Isang Napakatinding Trahedya
Isang Napakatinding Trahedya
Si Erik * ay anim na buwang gulang. Gayunman, ang kaniyang timbang at taas ay halos katulad lamang niyaong sanggol na isa o dalawang buwang gulang. Bagaman napakagaan ng kaniyang timbang, ang mga binti at tiyan niya ay namamaga at ang kaniyang mukha ay maumbok at bilugán. Maputla ang kaniyang kulay, ang buhok niya ay marupok at walang kintab, at may mga sugat sa kaniyang balat. Mukha siyang napakabugnutin. Samantalang sinusuri ng doktor ang mga mata ni Erik, dapat itong maging maingat, palibhasa’y madaling mapunit ang himaymay ng kaniyang mga mata. Malamang na napigilan ang mental na paglaki ni Erik. Nakalulungkot, ang kalagayan ng batang ito ay pangkaraniwan na lamang.
“ITO ang sanhi ng pagkamatay ng mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga batang nasasawi sa buong daigdig—isang bilang na hindi napantayan ng anumang nakahahawang sakit mula nang maganap ang Black Death. Gayunman, hindi ito isang nakahahawang sakit. Ang nakapipinsalang mga epekto nito ay nararanasan ng milyun-milyong nakaligtas na naging baldado, napakadaling tablan ng sakit, at may kapansanan sa pag-iisip. Isinasapanganib nito ang kababaihan, mga pamilya at, lalung-lalo na, ang kaligtasan ng buong lipunan.”—The State of the World’s Children, United Nations Children’s Fund.
Ano bang karamdaman ang inilalarawan ng mga pananalitang ito? Malnutrisyon—partikular na ang protein-energy malnutrition (PEM), na tinawag ng World Health Organization (WHO) bilang “ang tahimik na krisis.” Gaano ba karami ang apektado ng trahedyang ito? Inihayag ng WHO na “isa ito sa mga naging sanhi ng kamatayan ng
di-kukulangin sa kalahati ng 10.4 milyong bata na namamatay taun-taon.”Saklaw ng malnutrisyon ang napakaraming uri ng sakit, mula sa kakulangan sa nutrisyon bunga ng kakapusan sa isa o higit pang sustansiyang sangkap—gaya ng kakulangan sa bitamina at mineral—hanggang sa sobrang katabaan at iba pang malalang mga sakit na nauugnay sa pagkain. Gayunman, ang PEM “ay ang makapupong higit na nakamamatay na anyo ng malnutrisyon,” sabi ng WHO. Ang pangunahing mga biktima nito ay mga batang wala pang limang taóng gulang.
Pag-isipan sandali ang kalagayan ni Erik, na nabanggit sa simula, at ng milyun-milyong bata na dumaranas ng malnutrisyon. Hindi sila masisisi sa pagkasadlak sa gayong kalagayan, ni matatakasan man nila ito. Ganito ang sinabi ng nutrisyonista sa mga bata na si Georgina Toussaint sa Gumising!: “Ang mga dumaranas at umaani ng kalunus-lunos na mga bunga nito ay hindi masisisi subalit sila ang pinakaapektado.”
Maaaring ipalagay ng ilan na ang suliranin ay talagang di-maiiwasan—na talagang walang sapat na pagkain para sa lahat. Sa kabalintunaan, sang-ayon sa WHO, “nabubuhay tayo ngayon sa isang daigdig ng kasaganaan.” May sapat na pagkain para sa lahat ng tao sa daigdig—at labis-labis pa nga. Karagdagan pa, ang malnutrisyon ng tao ay sakit na pinakamadaling
iwasan at pinakamurang gamutin. Hindi ba’t makatuwirang ikagalit mo ang mga bagay na ito?Sino ang Naaapektuhan?
Hindi lamang mga bata ang naaapektuhan ng malnutrisyon. Ayon sa isang ulat ng WHO noong Hulyo 2001, “nararanasan ng lahat ang kaawa-awang mga epekto ng malnutrisyon, na pumipinsala sa halos 800 milyon katao—20% ng kabuuang bilang ng mga tao sa papaunlad na mga bansa.” Nangangahulugan ito na 1 sa bawat 8 katao sa daigdig ang dumaranas nito.
Bagaman ang pinakamalaking bilang ng mga taong kulang sa nutrisyon ay matatagpuan sa Asia—pangunahin na sa timugan at gitnang bahagi nito—ang populasyong may pinakamataas na porsiyento ng mga taong kulang sa nutrisyon ay nasa Aprika. Sumusunod naman sa listahan ang ilang papaunlad na bansa sa Latin Amerika at sa Caribbean.
Hindi ba apektado ng malnutrisyon ang mauunlad nang mga bansa? Naaapektuhan din. Ayon sa The State of Food Insecurity in the World 2001, ang naninirahan sa mga bansang nagiging industriyalisado na kulang sa nutrisyon ay 11 milyong tao. Ang karagdagang 27 milyon katao na kulang sa nutrisyon ay naninirahan sa industriyalisadong mga bansa, lalo na yaong mga nasa Silangang Europa at mga republika ng dating Unyong Sobyet.
Bakit naging gayon kalalâ ang problema ng malnutrisyon? Mayroon bang anuman na makapagpapabuti sa kalagayan ng mga taong kulang sa nutrisyon sa ngayon? Mawawala pa kaya ang malnutrisyon sa ating daigdig? Isasaalang-alang ng kasunod na mga artikulo ang mga katanungang ito.
[Talababa]
^ par. 2 Hindi niya tunay na pangalan.
[Chart/Mapa sa pahina 4]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA BANSANG MAY POPULASYON NA NANGANGANIB SA KAKULANGAN NG NUTRISYON
LABIS NA NANGANGANIB
NANGANGANIB
DI-GAANONG NANGANGANIB
WALANG PANGANIB O DI-SAPAT ANG DATOS
[Larawan sa pahina 3]
Naghihintay ng mga tulong na panustos sa Sudan
[Credit Line]
UN/DPI Photo by Eskinder Debebe