Ligtas na Kumpunihin ang Iyong Sasakyan
Ligtas na Kumpunihin ang Iyong Sasakyan
Alam ni Kevin mula sa karanasan kung paano palitan ang langis ng kaniyang sasakyan. Alam niya kung paano alisin ang “drain plug” sa “oil pan,” tanggalin ang langis sa “crankcase,” ibalik ang “drain plug,” at higpitan ito. Ngunit isang araw, habang mahigpit na ipinipihit ni Kevin ang kaniyang liyabe, dumulas ito mula sa pagkakakapit sa tornilyo. Tumama ang kamay ni Kevin sa isang matalas na piraso ng metal at lubhang nahiwa ang kaniyang kamay anupat kinailangan itong tahiin.
KAGAYA ni Kevin, maraming tao ang regular na nagkukumpuni ng kanilang sasakyan—para sa ilan, upang makabawas ng gastusin. Ngunit may iba pang mga pakinabang ang pagkatuto ng pangunahing mga bagay hinggil sa pagmamantini at pagkukumpuni. “Minsan, noong nagbiyahe ako nang malayo, may nasira sa sasakyan ko,” ang sabi ng babaing nagngangalang Kathy. “Dahil natuto akong magkumpuni ng aking sasakyan, naayos ko ito at nagpatuloy ako sa aking paglalakbay.”
Marahil ay nais mo ring mantinihin at kumpunihin ang iyong sasakyan. Ngunit paano mo ito magagawa nang ligtas?
Mag-isip Nang Patiuna!
Dapat na ang unang priyoridad mo ay kaligtasan. * Gaya ng inilalarawan ng nangyaring pinsala kay Kevin, madali kang masasaktan kung gumagawa ka sa masisikip na lugar o kapag nag-uukol ka ng puwersa sa isang kagamitan. Paano mo maiiwasan ang pinsala? Kapag hinihigpitan mo ang isang tornilyo sa pamamagitan ng liyabe, tiyaking mahigpit ang pagkakakapit ng kagamitan sa tornilyo. Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Kapag dumulas ang kagamitan, saan tatama ang kamay ko?’ Ang pagsusuot ng guwantes o pagbabalot ng basahan sa iyong kamay ay makapaglalaan ng proteksiyon sa paanuman. Upang makontrol mo ang iyong puwersa, pihitin mo ang kagamitan papunta sa iyo sa halip na palayo kung posible. Gayundin, kapag niluluwagan mo ang isang mahigpit na tornilyo, dapat na ang tunguhin mo ay pihitin lamang ito nang mga sangkapat ng isang ikot sa bawat pagpihit. Ang mga simulaing ito ng patiunang paghahanda at ng kontrol ay palaging kapaki-pakinabang. Huwag mong ipagwalang-bahala ang mga ito dahil lamang sa pagmamadali!
Madalas na nangyayari ang mga aksidente kapag pinipilit ng isang tao na gamitin ang isang kagamitan sa ibang bagay
sa halip na sa talagang gamit nito. Halimbawa, nahihirapan si Tom na palitan ang mga spark plug ng kaniyang sasakyan. Bakit? Masyadong maikli ang kaniyang socket wrench, at palagi itong dumudulas sa unang spark plug. Sa wakas, ikinabit ni Tom ang extension sa pagitan ng socket at ratchet. Pagkatapos ay napalitan niya ang limang natitirang spark plug na katumbas ng panahong ginugol niya sa pagpapalit ng unang spark plug—at ginawa niya ito nang ligtas! Ang aral? Mahalaga ang pagkakaroon ng tamang kagamitan.Ang nakapipinsalang bagay ay maaaring pumasok sa iyong mata habang gumagawa ka sa ilalim ng iyong sasakyan o kapag nakatingala ka samantalang nasa ilalim ng dashboard. Paano ito maiiwasan? “Magsuot ng isang uri ng proteksiyon sa mata, gaya ng goggles,” ang sabi ni Sean, na nagtrabaho bilang mekaniko sa loob ng mahigit na sampung taon. “Sa talyer na pinagtatrabahuhan ko,” ang sinabi pa niya, “ang paggamit ng gayong kagamitang pangkaligtasan ay isang kahilingan.” Dapat ka ring magsuot ng proteksiyon sa mata kapag gumagawang malapit sa mapanganib na mga likido, kagaya ng asido ng batirya.
Kapag gumagawa naman sa ilalim ng iyong sasakyan, palaging gumamit ng naaangkop na jack stand, kasangkapang pang-angat ng sasakyan, o isang matatag na hukay para sa pagkukumpuni. Huwag pupunta sa ilalim ng sasakyan na jack lamang ang nakasuporta. Ipinakikita ng owner’s manual ng ilang sasakyan kung saan dapat ilagay ang mga jack at jack stand upang bigyan ng sapat na suporta ang sasakyan. Subalit dapat mong mabatid na ang biglaang puwersa—kagaya ng puwersa kapag niluluwagan
ang isang napakahigpit na tornilyo—ay maaaring maging dahilan upang dumulas ang sasakyan mula sa mga suporta nito.Pag-iwas sa Di-inaasahang mga Panganib
Ang ilang bahagi ng iyong sasakyan ay maaaring maging napakainit at nakapapaso kapag hinawakan mo ang mga ito. Halimbawa, ang tubig sa loob ng radyetor ay nananatiling mainit nang medyo matagal-tagal pagkatapos na patayin ang makina. Kaya huwag mo munang alisin ang takip ng radyetor hangga’t hindi ito lumalamig sa punto na puwede mo na itong hawakan. Sa ilang sasakyan, ang bentilador ng radyetor ay pinatatakbo ng kuryente at kusang umaandar—kahit na pagkatapos patayin ang makina. Upang maiwasan ang pinsala, alisin sa koneksiyon ang kawad na pang-ground mula sa batirya bago ka magsimulang gumawa.
Kapag ginagawa mo ang iyong sasakyan, hubarin mo ang mga singsing at alahas, lalo na kapag tumatakbo ang makina. Bukod pa sa baka sumabit ang mga ito sa nakausling mga bahagi, ang metal na alahas ay maaaring maging sanhi ng short circuit sa kuryente at maging napakainit! Ang maluluwang na manggas gayundin ang mga kurbata, mga bandana, at kahit ang mahabang buhok ay maaaring masalabid sa tumatakbong mga bahagi ng makina.
Kahit na sa palagay mo ay tapos na ang iyong trabaho, may isa pang kahuli-hulihang tuntunin na dapat sundin. “Palaging suriin nang isa pang beses ang iyong ginawa,” ang sabi ni Dirk, isang service adviser ng isang abalang talyer. “Minsan,” ang patuloy niya, “nalimutan ng isang mekaniko na gawin ito pagkatapos ayusin ang mga preno. Pumalya ang mga preno, at tumakbo ang sasakyan patungo mismo sa mesa ko!”
Pagharap sa mga Kagipitan
Isang araw, napansin ni Tom na nag-overheat ang kaniyang sasakyan. Nabutas ang isang hose, at lumabas ang tubig ng radyetor. Ginagamit ang isang rolyo ng duct tape na itinatago niya sa sasakyan, pansamantalang nakumpuni ni Tom ang sasakyan sa pamamagitan ng pagteteyp sa hose at pagbubuhos ng pinaghalong antifreeze at tubig sa radyetor. Pagkatapos, nagpunta siya sa isang tindahan ng mga piyesa ng sasakyan upang bumili ng bagong hose. Inilalarawan ng karanasan ni Tom ang pangangailangan na maging handa sa pamamagitan ng pagtatago ng mga bagay na pangkumpuni sa iyong sasakyan.
Habang nagmamaneho, maging alisto sa anumang kakaibang ingay o amoy. Napansin ni Yvonne ang isang kakaibang amoy mula sa makina ng kotse. Binuksan ng kaniyang asawa ang hood at nakitang sumisirit ang antifreeze mula sa isang maliit na butas sa itaas na bahagi ng hose ng radyetor. Dahil nakita ang problema bago pa mag-overheat ang sasakyan, nadala ni Yvonne at ng kaniyang asawa ang sasakyan sa isang talyer.
Ano ang dapat mong gawin kapag tumirik ang iyong sasakyan sa haywey? Una, sikaping itabi sa kalsada ang iyong sasakyan hangga’t maaari. Ang mga pasahero, lalo na ang mga bata, ay dapat manatili sa loob ng sasakyan nang nakasuot ang seat belt. Kung kailangan mong lumabas ng sasakyan, tumayo sa lugar na malayo sa trapiko hangga’t maaari. Buksan ang mga emergency light. Iwan mong nakabukas ang hood upang ihudyat na nasiraan ka ng sasakyan. Maingat na maglagay ng mga early warning device o ng iba pang mga bagay na maghuhudyat sa dumarating na mga motorista.
Kung nadiskarga ang batirya ng iyong sasakyan, baka gusto mong i-jump ang iyong batirya sa tulong ng ibang sasakyan. Pero dapat mong malaman na ang mga batirya ng sasakyan ay naglalabas ng gas na napakadaling magliyab. Ang isang kislap ay maaaring magpasiklab sa gas na ito, anupat mapasasabog nito ang nakapipinsalang asido. Kaya kung ikaw o ang taong tumutulong sa iyo ay hindi nakatitiyak kung paano mag-jump ng batirya, maghintay ng tutulong sa inyo.
Gaya ng nakita natin, ang pagmamantini ng sasakyan ay isang seryosong pananagutan. Ginagawa mo man ang iyong sasakyan dahil nagkaroon ng kagipitan o para mantinihin lamang ito, palaging tandaan: Napakahalaga ng pagiging palaisip sa kaligtasan!
[Talababa]
^ par. 6 Kung gagawin mo ang isang bagay sa unang pagkakataon, sikaping kumuha ng kopya ng repair manual ng iyong sasakyan o magtanong sa isang makaranasang kaibigan para tulungan ka. Kung ang iyong sasakyan ay may mga bahaging computerized o makabago ang teknolohiya, makabubuting dalhin ang iyong sasakyan sa isang mekaniko na may kinakailangang kagamitan at karanasan upang kumpunihin ito.
[Blurb sa pahina 21]
Madalas na nangyayari ang mga aksidente kapag pinipilit ng isang tao na gamitin ang isang kagamitan sa ibang bagay sa halip na sa talagang gamit nito
[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]
Mga Bagay na Dapat Itago sa Iyong Sasakyan
▪ Reserbang gulong at jack
▪ Mga jumper cable
▪ Mga flare o reflector (early warning device)
▪ Mga kagamitan at goggles
▪ Flashlight
▪ Ekstrang mga lalagyan ng likido (langis, tubig, antifreeze [o coolant], brake fluid)
▪ Duct tape
▪ Reserbang mga fuse
▪ Taling panghila ng sasakyan (Pansinin: Sa ilang lugar, baka isang kahilingan ng batas na isang lisensiyadong wrecker lamang ang maaaring humila ng iyong sasakyan)
▪ Kahon para itago ang mga kagamitan sa maayos na paraan at upang panatilihing nakatayo ang mga lalagyan
Baka nais mong magdala ng karagdagang mga kagamitang pangkumpuni. Gayunman, ang ilang automobile club na naglalaan ng serbisyong pangkagipitan sa daan ay hindi pumapayag na gawin ang isang tumirik na sasakyan kapag sinimulan nang ayusin ng mismong may-ari ang sasakyan. Kung miyembro ka ng isang automobile club, alamin kung anong uri ng pagkukumpuni ang ipinahihintulot.