Ang Pangmalas ng Bibliya
Mayroon Bang Di-mapatatawad na Kasalanan?
MAYROON bang parusa na hihigit pa kaysa sa kamatayan? Oo, ang kamatayan na wala nang pag-asa ng pagkabuhay-muli sapagkat ang isa ay nakagawa ng isang di-mapatatawad na kasalanan. Sinabi ni Jesus na may isang uri ng kasalanan na ‘hindi pinatatawad.’—Mateo 12:31.
Gayunman, inilalarawan ng Bibliya ang Diyos bilang mapagpatawad. Bagaman ang mga tao ay maaaring nagkikimkim ng sama ng loob at hindi nagpapatawad, ang Diyos ay ‘saganang nagpapatawad.’ (Isaias 55:7-9) Sa katunayan, malaking sakripisyo sa bahagi niya, isinugo ng Diyos ang kaniyang mahal na Anak sa lupa upang maging napakahalagang pampalubag-loob, o pantakip, na hain na makapapawi sa ating mga kasalanan.—Juan 3:16, 17; Gawa 3:19; 1 Juan 2:1, 2.
Sa takdang panahon, bubuhaying muli ng Diyos yaong mga nakagawa ng malulubhang kasalanan subalit hindi na sila mananagot sa kanilang mga nagawa noon. (Gawa 24:15; Roma 6:23) Sa katunayan, sinabi ni Jesus na maliban sa di-mapatatawad na kasalanan, “ang bawat uri ng kasalanan at pamumusong ay ipatatawad.” (Mateo 12:31) Kaya maaari mong maitanong, ‘Ano ba ang pinakagrabeng kasalanan anupat ito’y di-mapatatawad ng Diyos?’
Hindi Na Posibleng Magsisi Pa
Ang babala ni Jesus ay tumutukoy sa kusa at sinasadyang “pamumusong laban sa espiritu.” Hindi mapawawalang-sala ang ganitong uri ng kasalanan. “Hindi, hindi sa sistemang ito ng mga bagay ni doon sa darating,” ang sabi pa niya. (Mateo 12:31, 32) Yaong nakagawa ng gayong kasalanan ay hindi na bubuhaying muli.
Ano ba ang pamumusong laban sa espiritu? Nagmumula ito sa puso, anupat isinisiwalat ang saloobin na may masamang hangarin at layon. Ang sinasadyang pagsalansang sa banal na espiritu ng Diyos ay lalong nagpapalubha sa kasalanan. Upang ilarawan: Sa ilang bahagi ng daigdig, ipinakikita ng batas ang pagkakaiba sa pagitan ng first degree at second degree na pagpaslang, batay sa layon at paraan ng pagpaslang, at tinatakdaan nito ang parusang kamatayan sa sinasadya o isinaplanong pagpaslang.
Si apostol Pablo ay dating mamumusong subalit sinabi niya: “Ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam.” (1 Timoteo 1:13) Ang pagkakasala laban sa banal na espiritu ay ang pagsalansang dito nang kusa. Kasangkot dito ang isang balakyot na kalagayan ng puso hanggang sa punto na hindi na posibleng magbago.
Hebreo 6:4-6) Sinabi rin ng apostol: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan.”—Hebreo 10:26.
Ang kasalanang ito ang tinutukoy ni Pablo nang sumulat siya: “Imposible nga kung tungkol doon sa mga naliwanagan nang minsanan, at nakatikim ng makalangit na kaloob na walang bayad, at naging mga kabahagi sa banal na espiritu, at nakatikim ng mabuting salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng darating na sistema ng mga bagay, ngunit nahulog, na panumbalikin silang muli sa pagsisisi.” (Ang ugali ng ilang relihiyosong lider noong kaniyang kaarawan ang nag-udyok kay Jesus na magbabala laban sa di-mapatatawad na kasalanan. Subalit hindi nila pinakinggan ang kaniyang babala. Sa katunayan, pinatay nila siya. Nang maglaon, narinig nila ang di-maikakailang katibayan na may makahimalang ginawa ang banal na espiritu. Sila ay sinabihang ibinangon si Jesus mula sa mga patay! Maliwanag na si Jesus ang Kristo! Gayunman, may-kabalakyutan silang kumilos laban sa banal na espiritu sa pamamagitan ng pagbabayad sa mga sundalong Romano upang magsinungaling tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.—Mateo 28:11-15.
Babala Para sa Tunay na mga Kristiyano
Bakit dapat dibdibin ng tunay na mga Kristiyano ang babala hinggil sa di-mapatatawad na kasalanan? Sapagkat bagaman mayroon tayong tumpak na kaalaman sa Diyos at sa gawain ng kaniyang espiritu, maaari tayong magkaroon ng isang pusong balakyot. (Hebreo 3:12) Dapat tayong maging maingat na huwag mag-isip na hindi ito kailanman mangyayari sa atin. Kuning halimbawa si Hudas Iscariote. Dati siyang tapat na tagasunod ni Jesus. Pinili siya bilang isa sa 12 apostol, kaya tiyak na mayroon siyang mabubuting katangian. Subalit nangyari na hinayaan niyang tumubo ang balakyot na mga kaisipan at pagnanais, at nang bandang huli nanaig ang mga ito sa kaniya. Noong panahong nasasaksihan niya mismo ang di-kapani-paniwalang mga himala ni Jesus, nagnanakaw siya ng salapi. Pagkatapos, dahil sa salapi, may-kabatirang ipinagkanulo niya ang Anak ng Diyos.
May ilang tao na dating tapat na mga Kristiyano ang kusang lumayo sa Diyos, marahil dahil sa hinanakit, pagmamapuri, o kasakiman, at ngayon ay mga apostatang lumalaban sa espiritu ng Diyos. Kusa nilang sinasalansang ang maliwanag na ginagawa ng espiritu. Ang mga indibiduwal bang ito ay nakagawa ng di-mapatatawad na kasalanan? Si Jehova ang panghuling Hukom.—Roma 14:12.
Sa halip na hatulan ang iba, makabubuting mag-ingat tayo laban sa paggawa ng lihim na mga kasalanan na unti-unting magpapatigas sa ating mga puso. (Efeso 4:30) At naaaliw tayo sa pagkaalam na tayo ay patatawarin ni Jehova nang sagana, kahit na sa malulubhang kasalanang nagawa natin, kung tayo ay nagsisisi.—Isaias 1:18, 19.
[Larawan sa pahina 13]
Ang ilang Pariseo ay nakagawa ng di-mapatatawad na kasalanan