Tambili—Ang “Hari” ng mga Niyog
Tambili—Ang “Hari” ng mga Niyog
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SRI LANKA
ANG Tambili, na karaniwang tinutukoy sa Ingles bilang haring niyog, ay pangalan sa wikang Sinhala para sa bunga ng punong niyog na mula sa pamilyang aurantiaca. Ang aurantiaca ay isang napakagandang palma, na paglipas ng anim hanggang walong taon ay namumunga sa buong taon ng malalaki at matitingkad na kulay kahel na mga kumpol ng nuwes. Ang nuwes ng tambili ay mga 30 sentimetro ang haba at may timbang na mga 1.5 kilo. Saganang makikita ito sa buong tropikong isla ng Sri Lanka. Sa katunayan, sa wikang Sinhala, ang salitang tambili ay tumutukoy hindi lamang sa nuwes kundi gayundin sa namumukod-tanging matingkad na kulay kahel nito.
Ngunit paano nakakakuha ng inumin mula sa tambili? Pinipitas ang murang bunga ng tambili. Pagkatapos ay tinatapyas ang ibabaw na bunot ng nuwes at saka ito binubutas. Mula sa loob ng nuwes, makakakuha ng halos isang litro ng malinaw na sabaw ng tambili. Ito ay masarap, matamis, at masustansiya. Karaniwan nang iniaalok ng mapagpatuloy na mga taga-Sri Lanka ang sabaw ng tambili sa pagod at uhaw na bisita.
Kung ikaw ay naglalakbay sa isla ng Sri Lanka, makakakita ka kahit saan ng mga tindahan sa tabi ng daan na nagbebenta ng tambili, at murang-mura ang presyo nito. Buong-kahusayang tinatapyas ng tindero ang ibabaw ng nuwes, nilalagyan ng istro at, hayan na, mayroon ka nang malinis, nakarerepresko at masustansiyang inumin. Kung ikaw ay isang bisitang mahilig makipagsapalaran, baka gusto mong subukang uminom mula sa tambili sa lokal na paraan sa pamamagitan ng pagtingala at deretsong pag-inom ng sabaw mula sa nuwes, ngunit kung hindi ka sanay, baka mas marami ka pang matapon kaysa sa mainom!
Alam na alam ng kahit sinong taga-Sri Lanka ang mga pakinabang sa kalusugan ng tambili. Sinasabi ng ilan na ang sabaw ng tambili ay nakaaalis ng init sa katawan at nakapagpapaginhawa sa sistema ng panunaw. Ang sabaw nito ay naglalaman ng ilang mineral, ilang carbohydrate, taba, kalsyum, bitamina C, phosphorus, iron, at kaunting protina. Ang pinagsama-samang sangkap nito ang dahilan kung bakit mainam itong inumin ng mga nakararanas ng panlalambot dahil sa sobrang init, sirang tiyan, o kolera. Bagaman hindi laging nakasisiguro na malinis ang mga pinagmumulan ng tubig, ang tambili ay natural at selyadong mapagkukunan ng purong inumin na makapagpapalusog pa sa iyo.
Kung dadalaw ka sa baybaying tropiko ng Sri Lanka na may mayayabong na pananim, nakatitiyak kaming magugustuhan mo ang matitingkad na kulay ng palma ng tambili na nagpapaganda sa maraming tropikal na hardin o ginintuang mga dalampasigan at masisiyahan ka rin sa nakapagpapaginhawang inumin nito.