Ang Solusyon sa Wakas!
Ang Solusyon sa Wakas!
GUNIGUNIHIN ang isang daigdig kung saan ang bawat bata ay tunay na pinahahalagahan, tunay na iniibig, at pinagpala ng mapag-aruga at maibiging mga magulang na taimtim na naghahangad na ilaan ang pinakamainam na payo at patnubay para sa kanilang anak. Gunigunihin ang isang daigdig kung saan ang bawat bata ay malusog kapuwa ang katawan at isip, kung saan walang masusumpungang mga batang kalye, at kung saan ang mga bata ay hindi na pagkakaitan ng kanilang pagkabata dahil sa pangangailangang magtrabaho ukol sa ikabubuhay!
Kanais-nais ba? Siyempre. Kapani-paniwala ba? Ganito ang palagay ng mga Saksi ni Jehova, at ito’y salig sa dalawang dahilan.
Mailalaan ng mga Magulang ang Isang Bahagi ng Solusyon
Walang-alinlangan na sasang-ayon ka na talagang may kakayahan ang mga nasa hustong gulang na lutasin—kung minsan pa nga ay hadlangan—ang ilang problema ng mga bata. Siyempre pa, basta gusto nila, samakatuwid nga ang mga adulto, na gawin ito. Oo, hawak ng mga magulang
mismo ang isa sa mga susi sa kalutasan ng problema.Halimbawa, ang mga nasa hustong gulang na nakakasunod sa payo ng Bibliya na “ang isang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawang lalaki . . . at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae” ay walang mga anak na nagdurusa dahil sa namumuhay ang mga ito sa isang tahanan na winasak ng paghihiwalay o diborsiyo.—1 Corinto 7:10, 11.
Ang mga nasa hustong gulang na handang sumunod sa payo ng Bibliya na ‘lumakad nang disente, hindi sa maiingay na pagsasaya at paglalasingan,’ ay walang mga anak na nagdurusa dahil sa hirap na kaakibat ng pagkakaroon ng magulang na lasenggo o sugapa sa droga.—Roma 13:13; Efeso 5:18.
Ang mga nasa hustong gulang na handang sumunod sa payo ng Bibliya na “umiwas sa pakikiapid” ay tumutulong na mabawasan ang panganib na lumaki ang kanilang mga anak nang di-pinahahalagahan, marahil sa isang pamilyang may nagsosolong magulang.—1 Tesalonica 4:3; Mateo 19:9.
Ang mga nasa hustong gulang na handang sumunod sa payo ng Bibliya na, “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob,” at ‘umiibig sa kanilang mga anak’ ay hindi magkakaroon ng mga anak na dumaranas ng kirot ng pisikal at mental na pang-aabuso sa anumang iba’t ibang anyo nito.—Colosas 3:21; Tito 2:4.
Bilang sumaryo, kung lahat ng nasa hustong gulang ay handang sumunod sa payo ng Bibliya na ibinigay ni Jesus na, “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila,” magkakaroon kaya ng milyun-milyong bata na di-pinahahalagahan o di-iniibig?—Mateo 7:12.
Nakatutuwa, maraming nasa hustong gulang ang handang gawin ang lahat ng nasa itaas. Subalit nakalulungkot, hindi lahat, at diyan pumapasok ang problema. At nasusumpungan maging niyaong handang sumunod na ang kanilang mga pagsisikap ay madalas na nabibigo dahil sa di-kasakdalan ng tao at dahil sa mga bagay na hindi nila kayang kontrolin. Mailalaan ng mga tao ang isang bahagi ng solusyon sa mga problema ng mga bata, subalit maliwanag na wala silang kakayahang ilaan ang kumpletong solusyon.
Isang Pamahalaan ng Diyos na Maglalaan ng Kumpletong Solusyon
Ang manunulat na si John Ruskin, na binanggit sa naunang artikulo, ay lubos na naniniwala na “ang unang pananagutan ng isang Estado ay ang tiyakin na bawat batang isisilang doon ay magkakaroon ng sapat na bahay, damit, pagkain, at edukasyon, hanggang sa magkaroon ito ng kakayahang magpasiya sa ganang sarili.” Gayunman, inamin ni Ruskin na “upang [maisakatuparan] ito, ang Pamahalaan ay kailangang may awtoridad sa lahat ng mga tao na sa ngayon ay hindi man lamang natin kayang gunigunihin.”
Tanging isang pamahalaan na may pagsang-ayon ng Diyos ang magkakaroon ng makonsiderasyong awtoridad na kagaya ng binanggit ni Ruskin. At ang gayon mismong pamahalaan ay ipinangako—ang isa na binanggit ni Jesus sa Mateo 6:9, 10. Kapag ang pamahalaang ito na likha ng Diyos ay lubusan nang sumupil sa mga gawain sa lupa, magkakaroon ito ng awtoridad sa lahat ng mga tao—anupat binibigyan ng bahay, damit, pagkain, at edukasyon ang lahat ng nasasakupan nito, pati na ang mga bata. (Isaias 65:17-25) Subalit higit pa ang gagawin ng sakdal na pamahalaang ito.
Isasauli ng Kaharian ng Diyos ang mga tao sa isang kalagayan ng kasakdalan, anupat pinangyayari na sila’y makapagpalaki ng mga anak sa sakdal na pagkakatimbang-timbang. (Job 33:24-26) Ang mga bata ay palalakihin sa espiritu ng kapayapaan at pandaigdig na kapatiran, ang mithiin na nakasaad sa Deklarasyon ng UN Hinggil sa mga Karapatan ng Bata. (Awit 46:8, 9) Hindi na muling kakailanganin pa ang Internasyonal na Taon ng Bata o ang Kasunduan Hinggil sa mga Karapatan ng Bata.
Ang pagsasauli ng sakdal na kalusugan sa mga magulang at mga batang may kapansanan ay magiging isang simpleng atas lamang para kay Kristo Jesus, ang Hari ng makalangit na pamahalaang ito. Ang mga makahimalang pagpapagaling na kaniyang ginawa samantalang siya ay nasa lupa ay isang garantiya. (Lucas 6:17-19; Juan 5:3-9; 9:1-7) Maging ang pagbuhay-muli sa namatay na mga bata at namatay na mga magulang ay hindi mahirap isakatuparan dahil sa kaniyang kapangyarihan!—Mateo 9:18-25.
Kay sayang malaman na ang panahon ng pagkilos ng Diyos alang-alang sa mga bata sa lupa ay malapit na!
[Kahon/Mga larawan sa pahina 12]
Tulong Para sa mga Kabataan
Ang mga Saksi ni Jehova ay talagang interesadong tulungan ang mga kabataan na maiwasan ang mga problema at ipakita sa kanila kung paano pinakamabisang makakayanan ang mga problema na hindi maiiwasan. Kaya naman sa nagdaang mga taon ay naglathala sila ng ilang pantulong na dinisenyo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan—mula sa mga hindi pa nag-aaral hanggang sa mga tin-edyer. Kasali sa mga publikasyong ito ang mga aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas gayundin ang isang video na pinamagatang Young People Ask—How Can I Make Real Friends? Maaaring makuha ang mga ito mula sa mga Saksi ni Jehova na nakatira sa inyong lugar o sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
Kung tungkol naman sa kanilang sariling mga anak, ipinakikita sa kanila ng mga Saksi ni Jehova na sila ay pinahahalagahan at iniibig sa pamamagitan ng palagiang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa kanilang mga problema. Madalas gamitin ng mga magulang ang mainam na materyal na nasa mga pantulong sa pag-aaral na binanggit sa itaas bilang saligan ng isang pasulong at regular na programa ng pagsasanay sa kabataan. Marahil ay nanaisin mong tularan ang gayunding pamamaraan kasama ng iyong mga anak.