Maulang Kagubatan—Magagamit ba Natin ang mga Ito Nang Hindi Sinisira?
Maulang Kagubatan—Magagamit ba Natin ang mga Ito Nang Hindi Sinisira?
SA PALAGAY mo ba’y may karapatan ang industriya ng pagtotroso na sirain ang maulang kagubatan sa daigdig? Malamang na ang sagot mo ay wala! Gayunman, baka igiit ng ilang dalubhasa sa ekolohiya na ang totoo, marami sa mga sasagot ng wala ay para na ring sumasang-ayon sa pagsira ng kagubatan—halimbawa, sa pamamagitan ng pagbili ng muwebles na gawa sa maganda at kilalang tropikal na kahoy na nagmula sa liblib at maulang kagubatan sa halip na mula sa taniman ng punungkahoy.
Kadalasang itinutumbas ang pagtotroso sa pagsira sa kagubatan. Sa katunayan, maraming kagubatan ang nasira dahil sa pagtotroso. Subalit sinasabi na hindi naman gaanong nasira ang ibang kagubatan na pinagkunan ng mga troso. Makapananatili kayang di-nasisira ang tropikal na kagubatan at ang buhay-iláng nito sa kabila ng pagtotroso? Suriin muna natin kung paano maaaring sirain ng pagtotroso ang isang gubat.
Kung Paano Maaaring Sirain ng Pagtotroso ang Gubat at Buhay-Iláng
Narito ang isang tagpo: Nagsisimula ang kuwento sa mga buldoser na naghahawan para gumawa ng daan sa liblib na dako ng isang gubat. Di-magtatagal at magsisimula nang magtrabaho ang mga magtotroso na gumagamit ng mga chain saw. Maikling panahon lamang ang ipinahihintulot sa kompanyang nagtotroso para magputol ng kahoy, kaya inuutusan ang mga nagtatrabaho na kunin ang lahat ng mapapakinabangan. Habang nabubuwal ang mga punong maipagbibili, nasisira o napipinsala ng mga ito ang katabing mga punungkahoy na nakadugtong sa mga ito sa pamamagitan ng mga baging. Susunod, hahawanin ng mga sasakyang malalaki at may metal na kadenang gulong ang masinsing mga pananim para hakutin ang mga troso, anupat pinipitpit nito ang manipis na lupa hanggang sa halos hindi na ito mapakinabangan.
Karaniwan nang mas malakas kumain ng karne ang mga empleado ng kompanya ng pagtotroso kaysa sa mga taganayon. Sinusuyod nila ang gubat para mangaso ng mga hayop; kadalasa’y mas marami ang napapatay nila kaysa sa talagang kinakailangan. Nabubuksan ang isang lugar na dati’y hindi nararating dahil sa mga daan na iniiwan ng mga nagtotroso. Makapapasok na ngayon ang mga mangangaso na may mga sasakyan at mga baril para ubusin ang anumang natirang hayop sa iláng. Hinuhuli ng mga nambibitag ang mas maliliit na hayop at ibon para sa kanilang negosyo ng pagbebenta ng alagang mga hayop na malaki ang kita. Pagkatapos ay darating naman ang libu-libong maninirahan na walang mga lupa na naghahanap ng oportunidad para kumita ng sapat lamang para ikabuhay sa bagong bukás na lupain. Sinisira ng kanilang pagkakaingin ang natitirang mga punungkahoy, anupat dahil dito’y inaanod
ng malalakas na pag-ulan ang manipis na pang-ibabaw na lupa.Bunga nito, parang nasa kalagayang patay ang gubat. Unang hakbang lamang ang pagtotroso. Subalit kailangan bang maging labis na mapanira ang pagpuputol ng punungkahoy sa tropikal na maulang kagubatan?
Ang Di-gaanong Mapanirang Pagtotroso
Nitong nakalipas na mga taon, nabuhay muli ang interes sa ideya ng di-gaanong mapanirang pagtotroso at ng kontroladong pangangasiwa sa kagubatan. Ang ideya ay pumutol ng troso sa paraang hindi gaanong makapipinsala sa gubat at sa buhay-iláng nito. Unti-unti namang makababawi ang gubat, anupat maaari na namang pumutol ng mga punungkahoy pagkalipas ng ilang dekada. Dahil sa ginigipit ng mga nangangalaga sa kapaligiran, iniaanunsiyo ngayon ng ilang negosyante na ang kanilang troso ay nagmumula sa kagubatan na may sertipiko ng kontroladong pangangasiwa. Suriin natin kung paano gumagana ang di-gaanong mapanirang pagtotroso.
Papasukin ng propesyonal na manggugubat at ng isang grupo ng mga katulong niya ang kakahuyan. Bubuo sila ng isang grupo mula sa ilang grupo na gugugol marahil ng anim na buwan sa gubat upang magsurbey sa isang gubat. Ang kompanya ng pagtotroso ay may pangmatagalang konsesyon dito, kaya may panahon ang mga manggagawa para makapagsurbey sa layuning mapangalagaan ang gubat upang magamit sa hinaharap.
Minamarkahan ng manggugubat ang bawat puno ng isang rehistradong numero at kinikilala ang mga uri ng punungkahoy. May daan-daang uri ng punungkahoy, kaya tiyak na malawak ang kaniyang kaalaman. Gayunman, ang susunod na hakbang ay nangangailangan ng modernong teknolohiya.
Gamit ang isang nabibitbit na instrumento na kayang makipagtalastasan sa mga satelayt ng Global Positioning System, ipapasok ng manggugubat sa pamamagitan ng keyboard ang sukat, uri, at numero ng rehistro ng puno. Kapag naipasok na niya ang impormasyon, ang lahat ng detalye tungkol sa punungkahoy na iyon, pati na ang eksaktong kinaroroonan nito, ay agad na naipadadala mula sa gubat tungo sa isang computer na nasa isang abalang lunsod sa di-kalayuan.
Pagkatapos, mag-iimprenta ang manedyer sa kaniyang computer ng isang mapa na may detalye ng bawat mapakikinabangang puno sa gubat. Maingat niyang pipiliin kung aling mga punungkahoy ang maaaring ibuwal alinsunod sa opisyal na mga regulasyon. Sa kaso ng maraming uri ng punungkahoy, 50 porsiyento lamang ng mga punungkahoy na may sukat na mas malaki kaysa sa partikular na diyametrong itinakda sa konsesyon ang pinahihintulutang putulin. Dapat iwang nakatayo ang pinakamatanda at pinakamalusog na mga punungkahoy na siyang pagmumulan ng binhi.
Ngunit paano ka makapuputol ng mga punungkahoy nang hindi nasisira ang gubat? Itinanong iyan ng Gumising! kay Roberto, ang manggugubat na binanggit sa naunang artikulo. Ang paliwanag niya: “Ang susi ay ang mapa. Kapag may mapa para sa punungkahoy, maipaplano natin ang pagputol para di-gaanong masira ang gubat. Maging ang direksiyon ng pagbuwal ay maipaplano upang mabawasan ang pinsala sa iba pang mga punungkahoy.
“Maaari rin nating iplano ang paghahakot ng mga troso sa pamamagitan ng mga makinang panghatak, sa halip na gamitin ang mga buldoser para pumasok sa kagubatan at hakutin ang lahat ng pinutol na punungkahoy. Bago putulin, tinatagpas ng mga magtotroso ang mga baging na nagdurugtong sa puputuling mga punungkahoy at sa mga katabi nitong punungkahoy—para mabawasang muli ang pinsala sa iba pang mga punungkahoy. Halinhinan kami sa pagtotroso sa lugar na may kapahintulutan, anupat taun-taon ay isinasamapa at pinuputulan namin ng punungkahoy ang isang bahagi para hindi kami babalik sa mga lugar na iyon hanggang sa lumipas ang di-kukulangin sa 20 taon. Sa ilang lugar sa gubat, 30 taon pa nga ang pinalilipas.”
Pero si Roberto ay nagtatrabaho sa isang kompanya ng pagtotroso. Kaya tinanong siya ng Gumising!: “Gaano ba talaga kainteresado ang mga magtotroso sa pangangalaga ng buhay-iláng?”
Pangangalaga sa mga Hayop
“Hindi ka maaaring magkaroon ng mayabong na gubat nang walang mga hayop,” ang sabi ni Roberto. “Mahalaga ang mga ito para sa polinisasyon at pagkakalat ng mga binhi. Ginagawa namin ang lahat upang hindi gaanong magambala ang maiilap na hayop. Halimbawa, maingat naming ipinaplano ang papasuking mga lugar para kaunti lamang at magkakalayo ang gagawing mga daan. Hangga’t maaari, ginagawa naming makitid ang mga daan para matakpan ng mga kulandong ng dahon ng punungkahoy ang mga daang ito. Nakatatawid tuloy ang mga hayop gaya ng mga sloth at mga unggoy nang hindi bumababa sa mga puno.”
Itinuro ni Roberto ang ilang lugar na may kulay sa kaniyang mapa. Hindi talaga dapat galawin ang mga ito. Halimbawa, nakagagala ang mga hayop sa isang pinangangalagaang piraso ng lupa na nasa magkabilang bahagi ng batis sa tahimik na gubat.
“Bukod pa sa mahahalagang tirahan sa tabi ng batis,” ang paliwanag niya, “iniingatan din namin ang mga kuweba, nakausling mga bato, sinaunang mga
punungkahoy na may mga butas, mga punungkahoy na may malamukot na mga bunga—sa katunayan, anumang lugar na mahalaga para mabuhay ang partikular na mga uri ng hayop at halaman. Upang maiwasan ang ilegal na pangangaso, ipinagbabawal namin sa aming mga empleado ang mga baril, at nagpapahatid kami ng karne ng baka at manok sa kampo ng pagtotroso sakay ng eroplano para hindi nila kailanganin pa ang karne ng mga hayop sa iláng. Sumunod, kapag natapos namin ang isang bahagi, maingat naming hinaharangan o kinokontrol ang mga daan upang hindi makapasok sa gubat ang mga mangangaso o ilegal na magtotroso.“Para sa akin, masaya kong ginagawa ang lahat ng ito dahil naniniwala ako sa pangangalaga sa nilalang ng Diyos. Pero ang lahat ng mga pamamaraan na binanggit ko ay kahilingan sa internasyonal na mga regulasyon para sa isang gubat na may sertipiko ng kontroladong pangangasiwa. Upang makakuha ng sertipiko, kailangang makumbinsi ng kompanya ang mga inspektor mula sa internasyonal na mga organisasyon.”
Maaari bang kumita mula sa kagubatan na kontrolado ang pangangasiwa? Maliban sa iilang masisigasig na gaya ni Roberto, sa totoo lamang ay hindi nasisiyahan ang mga magtotroso sa pangangalaga sa buhay-iláng. Kadalasang itinuturing na banta sa kanilang kikitain ang gayong mga paghihigpit.
Gayunman, nasumpungan ng mga pag-aaral na isinagawa sa silangang Amazonia noong huling mga taon ng dekada ng 1990 na sulit naman ang gastos sa pagsasamapa ng punungkahoy, pagputol sa baging, at pagpaplano para hakutin ang troso, dahil sa mas mahusay na mga nagawa nito. Halimbawa, mas kakaunting troso ang nasasayang. Madalas, kung wala ang gayong pagsasamapa, hindi masusumpungan ng grupo ng mga tagahakot ng troso sa makapal na kagubatan ang mga punungkahoy na pinutol ng isang grupo ng mga tagaputol.
Gayundin, mas madaling ipagbili ang trosong nagmula sa isang gubat na may sertipiko ng kontroladong pangangasiwa. Subalit talaga bang naiingatan ng di-gaanong mapanirang pagtotroso ang pagkakasari-sari ng buhay? Gaano karaming buhay-iláng ang nabubuhay sa gayong maulang gubat sa kabila ng pagtotroso?
Makapananatili Kaya ang Buhay-Iláng sa Gubat sa Kabila ng Pagtotroso?
Sabihin pa, ang ekosistema ng tropikal na maulang gubat ay maselan at masalimuot. Subalit talagang nakagugulat ang bilis nitong makabawi sa ilalim ng ilang kalagayan. Halimbawa, kung ang ilang kagubatan na hindi pa nagagalaw ay mananatiling malapit sa isang lugar na pinuputulan ng troso, ang mga supang ng ilang uri ng pinuputol na punungkahoy ay unti-unting tutubo upang punan ang puwang sa kulandong. Subalit kumusta naman ang mga hayop, ibon, at mga insekto?
Labis na naaapektuhan ang ilang uri ng hayop, at nababawasan
ang dami ng sari-saring ibon at hayop sa lugar dahil sa karamihan ng pagtotroso. Gayunman, madalas na kakaunti lamang ang pinsala ng di-gaanong mapanirang pagtotroso sa maraming uri ng mga halaman at hayop. Sa katunayan, ang pagbubukas ng mga puwang sa kulandong ay makapagpaparami pa nga sa ilang uri ng hayop at halaman. Ipinakita ng kamakailang pananaliksik na ang pagkanaroroon ng mga tao—kahit na ang pagkanaroroon ng ilan sa kanila ay dahil sa mapamiling pagtotroso—ay makapagpaparami sa pagkakasari-sari ng buhay-iláng sa maulang kagubatan.Kung gayon, napakaraming katibayan ang masasabi na maaaring pumutol ng punungkahoy sa tropikal na maulang kagubatan sa maingat na paraan, nang hindi permanenteng napipinsala ang pagkakasari-sari ng buhay. Sinabi ng Economist ng London: “Sampung porsiyento lamang ng natitirang gubat, na kontrolado ang pangangasiwa, ang nakaaabot sa lahat ng kahilingan para sa tropikal na kahoy. Ang iba pa ay maaaring ideklara bilang mga lugar na hindi maaaring galawin.”
Ang isang halimbawa ng isang gubat na may lubusang proteksiyon ay ang binanggit sa panimulang artikulo. Iniingatan ito ni Ramiro dahil sa nasumpungan doon ng mga siyentipiko ang ilang nanganganib malipol na uri ng buhay-iláng. Pambihira ang gayong maulap na kagubatan at nagtataglay ito ng di-pangkaraniwang dami ng pagkakasari-sari ng buhay. “Ang susi sa pangangalaga ay ang edukasyon,” ang paliwanag ni Ramiro. “Minsang mabatid ng mga taganayon na nakadepende sa gubat ang suplay ng kanilang tubig, nagiging interesado silang pangalagaan ito.”
Sinabi pa ni Ramiro: “Mahalaga rin ang ekoturismo dahil sa natututuhan ng mga bisita kung bakit sulit na pangalagaan ang iba’t ibang punungkahoy at mga halaman na kanilang nakikita. Umaalis sila na mas nagpapahalaga sa gubat at buhay-iláng nito.”
Ipinakikita ng mga halimbawa nina Ramiro at Roberto na posibleng gamitin ng tao ang tropikal na maulang gubat nang hindi ito sinisira at ang buhay-iláng nito. Pero hindi dahil sa posible ito ay malamang na mangyari ito. Maaaring tiyakin ng ilang tao sa ngayon na ang tropikal na kahoy na kanilang binibili ay nagmumula sa gubat na may sertipiko ng kontroladong pangangasiwa. Subalit para naman sa iba, walang gayong kaayusan. Kaya, maililigtas kaya ng mga pagsisikap ukol sa pangangalaga ang kamangha-manghang pagkakasari-sari ng buhay?
[Mga mapa sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BOLIVIA
Ang mapa sa kanan ay nagbibigay ng detalye ng bawat puno; gaya ng ipinakikita sa itaas, inilalarawan ng mapa ang maliit lamang na bahagi ng Bolivia
[Credit Line]
Lahat ng mapa maliban sa itaas sa bandang kaliwa: Aserradero San Martin S.R.L., Bolivia
[Mga larawan sa pahina 7]
Isa-isang nilalagyan ng numero ang bawat puno, at kinikilala ang uri nito. Pagkatapos, sa tulong ng monitor ng Global Positioning System (itaas), naitatala ang eksaktong kinaroroonan nito
[Larawan sa pahina 7]
‘Ang mapa ng surbey sa gubat ang susi upang maiplano ang pagputol sa gubat nang hindi permanenteng masisira ang gubat o ang buhay-iláng nito.’—Roberto
[Larawan sa pahina 8, 9]
“Ang susi sa pangangalaga ay ang edukasyon.”—Ramiro
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Foto: Zoo de Baños