Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Elektronikong Laro Ako po ay 13 taóng gulang. Nang makita ko ang magasin na may seryeng itinampok sa pabalat na “Mga Elektronikong Laro—May Masamang Epekto ba Ito?” alam ko na para sa akin iyon! (Disyembre 22, 2002) Inilarawan sa pahina 7 ang isang laro na labis na kinahumalingan ko noon. Ibig ko po kayong pasalamatan dahil sa pagsulat ng mga artikulong iyon sa magasin sapagkat natulungan ako ng mga ito para baguhin ang aking landas at higit na ibigin si Jehova.
J. L., Estados Unidos
Ako po’y malapit nang mag-15 anyos, at sa paaralan ay kinailangan naming magbigay ng report tungkol sa isang kasalukuyang usapin na aming napili. Tamang-tama ang pagdating ng Gumising! na ito. Labis na nagustuhan sa klase ang aking report. Nakakuha rin po ako ng matataas na marka! Pakisuyo na patuloy kayong sumulat ng gayong mga artikulo.
J. A., Alemanya
Noon pa man ay gusto ko nang ipaabot sa inyo ang aking pasasalamat sa impormasyon na ibinibigay sa mga magasin na inyong inilalathala, subalit nang mabasa ko ang mga artikulo tungkol sa mga elektronikong laro, ipinasiya ko na sumulat agad. Ako’y isang ina na may dalawang anak, na ang edad ay 11 at 3. Kaya nga, talagang napapanahon para sa akin ang impormasyon. Kitang-kita ko ang pag-ibig at pag-iingat ng ating Maylalang sa pamamagitan ng gayong mga publikasyon.
O. V., Estados Unidos
Abrolhos Ako po ay 13 taóng gulang. Nasiyahan ako sa pagbabasa ng artikulong “Abrolhos—Huwag Kayong Kukurap.” (Disyembre 22, 2002) Simula’t sapol ay interesado na ako sa di-pangkaraniwang mga ibon, pero lalo akong interesado sa kung ano ang nangyayari sa ilalim ng karagatan at mga isla. Inaasahan ko na patuloy kayong maglalathala ng gayong mga artikulo.
V. J., Serbia at Montenegro
Tuwang-tuwa ako na mabasa ang artikulong ito. Isinulat iyon sa paraan na talagang naguguniguni ko ang sumisirkong mga balyena, ang makukulay na ibon na lumilipad-lipad sa ibabaw ng dagat, at ang mga bahurang korales na may iba’t ibang uri ng isda na kumakain mula sa kamay ng tao. Nalipos ako ng paghanga sa Maylalang, at gustung-gusto kong makita ang magandang bahaging ito ng daigdig. Samantala, gagamitin ko ang artikulong ito kapag nakikipag-usap sa mga taong nag-iisip na nakababagot ang mabuhay magpakailanman sa lupa.
M. P., Poland
Pananampalataya sa Ilalim ng Pagsubok Nasiyahan po ako sa artikulong “Pananampalataya sa Ilalim ng Pagsubok sa Slovakia.” (Disyembre 22, 2002) Pagkatapos na pagkatapos kong mabasa ito, ginawa ko agad ang liham na ito. Kung paanong napagtagumpayan ni Ján Bali ang kaniyang mga pagsubok, kailangan nating manatiling tapat. Ang pinakamagandang bahagi ng artikulo ay ang malinaw na imahinasyon niya sa paraiso na inilarawan sa aklat noong 1924 na The Way to Paradise. Gustung-gusto ko po ang bahaging ito dahil tungkol sa paraiso ang pinag-uusapan dito. Ako po ay siyam na taóng gulang.
E. K., Hungary
Panggigipit ng Kasamahan Bilang isang pamilya, noon pa ma’y gusto na naming sumulat at magpasalamat sa inyo para sa magagandang magasin. Sa wakas, ipinasiya naming sumulat pagkatapos na mabasa ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Haharapin ang Panggigipit ng Kasamahan?” (Disyembre 22, 2002) Natulungan kami ng artikulong ito na maintindihan kung gaano kalalim ang pagkakilala ni David kay Jehova at kung gaano kalaki ang pagtitiwala niya sa Kaniya. Nagtagumpay si David sapagkat hindi siya nagtiwala sa kaniyang sariling kaunawaan o sa kaunawaan ng ibang mga tao. Totoo, kung nasa ating panig si Jehova, bakit tayo matatakot sa ating mga kasamahan?
F. H., Estonia
Dalawang taon na akong nagbabasa ng Gumising!, at nito lamang ako lubhang napahanga at napatibay ang loob nang mabasa ko ang artikulong ito. Pakiramdam ko ay sadyang isinulat iyon para sa akin. Maraming salamat sa napapanahong impormasyon.
T. C., Estados Unidos