Ang Krisis na Kinakaharap ng mga Magbubukíd
Ang Krisis na Kinakaharap ng mga Magbubukíd
INAARARO ni Richard ang mismong bukid na sinaka ng kaniyang lolo sa tuhod mga 100 taon na ang nakalilipas. Gayunman, noong 2001 ang magbubukid na ito na taga-Canada ang kauna-unahan sa apat na henerasyon ng kaniyang pamilya na walang inaning anuman. Ang kaniyang mga pananim ay sinalanta ng tagtuyot. Ang mababang presyo ng ani sa nakalipas na mga taon at ang lumalaking gastos sa produksiyon ay nagpalubha ng kaniyang suliranin. Ganito ang hinagpis ni Richard: “Lalong lumulubha ang kalagayan at wala itong lunas.”
Sa tinatawag na Corn Belt ng Estados Unidos, si Larry ay may bukid na naging pag-aari na ng kaniyang pamilya sa loob ng 115 taon. “Pakiramdam ko’y may responsibilidad akong patuloy na sakahin ang bukid, pagkakitaan ito . . . , at hindi ko ito nagawa,” ang sabi niya. Naiwala ni Larry at ng kaniyang asawa ang kanilang bukid.
Sina Larry at Richard ay hindi nag-iisa. Sa Britanya, ang biglang paglitaw ng foot-and-mouth disease sa mga hayop sa bukid ay nagdulot ng napakalaking pinansiyal na kalugihan at emosyonal na pinsala sa mga magbubukíd. Ganito ang sabi ng isang balita: “Ang pang-araw-araw na buhay sa bukirin sa Britanya—maging sa mga hindi naabot ng sakit—ay lipos ng kabalisahan, pag-iisa, at desperadong pagsisikap na iwasan ang mga pinagkakautangan.” Sa ilang papaunlad na mga lupain, ang digmaan, tagtuyot, mabilis na pagdami ng populasyon, at maraming iba pang dahilan ay humahadlang sa mga pagsisikap ng mga magbubukíd. Napipilitan ang mga
gobyerno na mag-angkat ng pagkain—pagkain na hindi naman kayang bilhin ng maraming pamilya.Kaya naman, ang problema ng mga magbubukíd ay malawak ang epekto. Magkagayunman, iilang tagalunsod lamang ang nagbibigay-pansin sa mga hamon ng agrikultura. Halos 50 taon na ang nakalilipas, angkop na sinabi ng pangulo ng Estados Unidos na si Dwight D. Eisenhower: “Parang napakadali ng pagbubukíd kapag ang araro mo ay lapis, at libu-libong milya ang layo mo sa taniman ng mais.” Nadarama rin ng mga magbubukíd sa ngayon na ang malaking bahagi ng daigdig ay di-pamilyar sa agrikultura at sa mahalagang papel ng mga magbubukíd. “Halos wala tayong pakialam kung saan nanggagaling ang ating pagkain,” ang hinagpis ng isang magbubukíd na taga-Canada. “Bago pa man ito balutin sa plastik at ilagay sa istante sa tindahan, napakarami nang tao ang humawak dito.”
Yamang umaasa tayong lahat sa industriya ng pagbubukíd, hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang mga problema ng mga magbubukíd. Ganito ang babala ng sosyologong sina Don A. Dillman at Daryl J. Hobbs: “Sa ating lipunan na lubhang umaasa sa isa’t isa, ang mga problema sa kabukiran ay madaling nagiging mga problema sa lunsod at bise bersa. Hindi magtatagal ang pag-unlad ng mga lunsod o mga kabukirang bahagi ng ating lipunan kung ang isang bahagi nito ay naghihirap.” Karagdagan pa, sa itinuturing na pangglobong nayon sa ngayon, ang paghina ng ekonomiya ng isang bansa ay maaaring lubhang makaapekto sa bentahan ng ani at sa gastos ng produksiyon sa ibang lupain.
Kung gayon, hindi nga kataka-taka na iniulat ng New York Center for Agricultural Medicine and Health: “Ang pagbubukíd ay isa sa 10 pinakamaigting na mga hanapbuhay sa Estados Unidos.” Ano ba ang ilan sa mga dahilan na nasa likod ng krisis sa kabukiran? Paano ito mahaharap ng mga magbubukíd? Mayroon bang dahilan upang maniwala na ang krisis ay malulunasan?
[Blurb sa pahina 4]
“Parang napakadali ng pagbubukíd kapag ang araro mo ay lapis, at libu-libong milya ang layo mo sa taniman ng mais”