Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Diyabetis Taos-puso ko po kayong pinasasalamatan sa seryeng “Ang Buhay ng May Diyabetis.” (Mayo 8, 2003) Pinaglalabanan ko na ang diyabetis mula pa noong ako’y apat na taóng gulang. Inakala ko na imposible na para sa akin ang mga bagay na gaya ng pag-aasawa at pagpasok sa buong-panahong ministeryo, ngunit binigyan ako ng pag-asa ng mga artikulong ito. Ngayon, sa edad na 17, ginagawa ko pong tunguhin ang buong-panahong ministeryo, at gagawin ko ang aking buong makakaya upang maabot ito.
T. A., Hapon
Itinuturing kong lubhang kapaki-pakinabang ang mungkahi sa mga kapamilya at kaibigan na hindi hikayatin ang mga may diyabetis na kumain ng mga pagkaing bawal sa kanila. Napakahirap ang magluto para sa aking pamilya at pagkatapos ay hindi naman ako makakain ng mga pagkaing aking inihanda. Para sa mga walang diyabetis, waring maliit na bagay lamang ito, pero natitiyak ko sa inyo na hindi gayon!
V. N., Italya
Isa akong nars at guro. Simula sa susunod na yugto ng pag-aaral, ituturo ko sa aking mga estudyante ang tungkol sa diyabetis. Madaling maunawaan ang ilustrasyon sa pahina 8 at 9, at gagamitin ko ito sa aking pagtuturo. Salamat sa paglalathala ng pinasimpleng mga artikulo hinggil sa mga paksa sa medisina.
C. B., Pransiya
Salamat sa mga artikulo hinggil sa diyabetis. Wala akong diyabetis, pero ito ang sakit ng aking 14-na-taóng-gulang na kapatid na babae. Nauunawaan ko na ngayon kung ano ang nararanasan ng aking kapatid. Totoo na kailangan kong gumawa ng mga sakripisyo para sa kaniya, ngunit hindi naman ito kasinghirap ng pamumuhay nang may diyabetis!
E.D.M., Italya
Limang taon nang may diyabetis ang aking ina. Madalas akong mag-alala sa kaniyang kalusugan, yamang malayo ang tinitirhan ko. Balak kong padalhan siya ng kopya ng magasing ito. Makatutulong ito kapag wala ako roon.
R. W., Indonesia
Pinsala Nasiyahan ako sa pagbabasa ng “Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay.” (Abril 22, 2003) Tinulungan ako ng artikulong ito kung paano haharapin ang pinsala sa aking likod na mahigit 30 taon na ngayon. Naranasan ko rin ang maraming bagay na naranasan ni Brother Stanley Ombeva. Naaliw akong malaman na tinutulungan ng Salita ng Diyos ang isang tao na manalig kay Jehova.
G. G., Estados Unidos
Talagang humanga ako sa tahasang paglalarawan ni Brother Ombeva sa reaksiyon niya sa kaniyang pisikal na mga kapansanan. Naging mapagpakumbaba ako nang matanto ko kung gaano kaliit ang aking mga problema kung ihahambing sa kailangan niyang harapin. Tinulungan ako ng artikulong ito na magtuon ng pansin sa mga pagpapalang tinatamasa ko.
S. C., Canada
Kamangha-mangha! Iyan ang salitang dapat kong gamitin upang ilarawan ang artikulong ito. Hindi ko ito maibaba. Talagang nakapupukaw ng kaisipan na makita kung paano naging lalong mahalaga kay Brother Ombeva ang mga Kasulatan nang panahong kailangang-kailangan niya ang mga ito. Iyan ang tutulong sa akin na magkaroon ng higit na empatiya kapag tumutulong sa iba.
R. G., Estados Unidos
Napasigla akong malaman na kahit ang isang Kristiyano na naglilingkod bilang matanda sa kongregasyon ay nakadarama ng galit at natatanto na kailangan ng panahon upang harapin ang kalagayang kagaya nito. Inilahad ni Brother Ombeva na kahit sa pinakamatindi niyang kapighatian, hindi siya kailanman pumalya sa ministeryo. Determinado ako na gayundin ang gawin.
M. K., Hapon
Maraming beses akong nahulog noong bata pa ako kaya nagdurusa ako ngayon. Palaging may masakit sa akin, nahihirapan akong lumakad, at labis akong nanghihina. Nagiging miserable ako dahil sa mga limitasyon ko sa ministeryong Kristiyano. Ngunit natulungan ako nang mabasa ko kung paano hinarap ni Brother Ombeva ang kaniyang problema. Maraming salamat sa inyo!
E. E., Estados Unidos