dugo, ang ilang kaso ay waring nauugnay sa mga pagkain o inuming may caffeine. Napag-alaman din na kung minsan ay pinalalala ng pag-inom ng alkohol ang kalagayang ito.

Ang bruxism ay isang uri ng sakit na kakikitaan ng pagngangalit ng mga ngipin ng isa habang natutulog. Kung lagi itong nangyayari, maaaring maging dahilan ito ng di-normal na pagkasira ng mga ngipin at labis na pagsakit ng panga, na nagbubunga ng malalang insomniya. Depende sa antas ng problema, ang mga paggamot ay nagkakaiba-iba mula sa pagpapaopera sa bibig hanggang sa paggamit ng isang aparato sa gabi para hindi masira ang mga ngipin.

Ipinakikita ng pagsasaalang-alang sa ilan lamang sa maraming sakit na nauugnay sa pagtulog na mapanganib kung ipagwawalang-bahala ang mga ito. Maaaring simple o masalimuot ang paggamot, subalit kadalasang napakahalaga nito. Kung ikaw o ang iyong mahal sa buhay ay nakararanas ng pabalik-balik na insomniya o nakikitaan ng mga palatandaan ng anumang malubhang sakit sa pagtulog, isang katalinuhan na agad na humingi ng tulong sa isang propesyonal. Bagaman hindi lubusang maaalis ng paggamot ang mga sakit, mababawasan nang malaki ang mga panganib na nasasangkot at mas madaling mababata ng lahat ang kalagayan. Pagkatapos, sa hinaharap, habang natutupad ang mga pangako ng Bibliya, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Ang lahat ng sakit ay lubusang maaalis yamang gagawin ng Diyos na “bago ang lahat ng bagay.”​—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3-5.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang di-pare-pareho at malakas na paghilik na nauugnay sa apnea ay hindi dapat ipagkamali sa paminsan-minsan, di-gaanong malakas, at paulit-ulit na paghilik ng maraming natutulog​—na ang pinakamasamang epekto lamang nito ay hindi makatulog ang iba na nasa silid ding iyon.

^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa narcolepsy, tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1991, pahina 19-21.

^ par. 14 Tingnan ang Nobyembre 22, 2000, labas ng Gumising! para sa higit pang impormasyon tungkol sa sakit na ito.

[Larawan sa pahina 10]

Ang paggamot sa mga sakit sa pagtulog ay dapat subaybayan ng isang manggagamot

[Larawan sa pahina 10]

Ang paghilik ay maaaring isang sintomas ng “sleep apnea”

[Larawan sa pahina 11]

Kadalasang naipagkakamali ang “narcolepsy” sa katamaran

[Larawan sa pahina 12]

Makatutulong ang mga aparato na kumukontrol sa presyon sa daanan ng hangin para mapabawa ang “sleep apnea”