Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sumasamang Asal
“Sumamâ ang asal at pag-uugali ng mga Hapones.” Ganiyan ang pagtugon ng mga 90 porsiyento ng halos 2,000 katao sa isang surbey kamakailan na isinagawa ng diyaryong The Yomiuri Shimbun. Ano ang napansin nilang nakayayamot? Para sa 68 porsiyento, ito ay “ang hindi wastong pagtatapon ng upos ng sigarilyo, chewing gum at mga basyo ng inuming de-lata.” Mahigit sa 50 porsiyento ang bumanggit sa hindi pagdisiplina ng mga magulang sa maiingay nilang anak. Kasama sa iba pang reklamo ang paggamit ng cell phone sa pampublikong lugar, ang hindi paglilinis ng mga dumi ng alagang hayop, at di-maayos na pagpaparada ng sasakyan at bisikleta. Ang mga kabataan ang pinakamatinding binatikos. “Sa mga tumugon na ang edad ay 20 hanggang 40, 66 na porsiyento ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa di-mabuting pag-uugali ng mga estudyanteng nasa middle school (nasa ikalima hanggang ikawalong grado) at haiskul (nasa ikasiyam hanggang ikalabindalawang grado).”
Panakot na Buwaya
Ang mga kormoran, mga ibon na sinasabing kumakain ng mga isang kilo ng isda araw-araw, “ay madalas na nakayayamot sa mga taong pangingisda ang libangan,” ang sabi ng Calgary Herald ng Canada. Iniuulat ng pahayagan na upang maitaboy ang mga kormoran at iba pang mga ibong kumakain ng isda, gumagamit ang mga magbubukid at manedyer ng palaisdaan sa Hilagang Amerika ng isang bagong kasangkapan—mga buwayang gawa sa plastik. Ang mga buwaya na apat na metro ang haba ay “may dalawang malalaki at kumikislap na replektor na siyang pinakamata nito, anupat nahahawig sa mapagbantay na mga buwaya sa iláng,” paliwanag ng Herald. Natuklasan ng isang biyologo na ang plastik na buwaya na nakalutang sa ibabaw ng tubig ay mabisa sa loob ng mga isang buwan. Pagkatapos niyan, nabubukó ng mga ibon ang pandaraya, at sa katunayan isang blue heron pa nga ang “nakitang nakadapo sa ibabaw ng panakot.” Subalit kapag inilipat ang panakot sa ibang lokasyon, tinatakot nitong muli ang mga ibong kumakain ng isda.
“Pang-aalipusta” sa Trabaho
Ang pangunahing dahilan ng hindi pagpasok sa trabaho ng mga tao sa Espanya ay ang “sikolohikal na panliligalig,” ulat ng magasing El País Semanal. Mahigit dalawang milyong Kastila ang dumaranas ng mahabang panahong pananakot sa kanilang pinapasukang trabaho. Sang-ayon sa sikologong si Iñaki Piñuel, ang karaniwang mga biktima ay ang masisikap na manggagawa na kinaiinggitan ng iba dahil sa kanilang kahusayan sa trabaho. Ang isang tao ay maaaring ipahiya ng isang kamanggagawa sa pamamagitan ng pagbimbin sa kaniyang atas na gawain, hindi pagsasali sa kaniya sa usapan, pagkukunwaring hindi siya nakikita, palaging pamimintas sa kaniya, o pagkakalat ng maling sabi-sabi upang mapahina ang kaniyang pagpapahalaga sa sarili. “Tinatayang 1 sa bawat 5 pagpapatiwakal sa Europa ay kaugnay ng ganitong umiiral na kalagayan,” ang sabi ng ulat. Ano ang magagawa hinggil dito? Ganito ang mungkahi ng magasin: “Huwag kang magsawalang-kibo sa mga nangyayari. Humanap ng mga magpapatotoo. Ipagbigay-alam ang situwasyon sa mga opisyal ng kompanya. Huwag ibunton ang sisi sa iyong sarili dahil sa ginagawa nilang pang-aalipusta. Sa malulubhang kalagayan, lumipat ng departamento [o] ng trabaho.”
Sakit sa Isip ng mga Bata
“Umaabot sa 20 porsiyento ng mga bata sa daigdig ang dumaranas ng sakit sa isip at problema sa paggawi na makaaapekto sa nalalabing bahagi ng kanilang buhay,” sabi ng The Independent ng London. Sa isang pinagsamang ulat, nagbabala ang World Health Organization at ang United Nations Children’s Fund na “nakababahala” ang bilis ng pagdami ng mga kabataang nanlulumo, nagpapatiwakal, at pumipinsala sa kanilang sarili. Ang pinakaapektado ay yaong mga nakatira sa mga lugar na may digmaan at sa mga bansang dumaranas ng mabilis na pagbabago sa lipunan at ekonomiya. Sang-ayon sa The Independent, sinabi ng ulat na ang mga batang nanlulumo ay “malamang na magkaroon ng iba pang karamdaman at mapanganib na mga kinagawian na magpapaikli ng kanilang buhay.” Sinabi rin nito na “mga 70 porsiyento ng maagang kamatayan ng mga adulto ay nauugnay sa mga kagawian nila noong panahon ng kanilang kabataan, gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak at pag-abuso sa droga.”
Mga Haywey Para sa mga Nilalang sa Dagat
“Ito ang pinakamalaking lansangan sa karagatan,” ulat ng The Sunday Times ng London. May isang haywey para sa mga nilalang sa dagat sa Karagatang Pasipiko na umaabot mula sa maaraw na mga dalampasigan ng California patawid ng Hawaii patungo sa mabatong mga baybayin ng Hapon. Ang rutang ito ay natuklasan at isinamapa kamakailan ni Jeff Polovina, isang biyologo sa karagatan sa Hawaii, sa pamamagitan ng pagkakabit ng tag sa mga balyena, pagong, tuna, lampasot, at mga pating. Sagana ang haywey na ito sa plankton (pagkaliliit na hayop sa dagat), na nagsisilbing pagkain ng mga alimasag, dikya, at pusit. Ang mga ito naman ang naglalaan ng saganang pagkain para sa mga naglalakbay nang malayuan. Ang mga pagong na loggerhead, na inilarawan ng pahayagan bilang “mga sabik na internasyonal na manlalakbay sa daigdig ng mga reptilya,” ay nangingitlog sa Hapon, lumalaki malapit sa baybayin ng California, at paroo’t parito sa dalawang lugar na ito. Sa panahon ng taglamig, bahagyang nagbabago ang direksiyon ng ruta sa karagatan nang mga 1,000 kilometro patimog, mula sa timugang California patungong South China Sea.
Pananatiling Malusog
“Ang pisikal na mga gawain ay nakatutulong upang makontrol ang timbang, nakahahadlang sa mga problema sa kalusugan na gaya ng diyabetis at osteoporosis, nagpapabuti ng pakiramdam, at nagdudulot ng mahimbing na pagtulog sa gabi,” idiniin ng Tufts University Health and Nutrition Letter. Bukod pa sa lahat ng bagay na ito, “ang antas ng iyong kalusugan ang magsasabi kung gaano ang magiging haba ng iyong buhay.” Sa isang 13-taóng pag-aaral sa mahigit na 6,000 lalaki na nasa katanghaliang gulang, natuklasan ng mga mananaliksik sa Stanford University at sa Veterans Affairs Health Care System ng Estados Unidos na ang dami ng ehersisyong magagawa ng isa nang hindi napapagod ang mainam na makapagsasabi kung sino ang mabubuhay nang mas matagal. Bagaman ipinakikita ng ibang pananaliksik na may kaugnayan ang mga gene sa kapasidad ng isa sa ehersisyo, maging ang araw-araw na “katamtamang” ehersisyo—gaya ng mabilis na paglalakad—ay malaking tulong sa pananatiling malusog.
Pagbebenta ng Alkohol sa mga Kabataan
“Halos isa sa bawat 10 kabataang Australiano ang sugapa sa alkohol,” ulat ng Sunday Telegraph ng Australia. Sinabi ni Propesor Ian Webster, presidente ng Alcohol and Other Drugs Council ng Australia, na naging kalakaran ng mga kabataan na ituring na matagumpay ang dulo ng sanlinggo kung ito ay ginugol sa “pagpapakalango sa alak.” Iniulat ng The Sydney Morning Herald na nababahala ang ilang eksperto sa “lumalagong pandaigdig na industriya” ng pagbebenta ng alkohol sa mga kabataan. Natuklasan ng mga mananaliksik na marami sa mga nagbebenta ng inuming de-alkohol ang may mga Web site na pumupuntirya sa mga kabataan. “Ang mga ito ay nag-aalok ng mga tiket sa live na mga musikal na pagtatanghal, at inilakip dito ang mga pagsusuri ng isang pelikula at, siyempre pa, ang mga impormasyon tungkol sa kanilang produkto.” Sang-ayon sa ulat, ikinababahala ng World Health Organization na ang lahat ng promosyong ito ay “naglalayon na tiyaking maging mahalagang bahagi ng buhay ng mga kabataan ang alkohol.”
Paglayo sa Lipunan
Sa Hapon, lumitaw ang isang bagong kalagayan na lalo nang nakaaapekto sa mga tin-edyer at mga kabataang adulto. Tinatawag na hikikomori (lubhang paglayo sa lipunan), nakuha nito ang pansin ng publiko nang iniimbestigahan ang ilang brutal na mga krimeng isinagawa ng mga kabataang nagbukod ng kanilang sarili sa lipunan. “Ang pananaliksik hinggil sa istilo ng pamumuhay ng mga kriminal ay nagpapakita na pangkaraniwan na lamang ang kanilang nakabukod na paraan ng pamumuhay—na paulit-ulit na nagkukulong sa kanilang mga kuwarto sa loob ng ilang buwan na ang kasama lamang ay computer o laro sa video,” ulat ng babasahin sa medisina na The Lancet. Ipinakikita ng ibang ebidensiya na ang hikikomori ay higit na namamalas sa kabagalang kumilos ng isa kaysa sa pagiging marahas. Gayunman, “ang karamihan ay sumasang-ayon na ang sakit na ito ay bunga ng kasaganaan, teknolohiya, at kaginhawahan ng makabagong pamumuhay ng mga Hapones,” sabi ng The Lancet. “Ginugugol ng maraming hikikomori ang karamihan ng mga oras na sila’y gising sa internet o sa paglalaro ng mga laro sa video, habang nagmimeryenda ng pagkain at inuming inihatid sa kanilang tahanan.” Tinataya ng ilan na isang milyon ang bilang ng mga kabataan sa Hapon na nagbukod ng kanilang sarili sa lipunan.