Pag-abot sa mga Adhikain
Pag-abot sa mga Adhikain
INTERNASYONAL na kagandahang-loob, kapatiran at kapayapaan—sinong hindi magbibigay-papuri sa gayong mararangal na adhikain? Ang bumuhay-muli ng Olympics, si Baron Pierre de Coubertin, ay naniniwala na mapagtatagumpayan ng palaro ang pambansang mga pagtutunggalian sa pamamagitan ng pagtataguyod ng malaking paggalang para sa mga kalahok anuman ang lahi, relihiyon, o kasarian. Nadama niya na “ang isang mas mahusay na daigdig ay mapangyayari lamang ng mas mahuhusay na indibiduwal.” Ngunit talaga nga bang makapagdudulot ng pandaigdig ng kapayapaan ang isport? Sa paghatol mula sa kanilang nakalipas na rekord, kailangang sagutin natin ito ng hindi.
Bagaman ang isport ay may angkop na dako, ang edukasyon mula sa Bibliya ang susi sa pagtataguyod ng tunay na kapayapaan. Tunay, ang mga simulain sa Bibliya ay makapagdudulot ng “mas mahuhusay na indibiduwal,” gaya ng pagkakasabi ni
Coubertin. Isaalang-alang ang ilang kasulatan na nagtataguyod ng kapayapaan sa gitna ng mga indibiduwal na nagkakapit sa mga ito, anuman ang kanilang nasyonalidad.“Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
“Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat.”—Galacia 6:10.
“Na hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.
“Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”—1 Timoteo 4:8.
Talaga bang epektibo ang mga adhikaing nasa mga kasulatang ito? Isaalang-alang ang naganap sa Munich, Alemanya. Noong 1974, dalawang taon lamang matapos na ang Olympic Games na ginanap sa lunsod na iyon ay mabahiran ng terorismo at pagpatay, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos ng internasyonal na kombensiyon sa Olympic Stadium. Dumalo, kasama ng iba pa, ang mga grupo mula sa Gresya at Turkey—mga bansang naglalaban noon sa isa’t isa. Sa katunayan, noong tag-araw na iyon mismo, ang mga sundalong Griego at Turko ay nasangkot sa pag-aagawan sa pulo ng Cyprus. Maaapektuhan kaya nito ang mga Kristiyano na dumadalo sa kombensiyong ito? Hindi! Tunay ngang nakaaantig sa mga tagapagmasid na makita ang mga Griego at mga Turko na nagyayakapan at nagtatawagan ng “brother” at “sister” sa isa’t isa!
Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa pagtatamo ng mapapayapang ugnayan na pinagtatagumpayan ang pambansa, pang-etniko, at pantribong mga hadlang. Sabihin pa, hindi nila inaangkin na lubusan na nilang natamo ang adhikain ng pandaigdig na kapayapaan at pagtutulungan. Tulad ng iba, kailangan nilang magpagal upang sundin ang payo ng Kristiyanong si apostol Pablo: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad.” (Colosas 3:9, 10) Sa kabila nito, matibay ang kanilang paniniwala na ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay makatutulong sa mga tao na ‘hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito.’—1 Pedro 3:11.
Nakalulungkot, pinalitaw ng Olympics—sa kabila ng matatayog na mga adhikain ng mga ito— ang pinakamasasamang katangian sa marami. Sa kabaligtaran, ang makapangyarihang Salita ng Diyos ay naglalabas ng pinakamabubuting katangian sa mga tao, anupat nagtataguyod ng internasyonal na kabutihang-loob at kapayapaan.
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang Olympics ay nagtataguyod ng kompetisyon
[Credit Line]
Aus dem Fundus der MÜNCHNER OLYMPIAPARK GMBH, München
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang Bibliya ay nagtataguyod ng kapayapaan