Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Materyalismo?
ANG mga tao ay isinisilang taglay ang kakayahang maging mahilig sa espirituwal na mga bagay at ang pangangailangang sumamba sa Diyos. Gayunman, ang tao ay nilikha mula sa materyal na mga sangkap at may materyal na mga pangangailangan at kakayahang masiyahan sa materyal na mga bagay. Ang ilang Kristiyano ay sagana sa materyal na kayamanan. Katibayan na ba ito ng materyalismo at kawalan ng espirituwalidad? Sa kabaligtaran, yaon bang mga dukha ay malayong maging materyalistiko at mas malamang na maging mahilig sa espirituwal na mga bagay?
Tiyak na sasang-ayon ka na ang materyalismo ay nagsasangkot nang higit pa kaysa sa pagkakaroon lamang ng maraming kayamanan o mga ari-arian. Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa sa Bibliya kung ano talaga ang materyalismo at kung paano maiiwasan ang mga panganib na idinudulot nito sa espirituwalidad.
Nagtaglay Sila ng Kayamanan at Karangalan
Kabilang sa tapat na mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya ang ilan na nagtaglay ng kayamanan at karangalan. Halimbawa, si Abraham “ay lubhang sagana sa mga hayop at sa pilak at sa ginto.” (Genesis 13:2) Kilala si Job bilang “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan” dahil sa kaniyang maraming hayupan at maraming lingkod. (Job 1:3) Ang mga hari ng Israel, tulad nina David at Solomon, ay nagkaroon ng pagkalaki-laking kayamanan.—1 Cronica 29:1-5; 2 Cronica 1:11, 12; Eclesiastes 2:4-9.
Ang mayayamang Kristiyano ay bahagi ng kongregasyon noong unang siglo. (1 Timoteo 6:17) Si Lydia ay tinawag na “isang tindera ng purpura, na mula sa lunsod ng Tiatira at isang mananamba ng Diyos.” (Gawa 16:14) Ang purpurang tina at ang mga telang kinulayan nito ay mamahalin at kadalasang nakareserba para sa mga may posisyon o mayayamang indibiduwal. Kaya malamang na mayaman din si Lydia.
Sa kabaligtaran, ang ilang tapat na mananamba ni Jehova noong panahon ng Bibliya ay mga dukha. Ang likas na mga kasakunaan, aksidente, at kamatayan ay nagsadlak sa ilang pamilya sa kahirapan. (Eclesiastes 9:11, 12) Kayhirap nga marahil para sa mga maralita na makita ang iba na nagtatamasa ng kayamanan o materyal na mga ari-arian! Magkagayunman, magiging mali para sa kanila na husgahan ang mga may kayamanan bilang materyalistiko o manghinuha na yaong mga walang kayamanan ay naglilingkod sa Diyos nang lalong lubusan. Bakit? Isaalang-alang kung ano ang ugat ng materyalismo.
Ang Pag-ibig sa Salapi
Binibigyang-katuturan ng isang diksyunaryo ang materyalismo bilang “pagiging abala sa o pagdiriin sa materyal sa halip na sa intelektuwal o espirituwal na mga bagay.” Kaya naman, ang materyalismo ay nag-uugat sa ating mga nasà, priyoridad, at pinagtutuunan ng pansin sa buhay. Maliwanag na ipinakikita ito ng sumusunod na dalawang halimbawa sa Bibliya.
Mariing pinayuhan ni Jehova si Baruc, na nagsilbing kalihim ni propeta Jeremias. Malamang na Jeremias 45:4, 5.
dukha si Baruc dahil sa mga kalagayan sa Jerusalem at sa kaniyang malapít na pakikipag-ugnayan sa kinaiinisang si Jeremias. Magkagayunman, ganito ang napansin ni Jehova: “Kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.” Maaaring nagsimulang maging materyalistiko si Baruc, anupat unti-unting nagbuhos ng pansin sa kayamanan o materyal na katiwasayan ng iba. Pinaalalahanan ni Jehova si Baruc na siya’y ililigtas Niya mula sa pagkawasak na sasapit sa Jerusalem subalit hindi Niya ililigtas ang kaniyang mga pag-aari.—Nagbigay ng ilustrasyon si Jesus tungkol sa isang tao na naging abala rin sa materyal na mga bagay. Ang taong ito ay nagtuon ng pansin sa kayamanan sa halip na gamitin ang kaniyang tinataglay upang palawakin ang kaniyang paglilingkod sa Diyos. Sinabi ng mayamang lalaki: “Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki, . . . at sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.’ ” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?’ Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:16-21.
Ano ang punto ng dalawang ulat na ito? Tinutulungan tayo ng mga ito na makitang ang isang indibiduwal ay materyalistiko, hindi dahil sa dami ng kaniyang tinataglay, kundi dahil sa ginagawa niyang priyoridad ang materyal na mga bagay. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ang determinasyon na maging mayaman at ang pag-ibig sa materyal na mga bagay ang siyang nagdudulot ng mga suliranin.
Kailangan ang Pagsusuri sa Sarili
Nag-iingat ang mga Kristiyano na huwag mabitag ng materyalismo anuman ang kanilang kalagayan sa kabuhayan. Ang kapangyarihan ng kayamanan ay mapanlinlang at maaaring sumakal sa espirituwalidad. (Mateo 13:22) Ang pagbabago ng pinagtutuunan ng pansin mula sa espirituwal na mga bagay tungo sa materyal na mga bagay ay maaaring mangyari sa atin nang hindi natin namamalayan, na may kaakibat na masasaklap na kahihinatnan.—Kawikaan 28:20; Eclesiastes 5:10.
Kaya naman, dapat suriin ng mga Kristiyano ang kanilang mga priyoridad at pinagtutuunan ng pansin sa buhay. Ang isa man ay salat o sagana sa materyal na paraan, sinisikap ng mga taong palaisip sa espirituwal na sundin ang payo ni Pablo na ilagak ang kanilang pag-asa “hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17-19.