Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Gladyola Nais ko kayong papurihan sa artikulo na “Ang Gladyola—Isang Pambihirang Bulaklak na Maselan ang Kagandahan.” (Pebrero 22, 2000) Nasisiyahan ako kapag dinadalaw ako ng mga miyembro ng inyong simbahan, bagaman may pag-aalinlangan ako kung magiging isa ako sa kanila. Gayunman, ang artikulo ay isinulat ng isa na talagang may kabatiran sa mga gladyola. Sa magulong daigdig na ito, ang pagtatanim ng mga gladyola ay isang napakagandang paraan upang magrelaks at masiyahan sa buhay.
C. M., Estados Unidos
Pagpapatiwakal Ang seryeng “Pagpapatiwakal—Sino ang Higit na Nanganganib?” (Pebrero 22, 2000) ay tamang-tama sa amin. Walong buwan na ang nakalilipas nang biglang namatay ang aking ina. Nasa malayo ang tatay ko nang mamatay siya at sinisisi niya ang kaniyang sarili. Sinasabi niyang ayaw na niyang mabuhay pa. Kaya nga, malaking tulong sa amin ng tatay ko ang mga artikulo.
R. Z., Alemanya
Nagpatiwakal ang lolo ko dalawang taon na ang nakalilipas. Pagkamatay ng kaniyang asawa, lumubha ang kalagayan ng kaniyang isip. Natulungan ako ng mga artikulo ninyo na maunawaan kung bakit niya nagawa ang gayon.
A. M., Estados Unidos
Noong Enero ay nagpatiwakal ang kuya ko na 48 taóng gulang. Kinabukasan matapos ang kaniyang libing, nakita ng aking ama, na hindi isa sa mga Saksi ni Jehova, ang isyung ito ng Gumising! sa aming hulugan ng sulat. Hindi siya makapagsalita at maluha-luha nang ipakita niya ito sa amin. Lumuha sa kagalakan at pasasalamat ang aking pamilya sa nakaaaliw na seryeng ito.
B. J., Estados Unidos
Sa distrito ng aming paaralan, anim na bata ang nagpatiwakal sa loob ng nakalipas na taon. Gayon na lamang ang matinding pagkabahala ng distrito ng paaralan anupat nagdeklara ito ng pagbabantay sa posibleng pagpapatiwakal sa loob ng sistema ng paaralan. Inialok namin ang isyung ito sa mga tao sa aming lugar na kadalasang hindi tumutugon sa ating mensahe. Kung minsan ay kinukuha na ng mga tao ang magasin sa aming mga kamay bago pa namin matapos ang aming presentasyon!
C. C., Estados Unidos
Noong ako’y tin-edyer pa, dalawang beses akong nagtangkang magpatiwakal pagkamatay ng aking ama. Ang mismong salitang “pagpapatiwakal” ay itinuturing ng ilan na kahiya-hiya at hindi dapat ipakipag-usap. Salamat sa paglalagay nito sa pabalat ng Gumising! Para sa akin, ang mga artikulong ito ay prangka, makatotohanan, at napakamaunawain.
M. G., Pransiya
Mga Suliranin sa Pagkakaibigan Ang artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ako Sinaktan ng Aking Kaibigan?” (Pebrero 22, 2000) ay nakatulong sa akin. Masyado akong sinaktan ng aking naging pinakamatalik na kaibigan sa loob ng anim at kalahating taon. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga mungkahi sa inyong artikulo, pinag-usapan naming magkaibigan ang mga bagay-bagay sa mahinahon at mapayapang paraan. Bunga nito, naging mas malapít kami ngayon higit kailanman.
M. L., Estados Unidos
May-Kapansanang Mángangarál Ang artikulong “Isang Maaliwalas na Pananaw sa Kabila ng Kapansanan” (Pebrero 22, 2000) ay talagang nakaantig sa akin. Isa akong kabataan, at kung minsan ay tila gabundok ang aking mga suliranin. Lubhang nakapagpapatibay ang kuwento ni Konstantin Morozov. Pinahahalagahan ko ang kaniyang mga salita: “Hangad kong magpatuloy sa paglilingkod [kay Jehova] hangga’t patuloy na tumitibok ang aking puso.”
L. C., Italya
May tatlo akong anak, at dahil sa hindi ko kapananampalataya ang aking asawang lalaki, kailangan kong turuan sila sa espirituwal na mga bagay. Kailangan ko ring magtrabaho at asikasuhin ang bahay, at kung minsan ay tila wala nang natitira pang lakas sa akin. Ang positibong saloobin ni Konstantin ay kahanga-hanga! Salamat sa paglalathala sa kaniyang kuwento.
O. K., Russia