Maligayang Pagdating sa Copper Canyon
Maligayang Pagdating sa Copper Canyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
ANG Copper Canyon ay isang likas na kababalaghan na matatagpuan sa hanay ng mga bundok na kilala bilang Sierra Madre Occidental na nasa hilagang Mexico, at ito’y sumasaklaw sa humigit-kumulang 50,000 kilometro kuwadrado, na ang lawak ay halos kasinlaki ng Costa Rica.
Gayunman, ang pangalan ay medyo nakalilinlang. Ang Copper Canyon ay hindi iisang canyon kundi kawing-kawing na 20 magkakarugtong na mga canyon. Ang isa sa mga ito ay ang Copper Canyon na siyang pinagkunan ng pangalan ng buong kayarian na ito. Ayon sa manggagalugad na si Richard Fisher, di-kukulangin sa tatlo sa mga canyon na ito ang mas malalim kaysa sa Grand Canyon sa Estados Unidos. *
Dahil sa pambihirang lawak at laki ng Copper Canyon, ilan lamang sa napakaraming likas na tanawan nito ang maaaring mapuntahan ng karamihan sa mga turista. Ang pinakakahanga-hangang tanawin ay ang bista ng mga canyon ng Copper, Sinforosa, at Urique. Gayunman, ipinapalagay ng ilang tao na ang pinakamagandang tanawin ay makikita sa Divisadero, kung saan makikita ang pagkalawak-lawak na tanawin ng magkakasamang mga canyon ng Copper, Urique, at Tararecua.
Iba’t Ibang Klima
Ang biglang pagbabago ng taas ay nakaaapekto sa klima at mga pananim sa Copper Canyon. Naranasan mismo ito ni Miguel Gleason nang siya at ang isang grupo ay bumaba sa Urique Canyon. Sa magasing México Desconocido, siya’y sumulat: “Nadama namin ang init, at nawala ang kagubatan ng punong pino, anupat tumambad ang tropikal na mga pananim na doo’y may mga saging, abokado, at maging mga kahel. Hindi kami makapaniwala. Sapat nang sabihin ko na sa buong buhay ko, hindi pa ako kailanman nakapaglakbay mula sa isang malamig na kagubatan tungo sa mainit na subtropikong lugar sa gayong kaikling panahon at distansiya.”
Ang matataas na talampas ng mga canyon ay nababalutan ng 15 uri ng punong pino at 25 uri ng mga punong oak. Mayroon ding mga punong poplar at juniper sa Copper Canyon. Sa panahon ng tag-init, namumutiktik ang iba’t ibang uri ng bulaklak sa buong tagaytay, na ang ilan sa mga ito ay kinakain o ginagamit bilang likas na gamot ng mga naninirahan sa lugar na iyon, na kilala bilang mga Tarahumara. Sa altitud na mahigit na 1,800 metro mula sa kapantayan ng dagat, ang klima sa tagaytay ng mga bundok ay nag-iiba-iba mula sa katamtamang klima hanggang sa malamig na klima sa kalakhang bahagi ng taon. May uláng tikatik at manaka-nakang pag-ulan ng niyebe kung panahon ng taglamig.
Habang bumababa ang mga bisita, mapapansin nila na mayroon nang iba’t ibang uri ng puno at mga cactus. Sa mas ibaba pa, madarama ang subtropikong klima na may kasiya-siyang mga taglamig na ang katamtamang temperatura ay 17 digri Celsius. Sa kabaligtaran, maalinsangan naman ang mga tag-init sa lugar na ito, yamang ang temperatura ay nagbabagu-bago sa pagitan ng 35 at 45 digri Celsius, na may malalakas na pag-ulan na pumupunô sa mga ilog hanggang sa umapaw ang mga ito.
Ang kagandahan ng lugar ay
lalong pinatingkad ng dalawang maringal na talon. Ang Piedra Volada, isa sa pinakamataas na talon sa daigdig, ay bumabagsak mula sa taas na 453 metro, at ang Basaseachic ay bumabagsak mula sa taas na 246 metro.Isang Kanlungan ng Buhay-Iláng
Ang Copper Canyon ay tirahan ng napakaraming iba’t ibang uri ng buhay-iláng. Sinasabi na 30 porsiyento ng mga mamal na nakarehistro sa Mexico ay naninirahan sa lugar na ito. Kasama rito ang itim na oso, puma, otter, sprocket deer, ang lobo sa Mexico, baboy-ramo, bobcat, raccoon, badger, at ang guhit-guhitang skunk, gayundin ang mga paniki, ardilya, at kuneho.
Mga 400 uri ng ibon ang naninirahan sa Copper Canyon, kasama rito ang golden eagle at ang peregrine falcon. Ang mga canyon ay matatagpuan sa isang estratehikong lugar sa pagitan ng Hilaga at Sentral Amerika, kaya ang nandarayuhang mga ibon ay nagpapalipas dito ng taglamig. Ang iba naman ay humihinto lamang upang magpahinga bago magpatuloy sa kanilang paglalakbay.
Ang Copper Canyon ay tiyak na nagdudulot ng kapurihan sa Maylalang ng lahat ng likas na mga kababalaghan, ang Diyos na Jehova. Gaya ng minsang sinabi ni Haring David, “sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kamahalan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo.”—1 Cronica 29:11.
[Talababa]
^ par. 4 Umaabot ang lalim ng Urique Canyon sa 1,879 metro; ang Sinforosa Canyon, 1,830 metro; at ang Batopilas Canyon, 1,800 metro. Ang Grand Canyon ay halos 1,615 metro ang lalim.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Isang Tanawin Mula sa Tren
Ang Chihuahua-Pacific Railway ay may habang 941 kilometro mula sa Ojinaga na nasa hangganan ng Estados Unidos at Mexico hanggang sa daungan ng Topolobampo na nasa Pacific Ocean—anupat ito’y bumabagtas sa Copper Canyon. Dahil sa mga katangian ng topograpiya nito, ang riles na ito ay itinuturing na isang matagumpay na gawa ng inhinyeriya. Sa paglalakbay nito, binabagtas ng tren ang mga 37 pangunahing mga tulay, ang pinakamahaba ay umaabot sa 500 metro na tumatawid sa Ilog Fuerte. Ang pinakamataas na tulay ay may taas na 90 metro mula sa ibabaw ng Ilog Chínipas.
Ang tren ay nagdaraan din sa 99 na mga tunel. Ang pinakamahaba ay tinatawag na El Descanso at ito’y may sukat na 1,810 metro. Sa panahong ito ng paglalakbay, masisiyahan ang mga turista sa kahanga-hangang tanawin ng Copper Canyon.
[Mga mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA
MEXICO
CHIHUAHUA
Ojinaga
Chihuahua
LUGAR NG COPPER CANYON
La Junta
Creel
Divisadero
Topolobampo
[Larawan sa pahina 15]
Basaseachic Falls
[Credit Line]
© Tom Till
[Larawan sa pahina 16, 17]
Tanawin sa Divisadero
[Credit Line]
© Tom Till
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga Tarahumara ay naninirahan sa buong palibot ng canyon
[Credit Line]
George Hunter/H. Armstrong Roberts
[Larawan sa pahina 17]
Lawa ng Arareco
[Picture Credit Line sa pahina 15]
George Hunter/H. Armstrong Roberts