Nang Sumabog ang Isang Planta ng Kemikal
Nang Sumabog ang Isang Planta ng Kemikal
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA
NOONG Setyembre 21, 2001, sampung araw pa lamang ang nakalilipas pagkatapos salakayin ang World Trade Center sa New York, isang di-inaasahang malaking pagsabog sa isang planta ng kemikal ang nagdulot ng malawakang pinsala sa mga karatig-pook ng Toulouse, sa timog-kanlurang Pransiya. Inilarawan ito ng magasing pambalita na Le Point ng Pransiya bilang “ang pinakamalubhang sakunang pang-industriya sa Pransiya mula noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig II.”
Mga 300 tonelada ng pataba ang sumabog, anupat nag-iwan ng isang hukay na 50 metro ang diyametro at 15 metro ang lalim. Ang pagsabog at ang ibinuga nitong mainit na hangin ay pumatay ng 30 katao at puminsala ng mahigit sa 2,200. Halos 2,000 bahay ang nawasak, at 27,000 iba pa na nasa layong mga walong kilometro ang nasira. Sumunod ang matinding takot dahil sa inakala ng mga tao na ang sakuna ay kagagawan ng pagsalakay ng terorista at na sumingaw mula sa planta ang usok ng nakalalasong gas.
Sa mga Saksi ni Jehova, may ilang nasugatan sa pagsabog, at marami ang naapektuhan ng pagsabog sa ibang mga paraan. Napakilos ng Kristiyanong pag-ibig ang kapuwa mga Saksi na tumugon kaagad upang magbigay ng tulong. (Juan 13:34, 35) Ang sumusunod ay ulat ng mga pagtulong.
“Walang Natira sa Gusali”
Isa si Khoudir sa mga nakaligtas na nagtatrabaho sa planta ng kemikal. Ang pagsabog at ang nagliparang pira-pirasong labí ang naging dahilan kung kaya siya nawalan ng malay, anupat nabali ang kaniyang panga at nawala sa lugar ang kaniyang balagat. Si Benjamin na nagtatrabaho sa gusaling katabi ng planta ng kemikal ay tumilapon nang tatlong metro sa kabilang pader ng opisina. Nasugatan siya ng nagliparang salamin sa iba’t ibang bahagi ng katawan at natusok ang kaniyang kanang mata, na puminsala sa kaniyang paningin. “Mabuti na lamang at wala ako sa aking mesa,” ang sabi niya. “Halos 600 kilo ng ladrilyo ang bumagsak sa aking silya.”
Si Alain, isang guro sa paaralan na 200 metro lamang ang layo mula sa planta, ay gumagawa ng ilang photocopy nang maganap ang pagsabog. Sinabi niya: “Walang natira sa gusali, kundi mga piraso lamang ng bakal. Walang pader, walang bubong, walang lahat. Nasugatan ako ng mga piraso ng salamin. May mga laslas ako sa buong mukha ko. Para akong binatuta sa mukha.” Nabulag ang isang mata ni Alain at bahagyang nabingi dahil sa pagsabog.
Mabilis na Pagbibigay ng Tulong
Karaka-raka, ang matatanda sa 11 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na napinsala ng sakuna ay nakipag-ugnayan sa bawat miyembro ng kongregasyon upang alamin ang mga pinsala o mga sira. Kaagad na pinapuntahan sa mga boluntaryo ang mga taong higit na nangangailangan ng tulong. Di-nagtagal, napag-alaman ng mga boluntaryo na halos 60 bahay ng mga Saksi ang nasira, at tumulong sila sa paglilipat ng mga sampu sa mga pamilyang ito. Tumulong din ang mga boluntaryo sa pagkukumpuni ng dalawang Kingdom Hall na nasira. Karagdagan pa, nagbigay sila ng praktikal na tulong kung paano makasisingil sa seguro.
Sina Catherine at Michel ay nakatira sa tapat lamang ng planta. Nagmamaneho noon ng kaniyang kotse si Catherine nang maganap ang pagsabog. Paliwanag niya: “Sa pasimula naramdaman namin na tila lumilindol. Pagkaraan ng ilang segundo, narinig namin ang pagsabog. Pagkatapos, nakita namin ang usok na pumapailanlang. Binaybay ko ang aming lugar; para itong giniyera. Ang lahat ng bahay ay wasak, at ang mga iskaparate ng tindahan ay basag. Nagtatakbuhan ang mga tao sa lansangan. Ang iba’y nakaupo o nakahiga sa kalye, umiiyak o sumisigaw. Sa aming bahay, ang lahat ng bintana at maging ang mga kuwadro ay nagbagsakan, at walang natirang pinto. Dumating kaagad ang aming mga kapatid na Kristiyano upang kami’y tulungan. Kinahapunan, isang
grupo mula sa kongregasyon ang dumating na may dalang mga timba at walis kasama na ang plastic sheeting na pantapal sa mga bintana.”Sina Alain at Liliane ay nakatira rin malapit sa planta. Lubusang winasak ng pagsabog ang kanilang apartment. “Durog na lahat,” ang sabi ni Alain. “Nabiyak ang mga pader at baldosa, at nawasak na lahat ang mga bintana, pinto, at mga muwebles. Talagang ubos na lahat. Dumating kaagad ang aming mga kapatid na Kristiyano upang tumulong. Inalis nila ang mga pira-pirasong labí at tumulong din sa paglilinis ng iba pang apartment sa gusali. Gulat na gulat ang aming mga kapitbahay nang makita na napakaraming tao ang dumating upang tumulong.” Nang umagang iyon bago ang pagsabog, tumanggap ng tawag sa telepono si Alain mula sa isang estudyante ng Bibliya na humihiling sa kaniyang puntahan siya para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Umalis naman si Liliane para asikasuhin ang ilang bagay. Kaya, wala isa man sa kanila ang nasa bahay nang maganap ang pagsabog.
Ang pagtulong na ginawa ng mga Saksi ay hindi lamang para sa mga miyembro ng kongregasyon. Pagkatapos magtulungan sa isa’t isa, tinulungan naman nila ang kanilang mga kapitbahay, na inaalis ang pira-pirasong labí sa mga apartment at tinatakpan ang mga sirang bintana. Lubos na nagpasalamat ang mga kapitbahay at nagulat na wala itong bayad.
Naghandog din ng tulong sa lokal na mga awtoridad, na lumung-lumo sa tindi ng pinsala. Nilinis ng mga Saksi ang mga paaralan at ang iba pang mga gusaling pampubliko. Sa isang pamayanan, ipinadala ng lokal na mga awtoridad ang mga boluntaryong Saksi sa bahay-bahay upang alamin ang pangangailangan ng mga tao.
Paglalaan ng Espirituwal na Tulong
Karagdagan pa sa materyal na tulong, marami sa mga Saksi na nasa lugar ng pagsabog ang nangailangan ng espirituwal na tulong. Kaya naman, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa kasama ang lokal na matatanda ay dumalaw sa lahat ng mga napinsala ng sakuna. Lubos na pinasalamatan ang suportang ito. Sinabi ni Catherine: “May-pagkakaisang inalalayan kami ng matatanda. Dumating sila upang patibayin kami. Sa katunayan, mas kailangan namin ito, kaysa sa materyal na tulong.”
Ang Kristiyanong pag-ibig na kaagad na ipinamalas sa gawa pagkatapos ng sakunang ito ang nag-udyok sa mga tao na sabihin ang ilang nakatatawag-pansing mga komento. Isang Saksi na malubhang nasugatan ang nagsabi: “Talaga ngang hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas. Dapat nating paglingkuran nang palagian si Jehova na para bang ito na ang ating huling araw.” (Santiago 4:13-15) Isa pang Saksi ang nagsabi: “Ang lahat ng ito ay tumulong sa atin na mapag-isip-isip na hindi natin dapat labis na pahalagahan ang anumang materyal na mga bagay. Ang bagay na talagang may halaga ay masusumpungan sa gitna ng bayan ni Jehova.”
[Larawan sa pahina 14]
Sina Benjamin at Khoudir
[Larawan sa pahina 14]
Si Alain
[Larawan sa pahina 15]
Ang Toulouse, isang araw pagkatapos ng pagsabog
[Credit Line]
© LE SEGRETAIN PASCAL/CORBIS SYGMA
[Larawan sa pahina 15]
Sina Alain at Liliane