Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Lasing na mga Hayop
Ayon sa mga ulat mula sa buong daigdig, hindi lamang pala mga tao ang nalalango sa inuming de-alkohol. Kamakailan, pagkatapos makatuklas ng serbesa sa isang nayon sa Assam, India, isang lasing na kawan ng mga elepante ang nagsuguran at nanira ng mga gusali. Sa Bosnia, isang oso na nasarapan sa natirang serbesa mula sa itinapong mga lata ang gustong humingi pa uli. Palibhasa’y nagsawa na sa pagwawala nito, ipinasiya ng mga taganayon na bigyan ito ng serbesang walang alkohol. Naging mabisa iyon. Nasisiyahan pa rin ang oso sa inumin pero hindi na siya agresibo. Sa hilagang California, ang mga kotse ay sinalakay ng mga ibong nalasing sa kumasim na mga beri mula sa mga palumpong sa tabi ng daan. Ang lunas ay putulin ang mga palumpong. Ang mga kumasim na nektar ang nagpangyari sa mga bubuyog na bumangga sa mga punungkahoy o bumagsak na lamang sa lupa, anupat di-malaman ang daan pabalik sa bahay-pukyutan. Ang mga lasing na bubuyog naman na nakarating sa bahay-pukyutan ay napapaharap sa isa pang problema—ang galit ng mga guwardiyang bubuyog na determinadong protektahan ang buong kolonya mula sa pagkalasing.
Pag-ulan ng Isda
Daan-daang maliliit na isda na marahil ay mula sa tilamsik ng Lawa ng Dojran o Lawa ng Korónia ang nasumpungan sa nayon ng Koróna, ang ulat ng pahayagang Eleftherotypia sa Gresya. “Nakita ng mga taganayon na nagkalat ang mga isdang bumagsak mula sa kalangitan.” Ayon kay Christos Balafoutis, direktor ng departamento ng meteorolohiya sa Tesalonica, hindi bihira ang gayong mga insidente. Ang mga ulap ng bagyo sa mga lagay ng panahon na mababa ang presyon ay bumubuo ng mga ipuipo na humihigop ng tubig, kasama na ang mga isda at palaka, mula sa ibabaw ng mga lawa. “Nadadala sila ng hangin ng ipuipo sa kaitaasan at sa napakalayong lugar,” ang sabi ng ulat. Sa kalaunan ay bumabagsak ang mga isda kapag humina na ang puwersa ng ipuipo.
Ang Talagang Ikinababahala ng mga Tin-edyer
“Masyadong nababahala ang mga magulang sa kanilang mga anak na tin-edyer na baka malulong sa droga ang mga ito anupat nabibigo silang makita ang malulubhang problema sa emosyonal at mental na kalusugan na nakaaapekto sa kanilang mga supling,” ang sabi ng The Times ng London. Isang surbey ng mahigit sa 500 magulang at mahigit sa 500 tin-edyer ang nagpapakita na 42 porsiyento ng mga magulang ang naniniwala na ang pag-abuso sa droga ang pinakamalaking problemang napapaharap sa kanilang mga anak. Gayunman, 19 na porsiyento lamang sa mga tin-edyer ang sang-ayon. Tatlumpu’t isang porsiyento ng mga tin-edyer ang higit na nababahala sa mga kaugnayan sa mga kaibigan at pamilya, at 13 porsiyento ang nababahala sa paninindak sa paaralan. Si Justin Irwin, direktor ng isang sanggunian sa telepono na Get Connected, ang organisasyon na nagtalaga ng surbey, ay nagpahayag ng pagkabahala partikular na sa tendensiya ng mga magulang na makaligtaan ang mga suliranin sa isip at emosyon ng kanilang mga tin-edyer na anak. Hinihimok niya ang mga magulang: “Ihinto na ang mga pala-palagay. Maging makatotohanan.”
Nakapipinsalang mga Epekto ng Kawalan ng Tulog
“Siyam na porsiyento ng mga Polako ang natutulog nang wala pang limang oras gabi-gabi,” ang ulat ng lingguhang babasahin na Wprost sa Warsaw. “Sa mga Amerikano at sa mga Britano, 1 sa 3 tulog ang hindi hihigit sa 6.5 oras bawat gabi.” Ayon kay Michał Skalski mula sa isang klinika sa Poland para sa mga may sakit sa pagtulog, “ang isa na kaunti ang tulog ay nasa ilalim ng permanenteng kaigtingan.” Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik sa Hapon na “ang panganib ng atake sa puso ay 50 porsiyentong mas mataas sa mga natutulog nang limang oras o mas mababa pa rito sa isang araw kung ihahambing sa mga natutulog nang walong oras bawat gabi,” ang ulat ng Wprost. Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng mga pag-aaral sa Amerika na ang kakulangan sa tulog ay maaaring iugnay sa diyabetis at sa iba pang mga problema sa kalusugan. Ang kawalan ng tulog ay hindi lamang “umaakay sa mga pagbabago sa metabolismo ng glucose” kundi iniuugnay rin ito sa “higit na panganib na maging labis na mataba,” ang sabi ng ulat. “Kapag pagod ka, sinisikap ng iyong katawan na bawiin ang kulang na enerhiya,” ang paliwanag ng magasing American Fitness. “Ang mga taong kulang sa tulog ay may tendensiyang kumain at uminom nang mas madalas upang hindi antukin. Kaya kung nabawasan ka ng ilang kilo at gusto mong mapanatili ito, dagdagan mo nang kaunti ang iyong tulog.”
Isang Araw sa Opisina
Isang surbey ng London Magazine ang nagtanong sa 511 katao hinggil sa kanilang karaniwang araw. Sa panahon ng trabaho, halos kalahati ang nakainom na ng inuming de-alkohol, 48 porsiyento ang nakapagnakaw na, at halos sangkatlo ang nakagamit na ng ilegal na mga droga, ang ulat ng pahayagang The Daily Telegraph ng London. Karagdagan pa, 42 porsiyento ang “nakakaisip na patayin ang kanilang amo,” halos sangkatlo ang “nakapanood na ng pornograpya sa internet,” “62 porsiyento ang naalukan na ng isang kasamahan na makipagtalik at halos sangkalima ang nakipagtalik na sa loob ng opisina.” Tatlumpu’t anim na porsiyento sa mga empleadong ito ang nagsinungaling sa kanilang mga résumé, 13 porsiyento ang nagsabing makikipagtalik sila sa kanilang amo upang tumaas ang kanilang tungkulin, at 45 porsiyento ang talikurang maninira ng katrabaho para lamang umasenso. Ayon sa psychotherapist na si Philip Hodson, ang karamihan sa paggawing ito ay dahil sa paghihinanakit sa mga nasa kapangyarihan. Sinabi niya: “Gagawin natin ang lahat para makarating sa taas. Napakahalaga sa atin ang mga titulo, posisyon at katayuan.”
Biglaang Pagkamatay sa Isports
Nang mamatay ang tatlong lalaking nasa edad 50 pataas sa loob ng isang araw na iyon dahil sa atake sa puso pagkatapos tumakbo sa malayuang mga karera sa iba’t ibang bahagi ng Hapon, nagpalabas ang mga doktor sa isports ng mga babala. Si Dr. Masatoshi Kaku, tsirman ng Kobe Sports Academy at isang doktor, ay sumulat sa pahayagang Asahi Shimbun: “Humigit-kumulang sa 80 porsiyento ng biglaang mga pagkamatay ang nauugnay sa puso. . . . Siyamnapung porsiyento ng mga biktimang biglaang namatay ay mga taong iniulat na may magandang kalusugan.” Inirerekomenda ni Dr. Kaku na gawin ang mga electrocardiogram test habang nag-eehersisyo sa halip na habang nakaupo o nakahiga lamang ang pasyente. Nagpayo pa siya laban sa sobrang pagpapakapagod at nagrerekomenda na huwag mag-ehersisyo kapag nakakaramdam ng kahit sinat lamang, pagduduwal, o pagkahilo. “Hindi isang kahihiyan ang umatras sa gitna ng isang laro o karera,” ang sabi ni Dr. Kaku. Sinabi pa niya: “May tendensiya ang mga atleta na tapusin ang karera anuman ang mangyari, ngunit dapat ka ring mag-isip-isip kung kailangan ito.”
Ang Pangangailangang Mag-usap ang Pamilya
“Ang pag-uusap ng pamilya ay naglalaho na tungo sa pagiging ‘araw-araw na ungol’ na lamang na nagiging sanhi ng kawalang-kakayahan ng mga musmos na magsalita nang wasto,” ang ulat ng The Times ng London. Isinisisi ni Alan Wells, direktor ng Basic Skills Agency ng pamahalaan na may pananagutan sa pagpapanatili ng mga pamantayang pang-edukasyon sa Britanya, ang paglalahong ito sa “pag-upo [ng mga bata] sa harap ng telebisyon at computer at sa kawalan ng panahon ng mga pamilya na sama-samang kumain.” Sinisisi rin ni Wells ang pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang na walang mga lolo’t lola, gayundin ang katotohanan na iilang magulang na lamang ang nagbabasa sa kanilang mga anak. Naniniwala siya na ang mga salik na ito ang nakatutulong na ipaliwanag kung bakit ang mga batang pumapasok sa paaralan sa edad na apat o limang taon ay “di-gaanong matatas magsalita at di-gaanong maipahayag ang kanilang sarili” kung ihahambing sa mga bata noon. Inirerekomenda ni Wells ang mga programang magtuturo sa mga magulang kung paano makipag-ugnayan sa kanilang mga anak.
Mas Timbang na Buhay
Natuklasan ng isang surbey na isinagawa ng Australia Institute, isang pribadong organisasyon ng pagsasaliksik, na “sa nakalipas na 10 taon, 23 porsiyento ng mga Australiano na ang edad ay 30 hanggang 59 ang nagsakripisyo ng kita alang-alang sa isang mas timbang na istilo ng pamumuhay,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Ang kalakarang ito, na tinatawag ng mga mananaliksik na downshifting, ay tinatahak ng marami na umaasang mapabuti ang kanilang kapakanan at magkaroon ng higit na panahon sa kanilang mga anak. Ang mga manggagawang ito ay “lumilipat sa trabahong di-gaanong mapaghanap at di-gaanong mataas ang sahod, anupat nabawasan ang kanilang oras ng pagtatrabaho o tuluyan na silang hindi nagtrabaho,” ang sabi ng Herald. Ganito ang sabi ni Dr. Clive Hamilton, executive director ng Australia Institute: “Tungkol ito sa pag-una sa buhay kaysa sa mga kita. Ang mga taong ito ay tiyak na hindi nagtuturing sa kanilang sarili bilang mga indibiduwal na nagpabaya; sila’y ordinaryong mga tao mula sa karaniwang kalakaran ng lipunan, na laban sa labis na pagbili ng materyal na mga bagay at sadyang binabawasan ang kanilang kita upang magkaroon ng mas timbang na istilo ng pamumuhay.”