Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Takot sa mga Estranghero
“Mas pipiliin ng mahigit sa 80 porsiyento ng mga motoristang babae na gugulin ang magdamag sa loob ng kanilang nakakandadong sasakyan na nasira kaysa sa tanggapin ang alok na tulong ng isang estranghero,” ang ulat ng The Independent ng London. Isang surbey na isinagawa ng Direct Line Rescue sa 2,000 motorista ang nagsisiwalat na 83 porsiyento ng mga babae at 47 porsiyento ng mga lalaki ang tatanggi sa mga alok na tulong kapag nasira ang kanilang sasakyan. Gayundin naman, ang karamihan sa mga motorista ay hindi humihinto upang tulungan ang drayber ng nakatirik na sasakyan. Ang mga babae lalo na ang nangangamba sa kanilang kaligtasan, anupat nababahala na baka pakana lamang ang pagkasira ng kanilang sasakyan. Sinabi ng tagapagsalitang si Nick Cole: “Isang nakalulungkot na bagay sa ating panahon na, para sa maraming drayber, ang magdamag na pag-upong mag-isa sa kanilang kotse ay waring mas mabuting pasiya kaysa sa takot na mararanasan nila kapag nakitungo sa isang estranghero.”
Mga Walang Pananampalataya ang Umaakay sa mga May Pananampalataya
Ang mga babaing pari sa Church of England ay “mas lubhang nag-aalinlangan sa pangkalahatan kaysa sa mga lalaking pari kung tungkol sa . . . mahahalagang doktrinang Kristiyano,” ang ulat ng The Times ng London. Isang surbey sa halos 2,000 klerigo sa Church of England ang nagsiwalat na “walo sa sampung lalaking pari ang naniniwalang namatay si Jesus upang pawiin ang mga kasalanan ng sanlibutan,” kung ihahambing sa 6 lamang sa 10 babaing pari. At bagaman 7 sa bawat 10 lalaking pari ang naniniwala sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo, 5 lamang sa 10 babaing pari ang naniniwala. Si Robbie Low, tagapagsalita para sa Cost of Conscience, na nagpagawa ng surbey, ay nagsabi: “Maliwanag na may dalawang Simbahang umiiral sa Church of England: ang naniniwalang Simbahan at ang di-naniniwalang Simbahan, at iyan ay isang iskandalo. Parami nang paraming mga posisyong may awtoridad ang ipinagkakatiwala sa kamay ng mga taong paurong ang pananampalataya. Isang situwasyon ito na hindi dapat pahintulutan kung saan parami nang paraming mga walang pananampalataya ang umaakay sa mga may pananampalataya.”
Negatibong Saloobin sa Kabila ng Pagiging Mayaman at Malusog
Sa kabila ng ulat noong 2001 na nagpapakitang “umunlad ang ekonomiya at ang mga kalagayan ng lipunan sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon,” may negatibong saloobin pa rin ang mga taga-Canada tungkol sa kanilang kinabukasan, ang sabi ng The Toronto Star. Natuklasan ng mga mananaliksik sa Canadian Council on Social Development na “ang mga taga-Canada ay hindi gaanong nakadarama ng kasiguruhan sa pananalapi, mas nakararanas sila ng kaigtingan sa kanilang mga trabaho, hindi sila gaanong nagtitiwala na matutulungan sila ng mga suporta ng lipunan, at mas nanganganib sila sa krimen.” Kabilang sa binanggit na mga sanhi ng kabalisahan ay ang “kita na halos nakatatabla lamang sa implasyon, mas maraming personal na utang, . . . mahabang talaan ng mga naghihintay para sa ilang paraan ng panggagamot, tumataas na presyo ng gamot, mas maraming kapinsalaang dulot ng aksidente sa sasakyan, at di-makatuwirang takot na dumarami ang mararahas na krimen.” Ang mga awtor ng ulat ay nagsabi: “Kung binibigyang-katuturan natin ang kapanatagan bilang isang kalagayan ng isip, kung gayon ay patungo tayo sa maling direksiyon.”
Mas Mababang Bilang ng mga Namamatay?
Sa Estados Unidos, “ang mga pagsulong sa pangangalagang pangkagipitan sa nakalipas na 40 taon ay nakatulong upang mapababa ang bilang ng mga namamatay sa mga biktima ng pagsalakay,” ang sabi ng ulat ng Associated Press. Natuklasan ng mga mananaliksik na mula 1960 hanggang 1999, ang bilang ng mga namamatay dahil sa pagsalakay ng mga kriminal ay bumaba nang halos 70 porsiyento sa Estados Unidos, bagaman dumami nang halos anim na beses ang mga pagsalakay ng mga kriminal sa yugto ring iyon. Isiniwalat din ng pag-aaral na noong 1960, 5.6 porsiyento ng mararahas na pagsalakay ang humantong sa kamatayan, ngunit 1.7 porsiyento lamang sa mga pagsalakay noong 1999 ang humantong sa kamatayan. Sinasabi ng mga mananaliksik na nakatulong sa pagbaba ng bilang ng mga namamatay ang ilang medikal na pagsulong, lakip na rito “ang pagtatatag ng mga serbisyong pangkagipitan, mabilis na paggamot at transportasyon para sa mga biktima ng trauma, mas mahusay na pagsasanay sa pangkagipitang mga paramediko, at mas maraming ospital at silid-gamutan para sa mga nagkaroon ng trauma,” ang sabi ng ulat. Si Propesor Anthony Harris, na mula sa University of Massachusetts sa Amherst, ay nagsabi: “Ang mga taong dati ay namamatay noong nakalipas na 20 taon ay nagagamot na ngayon at nakalalabas ng ospital, anupat kalimita’y sa loob lamang ng ilang araw.”
Ang mga Remote Control at mga Greenhouse Gas
Sa buong daigdig, ang mga Australiano ang naglalabas ng pinakamaraming greenhouse gas (gas na nakapagpapainit sa temperatura), ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Ang isang pangunahing sanhi ng problemang ito ay ang “pagkahilig ng Australia sa mga remote control.” Paano nauugnay ang mga remote control sa pagpapalabas ng mga greenhouse gas? Upang gumana ang isang remote control, kailangang iwan na naka-standby power ang mga TV, video recorder, at iba pang elektronikong kasangkapan. Samakatuwid, bihirang patayin ang mga ito. Dahil dito, karagdagang limang milyong tonelada ng carbon dioxide ang inilalabas ng mga planta ng kuryente sa atmospera taun-taon. Sa ibang salita, ang kuryenteng kailangan upang manatiling naka-standby ang de-kuryenteng mga kagamitan sa Australia ay katumbas ng dami ng mga greenhouse gas na ibinubuga ng isang milyong kotse. Sa pagkokomento sa nagagastos ng mga gumagamit nito sa Australia, ganito ang sabi ng pahayagan: “Noong taóng 2000, ang kuryenteng ginamit ng mga kasangkapan na naka-standby ay umabot sa 11.6 porsiyento ng kuryenteng ginamit ng mga pamilya—isang karagdagang $500 milyon.”
“Ang Panahon ng Titanium”?
Ang titanium ay isang magaan, matibay, at di-kinakalawang na metal. Matapos unang dalisayin ng mga siyentipiko noong 1910, ang matibay na mga katangian ng titanium ang dahilan kung bakit bagay na bagay itong gamitin sa mga sasakyang panghimpapawid at sa larangan ng medisina. Kapag ipinasok sa katawan ng tao, bihira itong pagmulan ng pamamaga, kaya maaari itong gamitin upang gumawa ng artipisyal na mga buto. Isang kinatawan ng Japan Titanium Society ang nagsabi: “Dahil ang titanium ay halos hindi talaga kinakalawang, bihirang-bihirang mangailangan ng anumang pagmamantini (ang mga produktong titanium), at hindi kailangang itapon ang metal pagkatapos ng minsang paggamit. Kung isasaalang-alang ang kapaligiran, ang titanium ang magiging pinakapopular na metal sa ika-21 siglo.” Ang pangunahing disbentaha lamang ay sampung beses na mas mahal ito kaysa sa stainless steel (di-kinakalawang na asero). Gayunman, habang parami nang parami ang pinaggagamitan sa titanium, inaasahan na bababa ang presyo nito. Ayon sa Daily Yomiuri ng Hapon, “ang kasaysayan ng metal ay nabago mula sa tanso tungo sa asero, at mula sa asero tungo sa aluminyo. Waring ang ika-21 siglo ay magiging panahon ng titanium.”
Di-sapat na Pagsasanay Para sa Pag-aasawa
Mahigit sa 40 porsiyento ng mga nagsasama muna bago magpakasal ang nagdidiborsiyo bago ang kanilang ikasampung anibersaryo, ang ulat ng Daily News ng New York. Ipinakikita rin ng mga estadistika na tinipon ng National Center for Health Statistics na ang mga nagsama muna bago nagpakasal at nanatiling mag-asawa sa loob ng mahigit na sampung taon ay dalawang beses na malamang na mauwi sa pagdidiborsiyo. “Kung ang magkapareha ay nag-iisip na magsama [at] hindi sila naniniwala na tama ang magsama nang di-kasal,” ang sabi ni Matthew Bramlett, ang punong awtor ng ulat, “ito rin ang uri ng mga tao na malamang na hindi magdiborsiyo.” Bukod dito, ang mga taong nagsasama muna bago magpakasal ay “waring mas hindi gaanong handa na magbata ng kirot na kaakibat ng paglutas sa problema ng isang ugnayan,” ang sabi ng tagapayo sa pag-aasawa na si Alice Stephens.
Ang Paghahanap ng Relihiyon
“Dati ay bukambibig ang kasabihang minsang Metodista, laging Metodista. Pero hindi na ngayon,” ang ulat ng The Sacramento Bee. Ayon kay Dexter McNamara, direktor ng Interfaith Service Bureau sa Sacramento, “ang matalik na ugnayan sa mga denominasyon ay hindi na gaanong importante sa mga tao sa ngayon . . . Mas gusto ng mga tao na sumubok ng iba’t ibang relihiyon.” Sa paghahanap ng relihiyon, malimit na isinasaalang-alang ng mga mananamba ang mga bagay na tulad ng musika, istilo ng pagsamba, haba ng serbisyo, mga programa para sa kabataan, laki ng kongregasyon, at layo nito mula sa kanilang tahanan. “Marami na ngayong mapagpipilian,” ang sabi ni Allan Carlson, direktor ng Howard Center on Family, Religion and Society. “Noong 1950, ang denominasyon ng 85 porsiyento ng mga adulto ay kapareho niyaong sa kani-kanilang mga magulang,” ngunit ngayon ay “marami na silang ibang mapagpipilian.”