Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Madulang Pagsagip

Isang Madulang Pagsagip

Isang Madulang Pagsagip

Ng kabalitaan ng Gumising! sa BENIN

“NABUHAY lamang ang tatlong lalaking iyon dahil iniligtas sila ng mga Saksi ni Jehova!” Iyan ang balitang napakabilis kumalat sa buong lunsod ng Calavi, sa bansang Benin sa Kanlurang Aprika, noong Miyerkules, Abril 19, 2000. Sino ang tatlong lalaking ito, at paano nasangkot ang mga Saksi ni Jehova sa pagsagip sa kanila?

Mga 6:30 n.u., naghahanda sina Philippe Elegbe at Roger Kounougbe para magtrabaho sa lugar na pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova na matatagpuan sa tabi ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Benin. Sa gabing iyon magtitipon ang daan-daan para sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. * Walang anu-ano, isang napakalakas na pagbangga ang bumasag sa katahimikan ng umaga. Kaagad na natanto nina Philippe at Roger na may aksidenteng nangyari sa haywey.

Pagkalipas ng ilang sandali ay narinig nilang sumigaw ang isang lalaki: “Ang aking tatlong aprentis ay natabunan ng mga sako ng semento!” Tumakbo si Philippe at Roger patungo sa haywey. Doon ay nakita nila ang isang 20-toneladang trak na tumagilid. Saku-sakong semento ang gumuho mula sa trak.

Si Josué Didolanvi, isa ring manggagawa sa lugar na pinagtitipunan, ay naroroon na sa lugar na pinangyarihan, anupat nahila niya palabas ang isang lalaki mula sa pagitan ng kaha ng trak sa unahan at ng mga sako ng semento. Ang drayber, na nagawang makalabas sa kaha ng trak sa unahan, ay takot na takot. Gayunman, naglakas-loob siyang sumigaw: “May dalawa pang tao sa ilalim ng mga sako ng semento!” Sinimulang alisin ng ilang nag-uusisa ang mga sako, ngunit di-nagtagal ay sumuko na sila dahil sa matinding init. Ang mga semento ay kahahango lamang mula sa mga hurno ng manggagawa nito!

Pagsagip

Nagsimulang magpagal sina Philippe, Roger, at Josué sa gabundok na mga sako ng semento, anupat isa-isang inaalis ang mga ito. Nanakit ang kanilang mga kamay dahil sa init at bigat ng tig-50 kilong mga sako. Ang masaklap pa nito, sumisingaw ang semento mula sa punit na mga sako, anupat nagpaltos ang kanilang mga daliri at nahirapan silang huminga. “Napakainit ng mga kamay ko, lalo na ang aking mga daliri,” ang sinabi ni Josué noong dakong huli. “Pero patuloy kong iniisip na baka may pagkakataon pa para mailigtas kung sinuman ang nasa ilalim.”

Pagkatapos maalis ang halos 40 sako, nakakita ang tatlo ng isang banig na dayami. Laking gulat nila, nasumpungan nila ang dalawang lalaki doon​—sa ilalim mismo ng banig. Buhay sila! Nang maganap ang aksidente, ang mga lalaking ito ay natutulog sa banig na pantakip sa mga sako ng semento sa likod ng trak. Nang mahulog sila sa trak, natalukbungan sila ng banig, anupat naipagsanggalang sila mula sa nakasusunog na init ng mga sako ng semento na tumabon sa kanila.

Sa panahon ng pagsagip at pagkatapos nito, marami-raming pulutong ng mga nag-uusisa ang nagkatipon. Namangha ang lahat na nagawang alisin nina Philippe, Roger, at Josué ang dalawang tonelada ng gabundok na sako ng semento nang gayon kabilis at sa ilalim ng gayong gipit na mga kalagayan. Humanga rin sila na nagawa ng tatlong lalaking ito ang gayong bagay upang tulungan ang mga tao na hindi man lamang nila kilala. Di-nagtagal at lahat ng taga-Calavi ay waring nakaaalam na sa kanilang magiting na mga pagsisikap.

[Talababa]

^ par. 4 Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang banal na paggunitang ito bawat taon.​—Lucas 22:19.

[Larawan sa pahina 31]

Si Roger na may hawak ng banig na dayami pagkatapos ng pagsagip