Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nabigo ang Pagnanakaw Dahil sa Internet
Isang lalaki sa Uruguay na nagngangalang Mauricio ang nakikipag-usap sa kaniyang kaibigan sa Brazil sa pamamagitan ng kamera ng computer sa Internet (webcam) nang pinutol ng kaniyang kaibigan ang kanilang pag-uusap sa video upang pagbuksan ang kumakatok sa pinto. Maya-maya, dalawang di-kilalang lalaki ang tumambad sa iskrin ng computer ni Mauricio, at ang isa sa mga lalaki ay may dalang baril. Natakot si Mauricio nang makita niyang kinukuha ng mga magnanakaw, na walang kamalay-malay na sila’y pinanonood sa malayo, ang mahahalagang pag-aari ng kaniyang kaibigan. Nang matanto niya kung ano ang nangyayari, tinawagan ni Mauricio ang isang kamag-anak sa São Paulo. Tinawagan naman ng kaniyang kamag-anak ang mga pulis, na pumalibot sa bahay. Pagkatapos ng tatlong oras na pangho-hostage, sumuko ang mga magnanakaw sa mga pulis nang wala namang nasaktan.
Ang Agwat sa Pagitan ng Tao at ng mga Unggoy
Isang kamakailang pag-analisa sa DNA ng mga chimpanzee at oranggutan, gayundin ng ilang uri ng unggoy at macaque, ang nagsiwalat na ang kanilang henetikong kayarian ay hindi katulad ng henetikong kayarian ng tao na siyang dating inaakala ng mga siyentipiko. “Malalaking pagkakaiba sa DNA, hindi maliliit na pagkakaiba, ang nagbubukod sa mga bakulaw at unggoy mula sa mga tao at sa isa’t isa,” ang sabi ng magasing New Scientist ng Britanya. “May malalaking kakulangan at karagdagan sa buong chromosome,” ang paliwanag ni Kelly Frazer ng Perlegen Sciences, ang kompanya sa California, E.U.A., na gumawa ng pag-analisa. Inilalarawan ng New Scientist ang mga pagkakaiba bilang isang “napakalaking agwat [na] naghihiwalay sa atin mula sa mga unggoy.”
Nawawalang mga Kamag-anak
Libu-libong pamilya sa buong daigdig ang hindi nakaaalam kung nasaan ang kanilang mga kamag-anak na nawala sa panahon ng digmaan o kaguluhan sa isang bansa. Pinagtuunan ng pansin kamakailan ng isang komperensiya sa Geneva, Switzerland, na may temang “Ang mga Nawawala,” ang kalagayan ng mga pamilya ng nawawalang mga kamag-anak, ayon sa ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung ng Alemanya. Ayon kay Sophie Martin, pinuno ng Missing Persons Project of the International Committee of the Red Cross, “maaaring manatili ang pagkabalisa sa mga [kapamilya] sa loob ng maraming taon pagkatapos na humupa ang alitan.” Sa maraming kaso, nadarama ng mga pamilya ng mga biktima na sila’y “hindi makapamuhay nang payapa o makapagpasimula sa proseso ng paggaling.” Ang dating nag-aaway na mga grupo ay kadalasan nang bantulot na makipagtulungan para hanapin ang nawawalang mga tao. Maaaring ang mas malaking dahilan ay hindi dahil sa kawalang-kakayahan kundi dahil sa talagang ayaw nilang gawin ito. Gaya ng tinukoy ng isang eksperto, ang pagsisiwalat sa katotohanan hinggil sa kamatayan ng mga nawawalang tao ay maaaring magsiwalat sa mga kalupitang naganap sa panahon ng digmaan.
Mga Sanggol na Pinasuso sa Ina—Mas Matatalino at Mas Malulusog
“Sa halos 4000 bata sa Brisbane na kanilang pinag-aralan, nasumpungan ng mga mananaliksik sa Queensland na sa pangkalahatan, mas matataas ang IQ ng mga pinasuso sa ina,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng Sydney, Australia. Sinabi ni Propesor Jake Najman ng University of Queensland: “Miyentras mas matagal na pinasuso ng ina ang bata, mas matalino ang bata. Malaki ang kalamangan ng mga pinasusong bata, mga walong puntos na IQ, na isang malaking bentaha. Ang pagkakaibang ito ay katumbas ng pagkakaiba ng isang batang may katamtamang talino at ng isang bata na talagang matalino.” Ang isa pang posibleng bentaha ng pagpapasuso ay na maaaring maging salik ito para mabawasan nang halos 30 porsiyento ang panganib ng bata na maging sobrang taba, ang sabi ng isang ulat sa Sunday Telegraph ng Sydney. Ayon sa kasangguni hinggil sa pagpapasuso na si Joy Heads, “kakaunting sustansiya ang hindi napapakinabangan sa gatas ng ina, anupat halos nagagamit ang lahat ng nutriyente. Walang problema kahit magkaroon ka ng isang malaki at matabang sanggol na pinasususo. Ngunit ang isang matabang sanggol na pinasususo sa biberon ay may mas malaking tsansa na maging sobrang taba paglaki niya.”
Napakalayong mga Tawag Para sa Customer Service
Isang tao sa Philadelphia, sa Estados Unidos, ang tumawag sa isang lokal na numero para sa customer service. Bagaman sinasabi ng sumagot na kabataang babae na siya ay si Michelle, ang tunay na pangalan niya’y Meghna, at siya ay nasa India, na ang oras ay hatinggabi. Ang mga sentro ng pagsagot ng telepono sa India ay may mahigit sa 100,000 empleado na humahawak ng maraming operasyon sa “malalayong tanggapan” ng mga kompanya sa ibang bansa, gaya ng American Express, AT&T, British Airways, Citibank, at General Electric. Ang dahilan ng paglipat ng trabahong ito sa India ay ang abot-kayang singil sa internasyonal na mga tawag kasama na ang maraming edukado at nagsasalita-ng-Ingles na manggagawa ng India, “na ang sahod ay mas mababa nang 80 porsiyento kung ihahambing sa sahod ng mga manggagawa sa kanluran,” ang ulat ng magasing India Today. Upang magsalita na parang Amerikano hangga’t maaari, ang mga operator na kagaya ni Meghna ay sinasanay sa loob ng maraming buwan, kasama na ang “panonood ng mga sikát na pelikula ng Amerika upang matutuhan ang iba’t ibang punto ng mga Amerikano.” Sinasabi pa nga ng computer ni Meghna ang lagay ng panahon sa Philadelphia, para may masabi si Meghna hinggil dito. At nagpapaalam siya sa pagsasabing: “Have a good day [Magandang araw sa iyo].”
Sistema ng mga Tubo sa Ilalim ng Dagat
Dalawang bulkan sa ilalim ng dagat na natuklasan malapit sa baybayin ng Isla ng Vancouver sa Canada ang nasumpungan na nagsisilbing isang malaking sistema ng mga tubo na dumadaloy sa ilalim ng sahig ng karagatan, ang ulat ng magasing Canadian Geographic. Matagal nang nalalaman ng mga siyentipiko na dumadaloy ang tubig ng dagat sa ilalim ng sahig ng karagatan. “Ang problema ay walang gaanong makikitang bato sa kalakhang bahagi ng sahig ng dagat na maaaring pasukan ng tubig,” ang paliwanag ni Andrew Fisher, isang hydrogeologist sa University of California sa Santa Cruz. Natuklasan ni Fisher at ng kaniyang mga kasamahan na ang tubig ng dagat ay napupunta sa isang bulkanikong seamount (bundok sa ilalim ng tubig) na tumatagos sa luwad na di-pinapasok ng tubig na tumatakip sa sahig ng karagatan. Lumalabas ang tubig sa iba namang seamount na mahigit sa 50 kilometro ang layo. Inaasahan ni Fisher na ang tuklas na ito ang aakay sa higit na kaunawaan hinggil sa komposisyon ng tubig ng dagat at ng mga mikroorganismong naninirahan sa sahig ng karagatan.
Hindi Napakatanda Upang Matuto
Sa Nepal, kung saan marami ang hindi marunong bumasa at sumulat, isang may-edad nang lalaki na may mahigit na 12 apo ang naging tanyag dahil sa kaniyang pagsisikap na mag-aral. Si Bal Bahadur Karki, na kilala bilang si Manunulat Baje, ay isinilang noong 1917 at nakipaglaban noong ikalawang digmaang pandaigdig. Sa edad na 84, pagkatapos sumubok nang apat na beses, nakamit niya ang kaniyang School Leaving Certificate. Ngayon, sa edad na 86, kumukuha siya ng kurso sa kolehiyo. Nagtutuon siya ng higit na pansin sa pag-aaral ng Ingles at nagtuturo pa nga ng wikang iyon sa iba. Sinabi niya na ang pag-upo kasama ng mga kabataan ay nakatutulong sa kaniya na makalimutan ang kaniyang edad at madamang bata siya uli. Sa kaniyang huling paglalakbay sa kabisera, sa Kathmandu, tumanggap siya ng mga gantimpala at masigabong palakpakan dahil sa kaniyang mga nagawa. Pinasigla niya ang iba na huwag sumuko dahil lamang sa sila’y matanda na. Gayunman, may inireklamo si Manunulat Baje. Napilitan siyang maglakad nang tatlong araw upang maabutan at masakyan ang isang bus dahil ipinagkait sa kaniya ang isang diskuwento at hindi niya kayang bayaran ang regular na pamasahe sa eroplano. Sinabi niya sa The Kathmandu Post: “Dapat sana’y binigyan ako ng eroplano ng diskuwento ng estudyante dahil estudyante rin ako.”
Sakit sa Isip ng mga Bata
“Dalawampu’t dalawang porsiyento ng mga bata at mga nagbibinata’t nagdadalaga sa Espanya ang dumaranas ng iba’t ibang sakit sa isip,” ang ulat ng pahayagang ABC ng Espanya. “Ang pinakakaraniwan ay mga problema sa paggawi, kabalisahan, panlulumo, at mga sakit na nauugnay sa pagkain,” ang sabi ng saykayatris ng mga bata na si María Jesús Mardomingo. Noong nakalipas na 30 taon, napansin ng mga espesyalista ang malaking pagtaas sa bilang ng mga kasong ito, na umaakay sa kanila na maghinuha na kadalasan nang kaakibat ng pagsulong sa ekonomiya ang mga problema sa emosyon. Halimbawa, napansin nila ang malalaking pagbabago sa mga pamantayan ng lipunan at kultura, kasama na ang kapansin-pansing pagbaba ng pagkilala sa awtoridad ng magulang. “Bagaman alam natin na nakapipinsala ang pagiging napakaistrikto at awtoritarianismo,” ang sabi ni Mardomingo, “kailangan nating pagsamahin ang pag-ibig at awtoridad.”