Pagsagwan Tungo sa Kamatayan
Pagsagwan Tungo sa Kamatayan
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Pransiya
MAGUGUNIGUNI natin ang tanawin. Nakamasid ang mga pulutong habang ang galera na katatalaga lamang ng hari ng Pransiya ay naglalayag na mula sa Mediteraneong daungan ng Marseilles. Iyon ang isa sa mga pinakamagandang barko na lumayag kailanman sa dagat. Masalimuot na mga ukit at labis-labis na palamuting ginto at perlas ang nakadekorasyon sa popa. Ang pinakamaiinam na burdadong tela ay nakaragdag sa karingalan ng kubyerta. Habang nagniningning ang liwanag ng umaga sa magarang baroque (magarbong istilo ng disenyo noong ika-17 siglo) na iyon, may pagmamalaking iniisip ng ilan ang reputasyon ni Haring Louis XIV bilang “ang Haring Araw.”
Noong ika-17 siglo, ang mga galera ay may limitadong pangmilitar na gamit lamang, ngunit ipinasiya ni Haring Louis XIV na paramihin ang kaniyang mga sasakyan sa 40—ang pinakamalaking pangkat ng mga galera sa Mediteraneo. Tinataya ng mga eksperto na sapat na para sa kaniyang pangangailangan ang 20. Ano ba ang layunin ng gayong kalaking pangkat?
Ang tagapayo ng hari na si Jean-Baptiste Colbert ay nagpaliwanag: “Walang ibang kapangyarihan na higit na makapagpapakilala sa kadakilaan ng isang prinsipe at higit na makapagpapatanyag sa kaniya sa mga banyaga maliban sa mga galera.” Tunay nga, ang pangunahing dahilan ng mga galera ni Louis ay ang katanyagan. Ngunit, ano ba ang naging kapalit ng katanyagang iyon?
Isaalang-alang ang pagdurusa ng tao. Isiniksik sa kubyerta ng barko—wala pang 45 metro ang haba at 9 na metro ang lapad—ang 450 tagasagwan. Namuhay sila at nagtrabaho sa makipot na dakong ito sa loob ng maraming buwan. Nagsugat ang kanilang mga balat dahil sa maalat na hanging dagat, at nagkapilat ang kanilang mga katawan dahil sa madalas na pagkakapalo. Kalahati ang namamatay sa tinatawag ng mga mananalaysay na Pranses na “ang pinakamalakas puminsala ng tao” sa Pransiya.
Totoo nga, ang karingalan at kaluwalhatian ng iilan ay nangahulugan naman ng kahapisan at kamatayan sa marami. Pero, saan naman kumuha ang hari ng libu-libong tagasagwan para sa kaniyang 40 sasakyang-dagat?
Paghahanap ng mga Tagasagwan
Noong Edad Medya, ang mga tagasagwan ng galera—o mga galeotti, gaya ng tawag sa kanila—ay mga taong laya, at ang pagsagwan ay kinikilalang isang marangal na propesyon. Ngunit noong ika-17 siglo, nagbago ang kalagayan. Ang ilang tagasagwan, na tinatawag na mga Turko, ay binili mula sa Imperyong Ottoman. Ang karamihan
ay Muslim, bagaman ang ilan ay mga tagapagtaguyod ng Ortodokso. Ginamit din ang mga bilanggo mula sa digmaan.“Isa sa lubhang nakapipinsala at pinakahangal na unang ginawa upang ‘palakasin’ ang mga tauhan ay walang-alinlangang ang pagpapadala ng mga mandirigmang Iroquois (isang tribo ng mga Indian sa Amerika) sa mga galera ng Haring Araw,” ang puna ng mga mananalaysay na Pranses. Ang pagdakip sa mga Katutubong Amerikano ay talagang isang pagkakamali. Noong 1689 ay kinailangan silang pauwiin matapos bantaan ng mga bayang Iroquois ang unang mga kolonistang Pranses.
Gayunpaman, ang matatayog na proyekto ni Louis ay nangailangan ng higit pang mga tagasagwan. Nakasumpong si Colbert ng solusyon. Sinabi niya sa mga mahistrado na nais ng hari na “hatulan [nila] ang pinakamaraming kriminal hangga’t maaari at maging ang hatol na kamatayan ay palitan ng pagpapadala sa mga galera.” Ang paggamit sa mga kriminal sa ganitong paraan ay hindi bago. Mga dalawang siglo bago nito, ang mga nahatulan ay ginamit bilang mga alipin sa galera sa mga pakikipagdigma sa Italya. Gayunman, ang bilang ng mga pinadala sa mga galera noong paghahari nina Louis XIV at ng kaniyang apo sa tuhod na si Louis XV ay hindi mapapantayan. Sa pagitan ng 1680 at 1748, mga 60,000 tao ang hinatulang magsagwan. Sinu-sino ang mga aliping ito sa galera?
Sinu-sino ang Kinalap?
Humigit-kumulang sa kalahati ng mga ipinadala sa galera ay mga pangkaraniwang kriminal. Binubuo ito ng mga mamamatay-tao hanggang sa mga magnanakaw. Ganito rin ang parusa sa mga kontrabandista, na kung minsan ay sila ang pinakamarami sa mga tagasagwan.
Bilang karagdagan, ang mga indibiduwal na itinuring na walang halaga sa lipunan ay sapilitang pinagtrabaho sa mga galera. Noong 1666, ang opisyal na nangangasiwa sa kanila sa Marseilles ay sumulat: “Nais kong ipatupad ang pasiya na kalapin ang mga tamad, mga peregrino, . . . ang mga Hitano (Gypsy), at iba pang mga palaboy at punuin ang mga galera ng gayong mga tao. . . . Iyan ang paraan upang malinis ang daigdig mula sa mga pabigat na inutil.” Kaya, sa pakunwaring dahilan ng pagpapanatili ng kaayusan sa publiko, ang mga Hitano at mga pulubi ay kinalap. At noong 1660, maging ang mga peregrinong Polako na pumaparoon sa isang santuwaryo sa Pransiya ay sapilitang kinalap!
Ang isa pang pinagkukunan ng mga tauhan ay ang mga humiwalay sa hukbo, na kapag nahuli ay hinahatulan nang habang-buhay sa mga galera. Ang mga tumatakas ay pinuputulan ng ilong at mga tainga, ang kanilang mga pisngi ay tinatatakan ng fleur-de-lis, at inaahitan ang kanilang ulo. Sa maraming pakikipagdigma ni Louis XIV mula noong 1685 hanggang 1715, mga 17,000 na humiwalay sa hukbo ang ipinadala sa mga galera. Ano ang naghihintay sa mga taong iyon?
Ang Kanilang Pagdurusa
Ang matinding hirap ng mga tagasagwan ng galera ay nagsisimula na bago pa man sila pumalaot. Una ay inilalagay sila sa mga pansamantalang bilangguan na umaabot hanggang anim na buwan bago sila kadenahan kasama ng daan-daang iba pa at kaladkarin patungong Marseilles. Para sa iba, gaya ng mga ipinadadala mula sa Brittany o Paris, ang puwersahang pagmamartsang ito ay isang 800 kilometrong kalbaryo na tumatagal nang higit sa isang buwan. Binansagan ito ng isang nabuhay noon na “ang pinakamatinding parusa sa mga nahatulan.” Marami ang namatay sa daan.
Gayunman, hindi lamang ang haba ng paglalakbay o ang katiting na rasyon ng pagkain ang pumatay sa kanila. Labis na pinagmalupitan ng mga guwardiya ang mga bilanggo. Ang mga pamamalo at pagkakait ng pagkain at tulog ay kumitil ng maraming buhay. Karagdagan pa, ang mga taong nadaraanan nila ay nagpakita ng bahagyang simpatiya sa mga lalaking ito na palaging dumaraan sa lupain ng Pransiya. Bilang tugon sa paghingi niya ng tubig, sinagot ng mga kababaihan sa lugar na iyon ang isa sa mga bilanggo ng: “Lakad, lakad! Marami namang tubig sa pupuntahan mo!”
Kalahati ang Hindi Nakaligtas
Marami sa mga nahatulan ang hindi man lamang nakita ang dagat, lalo na ang mga galera. Kaya ang pagdating sa daungan ng Marseilles noon ay isang kahila-hilakbot na karanasan. Ang mga bilanggo ay tinitipon sa isang galerang walang laman at sila’y sinusuring gaya ng “mga bakang binili sa palengke,” ang sulat ng isa sa kanila. Itinatala ang mga personal na detalye, at pagkatapos ay mga numero na lamang ang tawag sa mga bilanggo sa sistema ng galera. “Ang pagiging bahagi ng lipunan ng mga tagasagwan ng galera ay walang alinlangang nagdulot ng labis na pagkalito at malaking pagkabigla sa isip at katawan,” ang puna ng isang mananalaysay. Gayunman, mas malala pang pagtrato ang naghihintay sa kanila.
Sa isang kuwarto na may sukat lamang na 2.30 metro ang haba at 1.25 metro ang lapad, limang lalaki ang namumuhay roon at nagsasagwan nang kung minsa’y maraming buwan sa isang biyahe, habang nakakadena sa kanilang mga bangkô. Ang bawat tagasagwan ay mayroon lamang 45 sentimetrong lugar na mauupuan. Ang lugar ay napakasikip anupat hindi man lamang maibaluktot ng mga lalaki ang kanilang mga bisig habang binabatak ang mga sagwan, na ang bawat isa nito ay sumusukat nang di-kukulangin sa 12 metro ang haba at tumitimbang nang 130 kilo. Ang tuluy-tuloy na pagsagwan sa loob ng ilang oras ay isang napakahirap na gawain na pumupunit sa kalamnan ng mga tagasagwan at lubhang umuubos sa kanilang lakas at resistensiya. Iyon ay “katulad sa paggawa ng pinakamabibigat na trabaho sa mainit na klima,” ang paliwanag ng isang mananalaysay.
Ang mga galera ay mabababa, at ang mga tagasagwan ay mga isang metro lamang ang taas mula sa tubig. Dahil dito, lagi silang nakababad, madalas silang nagsasagwan habang ang kanilang mga paa’y nasa tubig, at ang kanilang mga balat ay nababakbak dahil sa maalat na hangin. Kakatiting lamang ang rasyon ng pagkain. “Gagawin ng mga nahatulan ang lahat upang mabuhay lamang,” ang puna ng isang mananalaysay. Halos imposibleng makatakas. Ang gantimpalang ipinapataw sa ulo ng mga tumakas ay gumanyak sa mga magsasaka roon na sumama sa paghahanap sa sinumang nagtangkang tumakas. Isa lamang sa 100 ang nagtatagumpay.
Bihirang sundin ang mga sentensiya. Kaya, ang isang tagasagwan na hinatulan ng ilang taon ay maaaring masumpungan na nagsasagwan pa rin sa galera pagkaraan ng 25 taon. Mga sangkatlo sa mga lalaki ang namamatay sa loob ng tatlong taon. Sa pangkalahatan, kalahati sa mga tagasagwan ang hindi nakaliligtas. Magkasindami ang bilang ng namamatay na mga dating tagasagwan at ng mga nagsasagwan pa sa dagat. Noong taglamig ng 1709/10, sangkatlo sa kanila ang namatay dahil sa gutom at matinding lamig. Nakalulungkot, ang ilan ay ipinadadala sa mga galera dahil lamang sa kanilang relihiyon.
Hinatulan Dahil sa Kanilang Pananampalataya
Noong 1685, pinawalang-bisa ni Haring Louis XIV ang Kautusan ng Nantes, at ang Protestantismo ay ipinagbawal sa Pransiya. * Mga 1,500 Protestante ang hinatulang ipadadala sa mga galera dahil tumanggi silang magpakumberte sa Katolisismo o kaya’y nagtangkang tumakas ng bansa. Ang pagparusa sa mga “erehe” sa ganitong paraan ay nasubukan na noong 1545, nang ipadala sa mga galera, sa loob ng isang linggo, ang 600 Waldense * sa utos ni Haring Francis I. Sa ilalim ni Louis XIV, na kilala bilang ang napaka-Kristiyanong hari, ang pag-uusig ay lalong sumidhi.
Bakit ipinadala sa mga galera ang mga Protestante? Isang opisyal ng hari ang bumanggit ng dahilan: “Walang ibang paraan upang mapanumbalik ang mga erehe maliban sa dahas.” Idinagdag pa ng isang mananalaysay: “Umaasa ang hari na sa sandaling malanghap nila ang ‘hangin ng galera,’ iiwanan ng karamihan sa mga hinatulang Protestante ang relihiyon na ginawan nila ng maraming pagsasakripisyo.” Gayunman, ang karamihan ay tumangging magtakwil ng kanilang pananampalataya upang mapalaya. Dahil dito, madalas silang mapasailalim sa kakila-kilabot na pagpalo sa madla dahil sa sulsol ng mga Katolikong kapelyan ng barko. Ang ilan ay namatay;
ang iba naman ay nagkaroon ng mga pilat na tinaglay nila habang-buhay.Sa kabila ng malupit na karahasang ito, aktibong ibinahagi ng mga Protestante ang kanilang paniniwala sa iba. Bilang resulta, ang ilan, kasama na maging ang isang Katolikong kapelyan, ay naging mga Protestante. Yaong mga itinuring na pinakamapanganib, ang mga edukadong Protestante, ay inalis sa mga barko at dinala sa mga bartolina upang mamatay. Gayunman, hindi ito nagpahinto sa mga Protestanteng tagasagwan ng galera na magtulungan, hanggang sa nakapagsaayos pa nga ng mga klase sa pagbasa at pagsulat para sa kanilang mga kasamahang hindi marunong bumasa.
Pinanatili ng mga nahatulan sa kanilang isipan kung bakit sila pinag-uusig. “Habang tumitindi ang aking pagdurusa, tumitindi rin ang pagmamahal ko sa katotohanang naging sanhi ng aking pagdurusa,” ang isinulat ng Protestanteng si Pierre Serres. Maraming bansa ang nangilabot sa pagkarinig ng pag-uusig sa relihiyon na ginagawa ng Pransiya. Noong 1713, si Reyna Anne ng Inglatera ay nagtagumpay sa kaniyang pagsusumamo na palayain ang maraming hinatulan. Nakapagtataka, ang mga Protestante na noo’y pinagbawalang lumisan ng Pransiya ay pinaalis naman ngayon.
Ang Katapusan ng mga Galera
Nang maglaon, ang mga galera ay unti-unting naglaho dulot ng mga pagbabago sa nabigasyon, at kakulangan ng panustos. Ang mga problema sa pinansiyal ni Haring Louis XIV ay nagbunga ng pagbabawas sa gastusin. Noong 1720, 15 barko na lamang ang natira, at ang gawain ng mga ito ay lubhang nabawasan. Kadalasan ay nanatili sa Marseilles ang mga tagasagwan ng galera, kung saan ay naging bahagi sila ng mga gawain sa ekonomiya ng lunsod, na nagtatrabaho sa malapit na mga pagawaan ng sabon o nagtitinda ng mga damit na kanilang ginantsilyo. Sa wakas, noong 1748 ay ipinasa ang isang batas na naghudyat sa katapusan ng mga galera.
Ang mga galera ay patuloy pa ring nababanaag sa kaisipan ng mga Pranses. Kapag nakararanas ng kahirapan, madalas na sasambitin ng mga Pranses ang: “Quelle galère!” o sa Tagalog ay, “O anong galera naman!” Karamihan sa nalalaman natin tungkol sa buhay sa mga galera ay utang natin sa mga personal na pag-uulat na itinala ng mga Protestanteng tagasagwan. Sa kabila ng tahasang pagtatangi sa relihiyon, nakabuo sila ng isang organisasyon ng pagtutulungan sa isa’t isa at moral na pagsuporta. Ang pagbabata at pag-asa ay naging mahalaga upang sila’y makaligtas, at ang pakikipagkompromiso ay hindi man lamang sumagi sa kanilang isipan.
Kapansin-pansin, kahit na isaalang-alang ang di-pagpaparaya sa relihiyon ng panahong iyon, ang mga mananalaysay ay nagulat sa pagiging handa ng mga hukom na “ipatupad, nang walang pag-aatubili, ang batas na nagbibigay ng pantay na katayuan sa matapat na mga mamamayan at sa pinakapusakal na mga kriminal.”
Tunay nga, ang alaala ng mga alipin sa mga galera ay nananatiling isang mabisang patotoo sa kakila-kilabot na kawalang-katarungang ginawa ng mga tao sa kanilang kapuwa. Oo, “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Nakatutuwa naman, malapit na ang panahon kapag ang Tagapamahala na hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay ‘magliligtas sa dukha na humihingi ng tulong, gayundin sa napipighati at sa sinumang walang katulong.’—Awit 72:12-14.
[Mga talababa]
^ par. 25 Tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1998, mga pahina 25-9.
^ par. 25 Tingnan ang The Watchtower ng Agosto 1, 1981, mga pahina 12-15.
[Larawan sa pahina 13]
Nagsagwan sila sa pinakakalunus-lunos na mga kalagayan
[Credit Line]
© Musée de la Marine, Paris
[Larawan sa pahina 15]
Ang kapsiyon sa Pranses na nasa ibabaw ng larawan ay kababasahan ng: “Tiyak at matapat na mga paraan upang mapanumbalik ang mga erehe sa pananampalatayang Katoliko.” Ang larawan ay may petsang 1686
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Mga pahina 2, 12, at 15: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris