Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Langis—Paano Tayo Nakakakuha Nito?

Langis—Paano Tayo Nakakakuha Nito?

Langis​—Paano Tayo Nakakakuha Nito?

“MAGKAROON ng liwanag.” Sa Estados Unidos noong ika-19 na siglo, kinailangan ang panibagong pagmumulan ng artipisyal na liwanag upang ipalit sa mahirap-gamitin at aandap-andap na liwanag na ibinibigay ng tabâ, langis ng balyena, at ng iba pang mga sangkap. Ano ang solusyon? Langis! Saan naman kaya ito matatagpuan?

Noong 1859, si Edwin L. Drake, isang retiradong konduktor sa tren, gamit ang isang lumang motor na pinatatakbo ng singaw, ay nakahukay ng isang balon na 22 metro ang lalim na kinaroroonan ng unang krudong langis na natuklasan malapit sa Titusville, Pennsylvania, E.U.A. Dito na nagsimula ang panahon ng langis. Habang natutuklasan ang langis sa maraming sulok ng daigdig, nagdudulot ito ng malalaking epekto sa ekonomiya at pulitika. Ito’y naging de-kalidad na pinagmumulan ng artipisyal na liwanag na pinakahihintay ng daigdig.

Di-nagtagal, pinagkaguluhan na ang pagbili ng lupa at paghukay ng balon sa diumano’y mga dako ng langis sa Estados Unidos. Noong mga taóng iyon, karaniwan na lamang na makabalita ng tungkol sa mga taong biglang yumaman at sa iba naman na biglang naghirap. Nakapagtataka nga, si Edwin Drake, ang lalaking nakahukay ng unang balon sa Pennsylvania, ay kabilang sa huling nabanggit.

Sa kabila ng biglang pagsikat nito, o marahil dahil na rin dito, di-nagtagal at ang industriya ng langis sa Pennsylvania ay dumanas ng una nitong pagbagsak. Ang langis ay bumagsak mula $20 isang bariles hanggang 10 sentimo! Ang sobrang produksiyon at espekulasyon ang nagpabagsak sa presyo, at ang ilang balon ay mabilis na natuyuan. Ang isang pantanging tagapagpagunita ng panahong iyon ay ang Pithole City, Pennsylvania, na isa na ngayong patay na bayan. Ito’y itinatag, umunlad, at iniwan​—sa loob ng mahigit-higit lamang isa at kalahating taon. Ang mga pag-unlad at pagbagsak na ito ay naging isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng langis.

Noong 1870, binuo ni John D. Rockefeller at ng ilang kasamahan niya ang Standard Oil Company. Ang kompanyang ito ang nangunguna sa negosyo ng gaas hanggang sa sumipot ang mga kakompetensiya, lalo na sa industriya ng langis sa Russia. Ang isang karibal ay si Marcus Samuel, isang tagapagtatag ng kilalá ngayon bilang Royal Dutch/Shell Group. Karagdagan pa, bilang resulta ng pagkamalikhain ng magkapatid na lalaking Nobel, * isang malakas na negosyo ng langis ang itinatag sa Russia na ang langis ay nagmumula sa mga minahan ng Baku.

Sa ganiyang paraan nagsimula ang kasaysayan ng sunud-sunod na pakikipagsapalaran sa langis. Mula noon, lumikha ng mga asosasyon at mga organisasyon upang maiwasan ang mabuway na presyo at produksiyon noong sinaunang panahon. Ang isa sa mga ito ay ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), na ang 11 miyembro nito ang may-ari ng karamihan sa mga aktuwal na reserba ng krudong langis sa daigdig.​—Tingnan ang kahon sa pahina 7.

Gaano Karaming Langis ang Makukuha, at Nasaan Ito?

Pagsapit ng ika-19 na siglo, mangangahulugan na sana ng pagkabangkarote sa negosyo ng langis ang laganap na paggamit ng elektrisidad. Subalit biglang binaligtad ng isa pang mahalagang imbensiyon ang pangyayari​—ang makinang sumusunog ng gasolina at krudo (internal-combustion engine), na ginagamit pangunahin na sa mga sasakyan. Ang gasolina, isang sangkap ng petrolyo, ay mahalaga ngayon sa mga sasakyang pinatatakbo ng sariling makina nito, na ginagamit na noon sa pinakaindustriyalisadong mga bansa noong huling mga taon ng dekada 1920. Higit pang langis ang kailangan ngayon upang patuloy na mapatakbo ang mga sasakyan sa daigdig, subalit saan kaya ito matatagpuan?

Sa paglipas ng mga taon, ang pangunguna ng langis sa pangglobong negosyo ay lalong pinag-ibayo ng kasalukuyang pagtuklas sa mga bagong minahan ng langis sa iba’t ibang sulok ng daigdig​—mga 50,000 nito! Subalit kung tungkol sa produksiyon, ang mahalagang bagay ay, hindi ang dami ng natuklasang mga minahan, kundi ang sukat nito. Gaano ba kalaki ang mga ito?

Ang mga minahan ng langis na naglalaman ng di-kukulangin sa limang bilyong bariles ng makukuhang langis ang pinakamalaki sa klasipikasyon, samantalang ang sumunod na pinakamalaki ay mula limandaang milyon hanggang limang bilyong bariles. Bagaman mga 70 bansa ang nakatala sa “U.S. Geological Survey World Petroleum Assessment 2000” bilang mga may reserba ng langis, iilan lamang sa kanila ang may malalaking minahan ng langis. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Ang pinakamarami at pinakamalalaking minahan ng langis ay nasa lunas ng Arabia at Iran, na bumubuo sa lugar sa loob at palibot ng Gulpo ng Persia.

Ang paghahanap ng mga bagong minahan ng langis ay hindi pa natatapos. Sa halip, pinag-ibayo pa nga ito sa pamamagitan ng pinakabagong teknolohiya. Kamakailan lamang, napansin ng mga negosyante ng langis ang lugar ng Dagat Caspian, na binubuo ng mga bansang Azerbaijan, Iran, Kazakhstan, Russia, Turkmenistan, at Uzbekistan. Ayon sa U.S. Energy Information Administration, ang lugar na ito ay may napakalaking potensiyal para sa pagpapaunlad ng langis at likas na gas. Pinag-aaralan na ang maaaring daanan sa pagluluwas nito, tulad ng Afghanistan. Ang karagdagang potensiyal ay natagpuan din sa Gitnang Silangan, Greenland, at mga sulok ng Aprika. Isa pang aspekto ang pagkumberte sa hydrocarbon tungo sa enerhiya at mga bagay na magagamit sa pang-araw-araw na buhay.

Paano ba Nakapagpapalabas ng Langis?

Ang mga heologo at agrimensor ay naghahanap ng mga lugar sa ilalim ng lupa na posibleng may krudong langis. Matapos masukat at makakuha ng mga sampol, hinuhukay nila ito upang tiyakin kung talaga ngang may langis ito. Noong unang panahon, kapag nakahukay ng mina ng langis, maaaring bigla kang masabuyan sa pagbulwak ng magkahalong putik at langis, pagkaraan ay ang pagkawala ng naunang pagpulandit ng langis at panganib ng pagsabog. Subalit sa pamamagitan ng panukat na mga kasangkapan at pantanging mga balbula, naiiwasan ng mga makinaryang pambutas sa ngayon na mangyari ito. Posible na rin sa ngayon ang mas maliliit at mas malalalim na pagbutas.

Sa dakong huli, humihina ang presyon na nagpapalabas ng langis at gas, at dapat itong mapanatili sa pamamagitan ng pagpapasok ng tubig, kemikal, carbon dioxide, o iba pang gas na gaya ng nitroheno. Depende sa lugar, ang langis ay may iba’t ibang antas ng lapot. Mangyari pa, mas gusto nila ang malabnaw na langis, dahil mas madali itong makuha at madalisay.

Gaya ng ipinaliwanag ng American Petroleum Institute, kabilang sa modernong teknolohiya ang pahalang na pagbutas, na ginagawang halos kaagapay ng pang-ibabaw na suson ng lupa, na nakababawas sa bilang ng mga balon na dapat sanang hukayin. Ang pagpapalabas ng langis sa may laot, na nagsimula noong 1947 sa Gulpo ng Mexico, ang nagparami nang husto sa produksiyon ng langis. Mangyari pa, ang ginamit na paraan ng pagpapalabas ng langis ay may malaking epekto sa presyo ng produkto. *

Paano Inihahatid ang Langis?

Noong 1863 sa Pennsylvania, gumawa sila ng mga tubong kahoy na may maliit na diyametro para sa paghahatid ng langis, yamang mas mura at di-gaanong mahirap ang mga ito kaysa sa isakay sa kariton ng kabayo ang 159-na-litrong bariles. * Ang mga tubo sa ngayon ay mas sopistikado at mas marami. Ayon sa Association of Oil Pipe Lines, sa Estados Unidos lamang ay mayroon nang 300,000 kilometrong tubo ng petrolyo!

Ang gayong mga tubo sa ngayon, na kadalasa’y yari sa metal, ay naghahatid hindi lamang ng krudong langis sa mga dalisayan kundi gayundin ng produktong langis sa mga ahente. Ang modernong teknolohiya ng tubo ay may mga sistema na kusang sumusubaybay sa daloy at presyon ng langis. Gumawa rin ng maliliit at matatalinong aparato na tagainspeksiyon sa tubo na daan-daang milya ang haba, Magnetic Flux Leakage na pang-inspeksiyon, at ultrasonic in-line na pang-inspeksiyon. Subalit ang nakikita lamang marahil ng karaniwang mámimíli ng gawa nang mga produkto ay isang karatula na nagsasabing may tubo ng petrolyo sa ilalim ng lupa at nagbababalang huwag maghuhukay sa lugar na iyon.

Bagaman nagagamit ito, ang sistema ng mga tubo ay hindi praktikal sa paghahatid ng malalaking bulto ng langis sa ibang bansa. Ngunit ang naunang mga negosyante ng langis ay nakakita rin naman ng solusyon para rito​—pagkalalaking tangker ng langis. Ang mga ito ay mga barkong may pantanging disenyo na umaabot ng 400 metro ang haba. Ang mga tangker ang pinakamalalaking barkong naglalayag sa mga karagatan at nakapaglululan ang mga ito ng hanggang isang milyon o higit pang bariles ng langis. Nakalulungkot, bagaman mukhang matitibay ang mga ito, may kahinaan ang mga tangker na hindi pa napagtatagumpayan, gaya ng ipinakikita ng kahong “Tungkol sa Natapong Langis.” Ang mga gabara at mga bagon ay karaniwan ding ginagamit sa paghahatid ng bulto ng langis. Magkagayunman, sa kabuuan ng proseso ng langis, ang transportasyon ay isang bahagi lamang.

Ang isang maliit na liyab o buga ng apoy mula sa isang mataas na tubong páusukán​—na nagsisilbing pangkaligtasang balbula​—ay isang magandang pahiwatig na ikaw ay nakatingin sa isang dalisayan ng langis. Karaniwan na, sa naglalakihang pasilidad na ito ng dalisayan, ang krudong langis ay pinaiinitan at dinadala sa isang tore para sa atmosperikong pagdidistila, kung saan ito’y pinaghihiwa-hiwalay sa ilang bahagi. Ang mga bahaging ito ay iba’t iba mula sa pinakamagaan​—mga gas, gaya ng butane​—hanggang sa pinakamabigat, na ginagawang mga lubrikante, bukod pa sa ibang produkto. (Tingnan ang pahina 8-9.) Subalit nananatili pa rin ang tanong, Ang langis ba ay isang pagpapalang may mga bentaha at disbentaha?

[Mga talababa]

^ par. 6 Isa sa kanila, si Alfred Bernhard Nobel, ang naging tagapagtatag ng Nobel Prize.

^ par. 16 “Ang de-kableng tore na ginawa sa mahigit 300 metrong [1,000 piye] tubig sa Gulpo ng Mexico ay tinatayang naglalabas ng langis na mga 65 ulit ng halaga ng produksiyon sa Gitnang Silangan.”​—The Encyclopædia Britannica.

^ par. 18 Noong sinaunang panahon, ang langis ay iniimbak at ibinibiyahe sa mga bariles na kahoy na gaya niyaong ginagamit sa alak.​—Tingnan ang kahon sa pahina 5.

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

BARILES O TONELADA?

Ang unang mga kompanya ng langis sa Pennsylvania ay nagpapadala ng langis na nasa 180-litrong bariles ng alak. Nang dakong huli, 159 na litro na lamang ang inilalagay upang hindi matapon sa biyahe. Ang bariles (159 na litro) ay ginagamit pa rin sa ngayon sa komersiyo ng langis.

Mula pa sa pasimula, ang langis para sa Europa ay ibinibiyahe sa dagat at kadalasan nang tinitimbang, sa tonelada, gaya ng ginagawa sa ngayon.

[Credit Line]

Reperensiya: American Petroleum Institute

[Kahon sa pahina 6]

PAANO GINAGAWA ANG PETROLYO?

Ang nananaig na opinyon ng karamihan sa mga siyentipiko mula pa noong dekada ng 1870 ay tinatawag na teoriyang biyolohikal (biogenic theory). “Inaangkin [nito] na ang mga latak ng biyolohikal na mga labí na nakabaon sa burak ay nabubulok at nagiging langis at likas na gas sa paglipas ng mahabang panahon at na ang petrolyong ito ay naiipon sa maliliit na butas ng latak na mga bato sa pinakamababaw na suson [ng Lupa].” Sa prosesong ito nabubuo ang petrolyo, na ang pangunahing mga sangkap ay hydrocarbon​—samakatuwid nga, hidroheno at karbon. Gayunman, mula noong dekada ng 1970, ang teoriyang ito ay kinukuwestiyon kung minsan ng ilang siyentipiko.

Sa Agosto 20, 2002 na isyu ng Proceedings of the National Academy of Sciences, ang artikulong “Ang Genesis ng Hydrocarbon at ang Pinagmulan ng Petrolyo” ay inilathala. Ikinakatuwiran ng mga awtor na ang pinagmulan ng likas na petrolyo ay tiyak na sa ilalim na “malapit sa gitnang bahagi (mantle) ng Lupa” at hindi sa mas mabababaw na bahagi na siyang karaniwang paniniwala.

Ang pisikong propesor na si Thomas Gold ay nagpanukala ng ilang kontrobersiyal na mga teoriya at detalyadong nagpaliwanag ng mga dahilan niya sa kaniyang aklat na The Deep Hot Biosphere​—The Myth of Fossil Fuels. Sumulat siya: “Ang teoriya ng biyolohikal na pinagmulan ng hydrocarbon ay lubhang pinaboran sa Estados Unidos at sa kalakhang bahagi ng Europa anupat mabisang napatigil ang pagsasaliksik hinggil sa salungat na pangmalas. Hindi ganito ang nangyari sa mga bansa ng dating Unyong Sobyet.” Ito “marahil ay dahil sa sinuportahan ng iginagalang na kimikong taga-Russia na si Mendeleyev ang di-biyolohikal [abiogenic] na pangmalas. Ang mga argumentong iniharap niya ay mas matibay pa nga sa ngayon, kung iisipin ang napakaraming impormasyong taglay natin sa kasalukuyan.” Ano ba ang di-biyolohikal na pangmalas?

Sinabi ni Gold: “Inaangkin ng teoriyang di-biyolohikal na ang hydrocarbon ay isang sangkap ng materyal na bumuo sa lupa, sa pamamagitan ng unti-unting pagdami ng solido, mga 4.5 bilyong taon na ang nakalipas.” Ayon sa teoriyang ito, ang mga elemento ng petrolyo ay nasa kailaliman na ng lupa noon pa mang mabuo ang lupa. *

[Talababa]

^ par. 37 Walang inaayunan ang Gumising! sa magkaibang teoriyang ito. Iniuulat lamang nito ang mga teoriya.

[Kahon/Larawan sa pahina 10, 11]

TUNGKOL SA NATAPONG LANGIS

◼ Ang kabuuang dami ng natapong langis ng mga tangker sa pagitan ng 1970 at 2000 ay 5,322,000 tonelada

◼ Ang pinakamaraming natapong langis ay naganap noong 1979 nang magbanggaan ang Atlantic Empress at Aegean Captain sa Caribbean, na nagbunga ng pagkakatapon ng 287,000 toneladang langis

◼ Ang Exxon Valdez ay mga ika-34 lamang na pinakamaraming natapong langis mula sa tangker

◼ Bagaman karamihan sa mga pagtapon ng langis mula sa mga tangker ay nangyayari kapag naglululan, nagdidiskarga, at nagkakarga ng langis, ang pinakamalalaking pagtapon ng langis ay nauugnay sa mga pagbabanggaan at pagsadsad

◼ Ilan sa malalaking pagtapon ng langis na hindi mga tangker ang dahilan:

● Pagsabog ng langis mula sa panggalugad na balong Ixtoc I noong 1979, sa Gulpo ng Mexico. Kabuuang natapon: 500,000,000 litro

● Pagsabog ng langis mula sa isang plataporma sa isang balon sa Gulpo ng Persia noong 1983. Kabuuang natapon: 300,000,000 litro

● Kusang pagpapakawala ng langis noong 1991, sa Gulpo ng Persia. Kabuuang itinapon: 900,000,000 litro

[Larawan]

Lumubog ang tangker ng langis na “Erika” malapit sa Penmarch Point, Pransiya, Disyembre 13, 1999

[Credit Lines]

Reperensiya: International Tanker Owners Pollution Federation Limited, “Oil Spill Intelligence Report,” “The Encarta Encyclopedia”

© La Marine Nationale, France

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 8, 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PRODUKSIYON NG LANGIS​—PINASIMPLE

1​—PANGGAGALUGAD

SATELAYT

Ang Global Positioning System ay naglalaan ng eksaktong mga signal na ginagamit sa pagsusurbey

MGA GEOPHONE

VIBRATOR TRUCK

MGA HYDROPHONE

SEISMIC VESSEL

Ang pagsusurbey sa mga pagyanig, isang paraang ginagamit, ay nagtatala ng mga repleksiyon ng artipisyal na mga alon ng tunog (sound wave) sa ilalim ng lupa

2​—PAGPAPALABAS

MGA BALON SA ILAYA

PLATAPORMA SA MAY LAOT

BALON SA ILALIM NG TUBIG

Kabilang sa paraang ito ng pagpapalabas ang paggamit ng mga balon ng langis sa ilaya, sa may laot, at sa ilalim ng tubig. Upang mapanatili ang presyon, pinapasukan ito ng mga gas o tubig

[Larawan]

BALON NG LANGIS SA ILALIM NG TUBIG

Ang mga submarino na pinaaandar ng remote control ang ginagamit upang magtayo ng mga pasilidad para sa produksiyon sa ilalim ng tubig

[Larawan]

PAHALANG NA PAGBARENA

Ang mga motor na pinaaandar ng isang inhinyero sa pamamagitan ng remote control ang nagpapaikot sa talim ng barena, at sa pamamagitan ng mga sensor ay nalalaman ang mga katangian ng bato

3​—PAGHAHATID

MGA TUBO

TANGKER

Ang mga tubo sa ibabaw ng lupa, sa ilalim ng lupa, at sa ilalim ng dagat ang naghahatid ng langis. Kabilang sa iba pang paraan ng paghahatid ay ang mga tangker, gabara, at mga bagon

4​—PAGDADALISAY

DALISAYAN

Ang krudo ay pinaiinit, dinidistila, at pinaghihiwa-hiwalay sa mga bahagi na maaaring gamitin upang makagawa ng pang-araw-araw na mga produkto

TORE PARA SA DISTILASYON

Kapag malapot, ang maitim na krudo ay pinaiinit sa hurno, anupat ang mga hydrocarbon ay nagiging singaw. Ang mga singaw ay nagiging likido sa iba’t ibang temperatura. Sa gayon ay naihihiwalay ang langis sa mga parte nito, o mga bahagi

68°F. [20°C]

MGA GAS MULA SA DALISAYAN

Kabilang sa mga ito ang methane, ethane, propane, at butane

70°-160°F. [20°-70°C]

GASOLINA

Ginagamit na gatong sa mga sasakyan at bilang likas na materyal para sa mga plastik

160°-320°F. [70°-160°C]

NAPHTHA

Maaaring gawing plastik, gatong sa mga sasakyan, at iba pang mga kemikal

320°-480°F. [160°-250°C]

GAAS

Ginagawang gatong sa mga eroplano at langis sa kalan

480°-660°F. [250°-350°C]

LANGIS NA GAS

Ginagawang krudo at panggatong sa hurno

HURNO

750°F.

LATAK

Patuloy pang pinoproseso para maging panggatong sa dalisayan, malalapot na langis na panggatong, kandila, grasa, at aspalto

CATALYTIC CRACKER

Ang mga hydrocarbon ay pinaiinit ng singaw at inihahalo sa mainit na catalyst ng pinulbos na alumina-silica gel. Binibiyak, o binabasag, ng prosesong ito ang mga hydrocarbon sa mas maliliit at mas napakikinabangang mga molekula

Humahalo ang pinulbos na catalyst sa hydrocarbon sa singaw

ETHANOL

Ang solvent naito ay ginagamit sa paggawa ng pintura, kosmetiko, pabango, sabon, at tina

MGA PLASTIK

Halimbawa, ang polystyrene ay nagagawa kung pagsasamahin ang mga molekula ng styrene

MGA PANGHALO SA GASOLINA

Dahil sa octane booster, hindi agad nasusunog ang gas sa makina, anupat mas gumaganda ang takbo ng sasakyan

[Credit Line]

Photo Courtesy of Phillips Petroleum Company

[Graph sa pahina  7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA PANGUNAHING PINAGMUMULAN NG LANGIS

Ang kabuuang bilang ay bilyun-bilyong bariles. Hindi kasama rito ang di-pa-natutuklasang yaman

▪ Miyembro ng OPEC

• Bansang may isa o higit pang pagkalalaking minahan

Dumaraming produksiyon

◆ Reserba

▪ • ◆ 332.7 SAUDI ARABIA

• ◆ 216.5 ESTADOS UNIDOS

• ◆ 192.6 RUSSIA

▪ • ◆ 135.9 IRAN

▪ • ◆ 130.6 VENEZUELA

▪ • ◆ 125.1 KUWAIT

▪ • ◆ 122.8 IRAQ

▪ • ◆ 113.3 UNITED ARAB EMIRATES

• ◆ 70.9 MEXICO

• ◆ 42.9 TSINA

▪ • ◆ 41.9 LIBYA

▪ ◆ 33.4 NIGERIA

◆ 21.2 CANADA

▪ ◆ 21.0 INDONESIA

◆ 20.5 KAZAKHSTAN

▪ • ◆ 18.3 ALGERIA

◆ 17.6 NORWAY

◆ 16.9 UNITED KINGDOM

[Mga larawan sa pahina 4]

Unang balon ng krudong langis, Titusville, Pennsylvania, 1859

Langis na bumubulwak mula sa isang balon sa Texas

[Credit Line]

Brown Brothers

[Larawan sa pahina 5]

Sinaunang minahan ng langis, Beaumont, Texas

[Larawan sa pahina 5]

Karitela ng kabayong naghahatid ng mga bariles ng langis

[Larawan sa pahina 10]

Nagliliyab na balon ng langis sa Kuwait

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Lahat ng litrato: Brown Brothers