Kung Paano Pangangalagaan ang Iyong mga Anak
Kung Paano Pangangalagaan ang Iyong mga Anak
“Ang mga magulang ang pinakamahalagang salik sa pangangalaga sa mga anak mula sa pag-abuso sa anumang substansiya. Dapat silang magbigay ng mabuting halimbawa at impormasyon sa kanilang mga anak.”—DONNA SHALALA, KALIHIM NG KAGAWARAN NG KALUSUGAN AT MGA PAGLILINGKOD PANTAO NG ESTADOS UNIDOS.
KUNG GAYON, bilang magulang, ikaw ang may pinakamahalagang papel sa pangangalaga sa iyong mga anak sa pakikipagbaka laban sa pag-abuso sa droga. Nakalulungkot, hindi nauunawaan ng lahat ng magulang ang kahalagahan ng papel na iyan. “Laging abala ang tatay ko,” ang gunita ni Ireneu, isang kabataang taga-Brazil. “Sandali lamang siyang nakikipag-usap sa amin. Hindi kami kailanman tumanggap ng anumang payo tungkol sa droga.”
Sa kabaligtaran naman, isaalang-alang ang naaalaala ni Alecxandros, isa pang kabataang taga-Brazil: “Kapag may mga programa sa TV tungkol sa mga sugapa sa droga, kaming magkakapatid na lalaki ay tinatawag ng aking tatay sa kuwarto upang panoorin ang mga ito. Ipinakikita niya sa amin ang kakila-kilabot na kalagayan ng mga sugapa dahil sa kanilang pag-abuso sa droga. Kung minsan, ginagamit niya ang pagkakataong iyon upang tanungin kami kung may nakikita ba kaming mga kabataan sa paaralan na nag-aabuso sa droga. Sa gayong paraan ay binabalaan niya kami tungkol sa mga panganib ng pag-abuso sa droga.”
Naipakipag-usap mo na ba sa iyong mga anak ang mga panganib ng droga? Upang magawa ito, baka kailangan mong pag-aralan ito. Matutulungan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak na matanto na nakapipinsala sa kanila sa espirituwal ang paggamit ng bawal na gamot. Hinihimok tayo ng Bibliya na panatilihing malinis ang ating katawan mula sa lahat ng karumihan, kapuwa sa pisikal at espirituwal. (2 Corinto 7:1) Ang regular na pag-aaral ng Bibliya kasama ang mga anak ay maaaring maging isang mabisang tulong upang mapangalagaan sila. *
“Matalik na Kaibigan”
Mahalaga rin na magkaroon ng ugnayan ng pagtitiwala sa pagitan mo at ng iyong mga anak. Si Jehova ay isang “matalik na kaibigan” ng kaniyang makalupang mga anak. (Jeremias 3:4) Ikaw ba ay isang matalik na kaibigan ng iyong anak? Talaga bang nakikinig ka sa iyong anak? Palagay ba ang loob ng iyong anak sa pagsasabi ng kaniyang mga problema sa iyo? Mas madali ka bang humatol kaysa sa pumuri? Maglaan ka ng panahon upang makilala ang iyong anak. May mga kaibigan ba siya? Sinu-sino sila? Tutal, nagbabala ang Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Huwag matakot na magtakda ng matatag na mga hangganan o magbigay ng maibiging disiplina. Sinasabi ng Bibliya: “Parusahan mo ang iyong anak at siya ay magdadala sa iyo ng kapahingahan at magbibigay ng malaking kaluguran sa iyong kaluluwa.”—Kawikaan 29:17.
Karagdagan pa, huwag mong maliitin ang mga panganib na napapaharap sa iyong anak. Maaaring kampanteng nangangatuwiran ang ilang magulang na dahil galing sa isang lubhang iginagalang na pamilya ang kanilang mga anak, hindi sila ang uri na masasangkot sa droga. Subalit ganito ang paliwanag ni Dr. José Henrique Silveira: “Gusto ng nagbebenta ng droga na makipagkaibigan sa mga anak ng mga taong maimpluwensiya sapagkat ito’y kapaki-pakinabang sa negosyo niya.” Oo, kung ang isang lubhang iginagalang na kabataan ay maaaring maakit sa paggamit ng droga, kadalasang maaaring sumunod ang iba pang kabataan.
Kaya maging makatotohanan. Alamin ang ilan sa unang mga palatandaan ng pagkasangkot sa droga. Halimbawa, ang iyo bang anak ay biglang ayaw makipag-usap, nanlulumo, masungit, o hindi nakikipagtulungan? Siya ba ay lumalayo sa mga dating kaibigan o sa mga miyembro ng pamilya, sa hindi malamang dahilan? Kung gayon, baka dapat ka ngang mabahala.
Nakalulungkot sabihin, sa kabila ng kapuri-puring mga pagsisikap ng mga magulang, napadadala pa rin ang ilang kabataan sa panggigipit at nag-eeksperimento sa mga droga. Ano ang dapat mong gawin kung mangyari ito sa iyong anak?
Kapag Gumagamit ng Droga ang Isang Kabataan
“Nang matuklasan ito ng aking mga magulang,” ang sabi ni Ireneu, “ang kapatid kong lalaki ay ilang buwan nang gumagamit ng droga. Palibhasa’y hindi nila iniisip na magiging sugapa sa droga ang isa sa kanilang mga anak, ang una nilang reaksiyon ay labis na pagkagitla at pagkabalisa. Noong una, ang naisip lamang ng tatay ko ay ang paggamit ng dahas upang parusahan ang aking kapatid.”
Kapag natuklasan na ang isang bata ay gumagamit ng droga, ang unang reaksiyon ng mga magulang ay maaaring pagkagalit, pagkasiphayo, at pagkadama ng kabiguan. Gayunman, ganito ang payo ng isang dokumento na inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon sa Estados Unidos: “Huwag magitla at mabalisa nang labis! At huwag mong sisihin ang iyong sarili. Ang mahalaga ngayon ay manatiling mahinahon [at] alamin kung ano ang nangyari. . . . Ang paggamit ng droga ay isang paggawing maiiwasan. Ang pagkasugapa sa droga ay isang karamdamang magagamot.”
Oo, maging mabait at matatag upang hindi lumala ang kalagayan. Ang iyong labis na pagkagalit o pagkasiphayo ay maaaring humadlang sa paggaling ng iyong anak. At gusto mo ring tulungan ang iyong anak na lumaki bilang responsableng adulto na makapagpapasiya para sa kaniyang sarili. Kung gayon, maglaan ng panahon upang matapat na makipagkatuwiranan sa kabataan para matulungan siyang maunawaan ang mga kapakinabangan ng hindi paggamit ng droga. Sikaping arukin ang nasa puso ng masuwaying bata sa pamamagitan ng mapanuring mga tanong, at maging handang makinig.—Kawikaan 20:5.
Naaalaala pa ni Ireneu: “Nang maglaon, binago ng mga magulang ko ang kanilang pamamaraan at pinayuhan ang aking kapatid, anupat nilimitahan ang mga hangganan kung saan siya makapupunta at binago ang kaniyang mga klase upang hindi niya makasama ang iyo’t iyon ding mga kaeskuwela araw-araw. Kinontrol nila ang kaniyang mga pakikipagsamahan
at higit na pansin ang ibinigay sa kaniya at sa iba pa sa pamilya.”Isaalang-alang kung paano matagumpay na kumilos ang ibang mga magulang nang matuklasan nilang gumagamit ng droga ang kanilang mga anak.
Matagumpay na mga Pagkilos
“Ito ang pinakamasamang nangyari sa amin,” ang paliwanag ni Marcelo, isang lalaking nakatira sa São Paulo, Brazil. “Kaming mag-asawa ay walang napansin na anumang kakaiba sa ugali ng aming dalawang kabataang anak na lalaki. Madalas, kumakain sila sa mga restawran kasama ang isang grupo ng mga kabataang akala namin ay aming kilalang-kilala. Para kaming pinagsakluban ng langit at lupa nang sabihin sa amin ng isang kaibigan na humihitit ng marihuwana ang dalawa naming anak na lalaki. Gayunman, nang tanungin namin sila, agad nilang inamin na humihitit nga sila ng marihuwana.”
Paano pinakitunguhan ni Marcelo ang mga ikinilos ng kaniyang mga anak? “Hindi namin maitagong mag-asawa ang aming pagkabagabag,” ang pag-amin niya. “Subalit bagaman hinahatulan namin ang kanilang pag-abuso sa droga, hindi namin pinagdudahan ang kanilang halaga bilang mga indibiduwal. Sumang-ayon kami na ang tunguhin namin mula noon ay tulungan ang aming mga anak na makabangon mula sa pag-abuso sa droga. Tahasan naming ipinakipag-usap ang tungkol sa aming mga intensiyon, at tinanggap naman ng aming dalawang anak ang mga kondisyon namin. Magpapatuloy sila sa kanilang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi na sila mamamasyal na mag-isa. Ipinakita namin sa kanila ang aming pag-ibig araw-araw, hindi lamang sa pantanging mga okasyon. Yamang nagtatrabaho ako bilang isang tagapagtayo ng mga gusali, madalas ko silang isinasama hangga’t maaari. Mas madalas na kaming nagkakatuwaan, na gumugugol ng higit na panahon sa pag-uusap tungkol sa hinaharap at sa pangangailangang magkaroon ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin sa buhay.” Kaya natulungan ni Marcelo at ng kaniyang asawa ang kanilang mga anak na makalaya mula sa pag-abuso sa droga.
Isaalang-alang ang karanasan ng isa pang ama na taga-Brazil. Ganito ang naaalaala ng kaniyang anak na si Roberto: “Nang matuklasan ng tatay ko na ang aking kapatid na lalaki ay nag-aabuso sa droga, sa halip na marahas siyang punahin o disiplinahin, si Itay ay naging isang kaibigan at nakamit niya ang
pagtitiwala ng aking kapatid. Kinilala niya ang mga kaibigan ng aking kapatid at ang mga lugar na madalas niyang puntahan, at ipinaliwanag niya sa aking kapatid na hindi niya kailangan ang droga o ang gayong mga kaibigan. Sinabi sa kaniya ni Itay na ayaw niyang napupuyat sa paghahanap sa kaniya.” Sa pagsisikap na matulungan ang kabataang may problema, lubusang sinuportahan ng madrasta ni Roberto ang kaniyang ama. Kapuwa sila sumang-ayon na dapat silang kumilos agad at nagpasiyang tulungan siya sa bahay.—Tingnan ang kahon na “Paghingi ng Tulong.”Huwag Sumuko!
Ang pangangalaga sa pamilya sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay maaaring maging nakapapagod at mapanghamon. (2 Timoteo 3:1) Subalit, hindi mo dapat kaligtaan ang iyong sariling emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3) Totoo nga ang mga salita sa Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw na kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Makakamit ang higit na lakas sa pamamagitan ng pakikisama sa tunay na mga Kristiyano. Masusumpungan mo ang alalay at pampatibay-loob sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.—Hebreo 10:24, 25.
Tunay nga, ang pagtuturo sa iyong pamilya na manampalataya sa Diyos ay maaaring maging ang pinakamainam na depensa mo laban sa pag-abuso sa droga. Sabihin pa, hindi pinipilit ng Diyos ang mga kabataan na sumunod sa isang landasin ng buhay. Subalit nag-aalok siya ng maaasahang payo. Gaya ng nakaulat sa Awit 32:8, sinasabi ng Diyos: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Bilang isang maibiging Ama, gusto ng Diyos na pangalagaan ang mga kabataan mula sa emosyonal, pisikal, at espirituwal na pagkapahamak. (Kawikaan 2:10-12) Makaaasa ka na tutulungan at aalalayan din ng Diyos ang mga magulang na determinadong palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Magkagayon man, maaaring maging labis-labis kung minsan ang panggigipit sa pagpapalaki ng mga anak sa kapaligiran sa ngayon. May anumang kaginhawahan bang natatanaw?
[Talababa]
^ par. 5 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglathala ng impormasyon na makatutulong sa mga magulang upang ipakipag-usap sa kanilang mga anak ang mga paksang gaya ng mga panganib ng droga. Halimbawa, tingnan ang kabanata 33 at 34 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.
[Blurb sa pahina 8]
“Ang paggamit ng droga ay isang paggawing maiiwasan. Ang pagkasugapa sa droga ay isang karamdamang magagamot.”—KAGAWARAN NG EDUKASYON SA ESTADOS UNIDOS
[Kahon sa pahina 6]
Paghingi ng Tulong
Maaaring magpasiya ang ilang magulang na pinakamabuti kung nasa ilalim ng pangangasiwa ng manggagamot ang kanilang anak kapag naranasan nito ang mga epekto ng paghinto sa paggamit ng droga. Personal na pasiya ng mga magulang kung anong paraan ng paggamot ang gagamitin. Subalit yamang ang uri ng pangangalaga na ibinibigay sa mga klinikang panrehabilitasyon ay lubhang magkakaiba, makabubuting lubusang suriin ito ng mga magulang bago sumang-ayon sa paggamot. Ayon sa saykayatris na si Arthur Guerra de Andrade, isang propesor sa São Paulo University sa Brazil, 30 porsiyento lamang ng mga ginamot sa klinika ang gumaling mula sa pagkasugapa sa droga. Sa gayon, kailangang magpakita ng aktibong interes ang mga magulang sa paggaling ng kanilang mga anak, kahit na nasasangkot ang mga manggagamot.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Tulong Para sa Pagalíng Nang mga Nag-aabuso sa Droga
Ikaw ba ay isang kabataang nagsisikap na makalaya mula sa pag-abuso sa droga? Kung gayon, masusumpungan mong ang pagbabasa ng Bibliya at pagkakapit ng nababasa mo ay makatutulong sa iyo sa pagsisikap mo na gumaling. Masusumpungan mong lalo nang nakatutulong na basahin ang aklat ng Mga Awit, yamang ipinahahayag nito ang marami sa masasakit na damdaming nadarama mo ngayon. Tutulong din sa iyo ang taimtim na pananalangin sa Diyos, anupat talagang ibinubuhos ang iyong kaloob-loobang mga kaisipan. (Filipos 4:6, 7) Madarama mo na siya ay talagang nagmamalasakit sa iyo at nais niyang magtagumpay ka. Ngunit yamang hindi pinipilit ng Diyos ang sinuman na kumilos laban sa kaniyang sariling malayang kalooban, mahalaga na talagang hangarin mong huminto sa paggamit ng droga. Ang salmistang si David, na maraming ulit na nakaranas ng alalay ng Diyos, ay nagsabi: “May-pananabik akong umasa kay Jehova, kung kaya ikiniling niya sa akin ang kaniyang pandinig at dininig ang aking paghingi ng tulong. Iniahon din niya ako mula sa umuugong na hukay, mula sa lusak ng burak. Pagkatapos ay itinuntong niya ang aking mga paa sa isang malaking bato; itinatag niya nang matibay ang aking mga hakbang.” (Awit 40:1, 2) Inaalalayan din ngayon sa katulad na paraan ang mga nagnanais na alisin ang kanilang mga bisyo at maglingkod sa Diyos.
[Larawan sa pahina 5]
“Binabalaan kami ng tatay ko tungkol sa mga panganib”—Alecxandros
[Larawan sa pahina 8]
Maglaan ng panahon na babalaan ang iyong mga anak tungkol sa pisikal at espirituwal na mga panganib ng paggamit ng droga
[Larawan sa pahina 8]
Alamin ang mga kasama ng iyong anak
[Larawan sa pahina 8, 9]
Maiiwasang lumala ang masamang situwasyon kung mahinahong lulutasin ang mga problema