Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Molino—Alaala ng Kahapon

Molino—Alaala ng Kahapon

Molino​—Alaala ng Kahapon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NETHERLANDS

KADALASAN nang itinatampok ang mga molino (windmill) sa mga tanawing ipininta at inukit nina Jacob van Ruisdael, Meindert Hobbema, Rembrandt van Rijn, at iba pang dalubsining na Olandes noong ika-17 siglo​—at hindi ito kataka-taka! Noong panahong iyon, nagkalat ang mga 10,000 molino sa bansa. Gayunman, ang kaakit-akit na mga istrakturang ito ay hindi lamang naging inspirasyon ng mga alagad ng sining. Mula noong unang bahagi ng ika-15 siglo hanggang sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, ginawa ng mga ito ang trabaho ng mga makinang de-krudo at de-kuryente sa ngayon. Naglalaan ang mga ito ng kinakailangang enerhiya para bumomba ng tubig, gumiling ng butil, lumagari ng kahoy, at gumawa ng maraming iba pang gawaing pang-industriya. Subalit di-gaya ng mga makina sa ngayon, ang enerhiyang naidudulot ng mga molino ay walang kasamang polusyon.

Pagpoposisyon sa mga Lona

Kapag pumasyal ka sa Netherlands ngayon, hahanga ka pa rin sa mga gusaling iyon na matagal nang ginawa, bagaman bumaba na sa mga 1,000 ang bilang ng mga ito. Gusto mo pa bang makaalam nang higit tungkol sa mga ito? Sumama ka sa amin habang pinapasyalan namin ang isang 350-taóng-gulang na molino na nakatayo sa tabi ng magandang Ilog Vechte sa gitnang Netherlands.

Isang magandang umaga ng tagsibol ngayon. May-kabaitang binigyan tayo ni Jan van Bergeijk, isang molinero, ng isang tasa ng umuusok at mainit na kape at sinabi niya sa atin na tamang-tama ang lagay ng panahon para patakbuhin ang molino. Gayunman, dapat munang ipihit ang bubong ng molino paharap sa hangin. Ipinaliliwanag ni Jan kung paano ito ginagawa habang tinatapakan niya ang mga rayos ng isang gulong na kahoy na dalawang beses ng kaniyang laki. Nakakabit ang gulong na ito sa bubong ng molino. Sa pamamagitan ng pag-ikot sa gulong, pinaiinog ni Jan ang bubong hanggang sa ang mga dahon ng malaking elise nito, na 13 metro ang haba ng bawat isa, ay nakaposisyon sa dakong may pinakamalakas na hangin. Pagkatapos, ang gulong ay ikinakadena sa lupa upang hindi ito magbago ng posisyon. Sumunod, iniladlad ni Jan ang isang lonang gawa sa kanbas at ikinabit ito sa balangkas ng bawat dahon. Pagkatapos ikabit ang isa pang kadena (safety chain), nilargahan ni Jan ang preno, itinulak ng hangin ang mga lona, at ang apat na dahon ay unti-unting umikot. Sandali tayong nanood at namangha habang nadarama natin ang haginit ng umiikot na mga dahon. Pagkatapos ay inaanyayahan tayo ni Jan na tingnan ang nangyayari sa loob mismo ng molino.

Higit Pang Pagsusuri

Umakyat tayo sa isang matarik na hagdan, kung saan makikita natin ang isang pahalang, o pang-itaas na eheng kahoy, na nakakabit sa mga dahon. Sa tulong ng mga gulong na kahoy na may mga ngipin at barilya, ang ehe na ito ang nagpapaikot naman sa isang nakatayong ehe na tinatawag na vertical king pivot. Napansin natin na may nakasabit na isang piraso ng puting grasa sa malapit. Ipinaliwanag ni Jan na inilalagay ito sa malalaking bolitas na gawa sa bato na pinag-iikutan ng eheng kahoy. Ngunit pagkit naman ang ginagamit niya para sa mga ngiping gawa sa encina. Nakikita rin natin dito kung paano mapababagal ang pag-ikot ng mga dahon. Nakapaikot sa isa sa mga gulong ang isang hilera ng mga bloke ng kahoy. Kapag hinigpitan ito, ang mga bloke ay nagsisilbing mga preno; kapag niluwagan, nakakalas ito at pinaiikot nito ang mga dahon.

Habang maingat tayong bumababa sa matarik na hagdan, kitang-kita natin ang pangunahing ehe, na umaabot mula sa itaas hanggang sa ibaba ng molino. Naaamoy natin ang lumang kahoy at naririnig ang langitngit ng umiikot na mga enggranahe. Sa paanan ng king pivot ay may isa pang set ng gulong na kahoy na may mga ngipin at barilya. Ang mga gulong na ito ang nagpapatakbo naman sa isang gulong na panalok. Huminto tayo sa may umiikot na gulong na ito at nakinig sa sumasaboy na tubig at sa haginit ng umiikot na mga lona. Para bang nakapaglakbay tayo pabalik sa nakaraan. Humanga tayo at nasiyahan sa sandaling iyon.

Paninirahan sa Loob ng Molino

Ang ilang molino, tulad ng mga molinong gumigiling ng butil, ay walang lugar na matutuluyan. Ang lahat ng espasyo ay nasakop ng mekanikal na mga bahagi ng molino. Karaniwan nang naninirahan ang molinero at ang kaniyang pamilya sa kabilang pinto. Gayunman, ang isang molino na kagaya ng ating pinapasyalan ay maaari ring gawing tirahan.

Parang komportableng manirahan sa isang molino sa ngayon; subalit noon ay tiyak na hindi komportable ang manuluyan doon. Ang unang palapag ang nagsilbing salas at kuwarto. Mayroon itong isang kama na parang kahon para sa dalawang tao, maliit na kusina, at kaunting lugar na mapag-iimbakan. Bago ang kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang molino ay may maliit na palikuran sa labas sa itaas ng isang estero. Ipinaliwanag ni Jan na ang mga molinero na may malalaking pamilya, na ang ilan ay may mahigit na sampung anak, ay kailangang gumawa ng mga lugar na matutulugan kahit na saan. Kung minsan, ang bunso ay natutulog sa ilalim ng kama ng mga magulang, samantalang ang ibang mga anak ay natutulog naman sa salas, sa ikalawang palapag, o sa ikatlong palapag​—sa mismong ilalim ng maingay na mga gulong na may mga ngipin!

Ang ilang molino ay nagsisilbing mga bomba para alisan ng tubig ang mga polder​—mabababang lupain na maaaring dating sahig ng isang lawa o ng dagat. Dapat magbomba ng tubig ang molino araw at gabi. Yamang nasa malawak na parang, nakahantad ang molino sa ihip ng hangin​—anupat nagiging mahangin at malamig ang loob nito. Kung idaragdag pa ang panganib ng mga unos at mga bagyong makulog, maliwanag na talagang mahirap ang buhay ng mga naninirahan sa molino. Sa kasalukuyan, mga 150 molino sa Netherlands ang tinitirhan pa rin, kadalasan ng mga kuwalipikadong molinero.

Mga Molino na May Maraming Gamit

Habang sumasalok ng tubig ang molino, lumabas tayo at naupo sa isang bangkô. Sinabi sa atin ni Jan ang hinggil sa iba’t ibang gamit ng mga molino​—mga gristmill para sa paggiling ng butil, mga polder mill para sa pagbomba ng tubig tungo sa isang ilog o tipunan ng tubig, mga oil mill para sa pagkuha ng langis mula sa mga binhi, mga paper mill para sa paggawa ng papel, mga sawmill para sa pagputol ng kahoy, at iba pa. Ipinaliwanag din niya na ang unang molino para sa paagusan ng tubig ay itinayo noong unang bahagi ng ika-15 siglo. Nang maglaon, ang gayong mga molino ay ginamit upang alisan ng tubig ang ilang lawa, tulad ng mga lawa ng Schermer, Beemster, at Wormer, na malapit sa Amsterdam.

Sa ngayon, daan-daang libong Olandes ang nakatira at nagtatrabaho sa lupain na dating sahig ng mga lawang ito at ng iba pang mga lawa. Sa katunayan, ang pangunahing paliparan ng Netherlands malapit sa Amsterdam ay nakatayo sa sahig ng isang tinabunang lawa. Ang nilalakaran ng mga pasaherong namamasyal sa paliparan ay mas mababa nang apat na metro mula sa kapantayan ng dagat! Ngunit hindi mo kailangang mag-alala na ang iyong pagsakay sa eroplano ay magiging isang paglalayag sa dagat. Ang mga istasyong nagbobomba ng tubig na pinatatakbo ng mga makinang de-krudo o de-kuryente (naging kahalili ng mga molino) ay nagtatrabaho araw at gabi upang panatilihing tuyo ang iyong tinatapakan.

Nagsasalitang mga Molino?

Habang humahaginit ang mga dahon sa harap natin, itinanong ni Jan kung narinig na ba natin ang tungkol sa nagsasalitang mga molino? “Nagsasalitang mga molino? Hindi pa,” ang sabi natin. Ipinaliwanag niya na sa patag na tanawin ng Netherlands, madalas na natatanaw ang mga molino na nasa malalayong lugar, anupat dahil dito ay nakapaghahatid ng mensahe ang molinero sa malalayong kapitbahay sa pamamagitan ng pagpoposisyon sa mga dahon nito. Halimbawa, kapag ang molinero ay sandaling nagpapahinga, ang mga dahon ay ipinoposisyon nang pahiga at patayo (A). Ang mga dahon na nakaposisyon nang pahilis ay nagpapahiwatig na hindi siya nagtatrabaho (B). Ito rin ang posisyong ginagamit kapag masama ang lagay ng panahon upang mapanatiling nakababa ang mga dahon hangga’t maaari, sa gayo’y nababawasan ang panganib na tamaan ng kidlat ang mga ito. Sa pamamagitan ng pagpapahinto sa pataas na dahon bago ito umabot sa pinakamataas na posisyon nito, ipinakikita ng molinero ang kagalakan at pag-asam (C ). Kalungkutan at pagdadalamhati naman ang ipinahahayag ng pagpapahinto sa pababang dahon pagkalampas na pagkalampas nito sa pinakamataas na posisyon nito (D).

Marami ring lokal na kinaugalian. Sa hilaga ng Amsterdam, kung minsan ay pinalalamutian ang mga molino kapag may maliligayang okasyon, gaya sa mga kasal. Pagkatapos, ang mga dahon ay nakaposisyon nang pahilis, sa posisyon na hindi ito nagtatrabaho, na may mga dekorasyon at mga palamuting nakatali sa pagitan ng mga ito. Noong Digmaang Pandaigdig II, nang sakupin ng hukbong Alemanya ang bansa, ginagamit ng mga tagarito ang mga posisyon ng mga dahon upang bigyang-babala ang mga nagtatago na may napipintong pagsalakay ng hukbo. Matapos marinig ang lahat ng ito at iba pang kawili-wiling mga bagay hinggil sa mga molino, naging isang di-malilimutang karanasan ang pagdalaw natin sa molinerong si Jan.

Ilang taon na ang nakalilipas, nagkaroon ng magandang publisidad ang mga pagsisikap na ingatan ang mga molino nang italaga sa World Heritage List ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ang isang grupo ng 19 na molino sa Kinderdijk, malapit sa daungang lunsod ng Rotterdam. Bunga nito, ang dating itinuturing na higit sa pangkaraniwang mga pabrika noon ay naging mga monumento ng kultura na ngayon. Karagdagan pa, maraming tapat na mga boluntaryo ang nagmamantini at nag-iingat sa mga molino sa buong bansa. Dahil sa kanilang pagsisikap, nakikita pa rin ng mga turista sa ngayon mula sa buong daigdig ang ilang molino na nagbigay ng inspirasyon sa tanyag na mga pintor noon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

Pagbabawal sa Pagluluwas ng mga Molino

Mga 300 taon na ang nakalipas, kailangang-kailangan ang teknolohiya ng molino. Napakaraming bahagi ng molino ang inilalabas mula sa Netherlands. Bukod pa rito, tinitiktikan ng mga dayuhan ang bansa upang makakita ng mga gumagawa ng molino, anupat inaakit silang magtrabaho sa ibang bansa. Di-nagtagal, ang teknolohiya ng Olandes sa mga molino ay nakita sa mga lupain ng Alemanya, Baltic, Espanya, Inglatera, Ireland, Portugal, at Pransiya. Sa katunayan, pagsapit ng kalagitnaan ng ika-18 siglo, umunti na nang umunti ang teknolohiya sa mga molino anupat nakialam na ang pamahalaan ng Netherlands. Noong Pebrero 1752, ipinatupad ng mga awtoridad ang pagbabawal sa pagluluwas ng mga molino. Mula noon, ayon sa Olandes na istoryador na si Karel Davids, walang sinuman ang pinahintulutan na tulungan ang isang dayuhan na bumili, magtayo, o maglipat ng “anumang bahagi ng isang molino ng Netherlands” o “magluwas ng anumang kagamitan na maaaring gamitin upang magtayo ng mga ito.” Sino ang nagsabi na ang mga pagbabawal sa pangangalakal at paniniktik sa industriya ay ngayon lamang nangyayari?

[Mga larawan]

Ibaba: Ipinipihit ni Jan ang bubong ng molino paharap sa hangin; mga ngipin at mga gulong na may mga ngipin na gawa sa kahoy; salas

[Credit Line]

Lahat ng litrato: Stichting De Utrechtse Molens

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 22]

(Tingnan ang publikasyon)

A

B

C

D

[Picture Credit Line sa pahina 21]

De Saen painting by Peter Sterkenburg, 1850: Kooijman Souvenirs & Gifts (Zaanse Schans Holland)