Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ligtas bang Sumakay sa Eroplano? Ako po’y 10 taóng gulang at nakatira sa California, E.U.A. Nagpapasalamat po ako sa Gumising! hinggil sa paksang “Ligtas Pa Bang Sumakay sa Eroplano?” (Disyembre 8, 2002) May 47 katao mula sa aming paaralan ang maglalakbay mula sa San Diego patungong Sacramento. Nababahala po ako na baka bumagsak o ma-hijack ang eroplano. Pero pinalakas ng artikulong ito ang loob ko, at ang impormasyon hinggil sa napapanahong mga pamamaraang pangkaligtasan ay nakaragdag sa aking pagtitiwala. Sisikapin ko pong ipamahagi ang isyung ito sa lahat ng aking kaklase na natatakot o kinakabahan sa pagsakay sa eroplano.
V. M., Estados Unidos
Nakamamatay na Misyon Naantig ako sa karanasan ni Toshiaki Niwa na inilahad sa artikulong “Mula sa Nakamamatay na Misyon Tungo sa Pagtataguyod ng Kapayapaan.” (Disyembre 8, 2002) Ipinanganak ako sa Pilipinas mga ilang taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Kasama sa mga kuwento ng digmaan na inilahad ng aming pamilya ang kalupitan ng mga sundalo. Noong ako’y bata pa, itinatanong ko, “Paano nila nagawa iyon?” Malaki ang nagawa ng karanasan ni Brother Niwa upang maunawaan ko ang sagot sa tanong na ito. Salamat sa paglalathala ninyo ng mga artikulong gaya nito. Ang gayong pagbabagong buhay ay isa na namang patotoo ng kamangha-manghang kapangyarihan ni Jehova.
A. C., Estados Unidos
Mga Stem Cell Dalawampung taon na akong nagbabasa ng Gumising!, at sa tulong ng mga artikulo nito, tumatanggap ako ng pangkalahatang kaalaman sa maraming paksa. Kapag pinag-uusapan na ng mga tao ang cloning at mga stem cell, hindi ko maunawaan kung paano muling makagagawa ng ilang mga tisyu sa labas ng katawan ng tao. Salamat sa seryeng “Mga Stem Cell—Lumalampas Na ba ang Siyensiya sa Makatuwirang Hangganan Nito?” (Nobyembre 22, 2002), naunawaan ko na ngayon kung paano ito nagiging posible at kung bakit kontrobersiyal ang paksa.
F. M., Italya
Habang binabasa ko ang mga artikulong ito, natakot ako sa mga pamamaraang ginagamit ng mga tao upang pagalingin ang malulubhang sakit. Maraming salamat sa inyong pagsisikap na saliksikin ang mga artikulong ito at sa paghahatid sa amin ng mga katotohanan hinggil sa mga bagay na ito. Ngayon ay lalo akong nananabik sa araw na pagagalingin ng Diyos ang lahat ng ating karamdaman.
T. F., Pilipinas
Pagpapakita ng Pag-ibig Hangang-hanga ako sa artikulong “Pagpapakita ng Pag-ibig—Isang Matagalang Pagtulong”! (Nobyembre 22, 2002) Ang naisakatuparan ng mga boluntaryo sa Houston sa loob ng maraming buwan ay isang matibay na patotoo na ang tunay na pag-ibig ay makikita sa bayan ng Diyos at na saganang pinagpapala ng ating Maylalang ang mga pagsisikap ng kaniyang mga lingkod.
C. T., Alemanya
Hindi ko mapigilan ang pagluha nang mabasa ko ang artikulong ito. Nang umapaw ang Ilog Elbe, kinailangang lumikas ang 44 na kakongregasyon namin. Kaming mag-asawa ay maibiging pinatuloy ng isang pamilya na kakongregasyon namin, at ang aming dalawang malalaki nang anak na lalaki ay pinatuloy naman ng isa pang pamilya. Mula nang mangyari ang sakunang ito, ang aming kongregasyon ay lalong nápalapít sa isa’t isa. Bilang isang pamilya, tunay na pinahahalagahan namin ang mga gawaing pagtulong sa panahon ng mga sakuna kagaya ng nangyari sa Houston.
S. R., Alemanya
Apoy Napukaw ang aking interes nang mabasa ko ang artikulong “Ang Dalawang Mukha ng Apoy.” (Setyembre 22, 2002) Gayunman, tutol ako sa kapsiyon ng larawan sa pahina 25, na sinasabi: “Naiwasan ng natarantang elk ang sunog na lumaganap sa libis ng Bitterroot River sa Montana.” Mayroon akong pinalaking larawan ng litratong iyon, at waring hindi naman nataranta ang elk. Kadalasan nang nakikita ng mga bomberong naka-parachute ang mga usa at elk sa tabi ng apoy na pinapatay ng mga bombero, at dinidilaan ng mga hayop na ito ang mga mineral o nagpapagulung-gulong ang mga ito sa abo. Alam nila ang kanilang gagawin maging sa malalaking sunog. Waring hindi sila gaanong naaapektuhan nito.
B. D., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Pinahahalagahan namin ang obserbasyong ito. Siyempre pa, walang sinuman ang makatitiyak kung anong mga emosyon, kung mayroon man, ang nadarama ng mga hayop sa gayong mga situwasyon.