Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Taunang Himala sa Namaqualand

Ang Taunang Himala sa Namaqualand

Ang Taunang Himala sa Namaqualand

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

Ang mga bulaklak na may halos lahat ng kulay ay makikita sa lahat ng dako ng malawak na kapatagan. Kadalasang halos hindi mapigilan ng mga bisita ang kanilang kasiyahan kapag napagmasdan nila mismo ang kaganapan ng taunang himala ng Namaqualand. “Sa unang tingin,” ang may-pagkamanghang sinabi ng isang naglalakbay, “ang mga bulaklak ay parang lusaw na lava na dahan-dahang lumalabas mula sa mga bitak ng lupa, anupat pinupuno ng matingkad na kulay-kahel ang lahat ng kasuluk-sulukang mga lugar.”

Ano nga ba ang nagpapangyari na maging kahanga-hanga ang pantanging pamumukadkad ng mga bulaklak na ito kung tagsibol? Ang Namaqualand ay isang napakalawak at tigang na rehiyon sa hilagang-kanluran ng Timog Aprika. Sa likuran ng mga kabundukan sa bandang hilaga, ang Ilog Orange ang hilagang hanggahan ng rehiyong ito. Ang Namaqualand, isang lugar na mas malaki kaysa sa Switzerland (halos 50,000 kilometro kuwadrado), ay umaabot hanggang sa timog na may layong mga 200 kilometro, halos nasa kalagitnaan patungong Cape Town. Halos sa buong taon, ang temperatura sa tigang na lupaing ito ay umaabot hanggang sa kasintaas ng 40 digri Celsius sa araw at bumababa sa pagkalamig-lamig na temperaturang–8 digri Celsius sa gabi. Dahil sa halos walang mga lawa o ilog at limitado ang maalat-alat na tubig mula sa ilalim ng lupa, waring hindi kaakit-akit na lugar ang Namaqualand​—maliban sa kaganapan ng taunang himalang ito!

Taun-taon, pagkatapos na pagkatapos ng pag-ulan, mula sa unang mga linggo ng Agosto hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre, ang pangkaraniwang tigang na kapatagan ng Namaqualand ay biglang namumutiktik sa dami ng mga bulaklak. Namumukadkad sa buong kaparangan ang mga bulaklak na kulay-kahel, dilaw, kulay-rosas, puti, krimson, asul, at purpura. Yamang ilang linggo lamang ang itinatagal ng pagtatanghal na ito sa bawat taon, tumitindi ang pananabik habang naghahanda ang mga bisita mula sa lahat ng panig ng daigdig na masiyahan sa panonood sa napakarami at sari-saring mga bulaklak.

Ang lihim ng tunay na kagila-gilalas na pagtatanghal na ito ay nasa tamang dami ng ulan kasunod ng tamang sikat ng araw. Pagkatapos ay umaasa ang lahat na huwag sanang humihip ang napakainit na hanging silangan, sapagkat madali nitong nilalanta ang bulaklak at pinakukupas ang kulay ng maselang mga talulot.

Ang kahanga-hangang lupain ng Namaqualand ay bunga rin ng saganang pagbibinhi. Gayunman, marami sa mga bulaklak ang hindi tumutubo taun-taon​—inilalabas lamang nila ang kanilang kagandahan sa ilalim ng espesipikong mga lagay ng panahon. Bagaman tumutubo ang ilang binhi pagkalipas lamang ng isang taon, ang iba naman ay hindi lumalaki sa loob ng ilang kapanahunan, anupat naghihintay ng tamang mga kalagayan para tumubo. “Ang ilang binhi,” ang paliwanag ng isang bisita, “ay ipinagsasanggalang ng isang ligtas na proseso na humahadlang sa maagang pagtubo. Sa halip na sumibol kapag bumuhos ang ulan kung mainit ang panahon, ang mga binhing iyon ay tumutubo lamang kapag parehong malamig at mamasa-masa ang kapaligiran​—tamang-tama lamang para tumubo at mabuhay sa tigang na kapaligirang ito.”

Depende sa maselan at tamang mga pag-ulan at kapag walang mainit na hangin, ang bawat taon ay may sarili at pantanging pagtatanghal nito, anupat may mga taon na kakikitaan ng mas kagila-gilalas na mga pagtatanghal kaysa sa ibang mga taon. “Dahil ang ilang uri ng bulaklak ay may sariling temperatura na kailangan para tumubo,” ang paliwanag ng aklat na Namaqualand​—South African Wild Flower Guide, “at ang una at panandaliang mga pag-ulan ay maaaring bumuhos mula Abril hanggang Hulyo (mga buwan na may magkakaibang mga temperatura), iba’t ibang uri ng bulaklak ang tumutubo taun-taon, depende kung kailan unang bubuhos ang ulan.”

Anong pagkakasari-sari nga ng mga bulaklak doon​—mahigit na 4,000 uri, at ang bawat isa ay may sariling hugis, kulay, at paraan ng pagtubo! Sa ilang lugar, makikita ang 10 hanggang 20 iba’t ibang uri ng bulaklak sa isang metro kuwadrado lamang. Walang sinabi ang paleta ng isang pintor sa karingalan ng tanawin. Maging ang pinakamaringal na mga salita ay hindi sapat para ilarawan ang makapigil-hiningang karilagan ng Namaqualand.

Gayunpaman, nagkakaroon ng inspirasyon ang mga pintor, makata, at mga manunulat dahil sa gayong kagila-gilalas na pagtatanghal ng mga bulaklak. “Iyon ang araw ng pinakamalawak na paghahasik ng binhi sa lupa,” ang tuwang-tuwang sinabi ng isang makatang taga-Timog Aprika na si D. J. Opperman, “nang . . . lumusot mula sa supot ng Panginoon ang pinakamaiinam na binhi ng bulaklak.” Ganito ang madamdaming isinulat ng isang tagahanga: “Para bang nagparoo’t parito ang bahaghari sa iláng na disyerto, at saka nagsaboy ng patse-patseng mga kulay sa lahat ng lugar.” Ganito ang may-pagbubulay-bulay na sinabi ng isang bisita: “Ipagpapasalamat ng isa ang nakalilipos na pagkabukas-palad at karunungan ng ating Maylalang, si Jehova, dahil sa gayong walang-katapusang kagandahan.”

Isa pa, ang karilagan ng taunang himala ng Namaqualand ay nagbibigay-katiyakan sa atin na maaaring gamitin ng Maylalang ang gayong biyolohikal na mga pamamaraan para maisauli ang Paraisong mga kalagayan sa buong lupa​—na magdudulot ng walang-hanggang kasiyahan sa kaniyang tapat at mapagpahalagang mga lingkod. (Awit 37:10, 11, 29) Pagkatapos, sa isang malawak na antas, “ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak.”​—Isaias 35:1.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Namumukadkad ang mga bulaklak sa buong kaparangan, na sumasaklaw ng halos 50,000 kilometro kuwadrado