Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?
Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?
“Dadalas ang kapaha-pahamak na pagbaha at malalakas na bagyong nararanasan natin sa ngayon.”—THOMAS LOSTER, EKSPERTO SA MGA PANGANIB NA DULOT NG LAGAY NG PANAHON.
TALAGA nga bang may abnormalidad sa lagay ng panahon? Marami ang nangangambang mayroon nga. Ang meteorologong si Dr. Peter Werner mula sa Potsdam Institute for Climate Impact Research ay nagsabi: “Kapag inoobserbahan namin ang pangglobong lagay ng panahon—ang sobrang pag-ulan, pagbaha, tagtuyot, pagbagyo—at sinusubaybayan kung paano ito nabubuo, tama kami sa pagsasabing tumaas nang apat na ulit ang mga kalabisang ito sa nakalipas na 50 taon.”
Ipinalalagay ng marami na ang kakaibang takbo ng lagay ng panahon ay katibayan ng pag-init ng globo—namiminsala na ang tinatawag na greenhouse effect. Ganito ang paliwanag ng U.S. Environmental Protection Agency: “Ang greenhouse effect ay ang pagtaas ng temperaturang nararanasan sa Lupa dahil nakukulong ng ilang gas sa atmospera (halimbawa, ang singaw ng tubig, carbon dioxide, nitrous oxide, at methane) ang init ng araw. Kung wala ang mga gas na ito, sisingaw pabalik sa kalawakan ang init at ang katamtamang temperatura ng Lupa ay magiging mga 33°C na mas malamig.”
Gayunman, marami ang nagsasabing hindi namamalayan ng mga tao na napapakialaman na pala nila ang likas na prosesong ito. Ganito ang sabi ng isang artikulo sa Earth Observatory, isang publikasyon ng U.S. National Aeronautics and Space Administration sa Internet: “Ilang dekada nang nagbubuga ng bilyun-bilyong tonelada ng mga greenhouse gas sa atmospera ang mga pabrika at sasakyan ng mga tao . . . Nangangamba ang maraming siyentipiko na ang parami nang paraming greenhouse gas ay humahadlang upang makalabas mula sa Lupa ang radyasyon ng init. Sa diwa, kinukulong ng mga gas na ito ang sobrang init sa atmospera ng Lupa na kagayang-kagaya ng ginagawang pagkulong ng salamin sa init ng araw na pumapasok sa sasakyan.”
Sinasabi ng mga nagdududa na maliit na porsiyento lamang daw ng sumisingaw na greenhouse gas ang gawa ng tao. Subalit ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), isang grupong tagapagsaliksik na suportado kapuwa ng World Meteorological Organization at ng United Nations Environment Programme, ay nag-ulat: “May bago at mas matibay na ebidensiya na ang kalakhang bahagi ng nararamdamang pag-init sa nakalipas na 50 taon ay kagagawan ng mga tao.”
Ang eksperto sa klima na si Pieter Tans ng National Oceanic and Atmospheric Administration ay nagsabi: “Kung ako ang tatantiya nito, sasabihin
kong 60 porsiyento ay kasalanan natin . . . Ang natitirang 40 porsiyento ay dulot ng kalikasan.”Posibleng mga Epekto ng Pag-init ng Globo
Kung gayon, ano ang malamang na maging resulta ng pagdami ng gawang-taong greenhouse gas? Sang-ayon ang karamihan sa mga siyentipiko na umiinit na nga ang lupa. Gaano nga ba kabilis ang pagtaas ng temperaturang ito? Nag-ulat ang 2001 IPCC: “Tumaas sa pagitan ng 0.4 at 0.8°C ang temperatura ng ibabaw ng globo magmula noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.” Naniniwala ang maraming mananaliksik na ang bahagyang pagtaas na ito ang dahilan ng napakalaking pagbabago sa ating lagay ng panahon.
Talaga ngang napakakomplikado ng sistema ng lagay ng panahon ng lupa, at hindi matiyak ng mga siyentipiko kung ano—kung mayroon man—ang mga epekto ng pag-init ng globo. Subalit, marami ang naniniwalang dahil sa pag-init ng globo, dumalas ang pag-ulan sa Hilagang Hemisperyo, tagtuyot sa Asia at Aprika, at malimit na pagkakaroon ng El Niño sa Pasipiko.
Ang Kailangan—Isang Pangglobong Solusyon
Yamang marami ang nag-iisip na ang problemang ito’y gawa ng tao, hindi kaya ito malulutas ng tao? Ilang komunidad na ang nagpanukala ng mga batas upang limitahan ang pagbubuga ng polusyon mula sa mga sasakyan at mga pabrika. Subalit, ang mga pagsisikap na ito—bagaman kapuri-puri—ay halos wala man lamang epekto. Ang polusyon ay isang pangglobong problema, kaya dapat na pangglobo rin ang solusyon! Noong 1992, nagkaroon ng pulong ang Earth Summit sa Rio de Janeiro. Pagkalipas ng sampung taon, ginanap naman ang World Summit on Sustainable Development sa Johannesburg, Timog Aprika. Mga 40,000 delegado ang dumalo sa pulong na ito noong 2002, kasali na ang mga 100 lider ng mga bansa.
Malaki ang nagawa ng mga komperensiyang ito upang magkasundo ang mga siyentipiko sa kanilang palagay. Ganito ang paliwanag ng pahayagan sa Alemanya na Der Tagesspiegel: “Bagaman nagdududa ang karamihan sa mga siyentipiko [noong 1992] tungkol sa greenhouse effect, sa ngayon ay hindi na ito halos pinag-aalinlanganan.” Magkagayunman, pinaaalalahanan tayo ng ministrong pangkapaligiran ng Alemanya na si Jürgen Trittin na hindi pa natutuklasan ang tunay na solusyon sa problemang ito. “Kung gayon, ang summit sa Johannesburg ay hindi dapat na sa salita lamang,” ang pagdiriin niya, “kundi dapat din naman itong isagawa.”
Mapipigil Kaya ang Pagkapinsala ng Kapaligiran?
Ang pag-init ng globo ay isa lamang sa maraming pangkapaligirang hamon na kinakaharap ng sangkatauhan. Madaling sabihin kung paano ito mabisang lulutasin pero mahirap gawin. “Ngayong nagising na tayo sa katotohanan tungkol sa malubhang pinsalang idinulot natin sa ating kapaligiran,” isinulat ng Britanong etologo na si Jane Goodall, “inuubos naman natin ngayon ang lahat ng ating talino upang makatuklas ng teknolohikal na mga solusyon.” Subalit nagbabala siya: “Hindi sapat ang basta teknolohiya lamang. Kailangan din nating isangkot ang ating damdamin.”
Isaalang-alang nating muli ang suliranin ng pag-init ng globo. Napakamahal ng mga panlaban sa polusyon; karaniwan nang hindi ito talaga makakaya ng mahihirap na bansa. Kaya naman nangangamba ang ilang eksperto na dahil sa mga restriksiyon
sa enerhiya, baka lumipat na lamang ang mga kompanya ng industriya sa mahihirap na lupain kung saan higit silang kikita sa kanilang pagnenegosyo. Samakatuwid, nagigipit tuloy pati ang mga lider na may napakagagandang intensiyon. Kapag pinangalagaan nila ang kapakanang pang-ekonomiya ng kanilang bansa, nagdurusa ang kapaligiran. Kapag itinaguyod naman nila ang pangangalaga sa kapaligiran, kanilang isinasapanganib ang ekonomiya.Sa gayon ay nangatuwiran si Severn Cullis-Suzuki, ng lupon ng mga tagapayo ng World Summit, na ang pagbabago ay dapat manggaling sa bawat isa, na sinasabi: “Nakasalalay sa atin ang tunay na pagbabago sa kapaligiran. Hindi natin maaasahan ang ating mga lider. Dapat nating pagtuunan ng pansin kung ano ang ating mga pananagutan at kung paano natin magagawa ang pagbabago.”
Inaasahan namang igagalang ng mga tao ang kapaligiran. Subalit ang pagpapagawa sa mga tao ng kinakailangang mga pagbabago ay hindi madali. Bilang paglalarawan: Halos lahat ng tao ay sumasang-ayon na nakadaragdag nga sa pag-init ng globo ang mga sasakyan. Kaya naman, maaaring gustuhin ng indibiduwal na bawasan ang pagmamaneho o alisin nang lubusan ang sasakyan. Subalit maaaring hindi gayon kadali ito. Gaya nga ng sinabi kamakailan ni Wolfgang Sachs ng Wuppertal Institute for Climate, Environment, and Energy, “lahat ng lugar na may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay (pinagtatrabahuhan, kindergarten, paaralan, o pamilihan) ay labis na magkakalayo anupat hindi mo mararating ang mga ito nang walang sasakyan. . . . Hindi mahalaga kung gusto ko man o ayaw ng sasakyan. Sadyang wala nang mapagpipilian ang halos lahat ng tao.”
Nangangamba ang ilang siyentipiko, gaya ni Propesor Robert Dickinson ng Georgia Institute of Technology’s School of Earth and Atmospheric Sciences, na baka huli na ang lahat para iligtas ang lupa mula sa epekto ng pag-init ng globo. Naniniwala si Dickinson na mawala man ang polusyon ngayon, mananatili pa rin ang mga epekto ng nakaraang pang-aabuso sa atmospera sa loob ng di-kukulangin sa 100 taon pa uli!
Yamang hindi kayang lutasin ng mga pamahalaan at ng mga indibiduwal ang problema sa kapaligiran, sino kaya ang makagagawa nito? Noon pa mang unang panahon, ang mga tao ay sa langit na humihingi ng tulong para kontrolin ang lagay ng panahon. Simple man ang gayong mga pagsisikap, ang mga ito’y nagsisiwalat ng isang mahalagang katotohanan: Kailangan ng sangkatauhan ang tulong ng Diyos upang malutas ang mga problemang ito.
[Blurb sa pahina 7]
“May bago at mas matibay na ebidensiya na ang kalakhang bahagi ng nararamdamang pag-init sa nakalipas na 50 taon ay kagagawan ng mga tao”
[Kahon sa pahina 6]
“Nakasasamâ ba sa Kalusugan ang Pag-init ng Globo?”
Isang artikulo sa Scientific American ang nagbangon ng nakaiintrigang tanong na ito. Inihula nito na ang pag-init ng globo ay “magpaparami ng kaso at ng pagkalat ng maraming malulubhang karamdaman.” Halimbawa, sa ilang lugar, “ang bilang ng mga namamatay sanhi ng matinding init ay tinatayang madodoble pagsapit ng 2020.”
Ang di-gaanong napapansin ay ang nagagawa ng pag-init ng globo sa nakahahawang sakit. “Ang mga karamdamang dala ng lamok ay inaasahang patuloy na kakalat,” yamang ang mga lamok ay “mas mabilis dumami at mas nangangagat habang umiinit ang hangin. . . . Habang umiinit ang kabuuan ng mga lugar, ang mga lamok ay maaari nang dumami sa mga lugar na dati’y hindi sila makapamalagi, dala ang sakit.”
Kahuli-hulihan, nariyan ang mga epekto ng baha at tagtuyot—na kapuwa nakapagpaparumi sa suplay ng tubig. Maliwanag na talagang dapat pag-ukulan ng pansin ang banta ng pag-init ng globo.
[Larawan sa pahina 7]
Pinaiinit nang pinaiinit ng “greenhouse effect” ang atmospera sa halip na pasingawin ito sa kalawakan
[Credit Line]
NASA photo
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang tao ay nagpalabas na ng bilyun-bilyong tonelada ng pamparumi sa hangin, na lalong nagpalubha sa “greenhouse effect”