Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Tulog Ang seryeng “Sapat ba ang Iyong Tulog?” (Marso 22, 2003) ay lubhang napapanahon para sa akin. Dahil sa biglaang pagkakasakit ng aking anak na babae, nagsimula akong dumanas ng insomniya. Pagkalipas ng lima o anim na araw, nagtungo ako sa isang kalapít na ospital, at sa tulong ng gamot, nakakatulog na ako ngayon. Gayunman, iminungkahi ng inyong artikulo na magkaroon din ako ng sapat na ehersisyo sa araw pero huwag bago matulog. Sisikapin kong ikapit kaagad-agad ang payong iyan.
T. M., Hapon
Kamakailan, halos hindi ako makagulapay sa sobrang pagod. Sinuri ako ng doktor ng aking pamilya at nagkaroon siya ng konklusyon na ito’y dahil lamang pala sa hindi ko pagkakatulog nang sapat sa gabi at na dahil din sa naaapektuhan ako ng iniinom kong gamot para sa epilepsi. Nag-alinlangan ako sa kaniyang diyagnosis. Ngunit pagkalipas ng isang linggo ay natanggap ko ang inyong mga artikulo tungkol sa tulog. Hindi ko maibaba ang magasin, at pagkatapos subukan ang pagsusuri sa pahina 9, sumapit ako sa gayunding konklusyon na kagaya ng doktor ko. Sinusubukan ko ngayon ang mga iminungkahi sa artikulo. Salamat sa napapanahong impormasyon.
M. B., Estados Unidos
Niyog Gusto kong magpasalamat sa artikulong “Isa sa Pinakakapaki-pakinabang na Nuwes sa Lupa.” (Marso 22, 2003) Pumasyal ako sa Mexico kamakailan, at nakita ko mismo kung gaano talaga kapaki-pakinabang ang niyog! Nakita ko ang halos lahat ng gamit nito na nakalista sa artikulo. Ang isa pang karagdagang gamit nito ay ang pagputol sa mga palapa ng niyog, pag-aalis sa madahong bahagi nito, at pagtatali ng 10 hanggang 15 ng pinatuyo at malambot na mga tingting nito. Tamang-tama itong panghampas ng langaw!
D. S., Estados Unidos
Dahil sa artikulong ito ay nagbalik ang alaala ko hinggil sa aking lola na gumagawa ng tasang maiinuman mula sa bao ng niyog noong mga taon ng dekada ng 1930. Marami sa kaniyang mga kapitbahay ang nagtayo ng kanilang mga kubo na gamit ang kahoy ng puno ng niyog, at ang kanilang mga bubong ay gawa sa pinatuyong dahon ng niyog. Nais ko kayong pasalamatan sa gayong magagandang artikulo.
M. B., Estados Unidos
Pagpapasuso Ang artikulo sa “Pagmamasid sa Daigdig” na “Mga Pakinabang ng Pagpapasuso ng Ina” (Marso 22, 2003) ay nakabalisa sa akin. Sumasang-ayon ako na yaong mga hindi sumuso sa kanilang ina ay maaaring magkaroon ng depekto sa kanilang sistema ng imyunidad. Hindi ako sumuso sa aking ina at madalas akong trangkasuhin. Ngunit nakasasakit ng damdamin ang ginawang pagsipi sa pag-aaral na nagsasabing yaong mga hindi pinasuso ng ina ay mas mababa ang IQ kaysa sa mga sumuso sa ina.
C. B., Italya
Sagot ng “Gumising!”: Hindi namin nais masaktan ang sinuman. Iniulat lamang namin ang mga natuklasan ng isang pag-aaral sa Denmark hinggil sa pagpapasuso ng ina. Ang paglalathala ng gayong impormasyon ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magulang sa ngayon na gumawa ng may-kabatirang pagpapasiya hinggil sa kanilang mga pamamaraan sa pagpapalaki ng anak.
Kawikaang Aprikano Patuloy akong namamangha sa napakarami at iba’t ibang artikulo na nilalaman ng Gumising! Mga 40 taon na akong nagbabasa nito, at lubusan akong nasiyahan sa artikulong “Mga Salawikain ng Akan—Isang Larawan ng mga Pamantayan sa Lipunan.” (Marso 22, 2003) Natulungan ako nitong pahalagahan kung gaano kaimportante ang mabuting paggawi sa pakikisama sa ating kapuwa. Isinulat ko ang ilan sa mga kawikaang iyon upang masangguni ko ang mga ito sa pana-panahon.
D. Z., Estados Unidos
Ngayon lamang ako nakabasa ng gayong kaayaaya, nakaaaliw, at nakapagtuturong artikulo hinggil sa mga kawikaan. Nakagagalak na karanasang namnamin sa loob ng ilang sandali ang mga pamantayan ng ibang kultura. Pagkatapos ng bawat kawikaan, tumitigil ako at pinag-iisipan kong mabuti kung ano ang maaaring kahulugan niyaon. Sabihin pa, hindi ko laging makuha kung ano ang tamang kahulugan nito!
J. K., Alemanya