Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Buhok Nasiyahan ako sa artikulong “Nababahala Ka ba sa Iyong Buhok?” (Agosto 8, 2002) Labing-apat na taon na akong nagtatrabaho bilang beautician. Ang sinabi ninyong paraan ng pagba-brush sa napinsalang buhok ay kapareho ng paraan namin. Humanga ako nang makita ko kung gaano kapropesyonal ang inyong mga artikulo.
K. K., Hapon
Bilang masugid na mambabasa ng Gumising!, gusto kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong ito. Nagsimula akong magkauban sa unang mga taon ng aking pagkatin-edyer. Pagsapit ng mga huling taon ng aking pagkatin-edyer, kitang-kita na ang uban ko kahit sa malayo. Talagang naaasiwa ako rito. Tinulungan ako ng artikulong ito na magkaroon ng katamtamang pangmalas sa aking pisikal na hitsura habang higit akong nagtutuon ng pansin sa paglilinang ng makadiyos na mga katangian.
E. J., Nigeria
Pagkahumaling Salamat sa artikulo sa “Pagmamasid sa Daigdig” na pinamagatang “Hibang na Pag-ibig.” (Agosto 8, 2002) Tinulungan ako ng artikulong ito na mapag-isip-isip na maging sa isang situwasyon na nananatili ang pagkahumaling, hindi ito laging nangangahulugan ng matatag na saligan para sa isang maligayang pag-aasawa. Ang ganitong payo ay tunay na makapagliligtas sa isang tao mula sa mangmang na landasin!
P. L., Russia
Mga Luau Wiling-wili ako sa pagbabasa sa inyong artikulong “Tayo Nang Mag-Hawaiian Luau.” (Hunyo 8, 2002) Ilang taon na ang nakalilipas nang dumalo ako sa isang luau sa Hawaii. Nadama kong may malaking impluwensiya ang relihiyon at espiritismo rito. Kahit na walang mga aspekto ng relihiyon o espiritismo ang mga luau sa ngayon, paano naiiba ang mga ito sa ibang mga pagdiriwang na may paganong mga pinagmulan ngunit itinuring na ng makabagong mga kultura bilang isang kasayahang pampamilya?
L. F., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Gaya ng itinala roon sa aming talababa sa pahina 24, bagaman ang “luau” noong una ay maaaring may kaugnayan sa huwad na mga relihiyosong gawain, ang salita sa ngayon ay tumutukoy na lamang sa isang piging sa Hawaii. Ang isang espesipikong pagtitipon na doo’y ikinakapit ang salitang “luau” ay maaaring angkop o di-angkop na daluhan ng isang Kristiyano. Gaya sa lahat ng aspekto ng buhay, ang mga Kristiyano ay dapat magpasiya sa paraang magdudulot sa kanila ng malinis na budhi sa harap ng Diyos na Jehova.—1 Timoteo 1:5, 19; tingnan din ang Enero 8, 2000, labas ng “Gumising!” sa pahina 26-7.
Postpartum Depression Maraming salamat sa artikulong “Napaglabanan ko ang Postpartum Depression.” (Hulyo 22, 2002) Pakiramdam ko’y isinulat ang artikulong ito para sa akin. Bagaman wala akong postpartum depression—kaming mag-asawa ay walang anak—isa at kalahating taon na akong nakikipagpunyagi sa panlulumo at pagkabalisa. Palagi akong pagód at litó, anupat pakiramdam ko’y hindi ako makagawa ng simpleng mga desisyon. Takót akong makisalamuha sa mga tao. Ni hindi ako makapunta sa groseri nang hindi kasama ang aking asawa. Pagaling na ako, at sa kasalukuyan ay umiinom ako ng gamot. Nakita ko sa artikulong ito na marami pa pala akong maaaring gawin. Nabasa na rin ng aking asawa ang artikulo, at nakita niya kung paano siya higit na makatutulong.
J. R., Estados Unidos
Kaylaki ng aking pasasalamat sa artikulo hinggil sa postpartum depression! Sinabi sa akin ng mga doktor na ako ay may malubhang postpartum depression nang isilang ko ang aking ikatlong anak. Bago iyon, akala ko ay nababaliw na ako. Iyon ay isang nakatatakot at madilim na panahon para sa akin at sa aking pamilya. Sa kasalukuyan ay umiinom ako ng mga halamang-gamot at bitamina at palagi akong nag-eehersisyo, anupat ang lahat ng ito ay tumutulong sa akin na makapagbata sa abot ng aking makakaya. Pakisuyong pasalamatan ninyo si Janelle sa pagbabahagi niya ng kaniyang karanasan sa amin.
J. C., Estados Unidos