Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapalago sa Kagubatan ng Amazon

Pagpapalago sa Kagubatan ng Amazon

Pagpapalago sa Kagubatan ng Amazon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

NOONG dekada ng 1990, nawalan ang daigdig ng milyun-milyong ektarya ng likas na mga kagubatan taun-taon, ang iniulat ng United Nations Food and Agricultural Organization. Sa rehiyon na lamang ng Amazon sa Brazil, isang bahagi ng maulang kagubatan na mas malaki pa sa Alemanya ay naging pastulan na lamang dahil sa maiingay na chain saw at sa lumalagablab na mga apoy. Sa halip na isang tuluy-tuloy na tanawin ng mga tuktok ng punungkahoy, ang pinakalilim ng kagubatan ay may pagi-pagitan na ngayon ng mga bitak-bitak na luwad na manipis na natatakpan ng mga damo at ng nakahantad na mga tuod na nakabilad sa ilalim ng araw.

Bagaman nakababahala ang patuloy na pagsira na ito sa kagubatan, may naaaninaw namang pag-asa. Nagkaroon na ng ilang resulta ang isang maaasahang programa. Ito ay tinatawag na agroforestry, at inilalarawan ito ng isang reperensiya bilang “isang sistema na kung saan ang pagtatanim ng mga punungkahoy ay isinasama sa mga pananim sa bukid o sa pastulan sa isang ekolohikal na . . . makatutustos na paraan.” Paano isinasagawa ang agroforestry? Ano ba ang naisakatuparan na nito? Ano ang mga maaasahang magagawa nito sa hinaharap? Upang malaman ang kasagutan, dinalaw ng Gumising! ang National Institute for Research in the Amazon (INPA) sa Manaus, sa kabisera ng Estado Amazonas sa Brazil.

Ang Nakasisiphayong Paglikas

Si Johannes van Leeuwen, isang agronomong Olandes sa Kagawaran ng Agronomiya sa INPA, ay kasamang nagtatrabaho ng mga magsasaka sa Amazon sa loob ng 11 taon. Ngunit paano nga ba nagkaroon ng napakaraming magsasaka sa kagubatan ng Amazon? Dahil sa malawakang paggamit ng makina sa pagsasaka sa sentro at timugang bahagi ng Brazil, nagsimulang pagkaitan ang mahihirap na magsasaka ng kanilang lupa at kabuhayan, anupat nagbunga ito ng paglipat nila sa ibang lugar. Ang ibang magsasaka na nagtatanim ng jute, na ginagamit sa paggawa ng mga hinabing sako, ay nawalan ng kabuhayan nang ang mga sako ay pinalitan ng mga bag na plastik. Ang iba naman na naninirahan sa sinalot ng tagtuyot na mga rehiyon ay napilitang umalis upang makahanap ng mas matabang lupa. Ngunit saan sila pupunta? Sa pagkarinig ng pag-asa ng pagkakaroon ng lupa, pabahay, at matabang lupa sa Amazon, tinahak nila ang isang bagong landasin patungo sa maulang kagubatan.

Gayunman, di-nagtagal, natuklasan ng mga magsasaka na nanirahan sila sa isang lugar na sobrang maulan, maalinsangan, mainit ang klima, at hindi mataba ang lupa. Sa loob ng dalawa hanggang apat na taon, lubusan nang nasaid ang sustansiya ng lupa at bumangon ang gayunding problema: nagdarahop na mga tao sa hindi matabang lupa. Hinarap ng mga magsasakang nawalan ng pag-asa ang problema sa pamamagitan ng pagkakaingin sa iba pang mga lugar sa kagubatan upang gawing bukirin.

Sabihin pa, hindi ang mahihirap na magsasaka ang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kagubatan ng Amazon. Ang kalakhan ng paninira ay dahil sa malalaking rantso ng baka, malalaking negosyo sa agrikultura, mga industriya ng pagmimina at pagtotroso, at mga proyekto sa paggawa ng mga hydroelectric dam. Gayunpaman, ang pagdagsa ng mahihirap na magsasaka at ang pagkakaingin na isinasagawa nila ay nakapagdulot din ng pagkasira ng kagubatan.

Pagsangguni sa “Buháy na mga Aklatan”

“Gaano man kalaki ang epekto nila sa kagubatan,” sabi ni Van Leeuwen, “nandito ang mahihirap na magsasaka at wala silang ibang mapupuntahan. Kaya upang mabawasan ang pagkakalbo sa kagubatan, dapat natin silang tulungan na mamuhay sa kanilang lupa nang hindi na kinakailangan pang manira ng mas maraming kagubatan.” At diyan pumapasok ang programa ng agroforestry, na nagtuturo ng isang paraan ng pagsasaka na sumusugpo sa pagkasira ng lupa at nagpapahintulot sa mga magsasaka na gamitin ang iyon ding nakalbong lupa sa loob ng maraming taon. Paano nabuo ng mga mananaliksik ang mga detalye ng programa?

Mga taon ng pagsusurbey, pagtatanong, at pagkokolekta ng mga sampol ng halaman at lupa mula sa sinuring mga lugar ang naganap bago inilunsad ang programa ng agroforestry sa INPA. Ang mahahalagang impormasyon ay nagmula lalo na sa mga pakikipag-usap sa “buháy na mga aklatan”​—mga Indian at mga taong caboclos na mestisong puti, itim, at lahing Indian na ang mga ninuno ay nanirahan sa lunas ng Amazon.

Maalam ang mga naninirahan na ito sa Amazon. Kabisado nila ang lokal na klima at ang mga uri ng lupa​—itim na lupa, pulang luwad, puting luwad, pulang lupa, at halong buhangin at luwad​—gayundin ang maraming uri ng mga katutubong prutas, espesya, at mga halamang-gamot na tumutubo sa kagubatan. Sa paggamit ng kaalamang ito, naging magkatambal sa pananaliksik ang mga agronomo at mga magsasaka​—isang tambalan na nagpabuti sa kalidad ng programa.

Hindi Minahan ang Kagubatan

Unti-unting isinagawa ang programa ng agroforestry. Ang unang hakbang ay kumbinsihin ang mga magsasaka na huwag ituring na minahan ang kagubatan​—na pagtatrabahuhan at pagkatapos ay pababayaan​—kundi malasin ito bilang isang likas-yaman na magagamit muli. Sumunod, pinayuhan sila na magtanim hindi lamang ng kamoteng-kahoy, saging, mais, palay, balatong, at iba pang mabibilis na tumubong pananim, kundi mga punungkahoy rin. “Mga punungkahoy?” tanong ng mga magsasaka. “Bakit?”

Yamang madalas na ang mga magsasaka ay nanggagaling sa mga lugar na kung saan ang mga punungkahoy ay walang ginagampanang papel sa agrikultura at yamang sila ay hindi rin pamilyar sa mga uri ng punungkahoy sa Amazon, ipinaliwanag ng mga mananaliksik sa simpleng paraan ang mga kapakinabangan ng pagtatanim ng punungkahoy. Ipinaliwanag nila na hindi napananatili ng lupa sa kagubatan ang mga sustansiya na kailangan ng mga pananim na pagkain. Halimbawa, bago makapasok ang mga sustansiya sa mga pananim na tulad ng mais, inaanod na ang mga ito ng ulan. Sa kabilang dako naman, nagagawang sipsipin at tipunin ng mga punungkahoy ang suplay ng mga sustansiya at panatilihin ang pagiging mataba ng lupa. Karagdagan pa, naglalaan ang mga punungkahoy ng pagkain at lilim para sa mga hayop. Maaari ring gamitin ng mga magsasaka ang mga punungkahoy bilang mga buháy na bakod upang markahan ang mga hangganan ng kanilang ari-arian. At siyempre pa, maaaring pagkakitaan ang mga prutas at kahoy na nagmumula sa mga punungkahoy na namumunga.

Pinasigla rin ang mga magsasaka na magtanim ng maraming iba’t ibang uri at klase ng punungkahoy. Bakit? Upang makapag-ani ng maraming sari-saring prutas at kahoy. Sa ganiyang paraan, naiiwasan ng magsasaka na mauwi sa pagkakaroon ng isang malaking ani ng isa o dalawang uri lamang ng prutas na kailangan niyang ipagbili sa mababang presyo dahil ang lahat ay nagbebenta ng gayunding produkto nang magkakasabay.

Naging Mabunga ang Sumisibol na Programa

Anong uri ng mga punungkahoy ang itinatanim? “Sa kasalukuyan ay gumagamit kami ng mula sa 30 hanggang sa 40 punungkahoy na namumunga na nabanggit dito,” sabi ng agronomong si Van Leeuwen habang iniaabot niya ang isang listahan ng 65 punungkahoy na may kakaibang mga pangalan. Upang ipakita na mabisa ang programa, ipinakita ni Van Leeuwen ang ilang litrato ng iisang lugar na kinaingin na kagubatan na kinunan sa iba’t ibang yugto ng panahon.​—Tingnan ang kahon “Kung Paano Makapanunumbalik ang Kagubatan.”

Isang pagdalaw sa mga palengke ng Manaus ang nagpapakita na nagbubunga na ang sumisibol na programa ng agroforestry. Sa mga palengkeng ito, mahigit na 60 iba’t ibang uri ng prutas na pinalalaki sa lugar na iyon ang ipinagbibili na. May kinalaman sa hinaharap, umaasa ang mga agronomo na habang higit na isinasakatuparan ang agroforestry, higit na babagal ang pagkalbo sa kagubatan. Kung sa bagay, kapag natutuhan na ng isang magsasaka kung paano muling gagamitin ang isang dating bukirin, maaaring hindi na siya pumutol ng punungkahoy sa kagubatan upang gumawa ng panibagong bukirin.

Ang mga kapuri-puring pagsisikap na ito ay malamang na hindi makalulutas sa pangglobong banta sa ekolohiya ng lupa. Ngunit ipinakikita ng mga ito kung ano ang maaaring gawin kapag iniingatan ang ating mahahalagang likas-yaman.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

Alis Diyan, Kahel at Acerola

Ang kahel, na kilalang sagisag ng bitamina C, ay walang saysay kung ihahambing sa isang prutas na binansagan bilang “ang bagong reyna ng bitamina C.” Maging ang acerola, na nangunguna sa mga prutas na mayaman sa bitamina C, ay dapat na tumanggap ng pagkatalo. Ang bagong pinuno? Isang maliit ngunit malakas na prutas, na kulay-purpura na halos kasinlaki ng ubas at likas na tumutubo sa mga bahaing lugar ng Amazon. Ang pangalan nito? Camu-camu. Karapat-dapat ba ito sa trono? Isinulat ng isang magasin sa Brazil na ang 100 gramo ng kahel ay naglalaman ng 41 miligramo ng bitamina C, samantalang ang 100 gramo ng acerola ay naglalaman ng 1,790 miligramo ng bitamina C. Ngunit, ang gayunding dami ng camu-camu ay may hindi kapani-paniwalang 2,880 miligramo ng bitamina C​—70 beses ang kahigitan ng nasa mga kahel!

[Credit Line]

Acerola at camu-camu: Silvestre Silva/Reflexo

[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]

Ang Sining sa Paghahanay-hanay ng mga Punungkahoy

Pagkatapos pumayag ng mga magsasaka na isagawa ang ilang bahagi ng programa ng agroforestry, maaari nang ibigay sa kanila ng agronomong si Johannes van Leeuwen ang isang mas detalyadong panukala​—isang plano ng kanilang panghinaharap na taniman ng punungkahoy. Sa halip na basta pumili at pagsama-samahin na lamang ang kahit na anong punungkahoy nang walang kaayusan, ang mga pagtulad ng computer sa mga agroecosystem ay ginagamit upang makatulong sa pag-alam kung anong mga uri ng punungkahoy ang dapat na itanim at kung paano dapat ayusin ang mga ito. May sining sa paghahanay-hanay, o pag-aayos, ng mga uri ng maliliit, katamtamang-laki, at malalaking puno sa mga pangkat.

Halimbawa, ang unang pangkat, na binubuo ng puno ng bayabas, guarana, at cupuaçu, ay itinatanim na magkakalapit. Nananatiling maliit ang mga punungkahoy na ito at nagbubunga nang maaga. Ang ikalawang pangkat, mga katamtamang-laki na mga punungkahoy gaya ng biribá, abokado, at murumuru palm, ay nangangailangan ng mas malaking lugar. Sa pangkat na ito, kadalasang mas huling namumunga ang mga punungkahoy na ito kaysa sa naunang pangkat. Ang ikatlong pangkat, ang malalaking punungkahoy gaya ng Brazil nut, piquia, at mahogani, ay nangangailangan ng lalong mas malaki pang lugar. Ilan sa mga punungkahoy sa huling pangkat na ito ang namumunga, ang iba naman ay nagbibigay ng mapakikinabangang kahoy, at ang iba pa ay nagbibigay ng kapuwa prutas at kahoy. Kapag ang lahat ng tatlong pangkat na ito’y lumaking magkakasama, nakakahawig ng tanimang ito ang isang likas na kagubatan.

[Mga larawan]

Si Johannes van Leeuwen (sa dulong kanan)

Isang palengke sa Manaus na may tindang prutas na itinanim sa lugar na iyon

[Credit Line]

J. van Leeuwen, INPA, Manaus, Brazil

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

Kung Paano Makapanunumbalik ang Kagubatan

1. Pebrero 1993​—Ang lugar na ito ng kagubatan sa gitnang Amazon ay kinaingin noong Setyembre 1992. Noong Enero 1993, tinamnan ito ng mga pinya. Pagkalipas ng isang buwan, tinamnan din ng mga punungkahoy na namumunga.

2. Marso 1994​—Lumaki na ang mga pinya, at mas nakikita na ang mga punungkahoy na namumunga. Ipinakikilala ng mga patpat na may maliliit na etiketa na nakatayo sa tabi ng mga punungkahoy na ang mga ito’y abiu, Brazil nut, at peach palm, na ilan lamang sa mga punungkahoy. Ang pag-aalis ng mga magsasaka sa mga damong nasa palibot ng pananim ay nakatulong din sa mga punungkahoy. Tila upang ipakita ang pasasalamat, sinimulang panumbalikin ng mga punungkahoy ang pagiging mataba ng lupa.

3. Abril 1995​—Ang pananim na mabilis tumubo ay inani, kinain o ipinagbili na, at ang iba’t ibang uri ng punungkahoy na namumunga ay patuloy na lumalaki.

[Credit Line]

Mga larawan 1-3: J. van Leeuwen, INPA-CPCA, Manaus, Brazil