Ang mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot—Kung Paano Nagbalik ang mga Ito
Ang mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot—Kung Paano Nagbalik ang mga Ito
ANG mga virus, baktirya, protozoan, fungus, at iba pang mikroorganismo ay maliwanag na umiral na simula nang magkaroon ng buhay sa lupa. Kahanga-hanga ang kahusayang makibagay ng mga mikrobyong ito, ang pinakasimple sa lahat ng mga nilalang, anupat nabubuhay ang mga ito sa mga kalagayang hindi kakayanin ng iba pang nilalang. Matatagpuan ang mga ito sa nakapapasong mga pasingawan sa sahig ng karagatan gayundin sa nagyeyelong tubig ng Arktiko. Ngayon ang mga mikrobyong ito ay hindi na tinatablan ng pinakamatinding pamatay sa kanila—ang mga gamot na panlaban sa mikrobyo (antimicrobial drug).
Sa nakalipas na dantaon, ang ilang mikrobyo, o mga mikroorganismo, ay kilala na nagiging sanhi ng pagkakasakit, subalit wala pang sinuman ang nakaaalam noon tungkol sa mga gamot na panlaban sa mikrobyo. Kaya kapag nagkaroon ng malubhang impeksiyon ang isang tao, walang maibigay na gamot ang maraming doktor maliban sa moral na suporta. Ang sistema ng imyunidad lamang ng tao ang lumalaban sa impeksiyon. Kapag hindi gaanong malakas ang sistema ng imyunidad, kadalasang masaklap ang kinahihinatnan. Maging ang maliliit na galos na naimpeksiyon ng mikrobyo ay malimit na humahantong sa kamatayan.
Kaya naman, ang pagkatuklas ng kauna-unahang ligtas na gamot na panlaban sa mikrobyo—ang antibiyotiko—ang nagpabago sa medisina. * Maraming natuklasan nang sumunod na mga dekada dahil sa paggamit ng sulfa drug noong dekada ng 1930 gayundin ng mga gamot na gaya ng penisilin at streptomycin noong dekada ng 1940. Pagsapit ng dekada ng 1990, mga 150 uri ang naidagdag sa talaan ng antibiyotiko sa 15 iba’t ibang kategorya.
Gumuho ang mga Inaasahang Tagumpay
Pagsapit ng dekada ng 1950 at 1960, nagsimulang magdiwang ang ilang tao sa tagumpay nila sa pagsugpo sa nakahahawang mga sakit. Ang ilang microbiologist ay naniwala pa ngang ang mga sakit na ito ay di-magtatagal at magiging masamang panaginip na lamang. Noong 1969, nagbigay-patotoo ang pinunong siruhano ng Estados Unidos sa harap ng Kongreso na di-magtatagal, ang sangkatauhan ay maaaring “hindi na mababahala pa sa nakahahawang mga sakit.” Noong 1972, sumulat ang pinarangalan ng Nobel Prize na si Macfarlane Burnet at si David White: “Malamang na wala nang gaanong maiuulat pa tungkol sa nakahahawang mga sakit.” Talagang ipinalagay ng ilan na lubusang malilipol ang gayong mga sakit.
Sa katunayan, marami ang nagkaroon ng labis na tiwala dahil sa paniniwala na nasugpo na ang nakahahawang mga sakit. Sinabi ng isang nars, na may lubos na kabatiran sa malubhang panganib na nagawa ng mga mikrobyo bago pa man lumabas ang mga antibiyotiko, na ang ilang mas nakababatang nars ay hindi na naging palaisip sa simpleng tuntunin sa kalinisan. Kapag nagpapaalaala siya sa kanila na maghugas ng kamay, sumasagot sila ng: “Huwag kang mag-alala, mayroon na tayong mga antibiyotiko ngayon.”
Subalit ang pagdepende sa mga antibiyotiko at sobrang paggamit nito ay may mapanganib na mga resulta. Nariyan pa rin ang nakahahawang mga sakit. Bukod pa riyan, nagbalik ang mga ito para maging pangunahing sanhi ng kamatayan sa daigdig! Kasali sa iba pang salik na dahilan ng paglaganap ng nakahahawang mga sakit ang kaguluhang dulot ng digmaan, paglaganap ng malnutrisyon sa papaunlad na mga bansa, kawalan ng malinis na tubig, di-mabuting sanitasyon, mabilis na paglalakbay sa daigdig, at pagbabago sa klima ng daigdig.
Pagkadi-tinatablan ng Baktirya
Naging malaking problema ang nakagugulat at pangkaraniwang pagkadi-tinatablan ng mga mikrobyo, isang bagay na hindi inaasahan ng marami. Subalit kung babalikan ang nakaraan, dapat asahan na darating ang panahon na di-tatablan ng mga gamot ang gayong mga mikrobyo. Bakit? Halimbawa, isaalang-alang ang isang katulad na pangyayari na naganap nang unang gamitin ang pamatay-insektong DDT noong kalagitnaan ng dekada ng 1940. * Noong panahong iyon, tuwang-tuwa ang mga tagapag-alaga ng baka dahil halos nalipol ang mga langaw nang mag-isprey sila ng DDT. Subalit nakaligtas ang ilang langaw, at namana ng kanilang bagong lahi ang pagkadi-tinatablan sa DDT. Hindi nagtagal, ang mga langaw na ito na hindi tinatablan ng DDT, ay mabilis na dumami.
Bago pa man gamitin ang DDT, at bago pa man maaaring makabili ng iniresetang penisilin noong 1944, ipinakita na ng nakapipinsalang mga baktirya ang kanilang pambihirang pandepensa. Nakita ito ni Dr. Alexander Fleming, ang nakatuklas ng penisilin. Nasubaybayan niya sa kaniyang laboratoryo kung paano nagkaroon ng mga cell wall ang sumunod na mga henerasyon ng Staphylococcus aureus (hospital staph) anupat lalong di-tinablan ng gamot na kaniyang natuklasan.
Ito ang nagtulak kay Dr. Fleming na magbabala, mga 60 taon na ang nakaraan, na maaaring hindi na tablan ng penisilin ang nakapipinsalang baktirya na nasa katawan ng taong may impeksiyon. Kaya kung hindi na kayang patayin ng dosis ng penisilin ang marami-raming nakapipinsalang baktirya, darami ang susunod na henerasyon nito na di-tinatablan ng gamot. Dahil dito, babalik ang sakit na hindi na kayang gamutin ng penisilin.
Ang aklat na The Antibiotic Paradox ay nagkokomento: “Nagkatotoo ang mga prediksiyon ni Fleming, at mas malala pa ang nangyari kaysa inakala
niya.” Paano nangyari iyon? Buweno, napag-alaman na sa ilang uri ng baktirya, ang mga gene—mumunting blueprint sa DNA ng baktirya—ay lumilikha ng mga enzyme na nagpapawalang-bisa sa penisilin. Bunga nito, maging ang matagal na pag-inom ng penisilin ay kadalasang nawawalan ng saysay. Talagang nakagugulat nga ito!Sa pagtatangkang masugpo ang nakahahawang mga sakit, laging bahagi ng medisina ang bagong mga antibiyotiko mula noong mga dekada ng 1940 hanggang noong dekada ng 1970, at mangilan-ngilan noong dekada ng 1980 at dekada ng 1990. Maaari nitong sugpuin ang baktirya na hindi tinablan ng naunang mga gamot. Subalit sa loob lamang ng ilang taon, lumitaw ang mga uri ng baktiryang hindi na rin tinatablan kahit ng bagong mga gamot na ito.
Natuklasan ng mga tao na talagang matatalino ang baktiryang di-tinatablan ng gamot. Ang mga baktirya ay may kakayahang magpalit ng kanilang cell wall upang hindi mapasok ng antibiyotiko o magbago ng sarili nilang kemistri upang hindi sila mapatay ng antibiyotiko. Sa kabilang banda, maaaring mabilis na alisin ng baktirya ang antibiyotiko sa oras na pumasok ito, o basta pinawawalang-bisa ng baktirya ang antibiyotiko sa pamamagitan ng pagsira rito.
Habang dumadalas ang pag-inom ng mga antibiyotiko, ang uri ng mga baktirya na di-tinatablan ng gamot ay dumarami at kumakalat. Wala na ba talagang pag-asa? Hindi naman sa karamihan ng kaso. Kung hindi mabisa ang isang antibiyotiko sa isang partikular na impeksiyon, karaniwan namang mabisa ang iba. Nakayayamot nga ang pagkadi-tinatablan ng baktirya, subalit hanggang sa kasalukuyan ay nakokontrol naman ito.
Pagkadi-tinatablan sa Maraming Gamot
Pagkatapos, gayon na lamang ang takot ng mga siyentipiko sa medisina nang matuklasang nagpapalitan pala mismo ng mga gene ang mga baktiryang ito. Noong una, inakala na ang magkakauring baktirya lamang ang puwedeng magpalitan ng mga gene. Subalit nang maglaon, ang katulad
na mga gene na di-tinatablan ng gamot ay natuklasan sa lubos na magkakaibang uri ng baktirya. Dahil sa gayong mga pagpapalitan, dumami ang iba’t ibang uri ng baktirya na di-tinatablan ng maraming magkakaiba at pangkaraniwang iniinom na mga gamot.Mas masama pa rito, ipinakita ng mga pag-aaral noong dekada ng 1990 na ang ilang baktirya ay maaaring di-tablan ng gamot kahit na walang tulong ng ibang baktirya. Kahit na ginamitan ng iisang uri lamang ng antibiyotiko, ang ilang uri ng baktirya ay nagkaroon naman ng kakayahang labanan ang maraming antibiyotiko, natural man iyon o sintetiko.
Isang Mapanglaw na Kinabukasan
Bagaman mabisa pa rin ang maraming antibiyotiko ngayon sa karamihan ng mga tao, gaano kaya kabisa ang gayong mga gamot sa hinaharap? Ganito ang sabi ng The Antibiotic Paradox: “Hindi na tayo makaaasa na magagamot ng unang antibiyotikong pinili natin ang anumang impeksiyon.” Sinabi pa ng aklat: “Sa ilang bahagi ng daigdig, ang limitadong suplay ng mga antibiyotiko ay nangangahulugan na walang antibiyotiko ang mabisa. . . . Ang mga pasyente ay nagdurusa at namamatay sa mga sakit na inihulang masusugpo sa ibabaw ng lupa mga 50 taon na ang nakalilipas.”
Hindi lamang ang mga baktirya ang mga mikrobyong hindi na tinatablan ng mga gamot na ginagamit sa medisina. Kamangha-mangha rin ang pagiging madaling makibagay ng mga virus gayundin ng mga fungus at ng iba pang pagkaliliit na parasito, anupat lumilikha ng mga uri na magpapawalang-saysay sa lahat ng ginagawang pagsisikap na makatuklas at makagawa ng mga gamot na makasusugpo sa mga ito.
Kung gayon, ano ang maaaring gawin? Tatablan na kaya o makokontrol ng gamot ang mga mikrobyo? Paano kaya makapananatiling matagumpay ang mga antibiyotiko at mga panlaban sa mikrobyo sa pagsugpo ng mga sakit sa isang daigdig na patuloy na sinasalot ng nakahahawang mga sakit?
[Mga talababa]
^ par. 4 Ang “antibiyotiko,” gaya ng pangkaraniwang gamit sa salita, ay gamot na lumalaban sa baktirya. Ang “panlaban sa mikrobyo (antimicrobial)” ay isang mas malawak na termino at kasama rito ang anumang gamot na lumalaban sa mga mikrobyong nagdudulot ng sakit, ito ma’y mga virus, baktirya, fungus, o pagkaliliit na parasito.
^ par. 10 Ang mga pamatay-insekto ay mga lason, gayundin naman ang mga gamot. Ang mga ito ay kapuwa kapaki-pakinabang at nakapipinsala. Bagaman maaaring patayin ng mga antibiyotiko ang nakapipinsalang mga mikrobyo, pinapatay rin ng mga gamot na ito ang kapaki-pakinabang na baktirya.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ano ba ang mga Panlaban sa Mikrobyo?
Ang antibiyotikong inirereseta sa iyo ng doktor ay nasa kategorya ng mga gamot na tinatawag na mga panlaban sa mikrobyo (antimicrobial). Ito ay inuuri bilang “chemotherapy,” na tumutukoy sa paggamot ng mga sakit sa pamamagitan ng mga kemikal. Bagaman kadalasang ginagamit ang katagang “chemotherapy” may kaugnayan sa paggamot sa kanser, una itong kumapit—magpahanggang sa ngayon—sa paggamot ng nakahahawang mga sakit. Sa gayong mga kaso, tinatawag itong antimicrobial chemotherapy.
Ang mga mikrobyo, o mga mikroorganismo, ay pagkaliliit na organismo na makikita lamang sa pamamagitan ng mikroskopyo. Ang mga panlaban sa mikrobyo ay mga kemikal na sumusugpo sa mga mikrobyong nagdudulot ng sakit. Nakalulungkot, maaari ring pinsalain ng mga panlaban sa mikrobyo ang kapaki-pakinabang na mga mikroorganismo.
Noong 1941, ikinapit ni Selman Waksman, ang kasamang nakatuklas ng streptomycin, ang katagang “antibiyotiko” sa mga panlaban sa baktirya (antibacterial) na nagmumula sa mga mikroorganismo. Ang mga antibiyotiko gayundin ang iba pang panlaban sa mikrobyo ay mahalaga dahil sa katangiang tinatawag na selective toxicity. Nangangahulugan ito na maaari nitong lasunin ang mga mikrobyo nang hindi ka naman malubhang malalason.
Subalit ang totoo, ang lahat ng antibiyotiko sa paanuman ay nakalalason rin naman sa atin. Ang agwat sa pagitan ng dosis na makasusugpo sa mga mikrobyo at ng dosis na makapipinsala sa atin ay tinatawag na therapeutic index. Miyentras mas mataas ang index, mas ligtas ang gamot; mas mababa ang index, mas mapanganib ang gamot. Sa katunayan, libu-libong sangkap ng antibiyotiko ang natuklasan, subalit ang karamihan ay hindi magagamit sa medisina sapagkat labis na nakalalason ito para sa mga tao o mga hayop.
Ang unang natural na antibiyotiko na maiinom ay ang penisilin, na nagmula sa amag na tinatawag na Penicillium notatum. Kauna-unahang itinurok ang penisilin noong 1941. Hindi nagtagal pagkatapos, noong 1943, ang streptomycin ay nakuha mula sa Streptomyces griseus, isang baktirya sa lupa. Nang maglaon, nakagawa na ng maraming iba pang antibiyotiko, kapuwa nanggaling sa mga bagay na buháy at sa mga bagay na sintetiko. Ngunit ang mga baktirya ay nakagawa ng mga paraan upang di-tablan ng marami sa mga antibiyotikong ito, anupat naging sanhi ng pangglobong problema sa medisina.
[Larawan]
Pinipigilan ng kumpol ng amag na penisilin, na makikita sa malanday na sisidlan, ang pagdami ng baktirya
[Credit Line]
Christine L. Case/Skyline College
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Mga Uri ng Mikrobyo
Ang mga virus ang pinakamaliit na mikrobyo. Ang mga ito ang sanhi ng karaniwang mga sakit na gaya ng sipon, trangkaso, at pananakit ng lalamunan. Ang mga virus din ang sanhi ng kakila-kilabot na mga sakit na gaya ng polio, Ebola, at AIDS.
Ang mga baktirya ay mga organismong iisa ang selula na napakasimple anupat wala itong nukleo at karaniwang iisa lamang ang chromosome. Trilyun-trilyong baktirya ang nasa loob ng ating mga katawan, karamihan ay nasa ating sangkap ng panunaw. Tumutulong ang mga ito sa pagtunaw ng ating pagkain at pangunahing pinagmumulan ng bitamina K, na kailangan para sa pamumuo ng dugo.
Mga 300 lamang mula sa 4,600 nakatalang uri ng mga baktirya ang itinuturing na mga pathogen (nagdudulot ng sakit). Gayunpaman, mga baktirya pa rin ang sanhi ng napakaraming sakit sa mga halaman, hayop, at mga tao. Kasali sa mga sakit na ito sa tao ang tuberkulosis, kolera, dipterya, anthrax, pagkabulok ng ngipin, ilang uri ng pulmonya, at maraming sakit na naililipat sa pagtatalik.
Ang mga protozoan, tulad ng mga baktirya, ay mga organismong iisa ang selula, subalit mayroon itong mahigit sa isang nukleo. Kasama rito ang mga amoeba at trypanosome gayundin ang parasito na sanhi ng malarya. Halos sangkatlo ng mga bagay na buháy ay mga parasito—may mga 10,000 iba’t ibang uri nito—bagaman kakaunti lamang sa mga parasitong ito ang nagiging dahilan ng pagkakasakit ng mga tao.
Ang mga fungus ay maaari ring maging sanhi ng pagkakasakit. Ang mga organismong ito ay may nukleo at mistulang buhul-buhol na hibla ng banig. Ang pinakakaraniwang impeksiyon ay buni, gaya ng alipunga, at candidiasis (Candida). Ang malulubhang impeksiyon na dulot ng fungus ay karaniwang dumadapo lamang sa mga taong humina ang mga panlaban sa katawan dahil sa malnutrisyon, kanser, mga droga, o mga impeksiyong dulot ng virus na sumusugpo sa sistema ng imyunidad.
[Mga larawan]
“Ebola virus”
“Staphylococcus aureus” na baktirya
Ang “protozoan” na “Giardia lamblia”
“Fungus” ng buni
[Credit Lines]
CDC/C. Goldsmith
CDC/Janice Carr
Courtesy Dr. Arturo Gonzáles Robles, CINVESTAV, I.P.N. México
© Bristol Biomedical Image Archive, University of Bristol
[Larawan sa pahina 4]
Si Alexander Fleming, ang nakatuklas ng penisilin