Isang Patuloy na Paghahanap ng mga Solusyon
Isang Patuloy na Paghahanap ng mga Solusyon
MULA pa nang itatag ito, ang organisasyong United Nations ay interesado na sa mga bata at sa kanilang mga problema. Sa katapusan ng 1946, itinatag nito ang United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) bilang isang pansamantalang hakbang upang mapangalagaan ang mga bata sa mga lugar na sinalanta ng digmaan.
Noong 1953, ang pángasiwaán para sa pangkagipitang pondong ito ay ginawang isang permanenteng organisasyon. Bagaman ito ngayon ay opisyal nang kilala bilang ang United Nations Children’s Fund, pinanatili nito ang orihinal na akronima nito na UNICEF. Kaya, sa loob ng mahigit na kalahating siglo, pinaglaanan ng UNICEF ang mga bata sa buong daigdig ng pagkain, damit, at medikal na pangangalaga at sinisikap nitong asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga bata sa pangkalahatan.
Ang mga pangangailangan ng mga bata ay lalong binigyang-pansin noong 1959 nang pagtibayin ng United Nations ang Deklarasyon Hinggil sa mga Karapatan ng Bata. (Tingnan ang kahon, pahina 5.) Inaasahan na ang dokumentong ito ay pupukaw ng interes sa mga problema ng mga bata at tutulong sa ikalulutas ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapasigla sa publiko na sumuporta, sa pinansiyal man o sa ibang paraan.
Subalit “makalipas ang dalawampung taon,” ayon sa Collier’s 1980 Year Book, “ang ‘mga karapatan’ na ito—lalo na yaong may kaugnayan sa nutrisyon, kalusugan, at materyal na kapakanan—ay hindi pa rin nakakamtan ng marami sa 1.5 bilyong bata sa daigdig.” Kaya bilang pagkilala sa patuloy na pangangailangang lutasin ang mga problema ng mga bata at kasuwato ng mga ipinahayag na tunguhin nito, itinakda ng United Nations ang 1979 bilang ang Internasyonal na Taon ng Bata. Ang mga pangkat na mula sa pamahalaan, mamamayan, relihiyon, at mga mapagkawanggawa sa buong daigdig ay mabilis na tumugon sa paghahanap ng mga solusyon.
“Masakit na Biro” Lamang ba ang Lahat ng Ito?
Nakalulungkot, ayon sa isang report ng UNICEF, hindi maganda ang nangyari sa mga bata sa papaunlad na mga bansa noong panahon ng Internasyonal na Taon ng Bata. Sa katapusan ng taon, mga
200 milyon pa rin sa kanila ang kulang sa nutrisyon, at ang kalahati sa 15 milyon na namatay nang wala pang limang taóng gulang ay bunga ng malnutrisyon. Sa 100 bata na isinilang sa bawat minuto nang taóng iyon sa mga bansang iyon, 15 ang namatay bago pa natapos ang kanilang unang taon. Wala pang 40 porsiyento sa kanila ang nakapagtapos sa paaralang elementarya. Sa pagkokomento sa report ng UNICEF, isang editoryal sa pahayagang Indian Express ang nagreklamo na ang Taon ng Bata ay naging isang “masakit na biro.”Nakini-kinita na ng ilang indibiduwal ang kabiguang ito. Halimbawa, sa pagpapasimula pa lamang ng taon, isinulat ni Fabrizio Dentice sa magasing L’Espresso: “Kailangan ang isang bagay na higit pa kaysa sa Taon ng Bata upang malutas ang situwasyon.” Ang magasin ay nagkomento: “Ang istilo ng pamumuhay sa ngayon ang siyang gumagawa sa atin kung ano tayo, at ito ang kailangang baguhin.”
Sa patuloy na paghahanap ng mga solusyon sa mga problema ng mga bata, isang pandaigdig na pulong ng matataas na opisyal ang ginanap sa punong-tanggapan ng UN noong Setyembre 1990. Isa iyon sa pinakamalaking pulong ng mga lider ng daigdig sa kasaysayan. Mahigit na 70 lider ng pamahalaan ang dumalo. Ang pagtitipon ay bunsod ng Kasunduan Hinggil sa mga Karapatan ng Bata, na pinagtibay noong Nobyembre 20, 1989, at ipinatupad noong Setyembre 2, 1990. Sa katapusan ng buwan na iyon, ang kasunduan ay pinagtibay na ng 39 na bansa.
“Ang Kasunduan,” ang sabi kamakailan ng UNICEF, “ay kaagad na naging ang pinakamalaganap na tinatanggap na kasunduan kailanman hinggil sa mga karapatang pantao, anupat lumikha ng isang pangglobong pampasigla para sa mga bata.” Sa katunayan, mula noong Nobyembre 1999, ang Kasunduan ay pinagtibay na ng 191 bansa. Ipinagmalaki ng UNICEF: “Mas maraming pagsulong ang nagawa sa pagpapairal at pagsasanggalang sa mga karapatan ng mga bata noong dekada pagkatapos na pagtibayin ang Kasunduan Hinggil sa mga Karapatan ng Bata kaysa sa alinmang iba pang maihahambing na yugto sa kasaysayan ng tao.”
Sa kabila ng pagsulong na ito, nakapagkomento si Pangulong Johannes Rau ng Alemanya: “Nakalulungkot na sa ating panahon ay kailangan pa tayong paalalahanan na ang mga bata ay may mga karapatan.” O kaya naman ay paalalahanan na mayroon pa rin silang malulubhang problema! Sa pag-amin noong Nobyembre 1999 na “marami pa
ang kailangang gawin,” ang UNICEF ay nagpaliwanag: “Sa buong globo, tinatayang 12 milyong bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay taun-taon, na karamihan ay bunga ng mga sanhi na madali namang maiwasan. Mga 130 milyong bata sa papaunlad na mga bansa ang hindi pumapasok sa paaralang primarya . . . Halos 160 milyong bata ang lubhang kulang o medyo kulang sa nutrisyon. . . . Maraming bata na di-pinahahalagahan ang nasadlak sa mga bahay-ampunan at iba pang mga institusyon, napagkaitan ng edukasyon at sapat na pangangalaga sa kalusugan. Ang mga batang ito ay kadalasang inaabuso sa pisikal. Tinatayang 250 milyong bata ang nasasangkot sa ilang uri ng pagtatrabaho.” Binanggit din ang 600 milyong bata na namumuhay sa ganap na karukhaan at ang 13 milyon na mauulila ng di-kukulangin sa isang magulang dahil sa AIDS sa pagtatapos ng taóng 2000.Waring mailap sa pulitikal na mga lider ang kasiya-siyang mga solusyon sa mga problemang ito. Gayunman, ang mga problema ng mga bata ay hindi lamang masusumpungan sa papaunlad na mga lupain. Sa Kanluraning mga bansa, maraming bata ang pinagkakaitan sa ibang paraan.
[Blurb sa pahina 4]
“Nakalulungkot na sa ating panahon ay kailangan pa tayong paalalahanan na ang mga bata ay may mga karapatan”
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Ang Deklarasyon ng UN Hinggil sa mga Karapatan ng Bata:
● Ang karapatang magkaroon ng pangalan at nasyonalidad.
● Ang karapatan sa pagmamahal, pag-ibig, at pag-unawa at sa materyal na seguridad.
● Ang karapatan sa sapat na nutrisyon, pabahay, at mga serbisyong medikal.
● Ang karapatan sa pantanging pangangalaga kung may kapansanan, ito man ay may kaugnayan sa pisikal, mental, o panlipunan.
● Ang karapatan na makabilang sa unang tatanggap ng proteksiyon at tulong sa lahat ng kalagayan.
● Ang karapatan na maipagsanggalang laban sa lahat ng uri ng pagpapabaya, kalupitan, at pagsasamantala.
● Ang karapatan sa lubos na pagkakataong maglaro at maglibang at patas na pagkakataon sa libre at kinakailangang edukasyon, upang matulungan ang bata na mapaunlad ang kaniyang mga kakayahan bilang indibiduwal at upang maging isang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.
● Ang karapatang mapaunlad ang kaniyang buong potensiyal sa isang kapaligirang may kalayaan at dignidad.
● Ang karapatan na siya’y palakihin sa paraang may pag-unawa, pagpaparaya, pagkakaibigan sa gitna ng mga tao, kapayapaan, at pandaigdig na kapatiran.
● Ang karapatan na tamasahin ang mga karapatang ito anuman ang lahi, kulay, kasarian, relihiyon, opinyon sa pulitika at iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, at ari-arian, kapanganakan, o iba pang katayuan.
[Credit Line]
Salig ang sumaryo sa Everyman’s United Nations
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
UN PHOTO 148038/Jean Pierre Laffont
UN photo
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Mga larawan sa pahina 4 at 5 Giacomo Pirozzi/Panos Larawan