Paglalakbay sa Pinakamahabang Ruta ng Trolleybus sa Daigdig
Paglalakbay sa Pinakamahabang Ruta ng Trolleybus sa Daigdig
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA UKRAINE
Mababayaran mo ba ng ilang barya ang isang di-malilimot na karanasan? Oo, kung gagamitin mo ito sa pagbili ng isang tiket para sa isang biyahe sa pinakamahabang ruta ng trolleybus sa daigdig. Ang trolleybus ay naglalakbay nang mga 95 kilometro, mula sa Simferopol, sa gitna ng Peninsula ng Crimea sa gawing timog ng Ukraine, hanggang sa Yalta, sa maaraw na dalampasigan sa hilaga ng Dagat na Itim. Bakit hindi ka sumama sa amin sa isang kawili-wiling paglalakbay?
SA MGA tanggapan ng Simferopol Transportation, nakilala natin si Slavnyi Giorgi Mihailovich—G. Slavnyi sa maikli. Nagtatrabaho siya rito mula pa noong 1959, at tiyak na kabisado niya ang kaniyang trabaho. Sinamahan muna tayo ni G. Slavnyi sa museo ng transportasyon, kung saan nakadispley ang mga larawan ng mga lalaki’t babaing nagtayo ng rutang ito ng trolley. “Hindi lamang basta aspaltado o sementadong daan ang kailangan ng isang trolleybus,” ang paliwanag niya. “Nagtayo ang mga manggagawa sa konstruksiyon ng daan-daang tore na paglalagyan ng kilu-kilometrong kable ng kuryente sa ibabaw. Dinisenyo ng mga inhinyero ang mga istasyon ng kuryente upang magtustos ng kuryente.”
“Bakit kailangang gumamit ng mga trolleybus na pinatatakbo ng kuryente sa gayon kahabang ruta sa kabundukan sa halip na gumamit ng mga bus na pinatatakbo ng gasolina?” ang tanong natin.
“Hindi gaanong lumilikha ng polusyon ang mga trolleybus kung ihahambing sa mga bus na pinatatakbo ng gasolina,” ang sabi niya. “Pinangangalagaan namin ang malilinis na kabundukan at dalampasigan na pamana sa amin.”
“Subalit talaga bang gayon kalaking pinsala ang nagagawa ng iilang bus lamang?” ang tanong natin.
“Iilang bus!” ang pakli niya. “Aba, noong usung-uso ang mga ito ilang taon na ang nakalipas, kung panahon ng tag-araw, ang mga trolleybus ay umaalis tuwing dalawa o tatlong minuto at bumibiyahe nang 400 ulit sa isang araw.”
Taglay ang bagay na iyon sa isipan, sabik na tayong magbiyahe.
Nagsimula Na ang Biyahe
Ang pagmumulang dako ay ang Simferopol Central Station. Nagmistulang sala-salabid na pilak ang dose-dosenang kable ng kuryente na nasa itaas. Nakita natin ang bilihan ng tiket at bumili tayo ng ating mga tiket. Pagkatapos, sumakay tayo sa trolleybus Blg. 52. Nagsisimula na ang ating paglalakbay!
Pagkatapos maglakbay nang 29 na kilometro, umaakyat na ang trolleybus sa kabundukan. Di-nagtagal at tayo’y nasa napakalamig na lugar sa lilim ng nagtataasang bundok. Ang matatarik na dalisdis na nababalutan ng mga puno ng evergreen at hardwood ay umaabot sa ibaba sa mga libis na natatakpan ng niyebe. Pagdating sa pinakataluktok, makapigil-hininga rin ang biyahe natin pababa. Nasa harapan natin ang paliku-likong daan pababa sa abot-tanaw. Pinababagal ng malalakas na preno
ng trolleybus ang ating takbo pababa. Ligtas tayong inihatid ng ating drayber sa ibaba!Pumasok tayo sa bayan ng Alushta sa paanan ng bundok, kumanan, at naglakbay patimog sa kahabaan ng daan sa tabing-dagat. Nasa kaliwa ng ating trolleybus ang Dagat na Itim. Sa kanan naman, nag-aanyong isang pananggalang na pader ang maringal na Kabundukan ng Crimea.
Sa bandang unahan pa, sa labas ng nayon ng Pushkino, nakita natin ang Bundok ng Oso. Gaya ng paliwanag ng lokal na mga residente tungkol sa alamat, isang dambuhalang oso ang naging bato samantalang umiinom sa Dagat na Itim. Sabi nila, ang ulo nito ay nasa ilalim pa rin ng tubig at umiinom. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Bakit hindi na lamang sabihin ng mga taganayon na nahulog sa tubig ang oso dahil sa marami itong nainom na alak? Tutal, nadaanan natin ang maraming ubasan.’ Ito ang lugar na gumagawa ng alak at ang kinaroroonan ng Massandra Vineyard, ang nagwagi sa internasyonal na mga paligsahan ng alak.
Pagkatapos, sa nayon ng Nikita, bumaba tayo sa trolleybus sa Harding Botanikal ng Nikitskyi. Ang hardin ay talagang internasyonal, anupat may libu-libong halaman mula sa buong daigdig. Kasama ang ating magaling na giyang si Tamara, nasiyahan tayo sa samyo ng malalaking puno ng evergreen malapit sa pasukan. “Ito ang mga sedro ng Lebanon,” ang paliwanag niya. “Ang matatayog na punong ito ang ginamit ni Solomon sa pagtatayo ng kaniyang templo.” Tama ang ating giya, sapagkat iniulat ng Bibliya na 1 Hari 5:6-18.
lubusang ginamit ang mga sedro sa napakalaking proyekto ng pagtatayo na isinagawa ni Solomon.—Samantalang naglilibut-libot sa landas na graba, napansin natin ang mga latag ng matitinik na palumpon. “Mga rosas,” ang sabi ni Tamara. “Ang hardin ay may 200 iba’t ibang uri nito at ang panahon ng pamumulaklak nito ay sa mga huling araw ng Mayo at unang mga araw ng Hunyo.” Pagkaraan ay tumayo tayo sa harap ng isang simpleng palumpon na mga dalawa’t kalahating metro ang taas. “Ito ang tinatawag na puno ng bakal,” ang sabi sa atin ni Tamara, na kitang-kitang nasisiyahan sa ispesimen. “Ang matibay na kahoy na ito, na isang kahaliling metal, ay maaaring martilyuhin na gaya ng pako. Lumulubog pa nga ito sa tubig.” Isang trolleybus ang dumarating, at masaya tayong naupong muli at ipinahinga ang ating pagód na mga paa sa sandaling pagsakay patungo sa Yalta, ang huling hintuan ng trolleybus. Pangunahin nang natatandaan ng marami ang Yalta dahil sa makasaysayang komperensiya ng Digmaang Pandaigdig II na ginanap sa Palasyo ng Livadia noong 1945. Sa komperensiyang ito ay nagtipon ang mga pinuno ng tatlong pangunahing Allied States upang planuhin ang pangwakas na pagsalakay at pagsakop sa Alemanya sa ilalim ng Nazi.
Biyahe Pabalik
Gumagabi na, at panahon na upang sumakay sa isang trolleybus para sa biyahe pauwi. Makikitang nagtitinda ng mga pumpon ng sari-saring bulaklak ang mga batang nasa daan. Palibhasa’y nagmamadaling bumaba ng trolleybus upang bumili, agad tayong pinalibutan ng isang grupo ng sabik na mga batang negosyante. “Ano ba iyang animo’y perlas na mapuputing bulaklak?” ang tanong ko kay Yana, isang 15-anyos na batang babae na blonde ang buhok. “Snowdrops po,” may-pagmamalaki niyang sagot. Itinuturo ang burol sa kabila ng daan, ang sabi pa niya: “Pinipitas po namin ang mga ito sa dalisdis na iyon nang maagang-maaga habang nagsisimulang matunaw ang niyebe.”
Di-nagtagal at sakay na naman tayo ng trolleybus, masayang-masaya habang papauwi tayo hanggang sa marating natin ang dulo ng ating biyahe. Tulad ng mga batang nakasakay sa isang roller coaster sa unang pagkakataon, gusto nating bumalik at ulitin ito!
[Mga mapa sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
UKRAINE
CRIMEA
Dagat na Itim
SIMFEROPOL
↓ Bundok ng Chatyr-Dag
Alushta
↓
Pushkino
↓ Bundok ng Oso
Nikita
↓ Massandra
Yalta
Livadia
Bundok ng Ai Petri
Alupka
[Larawan sa pahina 22, 23]
Bundok ng Ai Petri
[Larawan sa pahina 23]
Palasyo ng Vorontsov, Alupka
[Larawan sa pahina 23]
Kuwebang Marmol, Bundok ng Chatyr-Dag
[Larawan sa pahina 23]
Bundok ng Oso
[Larawan sa pahina 24]
Kastilyo ng ‘Swallow’s Nest,’ Yalta
[Larawan sa pahina 24]
Bodegang pintungan ng alak sa Massandra, Yalta, na may mga bote ng “sherry” mula 1775
[Larawan sa pahina 24]
Talón ng Uchansu, Yalta, sa taas na mahigit na 320 piye, ang pinakamataas sa Crimea
[Larawan sa pahina 24]
Makasaysayang Palasyo ng Livadia, Yalta