Dapat Ka Bang Magbayad ng Iyong mga Buwis?
Dapat Ka Bang Magbayad ng Iyong mga Buwis?
“Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot; sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.”—Roma 13:7.
SA HARAP ng lumalaking bayarin sa buwis, parang mahirap tanggapin ang payo sa itaas. Subalit ang mga ito ay mga pananalita ni apostol Pablo, at nakaulat ang mga ito sa Bibliya. Tiyak na iginagalang mo ang Bibliya. Pero maaaring naiisip mo, ‘Dapat ba talagang bayaran ng mga Kristiyano ang lahat ng buwis—pati na yaong masasabing di-makatuwiran o di-makatarungan?’
Pag-isipan ang payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Alam niya na buong-kapaitang kinayayamutan ng kaniyang mga kababayang Judio ang mga buwis na ipinapataw ng Roma. Sa kabila nito, hinimok sila ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Kapansin-pansin, itinaguyod ni Jesus ang pagbabayad ng buwis sa mismong rehimen na papatay sa kaniya sa di-kalaunan.
Makalipas ang ilang taon, ibinigay ni Pablo ang payo na sinipi sa pasimula. Pinasigla niya ang pagbabayad ng mga buwis, sa kabila ng katotohanan na ang malaking halaga ng salaping buwis ay ginagamit upang pondohan ang militar ng Roma at tustusan ang imoral at maluhong istilo ng pamumuhay ng Romanong mga emperador. Bakit nagkaroon ng gayong di-popular na saloobin si Pablo?
Nakatataas na mga Awtoridad
Pag-isipan ang konteksto ng mga pananalita ni Pablo. Sa Roma 13:1 ay sumulat siya: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” Nang ang bansang Israel ay may mga tagapamahalang may takot sa Diyos, madaling malasin ang pinansiyal na pagsuporta sa bansa bilang isang pananagutang sibiko at relihiyoso. Ngunit may gayundin bang pananagutan ang mga Kristiyano kapag ang mga tagapamahala ay di-sumasampalatayang mga mananamba ng idolo? Oo naman! Ipinakikita ng mga pananalita ni Pablo na pinagkalooban ng Diyos ang mga tagapamahala ng “awtoridad” para mamahala.
Malaki ang nagagawa ng mga gobyerno para mapanatili ang kaayusan. Nagpapahintulot ito na maipagpatuloy ng mga Kristiyano ang kanilang espirituwal na mga gawain. (Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25) Kaya naman ganito ang nasabi ni Pablo tungkol sa umiiral na awtoridad ng gobyerno: “Ito ay lingkod ng Diyos sa iyo sa iyong ikabubuti.” (Roma 13:4) Nakinabang mismo si Pablo sa proteksiyong ibinigay ng gobyerno ng Roma. Halimbawa, nang siya ay maging biktima ng pang-uumog, iniligtas siya ng mga sundalong Romano. Nang maglaon ay umapela siya sa hudisyal na sistema ng Roma upang maipagpatuloy niya ang paglilingkod bilang misyonero.—Gawa 22:22-29; 25:11, 12.
Sa gayon ay nagbigay si Pablo ng tatlong dahilan sa pagbabayad ng mga buwis. Una, binanggit niya ang “poot” ng mga gobyerno kapag nagpaparusa sa mga manlalabag-batas. Ikalawa, ipinaliwanag niya na ang budhi ng makadiyos na mga indibiduwal ay lubhang maaapektuhan kung mandaraya siya sa kaniyang mga buwis. Panghuli, tinukoy niya na ang mga buwis ay kabayaran lamang sa mga serbisyo na ginagawa ng gobyerno bilang “mga pangmadlang lingkod.”—Roma 13:1-6.
Isinapuso ba ng mga kapuwa Kristiyano ni Pablo ang kaniyang mga salita? Maliwanag na gayon nga, sapagkat sinabi ng naturingang manunulat na Kristiyano noong ikalawang siglo na si Justin Martyr (mga 110 hanggang 165 C.E.) na ang mga Kristiyano ay nagbayad ng kanilang mga buwis “nang may mas maluwag na kalooban kaysa sa lahat ng tao.” Sa ngayon, kapag humihiling ang gobyerno ng mga kabayaran, ito man ay panahon o salapi, patuloy na sumusunod nang kusang-loob ang mga Kristiyano.—Mateo 5:41. *
Sabihin pa, puwede rin namang makinabang ang mga Kristiyano sa anumang legal na kabawasan sa buwis. Sa ilang pagkakataon, maaaring nasa kalagayan sila na makakuha ng mga eksemsiyon sa buwis na ipinagkakaloob sa mga nagbibigay ng kontribusyon sa relihiyosong mga organisasyon. Gayunpaman, bilang pagsunod sa Salita ng Diyos, hindi lumilihis ang tunay na mga Kristiyano sa pagbabayad ng buwis. Binabayaran nila ang kanilang mga buwis, anupat iniaatang sa mga awtoridad ang ganap na pananagutan kung paano gagamitin ng mga ito ang salapi.
Ang labis na paniningil ng buwis ay isang paraan lamang na “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Nakasusumpong ng kaaliwan ang mga Saksi ni Jehova sa pangako ng Bibliya na di-magtatagal, mamamayani ang katarungan sa lahat ng nasa ilalim ng gobyerno ng Diyos—isang gobyerno na hindi kailanman pabibigatan ng di-makatarungang mga buwis ang mga tao.—Awit 72:12, 13; Isaias 9:7.
[Talababa]
^ par. 10 Ang payo ni Jesus na ibayad kay “Cesar ang mga bagay na kay Cesar” ay hindi lamang limitado sa pagbabayad ng buwis. (Mateo 22:21) Ganito ang paliwanag ng Critical and Exegetical Hand-Book to the Gospel of Matthew ni Heinrich Meyer: “Ang pananalitang [mga bagay na kay Cesar] . . . ay hindi natin dapat ipakahulugan na buwis na sibil lamang, kundi lahat ng bagay na may karapatan si Cesar dahil sa kaniyang lehitimong pamamahala.”
[Blurb sa pahina 11]
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagbayad ng kanilang mga buwis “nang may mas maluwag na kalooban kaysa sa lahat ng tao.”—JUSTIN MARTYR
[Larawan sa pahina 10]
Sinusunod ng tunay na mga Kristiyano ang mga batas sa buwis
[Larawan sa pahina 11]
Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”
[Picture Credit Line sa pahina 10]
© European Monetary Institute