Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapagtatagumpayan ang mga Hamon ng Pagiging Ampon?
“Sa totoo lang, wala akong anumang nalalaman tungkol sa tunay na mga magulang ko, at labis na nakababagabag iyan sa akin.”—Barbara, edad 16.
“Wala akong kaalam-alam kung saan ako talaga ipinanganak o kung sino ang mga magulang ko. Kung minsan ay pinag-iisipan ko ito sa gabi.”—Matt, edad 9.
“Kapag nakikipagtalo ako sa mga umampon sa akin, naiisip ko na baka magiging mas maunawain ang aking ‘tunay’ na mga magulang. Napakawalang-utang na loob ko para isipin iyon, at hindi ko ito binanggit sa kanila kahit kailan.”—Quintana, edad 16.
WALANG alinlangan—maaaring magkaroon ng mga hamon ang buhay ng isang ampon. Marami-raming kabataan ang nakikipagpunyagi sa mga damdaming tulad ng inilarawan sa itaas. Marami ang nag-iisip kung dapat ba nilang alamin kung sino ang kanilang tunay na mga magulang, o nag-iisip sila kung magiging mas maligaya kaya ang kanilang buhay kung kasama nila ang kanilang tunay na mga magulang. At hindi lamang ang mga ito ang mga hamon.
Sa naunang artikulo sa seryeng ito, tinalakay ang ilang negatibong palagay ng ilang inampong kabataan tungkol sa kanilang sarili. * Ang pakikipagpunyagi sa gayong nakasisira-ng-loob na kaisipan ay mahalaga upang makasumpong ng kagalakan sa buhay bilang isang ampon. Gayunman, ano ang ilan sa mga hamon na maaaring bumangon, at paano ka makagagawa ng praktikal na mga hakbang upang mapagtagumpayan ang mga ito?
Sila ba ang Aking “Tunay” na mga Magulang?
Sinabi ng 13-taóng-gulang na si Jake na lagi niyang iniisip noon ang kaniyang tunay na ina. Nagdulot iyon ng ilang problema sa pagitan nila ng mga magulang na umampon
sa kaniya. Naalaala niya: “Tuwing nagagalit ako ay madalas kong sabihin, ‘Hindi naman ikaw ang tunay kong ina—hindi mo ako puwedeng parusahan nang ganiyan!’ ”Gaya ng makikita mo, kailangang harapin ni Jake ang mahalagang tanong: Sino ang kaniyang “tunay” na ina? Kung ikaw ay isang ampon, maaaring naliligalig ka rin sa gayong bagay, lalo na kung nag-iisip ka kung magiging mas maganda kaya ang pakikitungo sa iyo ng tunay mong mga magulang kaysa sa mga magulang na umampon sa iyo. Ngunit ang proseso lamang ba ng pagsisilang ang tanging dahilan kung kaya’t naging tunay mong mga magulang ang dalawang tao?
Hindi ganiyan ang palagay ng ina na umampon kay Jake. Ganito ang sabi ni Jake: “Sasabihin ng aking ina, ‘Oo, ako ang tunay mong ina. Kahit isinilang ka ng iyong ina, ako na ang tunay mong ina ngayon.’ ” Kapag iniuwi ng mga adulto ang isang bata sa kanilang tahanan at sumang-ayon na sila ang mananagot sa tirahan, pagkain, at pagpapalaki sa bata, anupat inilalaan ang mga pangangailangan ng bata, sila’y talagang nagiging “tunay” na mga magulang. (1 Timoteo 5:8) Malamang na ganito rin ang pangmalas ng legal na mga awtoridad sa lupain kung saan ka nakatira. Kumusta naman sa pangmalas ng Diyos?
Isaalang-alang ang maituturing na pinakakilalang kaso ng pag-aampon sa kasaysayan—yaong kay Jesu-Kristo. Si Jesus ay hindi tunay na anak ng karpinterong si Jose, gayunma’y inampon ni Jose ang bata at itinuring niya na sariling anak. (Mateo 1:24, 25) Habang lumalaki si Jesus, nagrebelde ba siya laban sa awtoridad ni Jose? Sa kabaligtaran, naunawaan ni Jesus na kalooban ng Diyos na sundin niya ang ama na umampon sa kaniya. Lubhang pamilyar si Jesus sa kautusang ibinigay ni Jehova sa mga anak ng Israel. Anong kautusan iyon?
Parangalan Mo ang Iyong Ama at Ina
Sinasabi ng Kasulatan sa mga bata: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Deuteronomio 5:16) Ang salitang “parangalan” ay madalas na gamitin sa Bibliya upang magpakita ng paggalang, pagpapahalaga, at pagpapakundangan. Maipakikita mo ang gayong pagpaparangal sa mga magulang na umampon sa iyo sa pamamagitan ng pagiging mabait sa kanila, paggalang sa kanilang dignidad, pakikinig sa pangmalas nila, at pagiging handang sundin ang anumang makatuwirang mga kahilingan nila sa iyo.
Ngunit, kumusta naman sa mga pagkakataon na waring hindi makatuwiran ang mga magulang na umampon sa iyo? Ipagpalagay nang mangyari iyan. Ang lahat ng magulang ay di-sakdal, sila man ay mga magulang na nag-ampon o tunay na mga magulang. Maaaring maging tunay na hamon ang pagsunod dahil sa kanilang mga kapintasan. At hindi kataka-taka na sa gayong mga pagkakataon, nakahilig kang magtuon ng pansin sa bagay na ikaw ay isang ampon at mag-isip kung ito ba’y nakababawas sa obligasyon mo na sumunod. Ngunit totoo ba talaga ito?
Maaaring makatulong sa iyo na pag-isipan ang situwasyon ni Jesus. Tandaan, siya ay sakdal. (Hebreo 4:15; 1 Pedro 2:22) Ngunit ang ama na umampon sa kaniya ay di-sakdal; maging ang kaniyang tunay na ina. Kung gayon, malamang na may mga pagkakataong nakita ni Jesus na ang kaniyang mga magulang ay mali. Nagrebelde ba siya laban sa di-sakdal na pagkaulo ni Jose o sa nagkukulang na patnubay ni Maria bilang ina? Hindi. Sinasabi sa atin ng Bibliya na habang lumalaki si Jesus, “patuloy siyang nagpasakop” sa kaniyang mga magulang.—Lucas 2:51.
Ngayon, kapag nagkaroon ng pagkakaiba sa pananaw mo at ng mga magulang na umampon sa iyo, maaaring makumbinsi ka na sila ay mali. Gayunman, kailangan mong aminin na ikaw rin ay di-sakdal. Kaya laging may posibilidad na magkamali ka. Anuman ang kalagayan, hindi ba’t pinakamabuting landasin na sundin ang halimbawa ni Jesus? (1 Pedro 2:21) Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na sumunod. Ngunit may mas malaki pang dahilan para sundin mo ang iyong mga magulang.
Sinasabi ng Bibliya: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.” (Colosas 3:20) Oo, ang pagkamasunurin mo ay nagpapaligaya sa iyong makalangit na Ama. (Kawikaan 27:11) At nais niyang matuto ka ng pagkamasunurin sapagkat nais din niyang maging maligaya ka. Pinasisigla ng kaniyang Salita ang mga kabataan na sumunod, anupat idinaragdag, “upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.”—Efeso 6:3.
Pagpapatibay sa Buklod Ninyo ng mga Magulang na Umampon sa Iyo
Ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa mga magulang na umampon sa iyo ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pagpaparangal at pagkamasunurin. Malamang na nais mo ang isang mainit at maibiging kapaligiran sa tahanan. Pananagutan ng mga magulang na umampon sa iyo na lumikha ng gayong kapaligiran. Ngunit maaari mo ring gampanan ang isang mahalagang bahagi. Paano?
Una, humanap ng mga paraan upang mapalapít ka sa iyong mga magulang. Tanungin mo sila Kawikaan 20:5) Ikalawa, humanap ng mga paraan upang makatulong sa tahanan, gaya ng gawaing bahay at iba pang atas nang hindi inuutusan.
tungkol sa kanilang pinagmulan, sa kanilang buhay at sa kanilang mga kinawiwilihan. Hingin ang kanilang payo hinggil sa ilang problema na nakababagabag sa iyo, na pinipili ang panahon kapag sila ay relaks at handang makinig. (Ngunit, kumusta naman ang iyong tunay na mga magulang? Kung magpasiya kang hanapin sila, o kung ipasiya nilang hanapin ka, talaga bang magsasapanganib iyan sa inyong buklod ng mga magulang na umampon sa iyo? Noon, tumatanggi ang mga ahensiya ng pag-aampon na magbigay ng impormasyon na makatutulong para matagpuan ng tunay na mga magulang ang ipinaampon nilang anak o para matagpuan ng anak ang kaniyang tunay na mga magulang. Sa ngayon, naging maluwag na ang patakaran sa ilang lupain, at personal na nakaharap ng maraming batang ipinaampon ang kanilang tunay na mga magulang na hindi man lamang nila naaalaala. Siyempre pa, maaaring naiiba ang patakaran ng pag-aampon kung saan ka nakatira.
Magkagayunman, personal mong pasiya kung hahanapin mo o hindi ang iyong tunay na mga magulang, at ang desisyong ito ay hindi magiging madali. Lubhang magkakaiba ang damdamin ng inampong mga kabataan hinggil sa bagay na ito. Ang ilan ay nananabik na makita ang kanilang tunay na mga magulang; ang iba naman ay determinadong huwag na silang hanapin. Gayunman, makatitiyak ka na bagaman natagpuan ng maraming inampong kabataan ang kanilang tunay na mga magulang, hindi nawala ng mga inampon ang matatag na kaugnayan nila sa mga magulang na umampon sa kanila.
Humingi ng payo mula sa mga magulang na umampon sa iyo at marahil mula sa may-gulang na mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. (Kawikaan 15:22) Maingat na pagtimbang-timbangin ang iyong mga mapagpipilian, at maglaan ng sapat na panahon para pag-isipan ang bagay na ito bago gumawa ng anumang hakbang. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 14:15, “pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”
Kung magpasiya ka na subukang magkaroon ng ugnayan sa iyong tunay na mga magulang, sikaping bigyang-katiyakan ang mga magulang na umampon sa iyo na sila ay patuloy mong mamahalin at igagalang. Sa gayong paraan, habang unti-unti mong nakikilala ang mga nagpangyari sa iyong pagsilang at nagpaampon sa iyo noon, mapananatili mo ang matatag na buklod sa mga magulang na nagpalaki at nagsanay sa iyo.
Patibayin ang Iyong Buklod sa Iyong Makalangit na Ama
Maraming inampong kabataan ang nakikipagpunyagi sa takot na sila’y iwanan. Nag-aalala sila na baka maiwala nila ang pamilyang umampon sa kanila kung paanong naiwala nila noon ang kanilang tunay na pamilya. Mauunawaan naman ang gayong takot. Gayunman, tandaan ang matalinong mga salitang ito: “Walang takot sa pag-ibig, kundi itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot.” (1 Juan 4:18) Huwag hayaang pangibabawan ka ng di-mabuting takot na maiwala mo ang iyong mga minamahal. Sa halip, palaguin ang iyong pag-ibig sa iba, pati sa lahat ng kabilang sa inyong sambahayan. Ngunit, higit sa lahat, patibayin ang iyong pag-ibig sa iyong makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Palibhasa’y maaasahan, hindi niya kailanman iniiwan ang kaniyang tapat na mga anak. Mapahuhupa niya ang iyong takot.—Filipos 4:6, 7.
Sinabi ni Catrina, na inampon noong bata pa, na ang pagbabasa ng Bibliya ay nakatulong sa kaniya nang malaki sa pagiging lalong malapít sa Diyos at sa pagkakaroon ng isang maligaya at makabuluhang buhay. Sinabi niya na ang malapít na kaugnayan kay Jehova “ay napakahalaga sapagkat nalalaman ng ating makalangit na Ama ang ating nadarama.” Ang paboritong teksto ni Catrina ay ang Awit 27:10, na nagsasabi: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.”
[Talababa]
^ par. 7 Tingnan ang artikulong “Bakit Ako Kailangang Maging Ampon?” sa Abril 22, 2003, isyu ng Gumising!
[Larawan sa pahina 20]
Humanap ng mga paraan upang mapalapít ka sa mga magulang na umampon sa iyo