Paglaban sa “Halik” ni Kamatayan
Paglaban sa “Halik” ni Kamatayan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
Sa katahimikan ng gabi, samantalang ikaw ay mahimbing na natutulog, papalapit nang papalapit ito. Hindi ka nito ginigising. Oo, hindi ka pa nga kumikilos habang tinatanggap mo ang nakapipinsala nitong “halik.”
ANG pumapasok na ito sa gabi nang walang pahintulot ay ang barber beetle (isang uri ng uwang)—tinatawag ding kissing bug—na nabubuhay sa Timog Amerika. Ang nagtatagal na “halik” ng insektong ito ay maaaring tumagal nang hanggang 15 minuto habang marahang sinisipsip ng insekto ang iyong dugo. Sa ganang sarili, ang “halik” ay hindi makapipinsala sa iyo. Subalit ang mga dumi na naiwan nito sa iyong balat ay maaaring nagtataglay ng isang napakaliit na organismo na tinatawag na Trypanosoma cruzi, o T. cruzi sa maikli. Kapag ang parasitong ito ay nakapasok sa iyong katawan sa pamamagitan ng mata, bibig, o isang bukas na sugat, maaari itong pagmulan ng American trypanosomiasis, na mas kilala bilang Chagas’ disease.
Sa malubhang yugto nito, ang kitang-kitang sintomas ng Chagas’ disease ay ang pamamaga ng isang mata. Maaaring sumunod ang pagkadama ng pagod, lagnat, kawalan ng gana, o diarrhea. Pagkatapos, pagkaraan ng isang buwan o dalawa—ang mga sintomas ay karaniwang naglalaho—kahit na hindi ginagamot. Subalit maaaring parating pa ang pinakamalalâ. Mga 10 hanggang 20 taon pagkatapos ng impeksiyon, ang biktima ay maaaring magkaroon ng mga diperensiya sa puso, pati na sa tibok ng puso o maaari pa ngang humantong sa hindi pagtibok ng puso. *
Tinatayang hanggang 18 milyon tao ang nahawahan ng Chagas’ disease, at mga 50,000 ang namamatay dahil dito sa bawat taon. Hindi lahat ng mga biktima ay tuwirang nakagat ng insekto. Halimbawa, ang ilan ay mga batang pasusuhin na nagkaroon ng sakit sa pamamagitan ng isang nahawahang ina. Maaari pa ngang ipasa ng isang babaing nagdadalang-tao ang sakit sa kaniyang hindi pa naisisilang na sanggol o mahawahan ang kaniyang sanggol sa panahon ng pagsilang. Kabilang sa iba pang paraan ng paglilipat ng sakit ang pagsasalin ng dugo at pagkain ng hilaw na pagkain na nahawahan ng T. cruzi. *
Ano ang ginagawa upang mapaglabanan ang Chagas’ disease? Ang mga pamatay-insekto ay naging mabisa sa pagsupil sa populasyon ng barber beetle. Subalit ang pag-iisprey ng pamatay-insekto sa bahay ay hindi kanais-nais, at ito’y dapat ulitin tuwing ikaanim na buwan. Ang Federal University ng Rio de Janeiro ay nakagawa ng isang mapagpipilian—isang pintura na naglalaman ng pamatay-insekto. Ang produkto ay sinubok sa 4,800 bahay. Ang resulta? Pagkaraan ng dalawang taon, 80 porsiyento sa mga ito ay wala pa ring insekto! Natuklasan din ng mga mananaliksik na ang mga dahon ng puno ng neem, o cinamomo ng Brazil, ay naglalaman ng hindi nakalalason at nabubulok na sangkap (Azadirachtin) na hindi lamang gumagamot sa mga nahawahang uwang kundi humahadlang din sa malulusog na mga uwang na maging mga tirahan ng parasito.
Tulong Para sa mga Nahawahan
May anumang pag-asa pa ba para sa milyun-milyong tao na nahawahan ng Chagas’ disease? Mayroon. Isang internasyonal na pangkat ng mga siyentipiko ang nagsisikap na tuklasin ang mga sekreto sa 10,000 gene ng T. cruzi. Ito ay maaaring
magpangyari na makagawa ng mga pagsubok na pagsusuri, mga bakuna, at mas matapang na mga gamot.Noong Hulyo 1997, ang mga siyentipiko ay nagpadala ng isang mahalagang protina ng T. cruzi sa kalawakan sakay ng sasakyang pangkalawakang Columbia upang mapag-aralan nila ang kayarian nito sa walang gaanong grabidad. Mahalagang hakbang ito sa paggawa ng mga gamot na tutugma sa kayarian ng T. cruzi. Ang paghahanap ng bagong mga gamot ay mahalaga, sapagkat minsang marating ng sakit ang huling mga yugto nito, walang paggamot sa kasalukuyan ang mabisa. *
Sa pagkilala sa mga kapakinabangan ng maagang paggamot, ang biyologong taga-Brazil na si Constança Britto ay nakagawa ng polymerase-chain-reaction test, na gumagawang posible sa pagsusuri sa loob ng dalawang araw. Gayunman, nakalulungkot na marami ang hindi man lamang nakaaalam na mayroon sila ng sakit na ito kapag ito ay nasa mga unang yugto.
Pag-iingat ang Susi
Sa konklusyon, anu-anong pag-iingat ang maaari mong gawin kung ikaw ay nasa isang rehiyon na pinaninirahan ng barber beetle?
◼ Kung ikaw ay matutulog sa isang bahay na yari sa putik o kugon, sikaping gumamit ng kulambo.
◼ Gumamit ng mga pamatay-insekto. Binabawasan nito ang panganib ng paglilipat.
◼ Kumpunihin ang mga bitak at biyak sa dingding, yamang ang mga ito ay maaaring maging pamugaran ng barber beetle.
◼ Panatilihing malinis ang inyong tahanan, pati na ang mga lugar sa likod ng mga larawan at muwebles.
◼ Ibilad paminsan-minsan ang mga kutson at mga kumot sa araw.
◼ Tandaan na ang mga hayop—maiilap at domestikado—ay maaaring maging mga tagapagdala.
◼ Kung pinaghihinalaan mong isang barber beetle ang isang insekto, ipadala ito sa pinakamalapit na sentrong pangkalusugan para sa pagsusuri.
[Mga talababa]
^ par. 5 Iba-iba ang mga sintomas, at ang ilan sa mga ito ay hindi lamang dahil sa Chagas’ disease. Kaya, ang mga ito ay inihaharap lamang bilang isang sumaryo at hindi nilalayon upang magsilbing isang saligan para sa pagsusuri. Hindi nararanasan ng maraming tao ang anumang sintomas malibang malala na ang sakit.
^ par. 6 Binabanggit ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention na sa ilang bansa ang suplay ng dugo ay hindi laging nasusuri para sa Chagas’ disease.
^ par. 10 Ginagamit ng mga doktor ang nifurtimox upang gamutin ang T. cruzi, subalit kadalasang ito’y may masamang mga epekto.
[Kahon sa pahina 13]
Ang Pagkatuklas sa Chagas’ Disease
Noong 1909, si Carlos Chagas, isang Brazilianong doktor, ay nagtatrabaho sa Estado ng Minas Gerais, Brazil, kung saan hinahadlangan ng malarya ang pagtatayo ng isang riles ng tren. Napansin niya ang maraming pasyente na may mga sintomas na hindi katulad ng mga sintomas ng anumang kilalang karamdaman. Napansin din niya na ang mga bahay sa rehiyon ay pinamumugaran ng mga insektong tinatawag na mga barber beetle, na sumisipsip ng dugo. Sa pagsusuri sa mga laman ng mga bituka ng mga insekto, natuklasan ni Chagas ang isang bagong protozoan. Tinawag niya itong Trypanosoma cruzi, sa karangalan ng kaniyang kaibigan, ang siyentipikong si Oswaldo Cruz. Ang bagong karamdaman ay angkop na ipinangalan kay Carlos Chagas dahil sa lawak ng ginawa niyang pananaliksik, na humantong sa pagkatuklas sa karamdamang ito.
[Larawan sa pahina 12, 13]
Ang mga tirahan sa lalawigan ay kadalasang pinamumugaran ng mga barber beetle
[Credit Line]
Mga larawan: PAHO/WHO/P. ALMASY