Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ikadalawampung Siglo Ang Disyembre 8, 1999, na isyu ay napakaganda! Lubos akong nakinabang mula rito, lalo na sa seryeng “Ang Ika-20 Siglo—Mga Taon ng Malaking Pagbabago.” Ito’y lubhang nakapagtuturo at maikli, ngunit malaman. Ginising nito sa akin ang pagnanais na maging higit na palaisip sa espirituwal sa mga huling araw na ito.
M. V., Pilipinas
Pagkidnap Anong inam na mensahe ang napapaloob sa seryeng “Pagkidnap—Kung Bakit Isang Pangglobong Panganib”! (Disyembre 22, 1999) Ang artikulong ito ay dumating nang ang buong daigdig ay nanonood nang may pananabik sa mga pangyayari sa pag-hijack ng eroplano ng Indian Airlines noong Disyembre 24. Umaasa akong mababasa at maikakapit ng mga awtoridad ang ibinigay na mga mungkahi sa inyong artikulo hinggil sa pagpigil sa pagkidnap!
A. S., India
Biktima ng Koma Salamat sa karanasan ni Michiko Ogawa. (“Pinalakas ng Pag-asa Upang Mabata ang mga Pagsubok,” Disyembre 22, 1999) Naganap ang aksidente ng kaniyang asawang lalaki noong ako’y may gulang na limang araw. Ang isipin na siya’y walang malay sa halos buong buhay ko ay napakahirap! Tunay na taglay niya ang tulong ni Jehova sa pagpapalaki sa kaniyang dalawang batang anak na lalaki at sa pagbabata sa mahirap na kalagayang ito.
L. N., Estados Unidos
Lubos na naantig ng artikulo ang aking puso. Namumuhay ako nang mag-isa at nalaman ko kamakailan na may kanser ako. Pagkatapos basahin ang artikulong ito, nais kong yapusin si Michiko at pasalamatan siya dahil sa pagiging matapat kay Jehova sa kabila ng mga pagsubok. Sa kaso ko, noong una ay gusto kong magkaroon ng isang milagro. Ngunit ngayon, gaya ni Michiko, nais ko na lamang maganap ang kalooban ni Jehova.
M. S., Estados Unidos
Paggamot Nang Walang Dugo Ang seryeng “Paggamot at Pag-opera Nang Wala Dugo—Dumarami ang Humihiling Nito” (Enero 8, 2000) ay produkto ng makabagong pananaliksik. Pumapasok ako sa paaralan ng narsing at ibinigay ko ang magasin sa isang kasamahan at sa isa sa aking mga guro. May mga pagkakataon noon na ang mga indibiduwal na ito ay nagpakita ng pagtatangi laban sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit sila’y natuwa na makatanggap ng mga artikulong ito kasama na ang iba pang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
R. P., Switzerland
Dalawa sa aking mga anak ay naaksidente sa kotse noong 1998. Nadurog ang binti ng aking anak na lalaki. Paulit-ulit niyang sinabi na ayaw niyang magpasalin ng dugo! Ngunit ang ospital ay hindi nasasangkapan para sa pag-oopera nang walang dugo. Inilipat siya sa isa pang ospital, ngunit ang mga kawani ng ospital ay ayaw mag-opera kung hindi aabot sa 35 ang kaniyang hematocrit. (Ito’y bumaba nang hanggang 8.1.) Nagkaroon sila ng laissez-faire na saloobin (pilosopiya ng sinasadyang hindi pakikialam sa kalayaang pumili ng isang tao), na para bang hinihintay nila kung mamamatay siya. Gayunman, habang ikinakapit nila ang mga pamamaraang hindi ginagamitan ng dugo—itinaas ang kaniyang mga paa, paggamit ng erythropoietin, at iba pa—ang kaniyang hematocrit ay tumaas sa 35.8! Matagumpay ang operasyon, ngunit ang pagkaantala sa paggamot ay nagdulot sa kaniya ng labis na permanenteng pinsala. Umaasa ako na bawat doktor, siruhano, at anesthesiologist ay hilingang basahin ang mga artikulong ito.
L. L., Estados Unidos
Nakaaaliw malaman na maraming doktor ang handang makipagtulungan sa mga Saksi ni Jehova. Dadalhin ko agad sa aking doktor ang magasing ito. Alam kong pahahalagahan niya ito.
U. M., Estados Unidos
Dumating ang artikulo nang panahong magpapaopera na ako. Nang bumaba ang blood count ko dahil sa labis na pagdurugo, ginamit ko ang magasing ito upang ipaliwanag sa mga kawani ng ospital at mga kapamilya kung bakit hindi ako magpapasalin ng dugo. Salamat kay Jehova, gumaling ako nang lubusan.
C. B., Estados Unidos