Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bakod na Nakaaapekto sa Panahon

Isang Bakod na Nakaaapekto sa Panahon

Isang Bakod na Nakaaapekto sa Panahon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

DATI nitong hinati ang estado ng Western Australia mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nang matapos noong 1907, ang 1,830-kilometrong pader na ito na yari sa kahoy at alambre ang pinakamahabang bakod sa buong mundo. Ang opisyal na pangalan nito ay No. 1 Rabbit Proof Fence.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang bakod ay unang itinayo bilang isang pananggalang laban sa salot na mga kuneho na nagkukulumpon pakanluran sa ibayo ng Australia noong mga huling taon ng ika-19 na siglo. Makikita pa rin hanggang sa ngayon ang marami sa sandaan-taóng-gulang na barikadang ito. Subalit, kamakailan pinagbuhusan ito ng pansin ng siyensiya sa ibang kadahilanan. Waring ang gawang-tao na halang na ito ay di-tuwirang nakaaapekto sa ikot ng lagay ng panahon doon.

Bago natin alamin kung paanong ang isang bakod na lampas nang kaunti sa isang metro ang taas ay maaaring magkaroon ng gayong epekto, alamin natin ang ilan sa kasaysayan ng kamangha-manghang pagtatayong ito.

Walang-Saysay na Pagsisikap

Upang mapahinto ang pagsalakay ng mga kuneho, kasindami ng mga 400 manggagawa ang nagpagal mula 1901 hanggang 1907 upang itayo ang No. 1 Rabbit Proof Fence. “Mga 8,000 toneladang materyales ang inilulan sa barko at pagkatapos ay isinakay sa tren patungo sa mga bodega, bago hilahin ng pangkat ng mga kabayo, kamelyo at buriko patungo sa liblib na mga lugar na pagtatayuan ng bakod,” ayon sa Kagawaran ng Agrikultura ng Western Australia.

Sa magkabilang panig ng bakod, hinawan ng mga manggagawa ang mahabang piraso ng lupa na tatlong metro ang lapad sa kahabaan ng taniman. Ang ilan sa pinutol na kahoy ay ginamit na mga poste ng bakod, at kung walang mga punungkahoy, mga posteng metal ang inangkat. Nang matapos, ang bakod ay hindi lamang nagsilbing isang halang sa mga kuneho kundi isa rin namang baku-bakong daan na bumagtas sa kontinente.

Sa pamamagitan ng pag-akay sa humuhugos na mga kuneho tungo sa kulungan, kung saan sila namamatay, ang bakod ay nagsilbing isang dambuhalang lambat. Subalit ang mga kuneho ay umakyat sa bakod. Paano? Habang di-maawat ang pagpunta ng mga ito sa kanluran, sinampahan nila ang mga bangkay ng iba pang kuneho na mataas na nagkapatung-patong sa alambre at sa gayon ay nagkulumpunan sa kabilang bakod. Dalawang karagdagang bakod ang itinayo mula sa unang bakod. Ang haba ng kawing-kawing na bakod ay umabot nang 3,256 kilometro.

Isang Patotoo sa Pagbabata ng Tao

Kakaunti ang mga bantay sa hangganan, gaya ni F. H. Broomhall, na nagpapatrulya sa mahabang halang na ito. Sa kaniyang aklat na The Longest Fence in the World, sinabi ni Broomhall: “Ang mga gawain ng patrol . . . ay panatilihing nasa maayos na kalagayan ang magkahilerang Bakod at landas . . . , putulin ang mga palumpon at kahoy sa hinihiling na lapad ng magkabilang tabi ng Bakod [at] panatilihing nasa mabuting kondisyon ang mga pintuang-daan, na makikita sa bawat 20 milya [32 kilometro] sa kahabaan ng Bakod, at alisin ang mga kunehong nahuli sa mga bitag.”

Ang trabaho ng mga bantay sa hangganan ay malamang na siyang pinakamalungkot na hanapbuhay sa daigdig. Tanging mga kamelyo ang kasama, ang bawat patrol ay may pananagutang mangalaga sa kilu-kilometrong haba ng bakod, na tila walang-katapusan hanggang sa abot-tanaw. Ang ibang patrol ay wala pa ngang kasamang mga kamelyo, yamang kailangan nilang maglakbay sakay ng bisikleta sa baku-bakong mga daan sa kahabaan ng bakod na nakaatas sa kanila. Sa ngayon, ang bahagi ng bakod na umiiral pa rin ay maalwang pinapatrulya ng mga sasakyang four-wheel-drive.

Hindi Isang Ganap na Kabiguan

Bagaman ang bakod ay tila nabigo sa pagpapahinto ng salot na mga kuneho, ito ay napatunayang isang mabisang halang laban sa isa pang problema​—ang isa sa mga katutubong ibon ng Australia, ang emu. Noong 1976, mahigit na 100,000 higanteng mga ibong ito na hindi lumilipad ang nagpasiyang mandayuhan sa matabang lupa na sinasaka sa gawing kanluran ng bakod. Napigilan ng bakod ang pagpunta ng mga ito sa kanluran, at bagaman kinailangang patayin ang 90,000 ibon, nailigtas sa kasakunaan ang karamihan ng ani noong taóng iyon.

Mula noong krisis na ito, 1,170 kilometro ng bakod ang pinatibay o pinalawak upang ang mga lupang sinasaka na madaling pasukin na nasa Western Australia ay maprotektahan mula sa nandarayuhang mga emu at gumagalang pangkat ng maiilap na aso. * Bunga nito, ang bakod ay naging linya ng hangganan. Naroroon sa gawing silangan ang magulong iláng sa pinakasentro ng Australia. Sa gawing kanluran naman ay ang ayós na ayós na mga bukid na sinasaka ng tao.

Isang Di-inaasahang Pader na Nakaaapekto sa Panahon

Ang malaking pagkakaibang ito sa pananim ang makapagpapaliwanag sa epekto ng bakod sa panahon. Ganito ang sabi ng magasin sa siyensiya na The Helix: “Bagaman tila hindi kapani-paniwala, nadagdagan ang dami ng ulan sa gawing silangan ng bakod at nabawasan naman sa gawing kanluran ng bakod.” Kaya, ang katutubong pananim sa silangan ay saganang-sagana sa patuloy na suplay ng likas na tubig, samantalang ang mga magsasaka sa kanluran ay dapat na higit at higit na umasa sa patubig. Sa pagbibigay ng isang posibleng dahilan para sa mga pagbabagong ito, ganito ang paliwanag ng magasin: “Ang mga pananim na mababaw ang pagkakaugat sa gawing kanluran ay hindi gaanong naglalabas ng tubig na gaya ng katutubong mga pananim na malalim ang pagkakaugat sa gawing silangan.”

Sa pagkokomento sa iba pang salik na sanhi ng magkaibang lagay ng panahon, ganito ang sabi ni Tom Lyons, isang propesor sa siyensiya ng atmospera: “Ang aming teoriya ay na dahil sa mas matingkad ang kulay ng katutubong mga pananim kaysa sa lupaing sinasaka, naglalabas ito ng mas maraming init sa atmospera na nagpapangyari ng . . . pabugsu-bugsong hangin na tumutulong naman sa pagkakaroon ng ulap.”

Maaaring hindi nailigtas ng Rabbit Proof Fence ang mga magsasaka sa Western Australia mula sa salot na mga kuneho, subalit ang malinaw na epekto nito sa panahon at ang mga leksiyon na itinuturo nito sa atin tungkol sa pangangailangan para sa pangangasiwa sa lupa sa hinaharap ay maaari pang mapatunayang kapaki-pakinabang.

[Talababa]

^ par. 15 Ang bakod na ito ay kilala ngayon bilang ang State Barrier Fence.

[Mapa sa pahina 14, 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

No. 1 Rabbit Proof Fence

[Larawan sa pahina 15]

Mga kuneho

[Larawan sa pahina 15]

Pagpapatrulya sa bakod, noong kaagahan ng ika-20 siglo

[Larawan sa pahina 15]

Mga “emu”

[Larawan sa pahina 15]

Ang No. 1 Rabbit Proof Fence, na umaabot nang mga 1,833 kilometro, ang dating pinakamahabang tuluy-tuloy na bakod sa daigdig. Inihihiwalay ng bakod ang iláng mula sa lupang sinasaka, sa gayo’y lumilikha ng pader na nakaaapekto sa panahon

[Picture Credit Lines sa pahina 15]

Lahat ng larawang may kulay: Department of Agriculture, Western Australia; itaas sa gitna: Sa kagandahang loob ng Battye Library Image number 003582D