Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Bang Maimpluwensiyahan ng Zodiac ang Iyong Buhay?

Dapat Bang Maimpluwensiyahan ng Zodiac ang Iyong Buhay?

“MARAMING KABATAAN AT ADULTO ANG NAGHAHANAP NG MGA TANDA NG KANILANG TADHANA SA MGA BITUIN.”​—POPE JOHN PAUL II.

AYON sa isang surbey, 1 sa bawat 4 na Amerikano ang sumasangguni sa astrolohiya kapag gumagawa ng mga pasiya. Maliwanag na ang pagsangguni sa mga simbolo ng astrolohiya ay hindi lamang nagaganap sa bahaging iyon ng daigdig. Halos sa buong daigdig, sinasanggunian ang zodiac para sa payo hinggil sa pananalapi, mga plano sa paglalakbay, mga pagbabago ng karera, petsa ng kasal, at mga planong pangmilitar. Ipinapalagay na ang simbolong zodiac ng isang indibiduwal ay maaaring makapagsabi kung sinu-sino ang maaari niyang mapangasawa at maaari pa ngang makapagsiwalat kung sinong mga kapareha ang hindi niya magiging katuwang. Mula sa Silangan hanggang sa Kanluran, nabihag ng astrolohiya ang pansin ng milyun-milyon. Ngunit saan ba nagmula ang zodiac?

Makasaysayang Pinagmulan

Maaaring matalunton ang iba’t ibang uri ng zodiac sa mga kilalang kauna-unahang sibilisasyon. Binabanggit maging ng Bibliya ang “mga konstelasyon ng sodyako” (zodiac). (2 Hari 23:5) Maliwanag, sumasangguni sa zodiac noong sinaunang panahon ang mga Hindu at gayundin ang mga Tsino, ang mga Ehipsiyo, ang mga Griego, at ang iba pang mga lahi. Gayunman, ang kauna-unahang mga pagbanggit sa mga simbolo ng zodiac ay natagpuan sa sinaunang Babilonya.

Ginawa ng mga taga-Babilonya ang astrolohiya sa pagsisikap na makakuha ng impormasyon tungkol sa kinabukasan. Habang iniuulat ang mga pagkilos ng mga bituin, ginawa ang mga detalyadong tsart at talaan. Mula sa mga ito, inihula ang pamumuhay ng mga tao at mga pangyayari sa lupa. Sa maraming kaso, hindi ginagawa ang mga pulitikal o pangmilitar na pasiya hangga’t hindi muna tinatawag ang mga astrologo upang magbigay ng kanilang payo. Kaya, ang isang grupo ng uring-saserdote na nag-aangking may pantanging karunungan at kahima-himalang kapangyarihan ay nagkaroon ng malaking impluwensiya. Sa katunayan, lahat ng mga kilalang templo sa Babilonya ay nasasangkapan ng isang lugar na kung saan pinagmamasdan ang mga bituin.

Sa modernong panahon, ang mga simbolong zodiac ay patuloy na gumaganap ng isang mahalagang papel sa buhay ng maraming tao. Kahit yaong mga nag-aangking hindi naniniwala sa horoscope ay sumasangguni rito paminsan-minsan para lamang maglibang o mag-usisa. Totoo na nagkatotoo ang ilang hula ng mga astrologo. Pero nangangahulugan ba na ang pagsangguni sa mga bituin ay kapaki-pakinabang? Paano ba talaga minalas ng sinaunang mga lingkod ng Diyos ang interes sa astrolohiya?

Mga Nakatagong Panganib

Di-tulad ng mga taga-Babilonya, hindi nagsagawa ng astrolohiya ang mga tapat na Judio​—at may mabuting dahilan. Malinaw na binabalaan sila ng Diyos: “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” *​—Deuteronomio 18:10-12.

Nanindigan nang matatag ang mga lingkod ng Diyos laban sa astrolohiya. Halimbawa, inalisan ng tapat na Haring Josias ‘ng trabaho . . . niyaong mga gumagawa ng haing usok para kay Baal, sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako.’ Sinabi na ang pagkilos ni Josias ay “tama sa paningin ni Jehova,” at pinagpala siya ng Diyos dahil dito. (2 Hari 22:2; 23:5) Ngunit baka magtanong ang ilan, ‘Hindi ba’t nagkatotoo rin kahit ang ilang mga hula ng mga astrologo?’

Kapuna-puna, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mababasa natin ang isang babae na “nakapaglaan . . . sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang sa pagsasagawa ng sining ng panghuhula.” Maliwanag, ang ilang mga bagay na inihula ng babaing ito ay nagkatotoo, yamang nakinabang ang kaniyang mga panginoon sa kaniyang kapangyarihan. Ngunit ano ang nasa likod ng kakayahang ito ng babae na humula ng mga pangyayari sa hinaharap? Sinasabi ng Bibliya na siya ay nasa impluwensiya ng “isang espiritu, isang demonyo ng panghuhula.”​—Gawa 16:16.

Ipinakikita ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Sa pamamagitan ng pagmamaneobra ng mga pangyayari upang magkatotoo ang ilang mga hula, nabihag ni Satanas at ng mga demonyo ang pansin ng milyun-milyon.

Ang payak na katotohanan ay na ang astrolohiya ay isa sa “mga pakana ng Diyablo,” na kaniyang ginagamit upang makontrol at maimpluwensiyahan ang mga tao na magsilbi sa kaniyang layunin. Kung gayon, hindi kataka-taka na tinagubilinan ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘tumayong matatag’ laban sa mga tusong pakana ni Satanas​—kasama ang astrolohiya. (Efeso 6:11) Subalit ang ibig sabihin ba nito ay wala tayong anumang gabay hinggil sa hinaharap?

Ang Bibliya​—Isang Mapagkakatiwalaang Gabay

Milyun-milyon ang nakasumpong na ang Bibliya ay isang mapagkakatiwalaang gabay sa paggawa ng mga pasiya. Gaya ng sinabi ng salmistang si David, “ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7; 119:105) Hindi ito nangangahulugan na detalyadong sinasabi ng Bibliya ang dapat gawin ng isang indibiduwal sa bawat situwasyon. Subalit ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng mga simulain na makatutulong sa atin na sanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Ito naman ang magpapangyari sa atin na makilala ang tama at mali at makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya.​—Hebreo 5:14.

Kung gayon, may matibay na dahilan ang mga tunay na Kristiyano na hindi sumangguni sa mga horoscope, kahit na para lamang maglibang o mag-usisa. Sa halip, may katalinuhan nilang pinakikinggan ang mga babala sa Salita ng Diyos laban sa lahat ng impluwensiya ng demonyo, kalakip na ang mga tusong uri nito. Sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Bibliya na makaimpluwensiya sa iyong buhay sa halip na ang zodiac, maaari mong tamasahin ang mga pagpapala ng Diyos nang walang hanggan.​—Awit 37:29, 38.

[Talababa]

^ par. 10 Kasama sa panghuhula ang kabuuang saklaw ng pagtatamo ng kaalaman, lalung-lalo na may kinalaman sa mga pangyayari sa hinaharap, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng okultismo.

[Larawan sa pahina 26]

Silanganing zodiac

[Larawan sa pahina 26]

Kanluraning zodiac