Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan at ang Droga

Ang mga Kabataan at ang Droga

Ang mga Kabataan at ang Droga

“Kailangan pa ba nilang mamatay?”

Iyan ang tanong na ibinangon sa pabalat ng magasing Veja sa Brazil. Kasama ng mga salitang iyon ang mga litrato ng kaayaaya at mukhang-normal na mga kabataang namatay​—mga biktima ng pag-abuso sa droga.

BAGAMAN alam na alam nila ang mga panganib, patuloy sa pag-abuso sa droga ang mga tao, at ang gayong pag-abuso ay patuloy na sumisira ng buhay. Dahil sa pag-abuso sa droga, ang Estados Unidos ay gumagastos ng tinatayang 100 bilyong dolyar sa isang taon sa pangangalagang pangkalusugan, nabawasang produksiyon sa trabaho, nawalang kita, at krimen. Subalit malamang na ang mga kabataan​—ang mga bata​—ang siyang nagdurusa nang husto. Ayon sa isang pagsusuri sa Brazil na iniulat sa Jornal da Tarde, 24.7 porsiyento ng mga kabataang nasa pagitan ng 10 at 17 taóng gulang ang nakasubok na ng isang uri ng droga.

Bagaman medyo bumaba ang bilang ng mga tin-edyer na gumagamit ng droga sa Estados Unidos noong nakaraang mga taon, nakababahala na marami sa mga kabataang iyon ang sugapa na. Isaalang-alang ang mga nasa huling taon sa haiskul. Ayon sa isang pag-aaral, 37 porsiyento ang nakasubok na sa paanuman ng marihuwana noong nakaraang taon. Isa sa 5 ang nakagamit na nito noong nakaraang buwan. Halos 1 sa 10 ang nakasubok na ng drogang ecstasy noong nakalipas na taon. Mahigit sa 6 na porsiyento ang nakasubok na ng LSD.

Nakalulungkot ang mga ulat mula sa buong daigdig. Ang British Office for National Statistics ay nag-uulat na “12 porsiyento ng mga mag-aaral na edad 11-15 ang gumamit ng droga noong nakalipas na taon . . . Ang cannabis [marihuwana] ang malamang na siyang pinakamadalas na gamiting droga.” Lalo nang nakababahala ang bagay na “mahigit na sangkatlo (35 porsiyento) ang inalukan ng isa o higit pang droga.”

Gayundin, isinisiwalat ng isang ulat na itinaguyod ng European Union na “naging pangkaraniwan [sa mga kabataan] ang pag-inom nang labis hanggang sa malasing.” Sinasabi rin ng ulat na ang gayong “pag-abuso sa inuming de-alkohol ay iniuugnay sa iba’t ibang panandaliang masasamang epekto gaya ng mga aksidente, karahasan at pagkalason, gayundin ng mga problema sa paglaki at pakikitungo sa mga tao.” Binabanggit naman ng isang ulat mula sa Hapon na “ang mga solvent ang kadalasang ginagamit na droga ng mga tin-edyer sa Hapon, na maaaring humantong sa paggamit ng iba pang droga.”

Hindi nga kataka-taka, sinabi ni Kofi Annan, Kalihim-Panlahat ng United Nations: “Sinisira ng droga ang ating mga lipunan, lumilikha ng krimen, nagkakalat ng mga karamdaman na gaya ng AIDS, at pinapatay ang ating mga kabataan at ang ating kinabukasan.” Kadalasang ang mga taong sangkot sa droga ang siyang may pananagutan sa mga krimen na gaya ng ilegal na kalakalan ng droga at mga pagpatay na nauugnay sa droga. Karagdagan pa, dahil sa pag-abuso sa droga, maraming tao ang naging mga biktima ng karahasan, napinsala, o nasangkot sa mapanganib at di-isinaplanong pagtatalik. At kung inaakala mong hindi apektado ang iyong pamilya, pag-isipan itong muli! Ganito ang sabi ng isang ulat ng pamahalaan ng Estados Unidos: “Ang droga ay problema hindi lamang ng mahihirap, ng minorya, o ng mga naninirahan sa lunsod na may suliranin sa kabuhayan. . . . Ang mga gumagamit ng droga ay nagmumula sa lahat ng antas ng buhay at sa lahat ng bahagi ng bansa. Ang lahat ay apektado ng problema sa droga.”

Gayunman, kadalasang hindi nakikita ng mga magulang ang panganib hanggang sa huli na ang lahat. Isaalang-alang ang kaso ng isang kabataang babae na taga-Brazil. “Umiinom siya ng mga inuming de-alkohol,” ang paliwanag ng kaniyang ate na si Regina. * “Inaakala ng pamilya na wala namang masama rito. Subalit humantong ito sa pag-eeksperimento niya sa droga kasama ang kaniyang mga kaibigang lalaki. Yamang laging binabale-wala ng aking mga magulang ang mga problemang idinulot niya, umabot ito sa punto na hindi na makontrol ang kaniyang kalagayan. Ilang ulit na siyang lumayas nang walang nakaaalam kung nasaan siya. At sa tuwing may matatagpuang isang patay na kabataang babae, tinatawagan ng pulisya ang aking ama upang alamin kung siya ba ito! Nagdulot ito ng matinding pighati sa aking pamilya.”

Inihaharap ng World Health Organization ang limang pangunahing dahilan kung bakit maaaring maakit sa droga ang mga kabataan:

(1) Gusto nilang madama na malaki na sila at magpasiya para sa kanilang sarili

(2) Gusto nilang tanggapin sila ng kanilang mga kasamahan

(3) Gusto nilang magrelaks at magsaya

(4) Gusto nilang makipagsapalaran at maghimagsik

(5) Gusto nilang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagkamausyoso

Mas malamang din na pasimulan ng isang kabataan ang landasing ito ng pagsira sa sarili dahil sa madaling makakuha ng droga at sa panggigipit ng mga kasamahan. “Walang sinasabi ang mga magulang ko tungkol sa droga. Binabanggit ng mga guro sa paaralan ang problema subalit hindi naman ito ipinaliliwanag,” ang sabi ni Luiz Antonio, isang kabataang taga-Brazil. Dahil sa paghimok ng mga kaeskuwela, nagsimula siyang mag-abuso sa droga nang siya ay 14 anyos. Nang maglaon, noong sinisikap na niyang huminto, ginipit siya ng kaniyang “mga kaibigang” nagsusuplay ng droga na ipagpatuloy ang kaniyang bisyo habang tinututukan siya ng kutsilyo!

Natatalos mo na ba ang bagay na maaaring nanganganib ang iyo mismong mga anak? Ano na ba ang ginawa mo upang mapangalagaan sila mula sa pag-abuso sa droga? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang ilang paraan na doon ay mapangangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

[Talababa]

^ par. 9 Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 4]

“Sinisira ng droga ang ating mga lipunan, lumilikha ng krimen, nagkakalat ng mga karamdaman na gaya ng AIDS, at pinapatay ang ating mga kabataan at ang ating kinabukasan.”​KOFI ANNAN, KALIHIM-PANLAHAT NG UNITED NATIONS

[Picture Credit Line sa pahina 3]

© Veja, Editora Abril, May 27, 1998