Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nairobi National Park—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop

Nairobi National Park—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop

Nairobi National Park​—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

ALAS seis y medya na ng umaga. Ang araw, na sumisikat sa naaabot ng iyong tanaw sa gawing silangan, ay nakakahawig ng isang malaki at kulay-iskarlatang hiyas na napakaganda. Habang inihahayag ang pagsisimula ng isang bagong araw, ang mga sinag nito ay tumatagos sa mga salaming bintana ng matataas na gusaling tanggapan, anupat lumilikha ng kaakit-akit na ginintuang kulay. Hindi kalayuan mula sa bloke ng mga tanggapang ito, isang kagila-gilalas at tunay-sa-buhay na pangyayari ang nagaganap.

Isang leon ang kanina pa pala sumusubaybay sa isang nanginginaing impala, anupat nagtatago ito sa matataas na talahib. Palibhasa’y nakadama ng panganib, ang batang antilope ay biglang kumaripas, at ang leon ay nagdudumali namang tumugis. Nagsimula ang isang puspusan at rumaragasang pagtugis. Kapag nagtagumpay ang leon, gagamitin nito ang tinatawag na batas ng kagubatan upang sentensiyahan ang kaawa-awang hayop na ito.

Ang gayong kahanga-hangang mga pagtugis ay paulit-ulit na nangyayari araw-araw sa Nairobi National Park, na matatagpuan malapit sa mga hanggahan ng kabiserang lunsod ng Kenya, ang Nairobi. Ang pinakamalapit na mga kapitbahay ng mga hayop doon ay ang mga tao. Aba, noong 1962, isang leon ang nakitang gumagala-gala sa labas ng isang eksklusibong otel, marahil upang bawiin ang kaniyang dating malawak na teritoryo. Paano nagkasama sa iisang lugar na ito ang maiilap na hayop at ang mga naninirahan sa lunsod?

Isang Mahirap na Pasimula

Ang pagkakatatag ng parke ay hindi madaling naisakatuparan. Maraming balakid ang kinailangang pagtagumpayan bago natamasa ng mga hayop ang mga kapakinabangan ng isang lubhang protektadong tahanan. Bago sumapit ang ika-20 siglo, ang mga hayop ay malayang gumagala-gala sa malalaking bahagi ng Silangang Aprika. Dito, ang mga tao noon ay laging nakikisalamuha sa mababangis na hayop, anupat pinapastulan ang kanilang mga kawan nang napakalapit sa mga ito. Itinuturing pa nga ng iba ang ilang hayop bilang karagdagang mga alaga!

Gayunpaman, ang mga mangangaso ng malalaking hayop na nasasandatahan ng mga riple ay dumagsa sa bansa, na marami sa kanila ay nagnanais na makakuha ng pinakamaraming tropeo hangga’t maaari. Kabilang sa kanila ang dating pangulo ng Estados Unidos na si Theodore Roosevelt, na dumating sa Kenya noong 1909 upang mangolekta ng likas na mga ispesimen para sa mga museo. Kasama ang 600 kargador at propesyonal na mga mangangaso, nakapatay siya ng mahigit sa 500 hayop at ipinadala niya ang mga balat ng mga ito sa kaniyang lupang-tinubuan. Nang panahon ding iyon, may isa pang kilalang mangangaso, si Edward, ang Prinsipe ng Wales. Dahil sa kanilang mga ginawa ay naging popular ang mga ekspedisyon para mangaso ng malalaking hayop. Sabihin pa, ang bala ay mas mabilis at maaaring iasinta nang mas walang-mintis kaysa sa tradisyonal na busog at palaso.

Ang pagkayari ng bantog na Hangal na Transportasyon (Lunatic Line), gaya ng pagkakilala noon sa perokaril na sumasaklaw sa Kenya at Uganda, ay naglaan ng pagkakataon upang panirahan ng tao ang lugar sa palibot ng Nairobi, anupat lalo pang nalimitahan ang malayang pagkilos ng mga hayop. Ang ganap na pagpapalayas sa kanila sa lugar na iyon ay napipinto na noon.

Subalit noong dekada ng 1930, may mga nagpahayag ng opinyon alang-alang sa mga hayop. Si Archie Ritchie, isang tagapangalaga ng maiilap na hayop nang panahong iyon, at si Mervyn Cowie, isang accountant, ay kabilang sa mga aktibistang ito. Sa pamamagitan ng pakikipagpulong at mga ulat sa balita, nagsumamo sila sa nakasasakop na awtoridad na magtalaga ng isang pambansang parke na tutulong upang mabawasan​—kung hindi man mapahinto​—ang walang-pakundangang pagpatay sa mga hayop. Atubili ang pamahalaan na pagbigyan ang kahilingan. Hindi pa ito handa na gamitin ang lupain para lamang sa layuning ingatan ang mga halaman at hayop sa isang lugar na nagiging pinakamalaking pamayanang-lunsod noon sa Silangang Aprika.

Ang mga pagsisikap para sa konserbasyon ay muling nahadlangan noong ikalawang digmaang pandaigdig, nang sirain ng mga nagsasanay na mga sundalo ang lupain na kinaroroonan ngayon ng parke. May mga hayop din na namatay dahil sa digmaan. Ang pamamalagi ng mga sundalo sa lugar na iyon ay nagpangyari sa mga hayop na mawalan ng takot sa tao, anupat pinalalaki ang posibilidad na ang mga ito’y kumain ng tao. Upang hadlangan ang gayong kahihinatnan, ang ilang hayop, kabilang na ang bantog na babaing leon na pinanganlang Lulu at ang kaniyang kaibig-ibig na kawan, ay pinagpapatay.

Gayunman, dahil nagbago ang pananaw ng mga awtoridad, marami sa mga balakid ay napagtagumpayan, at natamo ng mga konserbasyonista ang kanilang tunguhin. Sa wakas, pagkaraan ng matagal at maligalig na pagsisikap na maitatag ito, ang Nairobi National Park​—ang kauna-unahan sa gayong parke sa Silangang Aprika​—ay umiral noong Disyembre 16, 1946, nang lagdaan ng nakasasakop na gobernador noon ng Kenya, si Sir Philip Mitchell, ang proklamasyon ng pagkakatatag nito.

Isang Paraiso sa mga Bisita

Kung ihahambing sa iba pang parke para sa maiilap na hayop sa Silangang Aprika, maliit lamang ang Nairobi National Park. Tinataya na may sukat lamang ito na 117 kilometro kuwadrado, at ang pangunahing pasukan nito ay wala pang 10 kilometro ang layo mula sa sentro ng lunsod ng Nairobi. Gayunman, ang katanyagan nito ay nakadepende sa sukat nito. Iilang lugar lamang sa lupa ang naglalaan sa mga bisita ng malawak na tanawin ng kanlungan ng mga hayop na gaya nito​—isang bihirang pagtatabi ng magkaibang lunsod ng Nairobi na mabilis umunlad at ng mapalumpong na lugar ng Aprika.

Ang maliit na sukat nito ay nagpapahintulot sa bisita na makita ang pagkakawan-kawan ng karamihan sa mas malalaking hayop, maliban sa mga elepante, kaysa kung mamamasyal sa mga parke o mga kanlungan na may malalaking sukat. Ito ay may 100 uri ng mamalya at mahigit sa 400 uri ng ibon. Ang parkeng ito ay matatagpuan malapit sa bukana ng pinaglalapagan ng mga eroplano sa internasyonal na paliparan ng Nairobi.

Ang isang bumibisita sa Nairobi ay maaaring maglakbay mula sa maalwan at makabagong otel sa lunsod, daraan sa kahanga-hangang mga gusaling tanggapan, at sa loob lamang ng ilang minuto ay makararating na siya sa napakatanda nang kaparangan, mapalumpong na lugar, at kagubatan. Sa lugar na ito, makikitang naninila ang mga leon at ang iba pang mga hayop. Ang pagkakita sa gayong mga maninila na tumutugis sa kanilang bibiktimahin habang nasa likuran naman ang nagkikislapang matataas na gusali sa lunsod ay hindi madaling malimutan.

Ang parke ay sagana sa maiilap na hayop, tulad ng mga buffalo, leopardo, cheetah, karaniwang mga giraffe, unggoy, daan-daang antilope, at ng bihira at papaubos-na-uring itim na rinoseros. Ang karamihan sa mga ito ay namamalagi roon. Tuwing panahon ng tagtuyot, sa mga buwan ng Pebrero/Marso at Agosto/Setyembre, ang malalaking kawan ng nandarayuhang mga hayop, gaya ng mga wildebeest (gnu), ay makikita sa palibot ng maraming lawa-lawaan na nasa parke.

Sa ilang lawa-lawaan, na angkop na kilala bilang mga lawa-lawaan ng mga hipopotamus, ang mga grupo ng hugis-bariles na mga higanteng ito ay nananatiling nakalublob sa buong maghapon, anupat umaahon lamang upang manginain sa gabi. Sa palibot ng mga lawa-lawaang ito ay may nakatalagang mga nature trail (daanan) na maaaring lakaran ng isa na umibis sa sasakyan. Ngunit mag-ingat: Ang gayong paglalakad ay maaaring maging napakapanganib, palibhasa’y ang ilang lawa-lawaan ay tirahan ng naninilang mga buwaya, na baka namamahinga sa mga pampang, at di-nakikita ng walang kamalay-malay na bisita! Upang maiwasang maging potensiyal na pagkain ng mga ito, makabubuting lumakad na kasama ng sinanay na mga bantay sa parke.

Ang talaan hinggil sa ornitolohiya ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang ibon. Ang avestruz, ang pinakamalaking nabubuhay na ibon sa daigdig, na may taas na higit pa sa dalawang metro, ay naninirahan sa parkeng iyon. Sumasalimbay naman sa himpapawid ng lunsod ang kinasusuklamang buwitre dahil kumakain ito ng mga bangkay. Ang waring pangit na ibong ito ay kapaki-pakinabang sa kapaligiran ng parke, yamang pinapawi nito ang anumang bangkay na maaaring pamugaran ng baktirya na nakapipinsala sa iba pang mga hayop.

Sa pana-panahon, masusulyapan mo ang secretary bird. Sa likuran ng tainga nito ay may palong ito ng mga balahibo na nakakahawig ng mga pakpak na panulat na ginagamit noon ng mga kalihim sa pagsulat. Palibhasa’y laging nagmamadali, waring nagkukumahog ito sa pagtungo sa iba’t ibang tipanan. Kabilang sa iba pang mga ibon ang mga hammerkop, nakokoronahang tipol (crane), saddle-bill, at mga tagak na namamalagi sa baka.

Ang parke, bagaman medyo maliit lamang, ay isang obra maestra ng ekolohiya. Sa kanlurang bahagi nito, matatagpuan ang kagubatan na sumasaklaw sa halos 6 na porsiyento ng lupain, anupat taun-taon ay tumatanggap ito ng ulan na ang sukat ay 700 hanggang 1,100 milimetro. Sa lugar na ito, maaaring makita ng isa ang maraming punungkahoy, na dito’y kabilang ang Cape chestnut (kastanyas) at ang magandang croton. Ang malalawak na parang, libis, at mga tagaytay ay sumasaklaw naman sa timog at silangang bahagi, kung saan ang pagbuhos ng ulan ay may sukat na 500 hanggang 700 milimetro. Ang pagsasama-sama ng red oat grass, datiles sa disyerto, arrow-poison tree, at ilang uri ng akasya ay nagpapangyari sa lugar na maging isang tunay na kapaligiran ng sabana.

Hindi rin dapat kaligtaan ang kahanga-hanga at matatarik na gulod ng bato na may taas na 100 metro mula sa pinakasahig ng libis. Ang mga ito ay nakapapagod akyatin para sa mga mahilig umakyat sa mga batuhan​—kahit man lamang doon sa mga gustong sumubok!

Pinagbabantaan ang Parke

Ang maraming problemang nauugnay sa konserbasyon ng buhay-iláng ay may iisa lamang pinagmumulan​—ang tao. Dahil sa mga pagsisikap ng tao na umunlad, malapit nang maglaho ang Nairobi National Park. Ang lunsod ng Nairobi, ang pamayanan ng tao na naging dahilan ng pagiging tanyag ng parke sa daigdig, ay patuloy na lumalawak, anupat isinasaisantabi na lamang ang mga hayop. Habang parami nang parami ang mga taong naninirahan sa lunsod, patuloy na lumalaki ang pangangailangan ukol sa lupa, na hindi naman matutulan ng mga hayop. Ang maruruming likido na nanggagaling sa karatig na mga pagawaan ay banta rin sa lahat ng uri ng buhay sa parke.

Ang isa pang salik na mahalaga sa kaligtasan ng parke ay ang pagkakaroon ng ruta sa pandarayuhan ng ilang hayop. Ang kalakhang bahagi ng parke ay binakuran upang hadlangan ang mga hayop sa paggala patungo sa lunsod. Ang pinag-ibayong pagsasaka at pag-aalaga ng hayupan ay nagpapakitid sa maliit na daanan na naroon pa rin sa timugang bahagi ng parke. Ang ganap na pagsara rito ay maaaring magdulot ng kapaha-pahamak na mga resulta. Ang mga hayop na lumalabas upang humanap ng pastulan ay baka hindi na makabalik! Upang mapanatili ang ruta sa pandarayuhan, inupahan ng Kenya Wildlife Service, ang pangunahing lupon para sa konserbasyon ng buhay-iláng sa bansa, ang lupain na karatig ng parke. Sa kabila ng mga problema, patuloy pa ring umaakit ng libu-libong bisita taun-taon ang Nairobi National Park para mamasdan ang iba’t ibang kagandahan nito.

[Larawan sa pahina 24]

“Giraffe”

[Larawan sa pahina 25]

Leopardo

[Larawan sa pahina 26]

Isang langkay ng mga “marabou stork”

[Larawan sa pahina 26]

Buwaya

[Larawan sa pahina 26]

Leon

[Larawan sa pahina 26]

Nakokoronahang tipol

[Larawan sa pahina 26]

Itim na rinoseros

[Larawan sa pahina 26]

Avestruz