Kumuha ng Mapagkakatiwalaang Impormasyon
Kumuha ng Mapagkakatiwalaang Impormasyon
Hindi madali ang pagkuha ng mapagkakatiwalaang impormasyon sa iba’t ibang isyu. Ang mga pamahalaan at kompanya ay hindi nagsasabi ng buong katotohanan. Ang mga channel ng mass-media ay kadalasang nangangako ng walang-kinikilingang pag-uulat subalit hindi naman tumutupad sa kanilang sinasabi. Hindi laging lubusang ipinaliliwanag ng mga doktor ang masasamang epekto ng mga gamot na kanilang inirereseta sa atin. May paraan ba upang makakuha tayo ng mapagkakatiwalaang impormasyon?
Ipinagbunyi ng marami ang pagdating ng Internet bilang isang paraan upang makakuha ng mapananaligang pinagmumulan ng impormasyon sa palibot ng daigdig. Sabihin pa, posible ito kung talagang alam mo kung saan magsasaliksik ng impormasyon sa pamamagitan ng pagpindot sa iyong mouse. “Kung isasaalang-alang ang pinakamainam na kapakinabangan nito, mas mabilis na makapagtuturo sa mga tao ang Internet kaysa sa alinmang kasangkapan ng media. Ang pinakamasamang katangian naman nito ay mas mabilis nitong magagawang mangmang ang mga tao kaysa sa alinmang kasangkapan ng media,” sabi ng isang editoryal sa The New York Times.
Ganito pa ang pagpapatuloy ng editoryal: “Yamang may pang-akit ng ‘teknolohiya’ ang Internet, ang mga impormasyon mula rito ay higit na pinaniniwalaan ng mga walang kaalaman dito. Hindi nila naiisip na kung isasaalang-alang ang pinakamasamang katangian ng Internet, ito ay gaya lamang ng isang walang takip na lagusan ng dumi: isang elektronikong padaluyan ng di-napatunayan at di-naiwastong impormasyon.” Nakalulungkot, gaya ng idiniin ng manunulat, walang programa sa computer ang makabubura sa mga basurang iyon.
Maaaring ipasok ng sinuman ang anumang bagay sa Internet, sa isang magasin, o sa isang aklat. Kaya nga kailangan nating gumamit ng kaunawaan at turuan ang ating mga sarili upang hindi tayo maging lubhang mapaniwalain sa lahat ng ating nababasa. Dapat tiyakin nating mga nagnanais ng tumpak na impormasyon na mapananaligan ang ating pinagkukunan nito. Ang paggawa nito ay maaaring gumugol ng panahon. Subalit minsang makakuha tayo ng higit na mapagkakatiwalaang impormasyon, magiging matino ang ating pag-iisip, wasto ang ating pagpapasiya, at may-tiwala sa paggawa ng mahahalagang desisyon.