Kapag Hindi Na Dumaan sa Pagkabata
Kapag Hindi Na Dumaan sa Pagkabata
“Ang maranasan ang pagkabata ang siyang pinakapangunahing karapatang pantao ng mga bata.”—“The Hurried Child.”
MALAMANG na sasang-ayon ka na dapat maranasan ng lahat ng bata ang maituturing na walang-iniintindi at walang-muwang na panahon ng pagkabata. Gayunpaman, isang malungkot na katotohanan sa buhay ang bagay na para sa maraming kabataang lalaki at babae, hindi nararanasan ang gayong panahon ng pagkabata. Isipin na lamang ang libu-libo, marahil ay milyun-milyon pa ngang pangarap ng mga kabataan na nasira nang ang mga bata ay naging mga biktima ng digmaan. Gunigunihin din ang lahat ng batang nasira ang buhay dahil sa pagkaalipin o pag-abuso.
Mahirap para sa karamihan sa atin na isipin kung ano ang nadarama ng isang bata kapag napilitan siyang mamuhay sa mga lansangan dahil sa nadarama niyang mas ligtas siya roon kaysa sa bahay. Kung kailan kailangan nila ang lahat ng pagmamahal at proteksiyon, saka pa kailangang matutuhan ng mga bata na pangalagaan ang kanilang sarili laban sa walang-awang mga tao na sabik na pagsamantalahan sila. Kadalasan, hindi na nararanasan ang pagkabata sa ating maligalig na panahon.
“Kung Maibabalik Ko Lang Sana ang Aking Pagkabata”
Si Carmen, 22 anyos, ay nakipagpunyagi sa panahon ng kaniyang pagkabata. * Sila ng ate niya ay napilitang mamuhay sa lansangan upang matakasan ang pang-aabuso ng kanilang ama at ang pagpapabaya ng kanilang ina. Sa kabila ng mga panganib ng ganitong pamumuhay, naiwasan ng dalawang batang ito ang ilan sa mga patibong na dumaig sa napakaraming kabataang naglayas.
Gayunman, nagdadalamhati si Carmen dahil hindi niya naranasan ang panahon ng pagkabata, sapagkat talagang hindi niya maalaalang dumaan siya sa pagkabata. “Parang mula sa pagkasanggol ay agad akong naging 22 taóng gulang anupat hindi na ako dumaan sa pagkabata,” ang hinagpis niya. “May asawa na ako ngayon at may sariling anak, subalit sabik pa rin akong gawin ang mga bagay na ginagawa ng mumunting batang babae, gaya ng paglalaro ng mga manika. Gusto kong ako’y mahalin at yapusin ng mga magulang. Kung maibabalik ko lang sana ang aking pagkabata.”
Maraming bata ang nagdurusa na gaya ni Carmen at ng kaniyang ate. Namuhay sila sa lansangan, anupat hindi na nila naranasan ang pagkabata. Marami sa mga ito ang nasangkot sa krimen upang mabuhay. Ipinakikita ng mga ulat ng balita at estadistika na ang mga bata ay nasasangkot sa krimen sa napakamurang gulang. Pinalulubha pa ng isang bagay ang problemang iyan: Marami sa mga batang babae ang nagiging mga magulang samantalang sila’y mga tin-edyer pa—sa katunayan, habang sila mismo’y mga bata pa.
Isang Natatagong Krisis sa Lipunan
Hindi kataka-taka, parami nang paraming bata ang nasasadlak sa bahay-ampunan. Ganito ang sabi ng isang editoryal na inilimbag sa pahayagang Weekend Australian: “Nagkaroon tayo ng krisis sa bahay-ampunan nang hindi natin namamalayan. Mas maraming bata mula sa wasak na mga tahanan at nasirang mga pamilya ang napapabayaan.” Binanggit din ng pahayagan: “Ang ilang bata sa ampunan ay gumugugol ng mga buwan, mga taon pa nga, na hindi nadadalaw ng mga social worker na inatasang mangasiwa sa kanilang kaso, samantalang ang iba naman ay palipat-lipat sa mga
tagapag-ampon, anupat hindi kailanman makasumpong ng permanenteng tahanan.”Ang isang iniulat na kaso ay tungkol sa isang 13-anyos na batang babae na 97 ulit nang ipinaampon sa loob ng tatlong taon—ang ilan ay tumagal lamang nang isang gabi. Naaalaala niya ngayon ang napakasakit na nadama niya dahil sa pagtanggi at kawalang-katiyakang kaniyang dinanas. Para sa maraming batang ipinaampon na gaya niya, hindi nila naranasan ang pagkabata.
Kung gayon, hindi nga kataka-taka na pinag-uusapan ng mga dalubhasa ngayon ang tungkol sa lumalagong trahedya ng mga batang hindi dumanas ng pagkabata. Kung ikaw ay isang magulang, maaari mong suriin ang malungkot na mga katotohanang ito at ituring mong mapalad ka na mapaglalaanan mo ang iyong mga anak ng tahanan at mga pangangailangan sa buhay. Subalit may isa pang panganib. Sa daigdig ngayon, hindi naman laging di-nararanasan ang pagkabata. Kung minsan nga lang ito ay minamadali. Sa anong paraan ito minamadali, at taglay ang anong mga epekto?
[Talababa]
^ par. 6 Binago ang pangalan.