Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Kabayaran ng Pagtatrabaho Pagkatapos ng Klase
Dumarami ang mga kabataang Aleman na nagtatrabaho hindi lamang sa panahon ng bakasyon kundi sa panahon din ng pasukan sa paaralan. “Sa buong bansa, di-kukulangin sa sangkatlo ng mga batang 13 taóng gulang at mas matanda pa rito ang nagtatrabaho sa katamtaman nang mahigit sa tatlong oras sa isang linggo,” ang ulat ng magasing Der Spiegel. Sa estado ng Hesse sa Alemanya, mga 50 hanggang 80 porsiyento ng mga nasa ikaapat na taon ng haiskul ang walang regular na trabaho. Bihira sa mga kabataang ito ang kailangang tumulong sa kanilang pamilya upang masapatan ang pangangailangan. Sa halip, gusto nilang magkaroon ng mga ari-arian tulad ng pinakabagong cellphone, kasuutang may kilalang tatak, at kotse, at upang madama na kaya na nilang mag-isa dahil may trabaho na sila. Subalit may kabayaran ito. “Karaniwan nang nakakatulog sa klase ang estudyante na nakasubsob ang ulo sa kaniyang mesa dahil sa mahahabang oras ng pagtatrabaho sa nagdaang araw o sa madaling araw pa nga,” ang sabi ng edukador na si Thomas Müller. “Gusto nila ng luho ngayon sa halip na magkaroon ng edukasyon para sa kinabukasan.” Dagdag pa ng kasamahang edukador na si Knud Dittmann: “Minsang naikintal nang malalim sa mga bata ang mentalidad ng pamimili, payag silang magkaroon ng mababang marka o umulit pa nga ng isang taon bilang kabayaran nito.”
Nanganganib ang mga Bakulaw
“Ang gubat na tirahan ng mga bakulaw ay maaaring maglaho sa loob ng 30 taon malibang gumawa ang mga tao ng mahihigpit na hakbang,” ang ulat ng serbisyo sa pagbabalita ng Reuters. Sa ginanap na Earth Summit kamakailan sa Johannesburg, Timog Aprika, ganito ang sabi ng mga opisyal ng United Nations: “Kung ang paggawa ng mga lansangan, mga kampo sa pagmimina at iba pang ginagawang imprastraktura ay magpapatuloy sa kasalukuyang antas nito, pagsapit ng 2030, wala pang 10 porsiyento ng nalalabíng tirahan ng bakulaw sa Aprika ang mananatiling hindi nagagalaw.” Ang lumiliit na tirahang ito ang naging sanhi ng biglaang pag-unti ng populasyon ng mga bakulaw. Ang populasyon ngayon ng mga chimpanzee ay tinatayang 200,000, kung ihahambing sa mga 2,000,000 noong nakaraang siglo, at mayroon na lamang natitirang ilang libong gorilya sa kapatagan at ilang daang gorilya sa kabundukan. Ayon sa Reuters, “ang U.N. ay nagpaplano kasama ng mga mananaliksik, tagapangalaga ng kapaligiran, tauhan ng pamahalaan at lokal na mga mamamayan upang muling maparami ang mga bakulaw sa dalawang dosenang bansa na may mga hayop na ito.”
Hinuhubog ng TV ang Pangmalas sa Kasaysayan
“Itinuturing ng mga Britano na ang kamatayan ni Diana, Prinsesa ng Wales, ang siyang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bansa sa nakalipas na mahigit na 100 taon, una pa kaysa sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig o sa pagwawagi ng karapatan ng mga babae na bumoto,” ang ulat ng The Times ng London. Sa isang surbey para sa History Channel, hiniling sa mahigit na 1,000 katao na pumili kung alin sa sampung pangyayari ang pinakamahalaga sa kanila sa kasaysayan ng Britanya sa nagdaang 100 taon. Ang kamatayan ng prinsesa ay ibinoto ng 22 porsiyento na siyang pinakamahalagang pangyayari, ang pasimula ng ikalawang digmaang pandaigdig ng 21 porsiyento, at ang karapatan ng mga babae na bumoto ng 15 porsiyento. Nang tanungin hinggil sa mga pangyayari sa daigdig, 41 porsiyento ang pumili ng pagsalakay noong Setyembre 11, samantalang 19 na porsiyento naman ang tungkol sa paghuhulog ng bomba atomika sa Hiroshima, at 11 porsiyento ang pagbagsak ng Pader ng Berlin. Nagkomento ang The Times na para sa karamihan ng tao “ang kasaysayan ay pangunahin nang may kinalaman sa malimit nilang nakikita kamakailan sa telebisyon.”
May Kaugnayan ba ang Diborsiyo at ang Tagumpay sa Paaralan?
Isang pag-aaral kamakailan ng National Institute of Demographic Studies ng Pransiya ang nagpapakita na ang mga anak ng diborsiyadong mga magulang ay mas mahina sa akademya kaysa sa mga anak ng mga magulang na magkapisan, ang ulat ng pahayagang Le Monde sa Pransiya. Ang mga anak ng hiwalay na mga magulang bago naging adulto ang mga anak ay tumitigil sa pag-aaral nang mas maaga nang anim na buwan hanggang isang taon kaysa sa mga bata na nananatiling mag-asawa ang mga magulang, anuman ang kanilang sosyal at kultural na pinagmulan. Maging sa nakaririwasang mga pamilya, na ang karamihan ng mga bata ay nakakapasa sa kanilang huling pagsusulit sa haiskul, dalawang ulit sa mga batang nagmula sa wasak na mga tahanan ang malamang na hindi magkaroon ng diploma sa haiskul. Sa Pransiya, 40 porsiyento ng pag-aasawa ay humahantong sa diborsiyo.
Ang Pangalawahing Pinsalang Dulot ng Droga
Nitong nakalipas na mga buwan lamang, lima katao ang namatay sa Peru bilang tuwirang resulta ng pag-inom ng tubig mula sa gubat na nadumhan dahil sa pagtatanim ng coca at paggawa ng cocaine, ayon sa iniulat ng pahayagang El Comercio sa Lima. Kabilang sa iba pang nakamamatay na mga kemikal, ang petrolyo, sulfuric acid, at ammonia ay ginagamit sa paggawa ng cocaine. “Ang mga pagkamatay na ito ay sanhi ng pag-inom ng tubig mula sa mga bukal o batis na doon itinatapon ng mga sindikato sa droga ang mga dumi ng lubhang nakalalasong mga kemikal,” ang sabi ng ulat. Maging ang mga pulis ng antinarcotic na kumumpiska at gumiba sa lihim na mga laboratoryo ng droga ay naapektuhan din dahil sa paghawak sa nakalalasong mga labí nito. Marami ring iba pang nakatira sa gubat “ang nakararanas ng permanenteng pinsala sa mga sangkap ng katawan” bilang resulta ng pag-inom ng nadumhang tubig. “Ang malungkot nito ay na walang alam ang karamihan ng mga naninirahan dito tungkol sa panganib na kinasuungan nila,” ang sabi ni Jonathan Jacobson ng Office of Antinarcotic Affairs ng U.S. Embassy sa Lima. “Walang-alinlangang ang mga ito ay mga taong wala namang kinalaman sa pagtatanim ng coca o sa paggawa nito.”
Mga Soft Drink sa Pagkain ng mga Mexicano
Ang Mexico ang ikalawa sa buong daigdig kasunod ng Estados Unidos pagdating sa pinakamalakas uminom ng mga soft drink sa botelya, at ang mga soft drink ay kabilang sa sampung pangkaraniwang produkto sa pagkain ng mga Mexicano, na iniinom ng 60 porsiyento ng mga pamilya, gaya ng iniulat ng pahayagang Reforma. Ikinababahala ito ng mga eksperto sa kalusugan na ibig makitang ginugugol ng mga pamilya ang kanilang salapi sa pagbili ng gatas, prutas, gulay, at iba pang pagkain na mahalaga sa paglaki at pag-unlad ng mga bata. Sa halip, ang kalakhang badyet ng pamilya ay ginugugol sa isang produkto na “hindi nagbibigay ng anumang sustansiya sa katawan kundi ng maraming carbohydrate, na sa katagalan ay nagiging dahilan ng labis na pagtaba,” ang ulat ng Reforma. Kalakip sa iba pang nakapipinsalang epekto ng labis na pag-inom ng soft drink, lalo na ng mga cola, ay ang pagkasira ng ngipin at osteoporosis, ang sabi ng ulat.
Kapag Lalong Pinatitindi ng mga Pildoras ang Sakit ng Ulo
“Tinataya ng neurologong si Michael Anthony na hanggang 10 porsiyento ng mga dumaranas ng sakit sa ulo ang pinalalala ng ‘labis na paggamit ng analgesic’ na nagiging sanhi ng pagsakit ng ulo,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng Sydney, Australia. “Sa halip na minsan sa isang linggo lamang ang pagsakit ng ulo, ang sobrang pagkaumaasa sa mga gamot na nabibili nang walang reseta ay maaaring maging sanhi ng pagsakit ng ulo araw-araw.” Natuklasan ni Propesor Anthony, na kaugnay sa University of New South Wales, na “ang mga pasyente na labis na gumagamit ng mga tableta para sa sakit ng ulo ay nagkukulang ng serotonin,” isang sangkap na kumokontrol sa pagbuka ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo. “Ang kakulangan ng serotonin ay nagiging sanhi ng pagbuka ng mga arterya, na nagdudulot ng sakit sa ulo,” ang sabi niya. Inirerekomenda ni Anthony na ang mga dumaranas ng migraine ay gumamit ng pantanging mga medisina na inireseta ng doktor sa halip niyaong mga pildoras na mabibili nang walang reseta, at dagdag pa niya: “Kung [ang mga pasyente] ay iinom ng mga tableta [pamatay-kirot] nang mahigit sa tatlong beses sa isang linggo, kahit na isang dosis na tatlong beses sa isang linggo, lalong titindi sa loob ng ilang buwan ang pagsakit ng kanilang ulo.”
Pagpawi ng Pagsusuka sa Umaga
“Tinatayang nasa pagitan ng 70 at 80 porsiyento ng mga babaing nagdadalang-tao ang dumaranas ng pagsusuka sa umaga,” ang sabi ng pahayagang Sun-Herald ng Australia. Kapag bumabangon sila sa umaga, ang mga babaing ito na nagdadalang-tao sa unang pagkakataon ay dumaranas ng pagduduwal, na kadalasan ay may pagsusuka. Kabilang sa pinaghihinalaang sanhi ng kalagayang ito ay ang pagdami ng hormon na progesterone sa panahon ng pagdadalang-tao, na maaaring lumikha ng labis na asido sa sikmura. Karagdagan pa, “ang mas sensitibong pangamoy ay maaaring maging sanhi ng pagduduwal ng mga babaing nagdadalang-tao.” Bagaman walang ganap na lunas ang pagsusuka sa umaga, inirerekomenda ng pahayagan na umiwas sa maiinit na lugar yamang ang init ay maaaring maging sanhi ng pagduduwal, umidlip at matulog nang sapat, at lumanghap ng biniyak na lemon. “Subuking kumain ng biskuwit o ng tuyong cereal bago bumangon sa higaan. Laging bumangon sa higaan nang dahan-dahan,” ang pagpapatuloy ng pahayagan. “Malimit na magmeryenda ng mga pagkaing sagana sa protina.” Sinasabi ng pahayagan na “may positibong aspekto rin ang pagsusuka sa umaga. Ang pag-aaral kamakailan ay nagpapakitang ang mga inang nakararanas nito ay bihirang makunan.”