Gaano ba Kalubha ang Panganib?
Gaano ba Kalubha ang Panganib?
NOONG Oktubre 1997, nagkaroon ng impeksiyon sa tainga ang tatlong-linggong gulang na sanggol na si Hollie Mullin. Nang hindi ito gumaling sa loob ng ilang araw, niresetahan siya ng kaniyang doktor ng makabagong antibiyotiko. Madali lang sana itong gamutin, pero hindi nagkagayon. Nagpabalik-balik ang impeksiyon at nagpatuloy ito sa bawat yugto ng gamutan ng iba’t ibang antibiyotiko.
Noong isang taóng gulang na siya, si Hollie ay nagkaroon ng 17 yugto ng gamutan ng iba’t ibang uri ng antibiyotiko. Pagkatapos, sa edad na 21 buwan, napakalala na ng kaniyang impeksiyon. Pagkatapos mainiksiyunan ng antibiyotiko sa loob ng 14 na araw bilang kahuli-hulihang paraan, sa wakas ay nagamot ang impeksiyon.
Ang mga tagpong gaya nito ay nagiging pangkaraniwan at hindi lamang sa mga sanggol at may-edad na. Ang lahat ng tao na may iba’t ibang edad ay nagkakasakit at namamatay pa nga sa impeksiyon na madaling gamutin noon ng mga antibiyotiko. Ang totoo, ang mga mikrobyong di-tinatablan ng antibiyotiko ay naging malaking problema sa ilang ospital sapol noong dekada ng 1950. Pagkatapos noong mga dekada ng 1960 at 1970, kumalat na sa mga komunidad ang mga mikrobyong di-tinatablan ng mga antibiyotiko.
Nang maglaon, binanggit ng mga mananaliksik sa medisina na ang labis na paggamit ng mga antibiyotiko sa mga tao at mga hayop ang pangunahing dahilan ng pagdami ng mikrobyong di-tinatablan ng mga antibiyotiko. Noong 1978, sinabi ng isa sa mga tauhang ito sa medisina na ang labis na paggamit ng antibiyotiko ay “hindi na lubusang masugpo.” Kaya noong dekada ng 1990, lumitaw sa buong mundo ang sumusunod na mga ulong balita: “Dumating Na ang mga Supermikrobyo,” “Heto Na ang mga Supermikrobyo,” “Mapanganib na mga Gamot—Labis na Paggamit ng Antibiyotiko ang Nagpaparami sa mga Supermikrobyo.”
Pagpapakalabis? Hindi gayon kung tatanungin ang iginagalang na medikal na mga organisasyon. Sa isang ulat hinggil sa nakahahawang mga sakit noong 2000, ganito ang sinabi ng pangkalahatang direktor ng World Health Organization (WHO): “Sa pasimula ng bagong milenyo, napapaharap ang sangkatauhan sa isa pang krisis. Ang dating nalulunasang mga sakit . . . ay lalo ngayong hindi tinatablan ng mga gamot na panlaban sa mikrobyo.”
Gaano ba kalala ang krisis na ito? “Nababawasan ang pagkakataong gamutin ang nakahahawang mga sakit dahil sa nakababahalang pagdaming ito [ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot],” ang ulat ng WHO. Sinasabi pa nga ng maraming awtoridad na ang sangkatauhan ay bumabalik sa “sinaunang panahon bago ang antibiyotiko,” na noo’y walang mga antibiyotiko para gamutin ang mga impeksiyon.
Sa ibang pananalita, paano nasakop ng mga mikroorganismong di-tinatablan ng gamot ang daigdig, anupat nadaraig ang makabagong mga tuklas ng siyensiya? May magagawa ba ang isang indibiduwal upang ipagsanggalang ang kaniyang sarili o ibang tao? At anong mga solusyon ang maaasahan sa hinaharap para masugpo ang mga mikrobyong di-tinatablan ng mga antibiyotiko? May mga kasagutan ang susunod na mga artikulo.