Ang Sauna—Noon at Ngayon
Ang Sauna—Noon at Ngayon
SA LOOB ng maraming siglo, natamasa ng iba’t ibang kultura ang mga sauna. Ang ilan sa maraming uri ng mga sauna ay ang inipi ng mga Indian sa Hilagang Amerika, ang bania ng mga Ruso, ang hamman ng mga Turko, at ang mushiburo ng mga Hapones.
Nariyan din ang mga sauna ng sinaunang Roma, na may kasamang hot room at steam room. Ang ilan sa pinakamagaganda at pinakamararangyang paliguan ng Roma na nahukay ay ang mga paliguan ni Caracalla. Sumasaklaw ang mga ito ng 11 ektarya, at maaaring maligo rito ang 1,600 katao.
Inaanyayahan namin kayong suriin ang dalawang uri ng saunang ginagamit pa rin sa ngayon. Ang isa ay ang temescal ng Mexico. Ang isa naman ay ang sauna ng Finland, at pagkatapos basahin ang tungkol dito, baka gusto mong subukan ito!
Ang Temescal
Bago sakupin ng Espanya ang Mexico, ang temescal ay ginamit ng mga Aztec, Zapotec, Mixtec, at Maya para sa paggagamot at pagdadalisay—sa mga ritwal sa pagdadalaga o pagbibinata, panganganak, paglilibing sa isang kamag-anak, at iba pang mga seremonya ng tribo. Nagmula ang temescal sa katutubong salitang Nahuatl na temazcalli, na nangangahulugang “gusaling paliguan.” Ang temescal ay isang parihaba o bilog na istrakturang gawa sa adobe na may bobedang bubong. Dito pinaiinit ang mga batong galing sa bulkan, at nagkakaroon ng singaw sa pamamagitan ng paghahagis sa mga bato ng mga halamang tsa, tulad ng rosemary at eukalipto. Ang naliligo ay marahang hinahampas ng mga halamang panritwal o halamang-gamot, at ang seremonya ay nagtatapos sa pamamagitan ng pagwiwisik ng malamig na tubig.
Sinalansang ng mga prayleng Kastila ang kaugaliang ito noong panahon ng mga gobernador dahil itinuring nilang di-angkop na maligong magkasama ang mga
lalaki’t babae. Magkagayunman, nanatili ang temescal at ginagamit pa rin ito sa ilang bahagi ng Mexico, pangunahin na para sa paliligo, upang maibsan ang sakit, o mapanumbalik ang lakas pagkatapos ng panganganak. Gayunman, sumisidhi ang interes na muling buhayin ang tradisyonal at espirituwal na aspekto ng temescal bilang bahagi ng pamana ng bansa.Ang Sauna ng Finland
Marahil, ang pinakakilalang sauna ay ang sauna ng Finland. Sa katunayan, ang “sauna” ay salitang Finnish. Umiiral na ang saunang ito sa loob ng mga 2,000 taon, anupat ang pinakaunang sauna ay binubuo ng isang butas sa lupa na di-maayos ang pagkakatabon at may apuyan sa gitna o sa sulok. Ang saunang may silid na nasa labas ng bahay ay lumitaw noong unang bahagi ng ika-12 siglo C.E.
Sa makabagong Finland, ang pangkaraniwang bahay ay may sauna, na may mga kahoy na entrepanyo at pinaiinit ng kuryente o ng panggatong na kahoy. Napakakaraniwan pa rin sa mga kabin at lalawigan ang mga saunang pinaiinit ng sinusunog na kahoy. Pinaiinit man ito ng kuryente o ng sinusunog na kahoy, ang mga apuyan ay tinatabunan ng suson ng mga bato. Ginagawang mas mahalumigmig ng mga naliligo ang sauna sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig sa pinainit na mga bato na gamit ang isang tabo. Ang isang mahalagang pagkakaiba ng sauna ng Finland at ng mga paliguang Romano o Turko ay na gawa sa kahoy ang mga entrepanyo at muwebles ng karamihan sa mga sauna. Dahil ang kahoy ay hindi gaanong tinatagos ng init, maaaring pataasin ang temperatura sa loob ng sauna nang hindi napapaso sa mga upuan, hawakan, o sa mga pader ang mga naliligo.
Ang sauna ay may malaking bahagi sa kultura ng Finland anupat may 1 sauna sa bawat 3 taga-Finland, ayon sa mga pagtantiya. Karamihan sa mga taga-Finland ay nagsasauna nang halos minsan sa isang linggo. Habang nagbabakasyon sa tag-araw, na kadalasa’y sa isang lawa, marami ang nagsasauna halos araw-araw! Karaniwan nang pinagsasalit-salitan ng mga naliligo ang mainit na sauna at ang paglangoy sa malamig na tubig ng lawa. Para sa mga nasisiyahan sa pagsasalit-salitang ritwal na ito ng sauna sa buong taon, maraming sauna ang masusumpungang malapit sa mga dako ng tubig na naging yelo, kung saan pinananatiling bukás ang isang butas sa yelo para sa mga gustong lumubog nang sandali.
Mga Kapakinabangan ng Sauna sa Kalusugan
Noon pa man, ang mga taga-Finland ay mga tagapagtaguyod na ng sauna dahil sa mga kapakinabangan nito sa kalusugan. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Finland: “Ang sauna ay gamot ng mahirap.” Sa katunayan, hanggang sa ika-19 na siglo, ang sauna ay nagsilbing parang ospital at silid ng mga babaing kapapanganak pa lamang, bukod pa sa pagiging isang paliguan.
Ang tipikal na pagsasauna ay tumatagal nang mga 10 hanggang 15 minuto bawat sesyon sa temperaturang 80 hanggang 100 digri Celcius. Maraming naliligo ang nasisiyahan sa paulit-ulit na pagsasauna, na nagpapahinga o naliligo sa pagitan ng mga sesyon. Dahil sa init, lumalakas ang daloy ng dugo, nabubuksan ang maliliit na butas ng balat, at nailalabas ang mga dumi gaya ng lactic acid, anupat ito’y nakapaglilinis o nakapag-aalis ng lason sa katawan. Karaniwan nang nagsasauna ang isa upang maibsan ang mga sakit at kirot ng katawan pagkatapos mag-ehersisyo at para magdulot ng kaginhawahan mula sa mga alerdyi, sipon, at kirot na bunga ng artritis. Bagaman magkakaiba ang mga opinyon hinggil sa mga kapakinabangang ito sa kalusugan, sinasabi ng mga taong mahilig magsauna na ito ay talagang nakagiginhawa, anupat nagiging magaan at malinis ang pakiramdam ng isa. Ang ilan ay nagsasauna sa pagtatapos ng araw dahil sa nakarerelaks na epekto nito. Nasusumpungan naman ng iba na ang pagsasalit-salit ng mainit at malamig na paliligo ay nakapagpapasigla ng katawan kung kaya mas gusto nilang gawin ito sa araw. *
Higit at higit na nagiging popular ang mga sauna sa buong daigdig, lalo na sa mga otel at sa mga pasilidad na pang-isport. Isang pag-iingat: Nakalulungkot na sa ilang bansa, ang terminong “sauna” ay tumutukoy sa mga lugar ng prostitusyon. Kaya tiyaking ang sauna na pupuntahan mo ay isang tunay at disenteng sauna.
Sa ilang lugar, hindi tama ang pagpapatakbo ng mga sauna. Halimbawa, kung walang sapat na bato ang isang apuyan at pagkatapos ay binuhusan ito ng tubig, maaari itong magbunga ng biglaang paglabas ng singaw na maaaring maging di-kaayaaya. Gayundin, maaaring tumulo ang tubig sa apoy o sa mga nakapulupot na bakal ng kuryente at sa dakong huli ay makasira sa apuyan. Samakatuwid, palaging tiyakin na nasusunod ang mga tagubilin ng gumawa ng sauna at napananatiling malinis at nahahanginan nang wasto ang sauna. Kung may mapupuntahan kang sauna na nakatutugon sa mga kahilingang ito, baka gusto mong subukan ang sinauna ngunit makabagong paraang ito ng paliligo.
[Talababa]
^ par. 14 Kung ikaw ay may-edad na o nagdadalang-tao o may sakit sa puso, konsultahin mo muna ang isang doktor bago ka magsauna.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
Mga Mungkahi sa Pagsasauna
● Iwasan ang pag-inom ng inuming de-alkohol at pagkain nang marami bago magsauna.
● Maligo muna.
● Maupo sa isang tuwalya.
● Tandaan na mas malamig ang temperatura sa mas mabababang upuan.
● Baguhin ang pagiging mahalumigmig ng kapaligiran sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kaunting tubig sa mga bato ng apuyan.
● Huwag makipagkompetensiya sa mga naliligo na naghahamon sa isa’t isa kung hanggang saan nila matitiis ang napakatataas na temperatura o mapanganib at mahahabang sesyon.
● Magtapos sa pamamagitan ng paliligo ng malamig na tubig.
[Larawan sa pahina 21]
Mga Paliguan ni Caracalla sa Roma
[Credit Line]
Courtesy of James Grout/ Soprintendenza Archeologica di Roma
[Larawan sa pahina 21]
Isang “temescal” na sauna