Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Dumagsa ang Eksotikong mga Hayop sa Espanya
“Mahigit na apatnapung uri ng eksotikong mga hayop sa lupa, tubig, at himpapawid, mula sa iba’t ibang bahagi ng planeta ang dumagsa sa Espanya, anupat puminsala nang husto sa katutubong buhay-halaman at hayop,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Kabilang sa talaan ng mga dumagsa ang mga higanteng kanduli mula sa Alemanya, mga green alga mula sa Caribbean, mga monk parakeet mula sa Argentina, at mga mink mula sa Hilagang Amerika. Marami ang dinala sa Espanya upang ipagbili bilang eksotikong mga hayop na maaaring alagaan o upang mapagkakitaan sa ibang paraan. Ang ilan ay tumakas, ang iba naman ay pinakawalan na nang sila’y maging pabigat o hindi na mapakinabangan. “Bukod sa nawalan ng tirahan, ang dumaragsang mga uring ito ang siya ngayong nagiging pangunahing dahilan ng pagkaunti ng katutubong mga uri,” ang sabi ng biyologong si Daniel Sol.
Panlaban sa Kamandag ng Ahas Mula sa Itlog
“Natuklasan ng mga siyentipikong Indian na ang mga itlog ng manok ay maaaring pagmulan ng mga molekulang makagagamot sa mga kagat ng ahas,” ang sabi ng The Times of India. Ang mga manok na may gulang na 12 linggo ay iniiniksiyunan ng isang “di-nakamamatay na dosis ng kamandag sa kalamnan nito” at isa pa muling karagdagang dosis pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong linggo. Pagkaraan ng 21 linggo, magsisimula na silang mangitlog ng mga may antibody na panlaban sa kamandag. Umaasa ang mga mananaliksik na ang mga panlaban sa kamandag mula sa itlog ay maaari nang ipalit doon sa nakukuha sa mga kabayo, “na sumasailalim sa masasakit na pagsusuri upang makakuha ng panlaban sa kamandag ng ahas,” ang sabi ng The Times. Inangkin na ng mga siyentipiko sa Australia ang tagumpay sa bagong teknolohiyang ito na sinubok nila sa mga hayop. Kapag napatunayang mabisa sa tao ang panlaban sa kamandag mula sa itlog, makikinabang nang husto ang India, kung saan 300,000 natutuklaw ng ahas ang iniuulat taun-taon. Sa mga ito, 10 porsiyento ng mga biktima ang namamatay.
Ang Paglipad ng Paruparo
“Napakatagal nang sinisikap ng mga siyentipiko na maunawaan kung bakit eksperto ang mga paruparo sa mabagal na paglipad—anupat nagagawang makalipad nang paali-aligid at paurong o pahalang nang halos walang kahirap-hirap,” ang sabi ng The Independent ng London. Ngayon ay naniniwala ang mga mananaliksik sa Oxford University na natuklasan na rin nila sa wakas ang sekreto ng kulisap na ito. Gamit ang isang pantanging-dinisenyong tunel ng hangin at bahagyang usok upang makita ang takbo ng hangin, inobserbahan nila ang paglipad ng mga paruparong red admiral. Habang pabalik-balik na lumilipad ang mga insekto sa artipisyal na mga bulaklak na nasa tunel ng hangin, nakatutok naman sa kanila ang pagkabibilis na digital na kamera na nagrerekord ng takbo ng hangin sa palibot ng kanilang mga pakpak. Natuklasan ng mga mananaliksik na “ang pagkampay ng mga paruparo ay hindi padaskul-daskol at pamali-maling paglilibot, kundi mga resulta ng pagiging dalubhasa sa napakaraming mekanismo ng aerodynamics.” Umaasa ang mga siyentipiko na magagamit ang kaalamang ito upang makagawa ng de-remote control na eroplano na may mga pakpak na ang sukat ay sampung sentimetro lamang. Kung lalagyan ng isang kamera, ang mga ito’y mapalilipad sa masisikip na lugar bilang de-pakpak na mga tagapagmanman.
Insomniya sa Italya
Noong 2002, mahigit na 600 doktor at hindi lamang 11,000 pasyente ang lumahok sa pinakamalawak na pagsusuri sa insomniya na noon lamang ginanap sa Italya. Nakita sa pagsusuri na mahigit 12 milyong Italyano ang may insomniya, ang sabi ng pahayagang La Stampa. Sa mga sinuri, 65 porsiyento ang nag-aantok sa umaga at 80 porsiyento ang nag-aantok paminsan-minsan sa maghapon, at 46 na porsiyento naman ang hindi makapagtuon ng isip sa trabaho. “Mas delikado ito para sa mga nagmamaneho, yamang ipinakikita na 22 porsiyento sa mga aksidente sa kalye ay dahil sa pag-aantok,” ang sabi ng pahayagan. Ipinakikita rin ng pag-aaral na 67 porsiyento ng mga mayroon nito ang hindi man lamang kumonsulta sa kanilang doktor tungkol sa problema. Sinabi ng tagapag-ugnay ng pag-aaral na si Mario Giovanni Terzano na “di-kukulangin sa 20 porsiyento ng mga may insomniya ang aktuwal na dumaranas nito nang walang makitang dahilan.” Subalit maaaring matuklasan sa pagsusuri ng doktor na ito’y may kinalaman sa pisikal na problema. Kabilang sa iba pang dahilan ng insomniya, ayon kay Terzano, ay ang pagkabalisa (24 na porsiyento), maiigting na pangyayari (23 porsiyento), at depresyon (6 na porsiyento).
Nanganganib Maubos ang Saiga Antelope
“Noong 1993, mahigit na isang milyong saiga antelope ang nagpapagala-gala sa malalawak na damuhan ng Russia at Kazakhstan. Sa ngayon, wala pang 30,000 ang natitira,” ang sabi ng New Scientist. Ang hayop na ito ay naging biktima ng “malaganap na ilegal na pangangaso,” ang sabi sa ulat. “Sinasabi ng mga biyologo na ito ang pinakabigla at pinakamabilis na nakitang pagbaba sa populasyon ng isang malaking mamal.” Bakit nauso ang ilegal na pangangaso? Noong unang mga taon ng dekada 1990, ang mga tagapagtaguyod sa pangangalaga ng kapaligiran na nababahala sa papaubos nang rhino ay nagrekomenda ng sungay ng saiga bilang kapalit ng sungay ng rhino para sa tradisyonal na gamot-Tsino. Palibhasa’y wala nang saiga sa Tsina, ang pinuntirya naman ay ang mga kawan nito sa sentral Asia. Sa loob ng limang taon, (1993-98), halos mangalahati ang bilang ng mga hayop, at pagsapit ng 2002, ang populasyon ay tuluy-tuloy na bumagsak nang 97 porsiyento. Nakita sa Central Kazakhstan ang 99-na-porsiyentong pagbaba. Apat na libo na lamang ang natitirang hayop doon. Si Abigail Entwistle, isang soologo mula sa Flora and Fauna International, ay nagsabi: “Sa palagay namin ay dalawang taon na lamang ang natitira upang iligtas ang uring ito.”
Isip, Emosyon, at Kalusugan
Maaaring ang ating iniisip ay may mas malaking epekto sa katawan natin kaysa sa pinaniniwalaan noon, ang sabi ng isang ulat sa magasing Wprost sa Poland. Dagdag pa nito: “Apektado ng pag-iisip at emosyon ang lahat ng mahahalagang sangkap at sistema ng katawan ng tao: nerbiyo, imyunidad, hormon, sirkulasyon, at reproduksiyon.” Dahil dito, ang sabi ni Propesor Marek Kowalczyk ng Military Institute of Hygiene and Epidemiology sa Warsaw, “ang mga taong namumuhay sa kaigtingan ay makalawang ulit na mas madalas magkaroon ng sipon at trangkaso kaysa sa iba.” At nagiging 50 porsiyento na lamang ang posibilidad na magdalang-tao ang mga babaing may depresyon, ang dagdag niya. Iniulat din sa Wprost na bagaman hindi pinagmumulan ng kanser ang kaigtingan, ito’y “nakapagpapabilis sa paglaki ng nananahimik na kanser.” Nakapipinsala rin sa kalusugan ang galit, sapagkat pinaniniwalaan na ang mga taong agresibo at magagalitin ay mas madalas na magkasakit sa puso, anupat lalo silang nanganganib na atakihin sa puso.
Legal na Pagbebenta ng Garing
Sa loob lamang ng sampung taon, mula 1979 hanggang 1989, mahigit nang kalahati ang ibinaba ng populasyon ng mga elepante sa Aprika. Ang isang dahilan nito ay ang lumalaking pangangailangan sa mga produktong gawa sa kanilang pangil. Ang isa pang dahilan ay ang mabilis na pagdami ng awtomatikong mga sandatang ginagamit ng ilegal na mga mangangaso. Bilang resulta, noong 1989, lubusang ipinagbawal ng Convention on International Trade in Endangered Species (CITES) ang pangangalakal ng garing. Subalit kamakailan, sumang-ayon ang CITES na pahintulutan ang Timog Aprika, Botswana, at Namibia na minsanang magbenta ng umaabot sa 60 toneladang garing, ang pag-uulat ng magasing African Wildlife. Ang mga garing na ito ay kinumpiska sa ilegal na mga mangangaso o kinuha sa mga hayop na kusang namatay. May dalawang ibang bansa na tinanggihang magbenta ng kanilang garing sapagkat “hindi sila makapagbigay ng sapat na garantiya na mapipigilan nila ang ilegal na pagbebenta ng garing,” ang sabi ng artikulo.